Skinpress Rss

bato


Napakagandang panoorin ang pagsilip ng araw
May dala itong saya at kalungkutan.
Si Chris at mga alaala namin.
Ang batang babaeng uhugin noon.
Kababata.
Kalaro.

Anim na taon ako noon. Apat pa lang si Chris.
Madalas kaming magkita sa tabing dagat.
Nagkukulitan.
Naglalaro.
Nagsasabihin ng sekreto,
o kaya ay pinipili ang dapat kabati at kaaway.
Kampi kami palagi.


Sa may dalampasigan,
may malaking bato na nagsilbi naming tambayan. Tagpuan.
Inaakyat namin iyon.
Iniukit pa nga namin doon ang aming pangalan.
Pangalan muna niya tapos katapat nito ay ang sa akin.
Tanda iyon ng aming malalim na pagkakaibigan.


Sampo ako. Walo na si Chris.
Pasekreto kong nilagyan ng puso
ang nakaukit naming pangalan sa may bato.
Natatawa nga ako noong ginagawa ko iyon.
Hindi ko kasi akalaing mahuhulog ang loob ko.
Pero bata pa tayo kaya tinawanan mo lang.
Ngumiti na lang din ako.
Kunyari biro lang.


Labing walo ako. Labing anim na siya.
Mukha na siyang babae ngayon.
Hindi na siya maton.
Natuto ng mag-ayos.
Hindi na siya ang batang uhugin.
May malisya na din kung maliligo kami sa banyo ng sabay.
Bihira na din siya umakyat sa may bato.
Takot na siyang masugatan.
Kaya madalas, ako lang.
Inukit ko ng mas malinaw ang puso sa gitna ng aming pangalan.


Dalawampu't-apat ako. Dalawampu't-dalawa siya.
Nahihirapan na siya.
Nahihirapan pumili.
Sa dalawang manliligaw niya.
Kung sino ba ang dapat at
kung sino ang hindi?
Bakit ba hindi na lang ako?
Kaso wala ako sa pamimilian.
Bakit hindi ba ako pwedeng isama?
Para hindi ako nasasaktan.
Mahal ko naman siya.
Bakit ba hanggang kapatid lang ang tingin niya?


Dalawampu't-pito ako. Dalawampu't-lima siya.
17 taon na pala akong nagmamahal.
Masaya ako.
Magkakausap na kami.
Umakyat ako sa may bato.
Nakita ko na si Chris.
Kinawayan.
Umakyat siya.
Niyakap ko siya.
Niyakap din niya ako.
May ibinalita.
Napakasaya niya.


Limampu't-tatlo ako.
Matagal ko ng di nakikita si Chris.
Dalawampu't-anim na taon na pala.
26 na taong nakaukit ang pangalan ni Chris sa bato.
Sa batong marmol.
Nakadikit sa nitso.
Naging sakim ako.
Hindi ko nagustuhan ang balita nya.
Gusto ko lang ako ang mahalin niya.
Ayoko kong mapunta siya sa iba.
Hindi ko matatanggap na ikasal siya sa iba.
Kaya itinulak ko siya.
Sakim ako.Ganun ako magmahal.
Bakit ba
kasi hindi ako?