PBA09s80763r
"Yosi! Yosi!" sigaw ko habang nakikipagpatintero sa mga humaharot na sasakayan sa Balibago Complex.
"Boy, isa ngang lights." sambit ng isang jeepney driver na kakikitaan ng pagkapikon sa kawalan ng mga pasahero. Naririnig ko pa siyang nagmamaktol sa mga bagay na hindi ko lubos na naiintidihan.
Karinawan ko ng suki ang mga driver, ilang pasahero, estudyante na kadalasan nakatambay sa terminal, ilang babae na may maikling kasuotan, nakamake-up at puno ng kolerete sa katawan na parang may hinihintay.
Sa edad kong trese kailangan ko ng magtrabaho para sa aking ina at kapatid.
Pauwi na ako. Tahimik ang palagid. Minamasdan ko ang takipsilim sa kanluran at ilang nagtataasang gusali na humaharang sa paglubog ng araw. Isang barangay na lang malapit na ako sa amin. Nakita ko ang asong si Rustom ni Mang Igme. Natatawa ako kasi kalalaking aso eh inaamoy ang isa pang lalaking aso na si Zanjoe. Halos gumulong ako sa tawa ng bigla akong tahulan ng aso. Sa isang iglip nakita ko ang aking sarili na hinahabol ni Rustom. Isa, dalawa, tatlo... sampo na yatang kanto ang tinatakbo ko ayaw pa ako tigilan ng nagaamok na aso ni Mang Igme. Buti na lang may nagmagandang loob ng sumuway sa aso.
Habol ang hininga ko bago ako natauhan kung nasaan ako.
Ilang metro mula sa aking kinatatayuan ay ang isang karnabal. Nawala ang pagod ko sa makapigil hiningang ganda ng lugar. Kakaiba sa pinupuntahan kong perya. Bagamat hindi ako makapasok alam kong masaya. May ilang sigawan pa akong naririnig na alam kong masaya ang lahat. Pinagmasdan ko ang malakastilyong lugar at ang isang rebulto ng isang matandang lalaki na may makapal na puting balbas, mahabang sumbrero, lilak na damit na may talang dekorasyon. Pilit kong hinalukay ang isip ko kung sino ang rebulto. Wala ang mukha niya sa mga bayaning nakikita ko sa libro na ipinakikita sa akin ni ina. Inisip ko na lang na dati siyang mayor ng Santa Rosa 'yung kasing parke sa bayan eh may rebulto ng dating mayor. Ano naman kaya ang ginagawa ng rebulto ng mayor sa isang karnabal?
Natigilan ako sa pag-iisip ng may marinig akong tinig ng isang lalaki.
"welcome to flying fiesta"
"Flying fiesta? Ano kayo yun?" tanong ko sa sarili.
Minabuti ko ng umuwi dahil malapit na rin gumabi. Hindi pa naman ako pamilyar sa lugar. Babalik na lang ako sa ibang araw.
"Flying fiesta, flying fiesta, flying fiesta," paulit-ulit kong bulong sa sarili habang sinisipa ko ang isang bulok na lata ng nido. Bagamat hindi ako nakapag-aral hindi naman ako kulang sa kaalaman. Pinalaki kasi akong palabasa. Teacher kasi si ina sa isang mababang paaralan noong nasa Leyte pa kami bago siya naparalisa. Naaksidente kasi yung minamanehong tricycle ni itay na ikinasawi n'ya at ikinalumpo ni Ina at ng bunso kong kapatid na si Jeffrey. Tumatanggap si ina ng tutorial. Kung ano itinuturo n'ya ay naibabahagi naman sa amin ni Jeffrey. Sabi nga ng mga kapitbahay kung may magpapaaral daw sa akin siguradong magaling ako sa eskwela.
Agad kong tinungo ang kwarto ni inay, hinanap ko ang dictionary. Pilit kong ginalugad sa bawat pahina ang salitang flying fiesta. Makailang ulit kong ginawa iyon. Nabigo ako. Siguro dala ng kalumaan ng nilalaman ng dictionary kaya hindi ko makita ang ibig sabihin ng salitang gumugulo sa aking isipan. Halos kumunot na aking noo ng biglang lumapit si ina.
