Skinpress Rss

HU U? (5)






chapters
1 |2|3|4|


Unti-unti, naalarma ako sa madalas na pagdalaw ni Jane sa bahay. Mismong ang mga magulang ko na ang nag-iimbita para dumalaw siya. Pakiramdam ko malapit na akong palayasin at aampunin na nila si Jane. Palagay ko nga pati aso namin ay nagseselos na kay Jane dahil nabawasan na ang atensyong ibinigay sa kanya ni Mommy. Napaparanoid na ako.

Masaya si Mommy sa tuwing dumadalaw si Jane. Hindi na siya inaatake ng scripted na hypertension. Puwede na din akong gumala kung kailan ko man gustuhin basta sasabihin kong si Jane ang kasama ko. Sa kabilang banda, may pagbabagong hatid sa akin si Jane. Tinanggal ko na ang glasses ko pati style ng buhok ko binago ko na din. In short, hindi na ako jologs tulad ng dati.


"Paload po," basag ng isang babae sa paglipad ng isip kong parang tangay ng mga gamo-gamo.

Hindi agad ako tumayo dahil pagod pa ako sa paglalagay ng presyo sa mga de lata. "Pakisulat na lang po ng number sa notebook d'yan."

"Loi, may girlfriend ka na daw?" patuloy ng babae.

Loi ang tawag niya sa akin? Mabilis akong kumilos papunta sa babae. Bukod kay Jane, si Sofia lang ang nakakaalam sa kunyari kong pangalan. Siya ang babaeng minsan kong nakatext at naging dahilan ng bawat ngiti ko dati. Akala ko hindi na siya magpaparamdam, hindi na kasi siya nagtext matapos namin magkita. Tama nga siguro ang iniisip ko na lumaki ang daliri niya kaya hindi nakapagtext at ngayon lang bumalik na sa dati.

Lumapit ako. Hindi ako nagkamali, si Sofia nga ang nagpapaload. Buwan na din ang binilang noong huli siyang nagpaload dito. "Magkano?"

"50 lang. Totoo ba na may girlfriend ka na?"

"Oo." Maikli ang naging sagot ko. Aaminin ko, masama ang loob ko dahil bigla siyang nawala matapos namin magkita. Pakiramdam ko tuloy, ako ang pinakapangit na nilalang sa mundo ng mga hindi tao.

"Bilis magpalit ah! Nakalimutan mo na agad ako."

"Ako yata ang dapat magsabi niyan? Hindi ka nagparamdam matapos natin magkita at hindi na din kita makontak." Dismayado ako sa lakas ng loob niyang magparatang.

"Nawala kasi ang phone ko e. Gusto sana kita itext kaso hindi ko tanda ang number mo. Sayang tayo Loi."

Hindi ko alam kung dapat akong maniwala sa kanya. Sapat ba ang alibi niya para mawalan kami ng contact? Kung tutuusin, pwede naman siyang dumalaw dito sa amin o kaya sumigaw siya sa tapat ng tindahan para ipaalam na nawala ang phone niya. Kung nahihiya naman siya pwede naman siyang magpagawa ng tarpulin.

"So, anong pinanghihinayangan mo?"

"Akala ko kasi pwede pa maging tayo kaya sumadya ako dito. Kaso may girlfriend ka na."

Lumambot ang puso ko. Alam ko sa sarili ko, matindi pa din ang pagmamahal ko sa kanya kahit nasaktan ako sa nangyari. Pero paano ko sasabihin sa kanya na isang palabas lang ang namamagitan sa amin ni Jane? Magiging komplikado ang lahat kapag nalaman ni Mommy na makikipagsabwatan ko. Pero paano na ang sarili kong kaligayahan?

"I-text na lang kita mamaya, magulo pa ang isip ko sa ngayon. Pero aaminin ko, mahal pa din kita."

"Sige. Hihintayin ko ang text mo mamaya. Tandaan mo Loi, hindi ka nawala sa puso ko."

Gumulo ang napakasimple kong buhay dati, mas magulo pa sa mapa ng dota. Sa isip ko, dapat ko pa bang ituloy ang plano ni Jane at aminin kay Mommy na kalokohan lang ang lahat o maniwala ako sa mga sinasabi ni Sofia at magsimula ulit kami.

