Pumalo na ang mga kamay ng orasan sa ikalabing-isa ng gabi. Marahang binuksan ni Dency ang ang pintuan ng bahay sa pag-aalalang magising ang ina. Ibinaba niya ang kanyang gamit sa kamagong na mesa at nahiga sandali sa sofa. Nanunuot sa kanyang ugat ang matinding pagod sa trabaho. Inalis niya ang kanyang sapatos gamit ang mga paa. Bumigat ang talukap ng kanyang mata na wari'y may nakabitin na bato.
Naramdaman niya ang mga yabag na papalapit sa kanya. Gising pa ang kanyang ina. Hinintay ang kanyang pag-uwi. Iniangat niya ng bahagya ang kanyang ulo. Nakangiti sa kanya ang ina. Tumayo agad si Dency at niyakap ang magulang.
"Ginabi ka yata?" pag-aalala ng ina. Hinalikan niya sa pisngi ang anak. "Ihahanda ko na ang mesa para makakain na tayo."
Napabuntong hininga si Dency. "Daming nangyari sa hospital Ma, kaya ginabi ako ng uwi. Weird nga e."
"Kumain ka na muna bago ang kwento." Hinawakan niya anak sa balikat at inalalayan papunta sa kusina. "Para makapagpahinga ka din. Alam ko pagod ka."
Amin na buwan ng nagtatrabaho bilang nurse si Dency sa isang sikat na hospital. Dahil may kalakihan ang hospital madalas lampas sa walong oras ang iginugugol niya sa trabaho.
"Ma, di ba sabi ko huwag nyo na akong hintayin? Mapupuyat kayo n'yan."
"Hayaan mo na ako anak. Gusto ko ang ginagawa ko at isa pa mas masarap kumain kapag may kasabay." Nagbigay ng matamis na ngiti ang ina sa kaharap.
Nag-iisang anak si Dency kaya siya ang sentro ng buhay ng ina. Masaya ang ina noong nakatapos siya at todo ang suporta nito sa kasalukuyan niyang trabaho. Kasalukuyang nasa ibang bansa naman ang kanyang ama.
"Ma, basta kapag inaantok na kayo huwag n'yo na po ako hintayin," bilin ni Dency sa ina.
"Ano nga bang weird na sinasabi mo sa ospital at ginabi ka?" nahihiwagahang tanong ng ina at pag-iiba na din sa usapan.
Kumuha ng prutas si Dency bago nagsalita. "Kasi Ma, dalawa sa hawak kong pasyente ang bigla na lang nabaliw."
"Nabaliw?" pagtataka ng ina. "Baka may history na sila," dagdag pa nito.
"Wala po e. Ang matindi pa po, limang na beses nangyari sa loob lang ng isang Linggo." Napailing si Dency. "Nagreklamo tuloy ang mga kaanak dahil maayos naman ang lagay nila."
"Pasyente mo lahat? Weird nga."
"No Ma. Sa ibang nurse ang tatlo."
"Baka naman di nakayanan ng pasyente. May pagkakataon di ba na kailangan din ng emotional strength para gumaling," paliwanag ng ina kay Dency. "Tama ba ang dosage ng gamot nyo?"
"Tama naman po."
"Weird nga yan."
"Ito Ma ang matindi kaya nagrereklamo kanina ang mga kaanak, iisa ang sinasabi ng mga pasyente."
"Anong ibig mo sabihin?"
"Lahat ng nabaliw sinabing nanaginip sila ng isang kakaibang nilalang." Tumindig ang balahibi ng ina ni Dency. "Nagmamakaawa ngang lubayan sila. Sisigaw tapos biglang tatahimik. Tapos may dalawang parang kagat sila sa leeg."
"May dalawang kagat sa leeg?!"
"Opo Ma. Kaya nagkagulo sa ospital kasi parang may milagrong nangyayari."
"Mga Bravus," pabulong na wika ng ina.
"Ano Ma?"
"Wala anak. Wala."
"Anong Bravus Ma?"
Tumayo sa hapag kainan ang ina. Niligpit niya ang mga platong ginamit. "Mga kwentong nayon lang iyon anak. Ang mga Bravus ay kaanak ng bampira pero wala pang nakakakita sa kanila kundi ang kanilang mga biktima. May kakayahan kasi silang pumasok sa panaginip."
"Ngayon ko lang nadinig yan? Ano pang meron sila?"
"Gusto mong malaman?"
"Sounds interesting kahit kwentong nayon lang."
Nagpatuloy ang ina, "Sabi sa kwento, nabubuhay ang mga Bravus sa pagnanakaw ng emosyon ng tao. Mahina silang nilalang kaya ang mga may sakit o malapit ng pumanaw ang kanilang biktima. Tapos maaring mabaliw o mamatay ang kanilang biktima."
"Paano sila naging kakanak ng bampira?"
"Itutuloy ko pa ba o magtatanong ka na lang anak?"
"Sorry." Niyakap ni Dency ang ina. "Tuloy Ma. Kunyari bata ulit ako at bed time stories ngayon."
itutuloy.....
-----
credits to bryan rafael sa drawing