Skinpress Rss

The Confession



"Anong final course grade mo sa major?" tanong sa akin ng bestfriend kong si Jerry.

"2.5. Hindi na masama, akala ko nga babagsak pa ako." Nakahinga ako maluwag matapos namin kunin ang class card sa aming major subject. "Salamat sa tulong!"

"Tulong? Hindi naman ako ang tumulong sa'yo."

"Ikaw kasi ang nakaisip ng group study."

"Sus! Do'n ka magpasalamat!" Ibaling ko ang aking tingin sa gawing kanan. Inginuso ni Jerry si Amerey sa may kanang bahagi ng north lounge. "Tara!"

Matalino si Amerey. Palagi siyang nangunguna sa klase at hindi din siya naging madamot ibahagi ang alam niya. Idea ng bestfriend ko ang group study tuwing activity period. Nagpapatulong kami kay Amerey sa mga bagay na hindi namin maintindihan. Nagtataka nga ako dahil mas naiintindihan ko pa ang paliwanag ni Amerey kaysa sa mismong prof na may ipinagmamalaking masters at doctorate.


"Hi!" bati sa amin ni Amerey habang sinusuklay niya ang kanyang buhok gamit ang kanyang mga daliri. "Makakagraduate na ba?"

Likas na mabiro si Amerey. Kapag nagrereview kami siya pa ang pasimuno ng tawanan lalo na kapag nagkokomparahan kami ng sagot ni Jerry. Katwiran niya, review na nga lang daw nagkokopyahan pa kami.

"O-oo," nahihiyang sagot ko pa. Halos buong taon kaming tinuruan ni Amerey kaya abot-abot palagi ang pasalamat ko. Minsan sa bahay pa nila kami nagrereview kapag kinukulang sa oras. "Saka na kita ililibre ha."

"Oh ako muna ang taya ngayon!" Tiningnan ni Jerry ang kanyang wallet. "May one hundred pa 'ko dito."

Natawa si Amerey. "Akala ko bigatin ka na ah. Pawallet wallet pa." Nagtawanan kaming tatlo. "Sige pwede na 'yan!"

Matindi ang paghanga ko kay Amerey. Hindi dahil sa matalino siya kundi sa taglay na kagandahang loob. Nahulog ang loob ko sa kanya pero hindi ko naipagtapat dahil nahihiya ako. Masyadong malayo ang agwat namin. Kapag may ipagmamalaki na ako saka ko sasabihin ang lahat. Kapag kaya ko ng tapatan kahit kalahati ng kanyang achievement. Ilang araw na lang graduation na. Kapag may trabaho na ako sasabihin kong mahal ko siya. Maililibre ko na siya kapag sumasakay kami ng tricycle.


Sabay kaming nagkatrabaho ni Jerry. Dalawang buwan kaming tambay dahil itinuring namin iyong pahinga. Holiday period sa pamamaalam bilang estudyante at preparasyon para sa pagpasok sa isang kompanya. Sa isang kompanya lang kami nag-apply. Sa HR siya na-assign ako naman ay sa Software Analysis.

Naramdaman ko ang dahan-dahan kong pag-angat sa kompanya. Dito ko napatunayan ang kakayahan ko na hindi ko man lang naipakita noon sa paaralan. Hindi din naman nagpahuli ang bestfriend ko. Umangat din siya sa department na kinabibilangan niya.

"Kumusta ang mga bigatin?" kantiyaw sa amin ni Amerey. "Tanda ko, may nangako na maglilibre, di pa tinutupad." Binigyan nya ako ng pilyong ngiti.

Napakamot ako sa aking noo. "Oo na. Oo na. Ako na ang taya."

Regional Manager na si Amerey pero hindi ko siya kinakitaan ng pagbabago. Nanatiling nasa lupa ang kanyang mga paa. Kung hindi pa namin naitanong sa mga katrabaho niya di namin malalaman na sya ang boss nila. Handa na akong ipagtapat sa kanya ang nararamdaman ko pero may alinlangan ako.

"Sigurado ka ba?" usisa sa akin ni Jerry. "Three years iyon."

"Sayang ang chance. Fit naman ako sa qualification bilang Project Manager."

"Sige. Goodluck. Irerecommend kita na ikaw na lang ang ipadala sa Singapore."

"Hindi na ba namin mapipigilan ang pagyaman mo?" singit ni Amerey. "Padalhan mo ako ng snow."

"Wala namang snow do'n! Lasing ka na Amerey!"

"Wala ba?" pakunyaring di niya alam. "Pasensya na! Quiapo na ang pinakamalayo kong narating." Mataginting ang halakhak ni Amerey.

Palagi kaming nag-uusap ni Jerry sa pamamagitan ng emails at telepono. Ikunukwento ko sa kanya ang mga nangyayari sa akin sa Singapore at ganoon din naman siya.

"Ikakasal na kami. Ikaw kelan?"

"Pagbalik ko ng Pinas. Sino naman ang nabitag mo?"

"Napana ni kupido tol. Hindi bitag. Si Amerey." Napipi ako. "Hello?"

"Nakakagulat ah. Congrats tol."

