Skinpress Rss

Alas Tres y Medya



credits to orig owner 
Naghihintay siya ng liwanag mula sa pintuan at bintanang nakapinid. Tila hudyat na sasagip sa buhay na matagal nang nagtatago sa dilim.   Nakangiti siyang nakatingin sa huling usok na nagmumula sa sigarlyo at sa paglaho nito ay saka kinalabit ang gatilyo. Ang kalungkutang bumalot sa kanyang katauhan ay tila isang mitsa na naging tulay hanggang sumabog. Na sanay naupula kung may liwanag sanang sumilip.

Alas tres y medya. Pumanaw si utol.

Sabi ng professor  ko sa Social Science, ang pagkawasak daw ng pamilya ay tila isang malubhang sakit. Hindi ito basta lilitaw ng walang sintomas o senyales. Hindi pwedeng bigla lang. Walang instant na kanser, high blood o diabetes. Kahit simpleng sinat paniguradong dadapo. Kaya hindi pwede palaging idaan sa paracetamol tapos ingat dapat may check-up. Pero paano pa magpapacheck-up kung imbalido na? Kung bumulagta na. 

Simulang nang maging empleyado namin si Jilyn ay nagbago ang aming buhay. Magaling siyang maglaba. Sa sobrang sipag niya pati patalon at brief na sout pa ni Erpat ay nagawa niyang hubarin. Parang washing machine si Jilyn. Gumigiling. Umuugong.  Walang laban si Ermat dahil matagal na itong tumigil maglaba simula ng maopera.  

Ang mga bulungan ang kumunoy na humila sa amin pailalim.  Isa sanang sinat na naagapan. Kung may gumamot  sana at di dinaan sa patapal-tapal lang... 

Pinilit namin umahon pero sinulid ang aming nakapitan. Ang kahuhulihan hibla na amin sanang panghahawakan ay nauna nang bumigay. Ang aming ina.

Ang kwadernong naiwan sa ilalim ng kama ang naglalaman ng damdamin ni utol. Ang pagtangis ni Ermat. Ang galing ni Jilyn sa paglalaba. Ang pagbingi-bingihan ni Erpat. Ang pagtangis namin ng walang luha. Ang pagkupkop ng dilim sa pagkatao.  Ang pinagtagping dyaryo sa bintana hanggang sa walang liwanag ang kanyang manlaban.


Tanaw ko ang buwan mula sa aking kinatatayuan. Katabi nito ang nagkikislapang bituin na tila nagyayabang sa kaya nitong ibigay na liwanag kumpara sa buwan. Bakit nga ba nag-iisa siya kumpara sa ibang mga planeta? Bakit nga walang sariling liwanag ang buwan?  Ramdam kong  tumatangis ito dahil sa mapanlibak na mga tala kaya dahan-dahan itong nagtatago sa ulap.

Gaya ngayon... 

Sabi ng bulungan hindi matalino si utol tulad ng dinidikta ng kayang grado sa klase. Bobo siya. 
Hindi siya malakas tulad ng sinasabi ng kanyang husay  sa sports. Mahina siya. 
Hindi siya matapang tulad ng kanyang mga sinulat sa school paper. Duwag siya. 
Hindi siya magaling dahil nawalan na siya ng pag-asang mabuhay. 

Dahil hindi iyon si utol.

Si utol ay isang manlalakbay ng buhay. Isa siyang taong may kahinaan at kalakasan. Isang katawang naghahanap ng masasandalan pero pagkakalooban ng malambot na higaan.

Nalungkot ako para kay utol. Hanga ako sa kanya. 
Naghihintay ako ng liwanag mula sa pintuan at bintanang nakapinid. Tila hudyat na sasagip sa buhay na matagal nang nagtatago sa dilim.   Nakangiti akong nakatingin sa huling usok na nagmumula sa sigarlyo at sa paglaho nito ay saka ko kinalabit ang gatilyo.

Alas tres y medya na.

-wakas-


Lawas - Maikling Kwento



Maitim ang kaulapan sa kabila ng tirik na araw. Nilalamon ng makapal na usok ang bawat pagtatangka ng pagsilip ng araw sa Lawas. Pahupa pa lamang ang takot na namayani mula pa kagabi. Maging ang mga batang kadalasang naglalaro at ubod ng saya ngayon ay tila mga sisiw na nagkukubli. Ang galos ng matandang babae sa kanyang binti at braso ay alaala ng sunog na tumupok sa lugar. Ang kaserola sanang sisidlan ng pagkain ay nagsilbing tipunan ng mga bagay na pwedeng pakinabangan.


Ang kalye ng Rizal Avenue mula sa lungsod ng Batangas ay nagsasanga pagsapit ng sambat. Ang kanan ay patungong kapitolyo habang ang nasa kaliwa naman ay sa bayan ng San Pascual at Bauan. Simula ng palakihin ang pantalan ng Batangas ay dumagsa ang negosyo at kasunod nito ay ang paglobo ng bilang ng tao. Sumikip ang lungsod pati na din ang mga kalsada.

Pakyaw - Maikling Kwentong Pambata


Parang mga batang nagtitinikling ang mga ibon sa dalampasigan habang naghihintay ng malinamnam na agahan. Kadalasan ay nakikipaglaban sila sa malikot na alon o 'di kaya ay nakaabang sa biyayang ihahagis ng mga mangingisda. Naging tanawin na sa Bantigue ang pagdagsa ng tagak tuwing umaga.

Pasikat pa lamang ang araw ay sinalubong na ng mga batang tumatakbo ang alon sa dalampasigan. Naging katuwaan na nilang paliparin ang mga ibon bilang katuwaan. Ngunit iba ang pakay ni Moymoy ngayon sa dalampasigan.


Doon sa may Vergara


Litrato ni tuyong tinta ng bolpen.
May nagsabi sa akin na hindi pa pwedeng mamatay si Kardo sa Probinsyano kaya dapat umilag siya sa RPG. Hindi dahil sa mataas ang rating nito sa primetime kundi sa mga artistang tinetesting kung sisikat at para sa mga laos na pwede pang makabalik ng limelight. Testing waters ika nga ng mga burgis.

Iba't iba talaga ang topic kapag inuman kaya pati si Kardo napag-usapan. Hindi daw kasi nalalayo si Dalisay sa aming kapitbahay. Hindi pa pwede magretiro kahit nanlalagas na ang puting buhok kasi madami pang umaasa. Tapos bigla kaming nagtawanan. Late bloomer daw kasi ang matanda.


May UTI si pareng Omar. Tamad daw kasi siyang uminom ng tubig pero kaya nyang lumaklak ng isang dosenang redhorse kahit hindi naman bumibili. Madaming nainom si pare. Maya maya umiyak nang wala dahilan. Tama may UTI sya. Uminom Tapos Iyak. Naiscam pala sya. Hindi pera kundi sa pag-ibig. Matapos mag-invest ng feeling nawala na. ayun iyak si kolokoy.