Nasundan pa ang pagkikita namin Sofia. Lihim ang bawat pagkikita kaya kahit ang aso naming si gibo bawal sumunod. Bawat araw ginagawa kong espesyal para matupad ang pangarap kong maging kami. At kapag nangyari yun, ako na ang pinakamasaya sa lahat ng wirdo. Imagine, bukod sa busog ang mata, busog pa sa pagmamahal at busog din ang tyan.
Pero may problema pa din, mas matindi pa sa problemang kinaharap ng Comelec sa PCOS machine. Kailangang maghiwalay muna kami ni Jane. Hanggang ngayon, wala pa din akong lakas ng loob para ihinto na ang kasunduan namin ni Jane dahil mawawalan na ako ng dahilan kina ermat para lumabas ng bahay. Malaki din kasi ang naitulong sa akin ni Jane para makakilos ako ng hindi nalalaman ng magulang ko. That brat?! Hindi ko alam kung sakit ng ulo o nakakatulong.
Paalis na sana ako ng bahay nang harangin ako ni ermat sa pintuan. Hindi naman bago ang T-shirt nya para magpapansin pa sa akin. Wala namang pinagbago sa itsura maliban sa bagong bunot na buhok sa kili-kili.
"You're gorgeous Mom," pambobola ko habang pinipisil ang bagong sibol na pimple sa aking baba.
"I know. Anak kita e kaya naniniwala ako sayo." Sumakay naman sa biro ang nanay kong suki ng gym pero di naman nabawasan bigat. "Saan ka pupunta Zoilo?"
"Mommy naman, tinatanong pa ba? Siyempre kay Jane." May usapan kami ni Sofia ngayon. Excited nga ako kasi may sasabihin daw siya sa akin. Dapat daw sa personal kaya nagmamadali agad akong kumilos. Siguro papayag na siya sa suggestion kong maging kami dahil igigive-up ko na si Jane.
"Miss ko na ang batang iyon. Hindi kasi siya pumunta ulit dito."
"Hayaan nyo Mommy, sasabihin kong dumalaw siya dito bukas."
"Huwag na anak. Papunta na siya dito. Kaya nga hindi kita pinalabas kasi tinawagan ko na siya." Hindi ko alam ang dapat na reaksyon sa nadinig ko. Paano ko sasabihin kay Sofia na hindi ako makakarating? Anong idadahilan ko? Ang gulo. Bakit pumayag si Jane sa gusto ni Mommy? Bakit hindi man lang ako kinukonsulta? At bakit tanong ako ng tanong wala naman sasagot?
"Talaga po? Susunduin ko na po siya sa labasan." Uunahan ko na si Jane. Haharangan ko na siya sa daan para hindi na tumuloy sa bahay. Sasabihin ko na lang na magpanggap siyang masama ang pakiramdam. Ayokong sumira sa usapan namin ni Sofia.
"Hindi na kailangan. Ipinasundo ko na sya sa tatay mo." What?! Ano bang nagustuhan ng magulang ko sa brat na yon at laging excited silang makita siya? Sayang naman ang paliligo ko kung tutuusin bath holiday ko sa araw na ito.
Dumating si Jane. Piyesta ulit ang buong eskinita. Parang artista namam ang pakiramdam ni Daddy dahil maraming umaagaw sa kanyang atensyon, proud na proud siyang kasama si Jane. Lahat ng makasalubong kinakamayan, kinikindatan o nginingitian. Umiral ulit ang Jane invasion sa lugar namin. Palibhasa madudungis ang tao sa amin kahit bagong paligo kaya kapag may dumaang maputi siguradong pagtitinginan ng lahat. Pagkapasok pa lang ng pinto, sinalubong na agad siya ni Mommy at niyakap ng mahigpit. Halos lamunin si Jane ng mga taba ni Mommy.
