'Jhe, anak bakit kulay brown ang gumamela diyan sa drawing mo?' usisa ni Mercy sa apat na taong gulang na anak.
'Ubos na po kasi inay na color red, nagdrawing po kasi kami ng garden kanina. Pati nga po yung blue ubos na din sobrang lawak po kasi ng langit kanina.' paliwanag ni Jhe.
'Bilis maubos ah. Sige ibibili na lang ulit kita,' nakangiting tugon ni Mercy sa anak. Masaya siya para kay Jhe dahil sa interes nito sa mga bagay sa paligid. Sa halaman, malawak na langit at mga hayop na madalas iguhit ng anak.
'Inay, bakit po mas maganda ang drawing ni Kat-Kat kesa sa gawa ko? Magkasinlaki lang naman po ang aming kamay?' inosenteng tanong ng bata habang matamang hinihintay ang isasagot ng ina.
'
Kasi drawing ang talent niya. Wala yun sa laki ng kamay anak.' Hinawakan ni Mercy ang ulo ng bata. Hinalikan ang buhok.
'Makulit na ang anak ko ah.''Talent. Ah talent pala.' Umaalog pa ang ulo ni Jhe habang patuloy na kinukulayan ang gumamela.
'Eh inay ano pong talent ko?''Magtanong anak ang talent mo. Siguro paglaki mo isa kang imbestigador o kaya reporter,' biro niya sa anak.
Lumang kasangkapan, maingay na bentilador, kaunting gamit sa kusina ang mamalas sa maliit na bahay ni Mercy. Sa dingding ay makikita ang lumang poster ng artista na may hawak na alak, nasisilbi itong panakip sa bintana ni Mercy kapag matindi ang sikat ng araw. Hindi maalis sa isipan ni Mercy kung paano papaaralin ang anak. Hindi niya alam kung paano makakaahon sa lugmok niyang buhay.
'Inay ano ang putok sa buho? Sabi po kasi ni Teban eh putok sa buho daw ako,' si Jhe.
Nabigla si Mercy sa tanong ng anak.
'Naku huwag mo na lang intindihin ang batang yun, lahat kasi inaasar niya. Anak maglalaba muna ako ha.'
'Pupunta po muna ulit ako kay Kat-Kat.''Huwag masyadong makulit dun ha para hindi ka niloloko ni Teban.'Hindi pa man nakakalayo si Jhe ay bumalik na agad ito ng bahay. Sumisigaw. Umiiyak.
'Inaaay! Inaaaay!' huguhol ni Jhe. Mabilis na tinungo ni Mercy ang anak sa pag-aalalang may nangyari dito.
'Bakit anak?' '
Niyakap po ako nung lalaki. Hindi ko naman po siya kilala.' Sinilip ni Mercy ang labas ng bahay. Si Jerwin. Ang ama ni Jhe.
'Anak pasok ka muna sa kwarto.' Sumunod naman agad. Umalis sa pagkakayakap ang ina.
'Kumusta Mercy?' bati ni Jerwin habang iniaabot ang isang sobre. '
Pasensiya na kung atrasado na ang sustento medyo mahigpit ang asawa ko kaya hindi ko naibigay agad.' 'Anong ginagawa mo dito? Ayaw ko ng gulo. Tinakot mo pa si Jhe!''Dumalaw lang naman ako. Gusto ko lang makita ang anak ko.'May panahon para diyan at ayaw kong sugudin na naman ako ng asawa mo. Tahimik na ang buhay ko. Hindi pa handa ang bata na makilala ka.'Matapos ang mahabang pagtatalo ay minabuting magkulong sa kwarto si Mercy. Niyakap niya ang nakatulog ng anak. Pumatak sa kanang mata ang kanyang luha. Gumawa ng makra sa kanyang pisngi. Nagsisisi siya sa paniniwala sa mga pangako ni Jerwin. Pagod na siyang maging kerida. Pagod na siya umasa sa pagmamahal na dapat ay sa kanya. Pero si Jerwin pa rin ang isinisigaw ng puso niya.
Masigla na muli si Jhe. Parang walang nangyari kahapon. Maaga pa lang ay nasa may hardin na siya ng kapitbahay para iguhit ang mga paru-paro. Namangha siya sa iba't ibang kulay.
'Bakit kaya iba-iba ang kulay nila? Pareho-pareho naman silang paru-paro,' tanong sa sarili ni Jhe.
Naaliw si Jhe. Hindi niya namamalayan ang oras.
Isang babae ang nasa edad na trenta ang sumugod sa bahay ni Mercy. Maayos ang kasuotan at halatang nakakaangat sa buhay. Napaatras si Mercy.
'Nasabihan na kita dati di ba? Huwag mong ahasin ang asawa ko.' 'Hindi ko siya inaahas. Siya ang nagkusang nagpunta dito,' paliwanag ni Mercy sa mababang boses.
'Isa kang puta. Isa kang basura na nagpupumilit sa asawa ko. Laruan ka lang. Bayaran. Puta!!'
'Ayaw ko ng gulo Josie. Magkaibigan tayo at alam mo na ako ang minahal ni Jerwin. Pero tapos na ang lahat sa amin. Hindi ko kayo ginugulo.'
'At ako ang umagaw? Ganun?!'
Dalawang putok ng baril ang umalingawngaw sa
loob ng bahay.
'Inay bakit diyan sa sahig kayo natutulog?' usisa ni Jhe. Gigisingin sana niya ina ng mapasin ang umaagos na dugo mula sa tagiliran ng ina.
'Inaaaaaay!!!!!!' Nabitiwan niya ang hawak na krayola, gumulong patungo sa dugo ng ina.
Paano magiging makulay ang buhay kung ang krayola niya ay puro pula?.