"Oh anak, ano naman gusto mo malaman ngayon?" malambing na wika ni ina habang hinahaplos ang aking buhok.
"Eh, ina ano pa ba ang flying fiesta wala kasi akong mahanap diyan? Kailangan na natin siguro bumili ng bagong dictionary." naguguluhan sabi ko.
Hindi ko lubos maintindihan ang pagtawa ni ina. Matagal bago siya nakapagsalita.
"Hay naku anak, nagpunta ka ba ng karnabal? Malayo na iyon ah. Ang flying fiesta eh wala talaga dyan, kasi pangalan lang yung ng isang sakayan sa karnabal." natatawa pa ring sambit ni ina.
Halos mapuyat ako sa kakaisip kung paano makakapasok sa loob. Gusto ko rin isama si Jeffrey kasi malapit na din ang birthday n'ya.
"Jeff, gising ka pa ba?" wika ko.
"Oo kuya, bakit?" tugon ni Jeffrey.
"May nakita kasi akong karnabal nung hinabol ako ng aso ni mang Igme. Mag-iipon ako ng pera para makapasok tayo dun. Tapos sabi ni ina may maliit ding salo-salo sa birthday mo." Halos hindi maipaliwanag ni Jeffrey ang kanyang kasiyahan sa sinabi ko. Matagal na kasing hindi makapaghanda sa birthday niya e. Excited na rin siya na makita ang flying fiesta. Siguro inumaga na kami ng tulog kung hindi pa kami sinita ni ina.
Kinabukasan, mataas na agad ang araw sapat para makarami ng benta. Kapag maulan kasi hirap akong makipaghabulan sa mga sasakyan. Hindi maiwasang madulas o matabig ng mga taong nagmamadali.
"Mang Igme! kukuha po muna ulit ako ng yosi," sigaw ko kay mang Igme na nasa loob pa yata ng bahay nila. Baka kasi mahabol na naman ako ng aso kung papasok ako. Pero nagpapasalamat na rin ako kay Rustom kasi nalaman ko na may karnabal pala sa Santa Rosa.
"Oh ikaw pala, ingat sa paglalako ha," paalaala ni mang Igme.
"Mang Igme, magkano po ba ang kailangan ko para makapasok sa karnabal dun?" Itinuro ko ang direksiyong kung nasaan ang flying fiesta. "Gusto ko po kasi isama si Jeffrey tapos sasakay kami ng flying fiesta."
"Ah ang alam ko kasi 300 kung konte lang ang sasakyan nyo kapag ride all naman eh 500 yata. Kung pasyal lang naman ay 100 lang," patuloy n'ya habang may dinukot na papel sa kanyang drawer. "Ito ang loob ng karnabal na 'yun. Oh sayo na lang para maipakita mo kay Jeffrey."
Kumaripas na ako ng takbo matapos magpasalamat kay mang Igme sa mga impormasyon na ibinigay n'ya. Kailangan ko palang makaipon ng anim na daan hanggang Sabado. Mukhang hindi ko yun kaya. O kaya 200 na lang, ipapasyal ko na lang siya hindi rin naman siya nakakalakad e. Kailangan kong kumayod hanggang gabi para matupad ko ang pangako ko kay bunso.
Hindi ko na nagawang pansinin ang paglubog ng araw na madalas kong pagmasdan tuwing uwian. Kailangan kumita ng malaki ngayon. Dumaan muna ulit ako sa karnabal. Napakaganda pala nito kapag gabi. Doon pala nagmumula ang fireworks na nakikita namin ni Jeffrey sa may balkonahe.
Ipinakita ko kay Jeffrey ang mapa ng karnabal. Lumiwanag ang bilugan niyang mata. Ngayon ko na lang ulit nakitang ganung kasaya si Jeffrey. Hindi ko talaga siya pwedeng biguin.
