Skinpress Rss

The Confession



"Anong final course grade mo sa major?" tanong sa akin ng bestfriend kong si Jerry.

"2.5. Hindi na masama, akala ko nga babagsak pa ako." Nakahinga ako maluwag matapos namin kunin ang class card sa aming major subject. "Salamat sa tulong!"

"Tulong? Hindi naman ako ang tumulong sa'yo."

"Ikaw kasi ang nakaisip ng group study."

"Sus! Do'n ka magpasalamat!" Ibaling ko ang aking tingin sa gawing kanan. Inginuso ni Jerry si Amerey sa may kanang bahagi ng north lounge. "Tara!"

Matalino si Amerey. Palagi siyang nangunguna sa klase at hindi din siya naging madamot ibahagi ang alam niya. Idea ng bestfriend ko ang group study tuwing activity period. Nagpapatulong kami kay Amerey sa mga bagay na hindi namin maintindihan. Nagtataka nga ako dahil mas naiintindihan ko pa ang paliwanag ni Amerey kaysa sa mismong prof na may ipinagmamalaking masters at doctorate.


"Hi!" bati sa amin ni Amerey habang sinusuklay niya ang kanyang buhok gamit ang kanyang mga daliri. "Makakagraduate na ba?"

Likas na mabiro si Amerey. Kapag nagrereview kami siya pa ang pasimuno ng tawanan lalo na kapag nagkokomparahan kami ng sagot ni Jerry. Katwiran niya, review na nga lang daw nagkokopyahan pa kami.

"O-oo," nahihiyang sagot ko pa. Halos buong taon kaming tinuruan ni Amerey kaya abot-abot palagi ang pasalamat ko. Minsan sa bahay pa nila kami nagrereview kapag kinukulang sa oras. "Saka na kita ililibre ha."

"Oh ako muna ang taya ngayon!" Tiningnan ni Jerry ang kanyang wallet. "May one hundred pa 'ko dito."

Natawa si Amerey. "Akala ko bigatin ka na ah. Pawallet wallet pa." Nagtawanan kaming tatlo. "Sige pwede na 'yan!"

Matindi ang paghanga ko kay Amerey. Hindi dahil sa matalino siya kundi sa taglay na kagandahang loob. Nahulog ang loob ko sa kanya pero hindi ko naipagtapat dahil nahihiya ako. Masyadong malayo ang agwat namin. Kapag may ipagmamalaki na ako saka ko sasabihin ang lahat. Kapag kaya ko ng tapatan kahit kalahati ng kanyang achievement. Ilang araw na lang graduation na. Kapag may trabaho na ako sasabihin kong mahal ko siya. Maililibre ko na siya kapag sumasakay kami ng tricycle.


Sabay kaming nagkatrabaho ni Jerry. Dalawang buwan kaming tambay dahil itinuring namin iyong pahinga. Holiday period sa pamamaalam bilang estudyante at preparasyon para sa pagpasok sa isang kompanya. Sa isang kompanya lang kami nag-apply. Sa HR siya na-assign ako naman ay sa Software Analysis.

Naramdaman ko ang dahan-dahan kong pag-angat sa kompanya. Dito ko napatunayan ang kakayahan ko na hindi ko man lang naipakita noon sa paaralan. Hindi din naman nagpahuli ang bestfriend ko. Umangat din siya sa department na kinabibilangan niya.

"Kumusta ang mga bigatin?" kantiyaw sa amin ni Amerey. "Tanda ko, may nangako na maglilibre, di pa tinutupad." Binigyan nya ako ng pilyong ngiti.

Napakamot ako sa aking noo. "Oo na. Oo na. Ako na ang taya."

Regional Manager na si Amerey pero hindi ko siya kinakitaan ng pagbabago. Nanatiling nasa lupa ang kanyang mga paa. Kung hindi pa namin naitanong sa mga katrabaho niya di namin malalaman na sya ang boss nila. Handa na akong ipagtapat sa kanya ang nararamdaman ko pero may alinlangan ako.

"Sigurado ka ba?" usisa sa akin ni Jerry. "Three years iyon."

"Sayang ang chance. Fit naman ako sa qualification bilang Project Manager."

"Sige. Goodluck. Irerecommend kita na ikaw na lang ang ipadala sa Singapore."

