Skinpress Rss

Kinalikot




Dahil inabot ako ng black-out sa pagkalikot ng aking domain kagabi, buong araw na down ang tuyong tinta. Kaya random thoughts muna ulit ako dahil di nasave ang ginawa ko kagabi.

Galing akong BIR kanina dahil humingi sila ang appointment para kausapin ako. Medyo malakas ang hangin pero wala ng ulan kaya nagbyahe pa din ako kahit malayo ang san pablo, di ko man lang nabuksan ang bago kong payong na kasing presyo lang ng isang order jumbo lomi sa paborito kong karinderya. Habang nasa byahe, may mga nakita akong tumbang poste, putol na puno, tumagilid o nahulog sa kanal na sasakyan at kambing na bagong anak. Grabe pala ang dumaang bagyo, di ko man lang namalayan dahil mahimbing ang tulog ko.

Inayos ko muna ang dala kong jacket bago pumasok sa loob ng BIR. Inalis ko ang aking sombrero na nagsisilbing takip sa nauubos ko ng buhok. Binati ko ang guard pagkapasok ko kahit di ako napansin dahil busy siya sa kanyang psp. Hinanap ko agad ang nagset ng appointment. Absent. Hinanap ko din ang dapat kong kameeting. Absent din. Ayos! Babalik na lang ako sa ibang araw.

Noong nasa jeep na ako pabalik ng opisina, maraming pasahero ang nagagalit hindi dahil natapakan ko ang paa kundi dahil sa lampas sila palagi sa kanilang bababaan. Mahina kasi ang pandinig ng driver kahit may kalakihan ang kanyang tenga. Siguro, dapat isali na sa pagrerenew ng lisensya ng PUV driver ang hearing test para naman di ko na kailangang sigawan ang tenga ng driver with talsik pa ng laway sa nagmamantikang batok ng driver. Isali na din ang BP test at anger management para di high blood palagi ang mga driver sa mga nakakalimot magbayad.

Pwede din gawing mandatory ang "Hila You, Hinto Me" gadget sa mga jeep. Ang gadget ay gawa sa lubid na nakatali mula sa dulo hanggang sa may manebela ng jeep. Ito ay direktang nakakabit sa naririnding busina at isang ilaw na hawig sa mga ilaw ng beerhouse sa Baclaran. Kapag hinila ng pasahero ang lubid, lilikha ito ng tunog na kayang gisingin ang katabing naghihilik sa pagtulog at ilaw na magiging senyales sa paghinto ng driver. Bukod sa ipinakikita ang pagiging malikhaan makabubuti ito para hindi magagalitin ang mga pasahero. Baba sila ng nakangiti sa jeep kahit ang sasalubong sa kanila ay maniningil ng utang. Pwede din gawin sampayan ang "Hila You, Hinto Me" gadget sa tuwing coding ang jeep.



Yan, narestore ko na ang aking blog. Promise di ko na kakalikuting ang server. :D