Inayos ko muna ang suot kong kurbata bago tuluyang pumasok sa loob ng sidecar ng tricycle dapat siyempre presentable ako sa harap niya. Excited na kinakababahan ako. Napapatapik pa ang aking mga dalari sa aking hita sa sobrang kaba buti na lang maganda ang music na nagmumula sa stereo ng tricycle. Saxophone music ni Kenny G kaya nakakarelax.
Nakilala ko si Kimberly noong nasa college pa ako. Nagkataon kasi magkatabi ang inuupahan naming apartment. Tanda ko pa na nagsimula ang lahat noong birthday ko. Humiram kasi ako ng ilang utensils na gagamitin sa pagluluto. Nagkaroon ng konting usapan at nabanggit ko na din ang kaarawan ko. Inimbita ko siya kasi madali naman siyang makagaanan ng loob. Halatang nahihiya siya, sinabi ko na pwede magsama ng mga kakilala para mas masaya at magkaroon na din ako ng set of friends. Napapayag ko siya. Impact, tinulungan niya pa ako magluto at mas masarap pa siya magluto kaysa sa akin.
Matapos ang birthday ko mas lalo kaming naging mas close. Nakagaanan ko ng loob ang mga friends niya. Madalas ang sleep-over tuwing walang pasok o kahit natripan lang. Hindi naiwasan siyempre ang tuksuhan lalo pa't lagi kaming magkatabi at magkakulitan. Patay malisya lang ako kasi alam kong may boyfriend siya. Si Jerry. Nakwento na niya minsan noong nagDVD marathon kaming dalawa sa apartment niya. Gusto ng friends niya, lalo na itong si Bianca, na iwan na lang ni Kimberly ang boyfriend nito dahil halata naman daw manloloko. Ilang beses na din daw kasing nahuli. Since mahal ni Kimberly, pinatawad naman niya. Sinakyan ko naman ang biruan, sinabi ko na bakit nagpupumilit pa sa iba eh nasa tabi lang naman ako. Nagtuksuhan tuloy nang sobra. Tawanan. Hagisan ng unan. Kurutan. Biglang tuloy bumanat si Kimberly na huwag daw akong magbiro ng ganoon lalo na kung wala akong balak na seryosohin. Natameme ako. Parang may laman ang sinabi niya. Nakantiyawan ako ni Bianca na torpe daw ako. Pinagpawisan tuloy ako kahit may kalamigan ang panahon. Baka daw hindi pa ako nabibinyagan dagdag na kantiyaw pa niya.
Naging mabagal ang takbo ng oras para kay Kimberly nang sumunod na buwan. Lagi siyang malungkot. Niloko na naman siya ng boyfriend niya. Nahuling may kasamang babae. Niyaya niya akong uminom ng beer. Sumang-ayon na lang ako kasi sa ganoong paraan ay alam kong mag-oopen siya ng problema. Ilang lagok palang ay unti-unting bumagsak ang kanyang luha. Malalim ang pinanggagalingan ng bawat hikbi. Masakit para sa kanya ang pangyayari, wala akong maipayo kaya nanatili na lang ako sa tabi niya at niyakap siya ng buong higpit. Inaamin ko, nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Nagsimula lang sa biro at hindi ko akalain mauuwi sa seryosohan.
Naging mapusok ako. Hinawakan ko ang kanyang pisngi at sinimulan siilin siya ng halik. Noong una ay walang tugon ang kanyang mga labi hanggang sa unti-unti ko ng nararamdaman ang kakaibang kuryente dumadaloy sa aking katawan. Bumaba ang halik sa leeg, sa balikat. Alam kong hindi iyon dala ng alak. Naglapat ang aming katawan habang nag-aagaw ang liwanag at dilim sa kalangitan. Nagising na lang kami na magkatabi sa kama.
Matibay na ang samahan namin ni Kimberly matapos ang nangyari sa amin. Inakala kong kami na subalit natuklasan kong nagkabalikan na naman sila ng boyfriend nito. Kwento pa ni Bianca ay lumuhod pa daw ang lalaki mapatawad lang. Masakit sa akin ang lahat lalo pa't wala akong karapatan magselos. Nagpapanggap akong bulag kapag nakikita ko silang magkasama. Natuto akong ngumiti sa harap niya kahit hindi ako masaya sa kwento niya about sa bf niya. Itinago ko ang lahat ng alaala namin. Binaon ko palabas ng bansa matapos kong mapagdesisyunang magtrabaho sa Taiwan para makalimot.
Ngayon ako ay nagbabalik. Inayos ko muli ang aking sarili matapos bumaba sa tricycle. Sinigurado kong walang lagas na bulaklak bago ako tuluyang pumasok ng gate. Ibinaba ko muna ang kumpol ng tulips. Nagsimula akong mag-alay ng dasal sa puntod ni Kimberly. Nabalitaan ko mula kay Bianca na mas piniling tapusin ni Kimberly ang kanyang buhay matapos hindi sumipot si Jerry sa usapan. Nagtanan na pala kasama ang ibang babae.
Minahal ko si Kimberly kahit hindi niya ako natutunang mahalin. Minahal ko siya kahit konting panahon lang ang pinagsamahan namin. Higit sa lahat, minahal ko siya kahit pareho kaming lalaki nagkataon lang na ang puso niya ay babae.