"Hindi na ba namin mapipigilan ang pagyaman mo?" singit ni Amerey. "Padalhan mo ako ng snow."

"Wala namang snow do'n! Lasing ka na Amerey!"

"Wala ba?" pakunyaring di niya alam. "Pasensya na! Quiapo na ang pinakamalayo kong narating." Mataginting ang halakhak ni Amerey.

Palagi kaming nag-uusap ni Jerry sa pamamagitan ng emails at telepono. Ikunukwento ko sa kanya ang mga nangyayari sa akin sa Singapore at ganoon din naman siya.

"Ikakasal na kami. Ikaw kelan?"

"Pagbalik ko ng Pinas. Sino naman ang nabitag mo?"

"Napana ni kupido tol. Hindi bitag. Si Amerey." Napipi ako. "Hello?"

"Nakakagulat ah. Congrats tol."

"Siya iyong tinutukoy ko sa'yo sa email kapag humihingi ako ng tips sa'yo."


Parang sumakay lang ako ng space shuttle sa bilis ng takbo ng panahon. Mabilis lang pala ang tatlong taon kapag tutok sa trabaho. Prenteng prente akong nahiga sa kama pagkadating ng bahay. Nag-inat muna ako at niyakap ng mahigpit ang aking unan. Tiningnan ko ang oras, ilang minuto pa bago mag-alas siete ng gabi. Ipinatong ko ang isang unan sa aking mukha bago ako pumikit. Nakakaramdam na ako ng antok ng biglang tumunog ang telepono. Nagtataka ako dahil wala namang nakakaalam ng aking pag-uwi.

"Hello?!"

"Dalaw ka dito sa bahay naghanda ako para sa pag-uwi mo. Akala mo hindi ko alam na darating ka ha." Madaming sinabi si Jerry. Pero isa ang tumatak sa aking isip. "Hihintayin ka namin ni Amerey."

Mabigat ang aking katawan dahil naikondisyon ko na ang aking sarili sa pagtulog. Tinatamad akong kumilos. Parang may kadena ang aking mga paa pero nakapaghanda na ang bestfriend ko kaya hindi na ako nakatutol. Hinihintay nila ako. Kumilos ako. Nagbihis at mabilis na umalis para makauwi din agad.

Nakatanaw na agad sina Jerry at Amerey sa aking pagdating. Nakayakap ang isang batang babae sa hita ni Amerey habang nakatago sa bandang likuran. Maharil iyon ang kanilang anak. Lumapit sila sa akin. Inakbayan ako ni Jerry at hawak naman ni Amerey ang isa kong kamay habang papasok ng bahay.

"Bakit hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka?" tanong ni Jerry. "Akala mo hindi ko malalaman ha."

"Balak ko sana kayo sorpresahin. Gugulatin ko sana kayo sa opisina bukas!"

Pagkatapos ng kainan, inilabas ni Amerey ang alak. Tulad ng dati, mabiro pa din si Amerey. May kirot akong nararamdaman sa tuwing magtatama ang aming paningin. Parang gustong sumabog ng aking dibdib.

"Oh kailan ka ikakasal?" siniko ako ni Jerry.

"Anong kailan?" nalilitong tanong ko.

"Akala ko kapag bumalik ka ng pinas e, mag-aaasawa ka na?"

"Oh dahan dahan lang ng inom may dadalawin ka pa pala e," singit ni Amerey.

"Teka bakit nyo ba ako minamadali?" natatawang sabi ko.

Nagbulungan ang mag-asawa tapos saka nagtawanan. "oh? Sige ikaw na ang magasabi sa kanya." wika ni Amerey.

"Alam mo tol, may confession sa akin si Amerey noong umalis ka. Type ka pala niya noong college pa lang tayo!"

Naumid ako. Isinalin ko ang alak sa baso at lumagok ng ilang beses. "Talaga? Sana sinabi mo agad! Malay mo sinagot kita."

Nagtawanan kaming lahat. "Torpe ako e kaya hesitant akong magtapat sa'yo."

"Kung nagkataon pala ako ang binata ngayon!" biro ni Jerry.

Binuksan ko ang isa pang bote ng alak. Gusto kong lunurin ang aking sarili para maalis ang sakit at panghihinayang.

-end-
------
pafollow sa fb : http://facebook.com/tuyongtinta