Na-out place ako sa sariling pamamahay. Hindi man lang ako isinama sa usapan. Bonding moment daw kasi iyon nila mudra at pudra. Buti na lang naisipan munang magluto ni Mommy ng pananghalian kaya nagkaroon ako ng chance para kausapin ng masinsinan si Jane. Lumapit ako kay Jane at niyayang pumunta sa kubo sa may likod-bahay para magkausap kami ng maayos.
"Loi, I have good news!" Pinisil pisil ni Jane ang braso ko. "Listen, hindi na ako affected noong makita kong magkasama si Dexter and his whore."
Natawa naman ako. Hindi apektado pero whore ang tawag sa babae. "I'm glad you have moved on!"
"Salamat sa tulong Loi. Kung wala ka hindi ko agad magagawa ito."
"Dahil sa kiss ko?"
"Tarantado!" Hinampas niya ako ng hawak na bag.
"Maiba ako, bakit di mo sinabi na pupunta ka dito? May lakad kasi kami ni Sofia ngayon."
"Naku! Sorry!" Hinawakan niya ang kamay ko at kita ko sa mata nya ang sincerity. "Excited din kasi akong i-inform ka kaya gusto kitang i-surprise."
Nadala nga lang siguro ng excitement si Jane kaya hindi agad niya nasabi sa akin na dadalaw siya ng bahay. Sa kwento niya, nagkita muli sila ni Dexter sa isang common friend get together. Wala na daw kahit konting sakit sa tuwing makikita niya ang pagmumukha ni Dexter. Masaya ako para sa kanya. Sa wakas wala ng dahilan para magpanggap.
"Maganda yan. Wala ka naman mamapala kung magiging bitter ka pa e."
"Hindi ko nga alam kung paano ako nagmove-on e. Bigla na lang nawala."
"Sa kiss nga siguro. Matatamis kasi ang halik ko."
"Kasi inupakan mo ang mga matatamis na pagkain doon sa party." Namumula si Jane sa tuwing uungkatin ko ang halik kaya di ko inungkat pa ulit.
Katahimikan.
"Hanggang anong oras ka dito? Gusto ko sanang pumunta kay Sofia e."
"Hindi ba pwedeng dito muna ako? Wala akong gagawin sa bahay e."
"Hmmm. Hindi naman pwedeng iwan kita dito. Masesermonan ako dito."
"Ah ganun ba? Sige aalis na ako." Tumayo si Jane at naglakad papunta sa may pintuan papasok sa kusina. Kinuha niya ang atensyon ni Mommy. "Excuse po. Aalis na po ako."
"Ano?! Mamaya na. Nagluto ako ng pagkain natin. Mag-usap muna kayo ni Zoilo." Lumapit si Mommy sa may pintuan at sinigawan ako. "Hoy! Zoilo! Asikasuhin mo ang bisita!"
Patay! Ginamait na ni Jane ang kanyang sandata. Ang kanyang charm. Tinext ko na lang si Sofia na hindi ako makakarating dahil sasamahan ko si Mommy sa pamimili. Buti na lang pumayag siya na bukas na lang kami magkita. Nabura tuloy ang excitement ko.
"See? Dito daw muna ako." Binigyan ako ni Jane ng pinakasweet at peke niyang ngiti.
"Brat!"
"I'm not a brat! Hindi ko hiniling na magustahan nila ako."
"Sinasamantala mo naman!"
"Ipagpapalit mo na ba talaga ako sa Sofia na iyon?" panunukso niya. Inilabas pa niya ang kanyang balikat na parang nang-aakit saka bigyan ako ng mapanuksong kindat. Umikot-ikot sa loob ng kubo at dumikit sa akin. "Lover boy?"
"Itigil mo nga yan. Natatawa ako sa'yo!"
Tumawa ng tumawa si Jane matapos itigil ang pinaggagawa niya. "Sus! Nanlaki nga ang mata mo e!"
Napalunok ako ng laway.
itutuloy....