Pasensya na kung halos mabutas ka na sa kabubura ko ng mga isinusalat ko. Wala kasing sapat na salita para idescribe ang aking nararamdaman. Nalilito, kinakabahan at natatakot kasi ako. Ganito nga siguro ang torpe. Ewan ko ba, hindi man lang ako nakamana sa tatay ko. Takot ako sa rejection na para bang ikamamatay ko. Nagiging rebulto ako kapag kaharap ko ang taong minamahal ko.
Hindi naman sya maganda. Sa totoo lang malaki ang mata niya at may kalakahin ang boses kaya nakakatakot. Mas lalaki pa nga siyang kumilos kaya nanliliit ako kapag tinatawag niya akong lampa. Madalas kasi akong matalisod kapag kasama ko siya. Paminsan nga kinakantiyawan niya ako, may gusto daw ako sa kanya kasi lagi ko siyang hinihintay umuwi, inililibre at niyaya magsine. Tapos tatawa sya ng ubod ng lakas kapag di ako makapagsalita. Joke lang daw siyempre 'yon, gusto ko na sana sabihin na totoo kaso binabatukan n'ya ako kapag seryoso ang mukha ko. Tapos biglang sesenyas ng peace. Ngingiti tapos mambabatok ulit.
Kahapon, halos makita ko na ang gilagid niya sa kakasigaw. Player kasi ako ng basketball at siya ang number 1 kong fan. Kaya kahit tumatalsik na ang laway niya sa mukha ko kapag nagsesermon e ayos lang. Hindi ko lang maintindihan sa kanya na kahit panalo o talo, binabatukan niya pa din ako. Bakit kaya ganun?
Nagpapasalamat ako sa'yo scratch paper kasi nasasabi ko ang nararamdaman ko. Sabagay, hindi ka naman makakatutol. Hindi ko alam kung kailan ko masasabi ang nararamdam ko para sa kanya. Praktisado na nga ako kaso natatameme ako kapag lumalakas na ang boses niya. Madami na nga akong naipon na cheesy lines, inamag na nga sa taguan wala man lang akong nabigkas kahit isang line. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako torpe.
Ang pagmamahal ko sa kanya ay sekreto. Kahit ang bespren ko na kasabay ko noong tinulian ay walang alam. Isa lang ang sinisugarado ko, kaming mga torpe ang totoong nagmamahal kesa doon sa mga malakas ang loob manligaw. Sincere kami at totoo sa aming nararamdaman. Ang problema lang, nauunahan kami ng kaba. Animo'y may pagawaan kami ng kape sa katawan sa dami ng nerbyos.
Nga pala, susunugin na kita. May wish kasi ako at ang usok mo ang maghahatid sa langit para matupad agad. Alam mo namang matagal ko ng gustong masabi ang nararamdaman ko. Kahit busted ok lang.
Paano hanggang dito na lang. Susulatan ko pa sina eraser at si lapis. Paalam na din sa iyo. Ikumusta mo na lang ako sa mga nauna ng scratch paper. Huwag na huwag nyo akong pagchichismisan don.
Paalam!
Gumagalang,
tyopelo