"Mukhang malalim ang iniisip mo ah?" si Jane.

"Stress lang siguro."

"Tara sa Intramuros! Akyat tayo dun sa bato para mabawasan ang stress mo." yaya ni Jane.

"Ano namang gagawin natin dun? "

"Magpapahangin. Tsaka may sasabihin ako sayo na hindi pwedeng i-discuss dito."

"Tinatamad ako."

"Ganun?" Umalis si Jane sa harap ko na gusot ang mukha.

"Zoilo?!" sigaw ni Mommy. "Ayaw mo daw samahan si Jane? Hindi ka ba nahihiya na ikaw na ang dinalaw dito tapos di mo pagbibigyan ang bisita mo?" Parang binasahan ako ng dalawang issue ng Manila Bulletin sa dami ng sinabi ni mommy. Pati pagpapadede niya ng branded na gatas sa akin para maging mabait ako, inungkat niya. Isa lang ang napatunayan ko, gustong gusto nila si Jane kaya magiging mahirap kung ipagtatapat ko ang lahat.

"Opo. Sasamahan ko na po." Abot tenga ang ngiti ng dalawa matapos akong mauto.


Umalis kami ng bahay na lumilipad pa din ang isip ko. Ilang beses na yatang pinitik ni Jane ang tenga ko bago ko naramdaman. Muntik pa yatang kagatin. Kulang na lang ihampas niya ang mukha ko sa pader ng intramuros para matauhan.

"May gumugulo ba sa isip mo?" tanong ni Jane habang inaalog ang balikat ko.

"Si Sofia." Ikinuwento ko kay Jane ang lahat dahil bawal nga naman magsekreto. Kasama yun sa kasunduan. Naintindihan naman niya. Malaya naman daw ako at pwedeng makipagkita kay Sofia.

"Paano kapag nalaman nina ermats?" naguguluhang wika ko.

"Hindi nila malalaman basta huwag mo lang siyang papuntahin sa bahay nyo. Ikaw din ang masisira sa pamilya mo kasi iisipin nilang two timer ka."

"Sabagay. Oh, akala ko may sasabihin ka kaya tayo pumunta dito?"

"Bukas aattend tayo ng party with my friends. Don't worry pinayagan ka na ng parents mo."

"Hanep sa bilis ah." Hindi mo pa nakukuha ang side ko, nasabi mo na agad sa parents ko."

"Ako pa!" pagmamalaki niya. "Kasama si Dexter sa party pati ang girlfriend niya kaya kailangan nadoon din tayo. Kaya vital ang role na ito."

"So, anong gagawin natin dun?"

"Magpapanggap siyempre! Huwag kang mag-alala, hindi natin need lumapit sa kanila. Mas magandang hindi sila pansinin."

"Ikaw bahala. Susunod lang ako. Basta kapag lalabas kami ni Sofia ikaw din ang magpapaalam sa parents ko."

"Sure, Loi the Lover Boy! And one more thing, sunduin mo ako sa bahay dahil ipapakilala na kita sa parents ko."

What the duck! Naging yaya pa ako. Tumango lang ako. Lumambot bigla ang tuhod ko matapos naming umakyat sa bato.


KINABUKASAN, hindi pa man sumisikat ang araw ay bumangon na agad ako.Napilitan akong mag-exercise kahit na hindi ko naman ginagawa dati. Kailangang maging kondisyon ako kapag humarap sa parents ni Jane. Hindi kasi ako masyadong nakatulog dahil nag-usap pa kami ni Sofia. Todo asikaso din si Mommy sa akin, kulang na lang paliguan niya ako at hilurin ang singit ko.


"Tao po! Tao po! Jane?!" Ilang beses pa akong sumigaw para madinig ng tao sa loob. Nalimutan ko, pwede nga palang magdoorbell.

Ilang saglit pa, bumukas ang gate at pinapasok ako ng katiwala sa loob ng bahay. Pinaupo muna ako sa may sala dahil nag-aayos pa daw si Jane.

"Ikaw ba si Loi?" Pinagmasdan ko ang dambuhalang lalaki na sa palagay ko ay ang tatay ni Jane. Nakipagkamay siya sa akin. Kinabahan ako. Sinlaki ng kamao niya ang mukha ko.



itutuloy...
---
follow me via twitter: panjo3