PBA09o58n259
Labing limang taon din tayong hindi nagkita inay. Hindi ko akalain na ganito ang sasapitin mo sa home for the aged. Nagawa pala sayo ito ng magaling kong kapatid, ang iyong paboritong anak. Balita ko nga ang tingin nya sa'yo eh napakalaking pabigat sa kabila ng pagsisikap mo para sa kanya at pagbalewala mo sa akin. Ako kasi ang itinuring mong dahilan kaya namatay si ama.
Lahat na yata binigay mo sa kanya kasi siya ang matalino, di ba?
Mula pagkabata malaki na ang inggit ko sa kanya kasi ako ang madalas nagpaparaya.
Hindi naman siguro masama ang mainggit lalo na kung alam kong para sa akin na ang bagay na 'yun. Yung sapatos kong grosby na bigay ni ninang, umiilaw pa nga yun kaya masayang masaya ako pero ibinigay mo kay kuya kasi kelangan nya sa sasalihang drama. Iniabot mo nga sa akin ang dalawang pinaglumaan n'ya, katwiran mo dalawa naman ang kapalit, di ba? Nagparaya ako kasi bata lang naman ako.
Oo nga, bata nga ako nun pero hindi ko yata naranasang maging bata. Pati pagplantsa ng damit ni kuya ako pa gumagawa. Hindi ko maiwasan mainggit kapag naaamoy ko ang hibla ng kanyang damit. "Bago na naman", wika ko sa sarili.
Hinihintay ko na lang na pagsawaan para masabi kong akin na.
Mayo noon. Tanda ko pa.
Kinukuha akong escort sa santakrusan. Nagkasalubong pa nga kami ni kuya sa hagdanan. Masama ang titig nya sa'kin parang gusto akong kainin. Narinig ko na lang sinabi mo dun sa hermana mayor na si kuya na lang kasi may sakit ako. Kahit kita naman nilang lumulundag ako sa tuwa. Sayang kapareha ko pa naman sana si Len. Crush ko pa naman 'yun.
Hindi mo na ako pinag-aral kasi sayang ang perang kinikita mo. Yung perang para sa pag-aaral ko eh para na lang kay kuya kasi magastos ang kursong abogasya. Kita ko nga kung paano ka lamunin ni kuya kapag nagdedemand siya ng kelangan nya sa eskuwela. 'Di ba pinagtanggol kita nun kasi nahihirapan ka?
Ako pa pala ang lalabas na masama kasi nakikialam ako sa usapan ng nakatatanda.
Masaya lang ako kapag nagugustuhan mo ang luto ko sa ganung paraan lang naman ako magaling kahit paano. Pero kahit walang papuri ok lang at least gusto ko naman ang ginagawa ko.
Alam mo ba kapag namamalengke ako?
Pinapasama mo si kuya di ba? Kasi bobo ako kapag dating sa kwentahan. Sa totoo lang ako na nagbibilang nun. Nag-improve na nga ako. Mabait kasi yung mga tindera. Kasi naman kasama ko nga si kuya pero iniwan nya ako kapag nasa palengke na. Para siyang pulitiko na nakikipagkamay sa mga dalaga. Hindi naman ako nagrereklamo kasi natututo naman ako at alam ko na ang sinasabi nya ang paniniwalaan mo.
Hindi ba nakatanggap ako ng pekeng pera nun? Ikinulong mo pa nga ako sa bodega at hindi pinakain. Katuwiran ni kuya ako ang may hawak ng pera kaya kasalanan ko. Malay ko ba sa pekeng pera wala naman akong natapos, di ba?
Naaalaala mo ba nung graduation ni kuya? Pinakilala ka ba sa mga kaklase at guro n'ya?
Pinasalamatan ka ba nya sa graduation speech niya?
Umasa ka di ba na sasabihin n'ya pangalan mo?
Napaluha ka nun, 'di ba? Hindi sa saya kundi sa matindi expectation.
Bulong mo pa nga baka nalimutan lang niya. Eh sa tuwing magsasalubong nga kayo ni kuya eh halatang iniiwasan ka n'ya.
Kaya nung nakatapos ako ng cooking class, yung 2 months training, tanda mo ba? Pinasalamatan kita nun kahit hindi ka dumating. Iniisip ko na lang busy ka kasi ayaw mong makaligtaan ang paborito mong drama. Masaya nga akong ipinakita sayo ang certificate of completion ko eh. Pero parang hangin lang akong dumaan sa'yo. Iniisip ko na lang na climax na ng "mara clara".
Nung araw na nagkasakit ka, ako ang nag-aalaga sa'yo kahit pangalan ni kuya ang pinasasalamatan mo. Masaya pa rin ako. Physically ako naman yun e. Busy kasi si kuya nun. Gabi na nga lagi umuuwi. Pero hindi ko nga s'ya narinig na kinumusta ka. Pagod siguro.
Napabayaan ko na ang mga baka at kunehong alaga ko. Sa kabilang bayan pa kasi yun. Dun kina lola. Buti na lang naisip ng asawa ko na siya na lang mag-aalaga sa'yo. Para may kasama din sina lola sa kabilang bayan at matingnan ko na rin ang mga alaga ko.
Nabigla na lang ako nung nabalitaan kong pinadala ka ni kuya dito sa shelter. Dagdag ka lang daw sa gastusin at aksaya sa oras kung pagtutuunan ka nya ng pansin. Agad nga akong sumugod sa bahay nun para alamin kung saang shelter ka pinadala.
Labing limang taon, sa wakas maiiuwi na kita. Hindi na kita halos makilala bagsak na kasi ang iyong katawan at hindi pa nakakapagsalita. Pangako aalagaan kita.
Ay, oo nga pala, huwag mo ng hahanapin si kuya at ang magaling kong asawa. Pinatay ko na sila. Noong sumugod kasi ako dun, magkaniig ang kanilang katawan sa sarili ko pang kama. Nagsasalo sa ipinagkaloob na nakaw na sandali. Nagdilim ang paningin ko kaya kinuha ko ang baril ni kuya. Maganda pa lang pagmasdan kapag nagmamakaawa siya tapos ako pa rin ang masusunod. Sayang hindi mo nakita ang kanyang mukha. Hindi nga nakapanalaban eh patay agad. Abot langit naman ang pagsorry ng asawa ko pero hindi na ako naawa. Lahat na lang sa'kin inagaw ni kuya. Kahit ang kaligayahan ko.
Labing limang taon, sa wakas laya na ako. Buti na lang nabigyan ako ng parole. Halika, uwi na tayo.
Happy mother's day!
Nurse : Excuse me sir, hindi po siya ang nanay nyo. Andun po siya. Kanina pa nga kayo hinihintay sa check-out counter.