Skinpress Rss

padre de pamilya


Pagod na ang mata ni Josef. Mahigit walong oras na siyang nasa harap ng computer nais niyang matapos ang technical project na kailangan kinabukasan. Nakasalalay dito ang kanyang pangarap, pamilya at kinabukasan.

Katulad ng ibang huwarang padre de pamilya, nangangarap siya ng magandang buhay, maayos na tirahan, mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak at higit sa lahat mabigyan ng sapat na atensyon ang bawat miyembro ng pamilya.

Subalit mapaglaro ang tadhana para kay Josef. Nanatili siyang nangungupahan, malayo sa pamilya at nanganganib pa sa ipinaglalabang promosyon. Nag-iisa siya ngayon sa bahay na inuupahan sa Quezon City. Minabuti ng kanyang asawa na manirahan muna sa kanyang ina sa Laguna simula ng makasama ito sa malawakang tanggalan sa kompanyang pinapasukan. Napagdesisyunan nila na papasukin sa pampublikong paaralan ang kanilang anak para makabawas ng gastusin. Ang mahalaga ay nanatiling nag-aaral ang kanilang anak.

Napaluha si Josef. Kinuha niya ang larawan ng kanyang pamilya sa loob ng drawer. Hinalikan ang asawa at anak. Bumuntong hininga, nangakong gagawin ang lahat para makabangon muli at mabubuo muli ang kanilang pamilya.

Nagtungo si Josef sa kusina. Nagtimpla ng kape. Kailangan niyang manatiling gising sa susunod na apat na oras. Bago pa siya tuluyong makabalik sa harap ng PC ay may tumawag na tao mula sa labas ng bahay.

"Bayaw?! Josef... Bayaw?.." paulit-ulit na tawag ng tao mula sa bintanang gawa sa jalousie.

"Oh, gabi na napasugod ka. May maitutulong ba ako sa'yo?" nag-aalalang tugon ni Josef sa bayaw na si Wilson.

"Bayaw kasi...," kumamot sa ulo ang bayaw tanda ng matinding pangangailangan. "Kasi itong pinsan kong si Henry.. kahiyaan na bayaw.. kasi hindi alam ng mga ito na sinira na yung lumang bodega diyan sa tapat. Kaya makikiusap sana ako sa'yo kahit ngayon lang," nabubulol na patuloy ng bayaw habang itinuturo ang tatlong lalaki.

"Ano ba yon? Hindi ko maintindihan e."

"Baka pwedeng puwesto sa loob, kahiyaan lang talaga. Hindi pwede sa bahay kasi gising pa ang asawa ko. Kahit sa banyo lang hindi naman sila magtatagal."


Bagamat labag sa loob pumayag si Josef sa kagustuhan ng bayaw. Halos tatlong minuto lang ang itinagal ng tao sa loob at mabilis ding umalis.

"Sino ba ang mga yon Wilson?" usisa ni Josef.

"Yung dalawang matangkad pinsan namin. Yung isa kababata ng asawa mo, hindi ko nga akalain na gumagamit din pala yon. Pasensiya na bayaw naabala ka pa."

Tiningnan ni Josef kung may kalat sa loob ng banyo. Malinis. Sinigurado niyang walang naiwang amoy sa loob ng banyo. Minabuti niyang ipagpatuloy ang ginagawa kesa mag-alala.


"Good work Josef! Hindi ako nabigo sa kakayahan mo. So proud of you!" bati ng lalaking medyo may edad na matapos aprubahan ng foreign clients ang technical project niya.

"Salamat Sir. Salamat sa pagtitiwala sa kakayahan ko." si Josef.

"Congratulations! Youre the new Technical Head. Your compensation package will be discussed later."

"Thank you sir. Ngumiti si Josef. Matutupad na ang isang bahagi ng kanyang pangarap. Siya na ang bagong Techinical Head.

Masayang umuwi ng bahay si Josef. Walang pagsidlan ang kanyang kaligyahan. Sa sweldo niyang matatanggap ay maari na muling magbalik ang kanyang pamilya. Sapat para matugunan ang araw-araw na pangangailangan, makakuha ng bahay na hulugan at mapaaral ang anak sa maayos na paaralan.

"Hello. Josef napatawag ka."

"Mahal ko. Sa wakas napromote na ako. Makakabalik na kayo dito. Mabubuo na ulit ang ating pamilya."

"Masayang masaya ako para sa'yo Josef. Miss na miss kita. Kami ng anak mo." maluha luhang tugon ng asawa ni Josef.

"Gusto ko sa Sabado nandito na kayo. Gusto ko na kayong makapiling, mahagkan at mayakap . Kamusta si Jared?"

"Tulog na ang anak natin. Lagi ka ngang itinatanong. Iniipon niya kasi ang exams niya nangako ka daw kasi na kapag mataas ang grades niya ay ibibili mo siya ng bisekleta."

Luha ng kagalakan ang umaagos mula sa mata ni Josef. Masaya siyang muling makakasama ang asawa at anak. Muli niyang kinuha ng larawan sa loob ng drawer. Hinalikan matapos ay ipinatong sa dibdib hanggang sa makatulugan na niya.

"Bayaw?! Josef... Bayaw?.." paulit-ulit muling tawag ni Wilson mula sa bintana. Binuksan niya ang pinto para kausapin ang bayaw.

"Oh, bakit Wilson?"

"Mukhang naktulog ka na a. Nakakahiya naman. May dala kasing manok itong kababata ng asawa mo. Nahihiya daw kasi nangyari noong nakaraan araw." Bilang paggalang sa bayaw ay pinapasok ni Josef ang lalaki. Maya-maya pa ay kasunod na din ang dalawang matangkad na lalaki. May dalang alak.

"Salamat sa manok. Nag-abala pa kayo." Patuloy ang ilang kwetuhan habang umiinom ang bayaw ng alak. Si Josef naman ay hindi uminom dahil sa trabaho kinabukasan.

"Ano ba naman Henry!"Asar na sambit ni Wilson. "Naku bayaw hindi ko naman alam na may dala na naman si pinsan. Alam mo na dating gawi. Saglit lang daw naman." baling ni Wilson kay Josef.

"Sige bayaw, pagbibigyan ko sila ngayon pero sana huli na 'to. Babalik na sa Sabado ang asawa ko. Ayaw ko ng aberya."

"Pasensiya na talaga. Nahihiya nga din ako sa'yo matigas lang talaga ang ulo ng dalawang yan," si Wilson. Pumasok muli ang dalawang lalaki sa loob ng banyo habang ang kababata ng kanyang asawa ay nahuli sa pagtayo dahil naghanda muna na mga gagamitin sa bawal na bisyo.

Isang malakas na tadyak ang yumanig sa pinto ng bahay ni Josef. Kasunod ang ilang armadong kalalakihan. Nagulat ang lahat. Nanlumo si Josef.

"Dakpin lahat yan. Kunin ang lahat ng ebidensiya."

Katulad ng ibang huwarang padre de pamilya, nangangarap si Josef ng magandang buhay, maayos na tirahan, mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak at higit sa lahat mabigyan ng sapat na atensyon ang bawat miyembro ng pamilya. Subalit paano niya magagawa ang lahat kung siya ay nakakulong at mananatili sa loob ng anim hanggang labin-dalawang taon.