Skinpress Rss

20 minutes late



'Nasan ka na?' tanong ko sa kanya matapos ang limang ring ng cellphone.

'20 minutes pa.' sagot niya.

Kahit malayo ang sagot niya sa tanong ko, naintindihan ko naman ang ibig niyang sabihin. Male-late siya. Trapik daw dahil may ipinaparadang patay at may aksidente pa kaya natagalan. Dahil babae siya, para sa akin entitled siyang ma-late at hindi din naman ako nagmamadali. Sa katunayan, lahat ng oras ko para sa araw na iyon ay lahat nakalaan sa kanya. Obvious naman siguro na mahalaga siya sa akin. Handa ko siyang ipaglaban ng suntukan pero siyempre uunahin ko muna iyong alam kong lampa at hindi lalaban.

Habang tumatagal lalo tuloy akong kinakabahan sa pagkikita namin, mas nako-conscious ako sa aking itsura kahit wala na namang pagbabago. Makailang ulit na nga din akong labas-pasok sa CR. Ewan ko, di ko maintindihan, super excited ako e kakain lang naman kami ng kwek-kwek(tokneneng) medyo matagal na namin napagkasunduan hindi lang matuloy dahil magkalayo ang aming lugar.

C2, boy bawang, oishi, mentos, ubos na lahat pero wala pa din siya. Sabagay limang minuto pa lang naman ang lumilipas. Lumakas ang kain ko sa sobrang kaba. Medyo natatawa ako kasi kung iisipin mas mahal pa ang pamasahe namin kesa sa kwek-kwek at pwede namang bumili na lang kami sa kanya-kanyang kanto.

Piatos, kape, hotdog at caramba. Seventeen minutes and thirty-three seconds ang lumipas. Kung tutuusin pwede na akong kumain ng kwek-kwek at umuwi na lang. Busog na din sa dami kong nakain pero ang pakay ko naman talaga ay makita siya at makasama siya. Doon ako masaya at masasabi ko na din kung gaano siya kahalaga sa akin.

Twenty minutes. Wala pa din ang anino niya. Medyo gabi na din kasi kaya mahirap makita ang anino tsaka nakatingala naman ako sa mga parating na bus. Tinawagan ko ulit siya, binola ng konte para naman marinig ko ang kanyang tawa. Sa wakas malapit na siya pero naghintay pa ulit ako ng panibagong twenty minutes.

Oh my, dumating siya, grabe nabahag ang buntot ko parang gusto ko ng umuwi dahil naiwan ko ang lahat ng lakas ng loob. Hindi ako makapili ng salita para kausapin siya. Buti na lang nauna siyang magsalita. Gusto ko siya suntukin kasi late siya pero joke lang yun siyempre mas gusto siyang yakapin, kaya lang, nakita ko ang kamao niya kaya hindi ko na itinuloy.

Kung isa akong emoticon, ako iyong may puso sa mata. Para akong pusang di matae sa sobrang kaba at kilig. Sa bawat tusok ng kwek-kwek lahat ididedecate ko sa kanya, gusto ko siyang subuan pero nahihiya ako. Naging sweet ang lasa ng suka, pakiramdam ko lumilipad ako sa ere. Iba ang pakiramdam kapag kasama siya, mas gusto ko na siyang kasama kesa sa alaga kong pusa. Sobra kasing lambing. Kinikilig ako sa tuwing mahahawakan niya ang aking kamay. Simpleng bagay pero kaya akong paliparin. Lintik! Ganito pala ang pakiramdam ng umiibig.

Matapos ang aming kwek-kwek bonding, nasundan pa ng ilang gala. Hindi mawala ang kaba ko pero mas matindi ang ngiti ko. Late ko na nga nalaman na may bakas pa ng kwek-kwek sa ngipin ko. Napagkasunduan naming mamasyal. Dahil hindi ako komportable sa aking upuan inalok niyang isandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Tumalbog ang puso ko sa narinig ko. Bango ng balikat niya parang masarap tulugan hanggang tumulo ang aking laway. Mabait siya at napakacool. Inaalok nga din niya ang kanyang jacket kasi napansin niyang nanginginig ako pero di ko na tinanggap mas gusto ko kasi ang yakap.

Minamasdan ko ang bawat ngiti niya. Minahal ko ang bawat simpleng galaw niya. Itinatak ko sa aking utak ang kamao niya kapag ididikit ko ang aking mukha sa pisngi niya. Paminsan nahuhuli niya akong sumusulpayap sa kanya, ngingiti siya, ngingiti din ako tapos tatakpan niya ng kanyang kamay ang mukha ko. Tapos sasabihin niya "sira ulo". How sweet.


Ito ang pinakaayaw ko, ang uwian. Matatagalan bago kami magkita ulit o baka hindi na. Inihatid ko siya sa sakayan ng bus. Ayaw kong bitiwan ang kamay niya pero hindi iyon akin kaya bumitaw ako. Mahirap naman kung iuuwi ko, wala siyang gagamitin.

Itinatak ko sa aking utak ang huling ngiting nakita ko. Gusto umagos ng luha ko dahil alam ko sa sarili ko na mamiss ko siya. Wala kasi akong pinanghahawakan para magkita ulit kami. Una, hindi kami at pangalawa hindi ko naman alam kung anong mayroon sa amin. Umaandar na ang bus niyang sinasakyan. Gusto kong gayahin si Jun Pyo sa paghabol niya kay Jandi pero tinatamad ako. Baka kasi maiwan din ako ng bus pauwi.

Sumakay ako ng bus pauwi sa amin. Para akong pinagtitripan ng bus driver dahil lahat ng kantang pinatutugtog ay nagpapaalala ng pakikita namin. It was short but sweet. Then I realized, I was twenty minutes late...... saying that.... I love her...