"Jeff! nakasulat dun sa labas ng karnabal bukas na sila ng ala-una ng hapon. Makakapunta tayo dun para makabalik agad tayo ng ala-sais para sa kainan. Dadaan na rin tayo kay mang Igme para imbitahan siya. Makikita mo dun yung asong humabol sa akin."
"Sige kuya, hihintayin kita ng ala una dito para makabalik din agad tayo."
Biyernes. Isang araw na lang kaarawan na ni Jeffrey handa na akong umalis para makaipon.
"Anak, huwag ka munang magtinda ng yosi ngayon. Maglalaba kasi ako at darating lola mo para mamili sa mga ihahanda bukas. Ipasyal mo muna si Jeff para hindi mainip."
Naku! Kukulangin pa yata ako sa oras. Hindi bale babawi na lang ako bukas. Sana malakas ang benta bukas.
"Jeff! tara!" Isinulong ko na ang wheelchair. Alam na ni Jeff ang iniisip ko. Isasama ko siya sa karnabal pero sa labas muna. Parang pelikula may commercial muna.
"Kuya may aso!" sigaw ni Jeffrey. Mabilis kong itinulak ang wheelchair. Napagtripan na naman ako ni Rustom. Pinagtatawanan lang ako ni bunso palibhasa nakasakay lang siya at ako ang hinahabol ng aso.
"Kuya siya ba si Rustom?" sigaw niya.
"O-oo!!" huwag mo muna akong kausapin baka makagat ako nito."
"Kuya! Kuya! Kuya nakikita ko na ang karnabal. Sobrang laki ng ferris wheel!"
Matapos magsawa ang aso sa paghabol sa amin huminto muna kami sa gilid ng karnabal. Tsubibo lang ang nakikita namin. Sumisigaw si Jeffrey. Kung nakakatayo siguro siya nagtambling na ito. Halos mawasak ang ang wheelchair sa pag-indayog niya. Sabay pa kaming sumigaw ng
"WELCOME TO FLYING FIESTA!".
Hapon na kami nakauwi. Kung hindi siguro nakaramdam ng gutom walang balak umuwi ang kapatid ko. As usual hinabol kami ng aso pauwi.
Sabado. Kaarawan na ni Jeff. Tulog pa siya. Nag-iwan ako ng sulat na kung hahapunin ako ng uwi ay kinabukasan na lang kami pupunta. Bukod sa kulang ang aking pera marami pang ipinagawa si ina bago ako nakaalis.
Hapon. Naging maayos naman ang benta ko. Uuwi na sana ako kasi sapat na ang pera ko para makapasyal. Medyo trapik pauwi kaya inalok ko muna ang mga naiinip na driver ng tinda kong yosi. Malaking tulong yun para makasakay kami ng flying fiesta. Hindi ko na naman namalayan na dapithapon na.
Nagmadali ako. Kailangan ko nga palang dumaan pa kay mang Igme para imbitahin siya. Bilin kasi yun ni ina. Nagtataka ako ng walang sumasagot at wala rin si Rustom kaya umuwi na lang ako.
Marami ng tao noong umuwi ako. Mukhang ingrande ang hadaan sa kaarawan ni Jeffrey. Napansin ko agad si mang Igme. Kaya pala wala siya sa bahay niya.
"Mang Igme! dumaan ako sa bahay ninyo iimbitahan ko sana kayo sa birthday pero nauna pa pala kayo sa aking dito." Ngumiti lang si mang Igme matapos hawakan ang aking ulo. "Hindi ko nga pala napansin ang aso niyo doon wala kayong bantay sa bahay."
Dumaan ako sa likod-bahay para makapasok medyo puno kasi ang sala. Napansin kong hindi pa nabubuksan ang sulat n iniwan ko sa sa may lumang ref. Ipagpapaalam ko muna si Jeff kay ina na pumunta ng karnabal kahit medyo gabi na. Niyakap ako ni lola ng makita niya ako sa kusina.
"Si J-jeffrey, nabundol. Hinabol ng aso." wika ni lola. Agad akong tumakbo sa loob ng sala tumambad sa akin ang isang kabaong.