Skinpress Rss

The Death of Mr. President (4)


chapter 1
chapter 2
chapter 3

BREAKING NEWS!!!
Presidente: NAPATAY!!
Malacanang Pinasabog!!!
President shot dead in Tagaytay!!!
Pagsabog yumanig sa palasyo!!! Presidente dedo: Terorista o Pulitika?
President Suarez, Assassinated in Tagaytay!!!


'Nasa bahay-!' gulat na sagot ni general.

'Paano ninyo nalaman ang pagsabog? Ang pagkamatay ng presidente?'

'Madami kang tanong Llanes. Sa tingin mo ba kasabwat ako dito?'

'Hindi General. Gusto ko lang pagtugma-tugmain ang mga pangyayari.'

'Tumawag sa akin ang PSG noong sumabog ang Malacañang. Ako ang komontak sa presidente para alamin ang kalagayan niya pero hindi naman niya sinagot ang tawag ko. Hindi ko naman alam na nasa Tagaytay siya. Siguro noong time na iyon, saka binaril ang presidente. Sa TV ko na lang nalaman na patay siya. ' detalye ng heneral.

'Ang Vice President nasaan kaya siya noong time na iyon?'

'Sabi niya nasa bahay lang siya. Hindi ko na kinuwestiyon ang alibi niya dahil inuna ko ang paglutas sa kaso.'

'Maari bang pumunta muna tayo sa Malacañang bago ako pumunta ng Tagaytay?'

'Sige. Mas maganda na din na makita natin ang crime scene.'

Nilibot nila ang buong opisina ng presidente. Sa obserbasyon nila ang pinaglagyan ng bomba ay hindi kapansin-pansin sa mga CCTV dahil natatakpan ito ng malaking vase. Kinausap din niya ang mga PSG kung may kakaibang pagkilos bago naganap ang insidente. Sa isip niya, kung kasabwat ang PSG, imposibleng may umamin. Napagdesisyunan nalang niyang pumunta ng Tagaytay para doon ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Base sa ibinigay sa kanyang impormasyon, sa may fountain nakitang duguan ang katawan ng pangulo. Mula sa fountain, iginuhit niya sa kanyang isip ang posibleng anggulo. Bukod sa resthouse, isinaalang-alang niya ang opinyon ni Arlan na maaring inihagis lang sa third floor ang riple matapos ang asasinasyon. Sinipat niya ang posisyon ng puno na posibleng pwestuhan ng gunman. Sa harap ng resthouse ay ang isang malaking puno ng mahogany.

Nilapitan niya ang mahogany. Hinanap kung may sariwang traces o bakas na inakyat ito. Akma niyang aakyatin ang puno subalit naisipan niyang huwag na ituloy.

'Kung aakyat sa puno ang assassin, imposible na siyang makababa dahil sa mga romespondeng mga bodyguard.' bulong niya sa sarili. 'Masyadong mahiwaga ito. Kailangan ko na talagang kausapin ang mga bodyguard.'

Habang pumapasok sa resthouse ay hindi niya inaalis ang tingin sa may terrace ng third floor at second floor. Iniutos niya sa katiwala na tawagin ang mga bodyguard ng pangulo. Mula ng maganap ang pagpatay, pinagbawalang umalis ang lahat sa resthouse para kung isa sa kanila ang kriminal ay siguradong walang makakatakas.

'Sa palagay mo, may traydor ba sa tauhan ng pangulo?' usisa ng matandang receptionist ng resthouse.

'Titingnan ko pa po kung may kinalaman sila kaya kailangan kong kausapin.' Naupo si Paolo sa may sofa habang hinihintay ang mga bodyguard. Nanood muna siya ng palabas sa TV. ' Ah manong, naasaan ba ang pangulo bago siya makatanggap ng balita?'

'Nandito siya sa lobby. Ugali na ng pangulo na makipagkwentuhan sa amin tuwing gabi.'
Lumapit ang matanda kay Paolo habang iniaalok ang isang baso na may lamang juice. 'Nagkakabiruan ang mga bantay ng pangulo noong oras na iyon kaya matagal namin siya kasama dito sa baba. Nag-enjoy na siguro.'

'Wala po bang kahina-hinala sa kilos ng mga tao dito? Sa mga katiwala?'

'Wala naman. Hindi ko nga alam alam na may alitan sila ng kanyang asawa dahil masaya naman siya. Sa katanuyan nga, noong nakita niyang nanood ng MTV ang isa sa mga bodyguard ay iniutos niya pang lakasan ang sound dahil maganda daw ang lyrics. Nakikanta pa nga siya e.'


'Paano nalaman ng pangulo na may pagsabog sa Malacañang? Sabi sa akin ni general hindi daw niya na-contact ang pangulo.'
Naging matanong na si Paolo sa matanda na napag-alaman niyang tumanda na ito sa pagsisilbi sa pangulo.

'Sa TV lang. Bigla kasing nagkaroon ng news break. Ipinakita ang Malacañang na umuusok pa. Sobrang nag-aalala siya sa kalagayan ng kanyang pamilya. Tapos may tumawag nga sa kanya. Pagkalabas niya ay sumabog na ang third floor.'
Naging malungkot ang anyo ng matanda. 'Natagpuan na lang na patay na ang presidente pagkalabas namin. Wala nga kaming narinig na putok ng baril sa tindi ng pagsabog..'

Habang nag-uusap ay dumating na ang grupo ng bodyguard. Lahat iisa ang alibi. Magkakasama sila sa lobby ng maganap ang pagsabog at pagpatay. Idinetalye ng bawat isa ang kanilang opinyon sa kaso pati ang lungkot sa pagkamatay ng kanilang kasamahan sa serbisyo. Matapos ang tanungin isa-isa ay pinabalik na ni Paolo ang lahat.

'Mariano, may sigarilyo ka ba diyan.' tanong ni Paolo sa isa sa mga bodyguard.

Pabalik na noon sa kwarto ang dating Marine na si Alex Mariano. Kasamahan din ni Paolo sa naganap na pag-aaklas. Matapos matiwalag ay nagbalik loob siya sa gobyerno at ng kinalaunan ay naging PSG.

Dinukot ni Alex ang kanyang sigarilyo at iniabot kay Paolo. 'Kamusta ba bok!?Hindi ko akalain ikaw pa hahawak sa kaso niya. Mukhang natraydor mo ang mga kasamahan natin.' pangungutya ni Alex. Naglakad sila palabas ng resthouse.

'Wala na ang pangulo kaya wala na ang gusto nating paalisin sa pwesto. Hinawakan ko ang kaso para makalaya ako at para makatulong na din sa mga kasamahang natanggal sa serbisyo.' Tumingala si Paolo. Gumawa ng bilog na usok. 'Bok, alam ko hindi mo ako maiintindihan.'

'Hindi talaga kita maiintindihan! Nakulong ang kasamahan natin dahil sa paniniwala sa adhikain mo!' Tumaas ang boses ni Alex. 'Kinain ko ang pride ko. Nagpanggap akong nagbalik loob sa pangulo para makapag-espiya tapos ikaw na pinuno namin basta-basta na lang babaliktad? Dapat nagdidiwang ka kasama namin sa pagkamatay na pangulo!

'May plano ako. Huwag kang mag-alala. Makalaya ang kasamahan natin. Magtiwala ka.'

'Kaya kami napahamak dahil sa pagtitiwala sa iyo!'
Iniwan ni Alex si Paolo matapos maupos ang hawak na sigarilyo.

Bagamat apektado, nagpatuloy si Paolo sa pag-iimbestiga. Umakyat siya sa 3rd floor para pag-aralan ang crime scene. Sumunod ay pinuntahan niya terrace.

'Mukhang imposibleng dito binaril ang pangulo. Natatakpan ng puno ang fountain.' Sinubukan niyang tumayo sa ibabaw ng baluste ngunit hindi pa din tanaw ang fountain. 'May tripod ang hitman kaya posibleng matagal niyang hinihintay ang pagsulpot ng pangulo.'

Bumababa siya ng 2nd floor subalit natatakpan pa din ng puno ang fountain. Umakyat siya sa rooftop para maghanap ng anggulo. Tanaw ang fountain pero hindi ang kabuuan nito. Dumapa siya para matanaw ang ng lubusan ang fountain.

'Tanaw nga ang fountain pero kung dito siya nakapwesto paano niya malalaman na lalabas ang pangulo? Kung hindi lumabas ang pangulo sablay naman ang plano niya at bakit kailangan niya pang barilin kung pwede naman niyang pasabugin ang 3rd floor habang tulog ang pangulo.' Kinumbinsi ni Paolo ang kanyang sarili na kayang niyang lutasin ang kaso kahit wala pa siyang lead sa pumatay. Nauubusan na siya ng oras. Nawawalan na siya ng pag-asa.

Bumalik siya ng third floor. May ilang minuto siyang nakatitig sa butas na nilikha ng pagsabog. Napasandal siya sa pader sa pagkadismaya. Nag-unat siya ng braso para kalmahin ang sarili. Papasok na sana siya nang may isang bagay sa may balustre ang tinamaan ng sikat ng araw.

Lumapit siya dito ay tiningnan ang maliit na bagay na naglikha ng liwanag. 'Corona wire?!' Nakatali ang manipis na corona wire sa may balustre. Akma niyang aalisin ang wire nang may mapansin siyang kakaiba. 'Sh*t!' napamura si Paolo matapos makita ng bahagya ang fountain. Dumapa si Paolo sa terrace at nakita niya ng malinaw ang fountain sa pagitan ng dalawang naglalakihang sanga ng mahogany.

Napangiti si Paolo. Maingat niyang inalis ang corona wire sa pagkakatali nito. Tumakbo siya pababa at pumunta sa fountain. Matapos ay muling bumalik sa lobby at naghaluhog ng ilang bagay.

Idinial niya ang telepono. 'General, case closed!'

itutuloy..