"Siya iyong tinutukoy ko sa'yo sa email kapag humihingi ako ng tips sa'yo."


Parang sumakay lang ako ng space shuttle sa bilis ng takbo ng panahon. Mabilis lang pala ang tatlong taon kapag tutok sa trabaho. Prenteng prente akong nahiga sa kama pagkadating ng bahay. Nag-inat muna ako at niyakap ng mahigpit ang aking unan. Tiningnan ko ang oras, ilang minuto pa bago mag-alas siete ng gabi. Ipinatong ko ang isang unan sa aking mukha bago ako pumikit. Nakakaramdam na ako ng antok ng biglang tumunog ang telepono. Nagtataka ako dahil wala namang nakakaalam ng aking pag-uwi.

"Hello?!"

"Dalaw ka dito sa bahay naghanda ako para sa pag-uwi mo. Akala mo hindi ko alam na darating ka ha." Madaming sinabi si Jerry. Pero isa ang tumatak sa aking isip. "Hihintayin ka namin ni Amerey."

Mabigat ang aking katawan dahil naikondisyon ko na ang aking sarili sa pagtulog. Tinatamad akong kumilos. Parang may kadena ang aking mga paa pero nakapaghanda na ang bestfriend ko kaya hindi na ako nakatutol. Hinihintay nila ako. Kumilos ako. Nagbihis at mabilis na umalis para makauwi din agad.

Nakatanaw na agad sina Jerry at Amerey sa aking pagdating. Nakayakap ang isang batang babae sa hita ni Amerey habang nakatago sa bandang likuran. Maharil iyon ang kanilang anak. Lumapit sila sa akin. Inakbayan ako ni Jerry at hawak naman ni Amerey ang isa kong kamay habang papasok ng bahay.

"Bakit hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka?" tanong ni Jerry. "Akala mo hindi ko malalaman ha."

"Balak ko sana kayo sorpresahin. Gugulatin ko sana kayo sa opisina bukas!"

Pagkatapos ng kainan, inilabas ni Amerey ang alak. Tulad ng dati, mabiro pa din si Amerey. May kirot akong nararamdaman sa tuwing magtatama ang aming paningin. Parang gustong sumabog ng aking dibdib.

"Oh kailan ka ikakasal?" siniko ako ni Jerry.

"Anong kailan?" nalilitong tanong ko.

"Akala ko kapag bumalik ka ng pinas e, mag-aaasawa ka na?"

"Oh dahan dahan lang ng inom may dadalawin ka pa pala e," singit ni Amerey.

"Teka bakit nyo ba ako minamadali?" natatawang sabi ko.

Nagbulungan ang mag-asawa tapos saka nagtawanan. "oh? Sige ikaw na ang magasabi sa kanya." wika ni Amerey.

"Alam mo tol, may confession sa akin si Amerey noong umalis ka. Type ka pala niya noong college pa lang tayo!"

Naumid ako. Isinalin ko ang alak sa baso at lumagok ng ilang beses. "Talaga? Sana sinabi mo agad! Malay mo sinagot kita."

Nagtawanan kaming lahat. "Torpe ako e kaya hesitant akong magtapat sa'yo."

"Kung nagkataon pala ako ang binata ngayon!" biro ni Jerry.

Binuksan ko ang isa pang bote ng alak. Gusto kong lunurin ang aking sarili para maalis ang sakit at panghihinayang.

-end-
------
pafollow sa fb : http://facebook.com/tuyongtinta


Bravus - chapter 1


Prologue





Maliit, mabilis kumilos subalit mahina ang mga bravus kaya sa panaginip sila umaatake. Ginagamit nila ang kanilang bilis para hindi mapansin. Tanging ang Arneb, pinuno ng mga bampira at bravus, ang nakakakita sa kanila.

Ang bravus ay may paningin pero animo'y bulag sila dahil bawal silang tumingin. Sila ay mga bingi kahit may pandinig. Sila ay mga pipi kahit kaya nilang magsalita. Wala silang emosyon kahit nakakaramdam sila. Ang pwede lang nilang gawin ay sundin ang nakaatas na trabaho sa kanila. Ang magnakaw ng emosyon.

"Bampira!" Nagtatakbo ang isang lalaki matapos ang pagsulpot ng bampira. "Tulong!"

"Bwahahaha!" Nagtawa ang bampira. Nasukol niya ang biktima sa isang eskinita.

"Lagot ka ngayon!" Mula sa likuran may matulis na bagay ang tumama sa bampira. "Nahulog ka din sa aming patibong!!!" Ilang saglit lang ay naging abo ang bampira.

"Salamat punong babaylan," wika ng isang lalaki.

"Walang anuman. Hanga ako sa lakas ng loob mong isugal ang iyong buhay para gawing pain sa bampira."

"Handa po akong gawin lahat para maubos ang lahi ng bampira."

"Punong babaylan, paano naman po ang anak kong nabaliw?" singit ng isang humahangos na matandang babae.

"Mga bravus ang may pakana ng pagkabaliw ng iyong anak."

"Kung kailangan kong maging pain, payag ako. Magamot lang ang aking anak."

Umiling ang babaylan. "Wala pang nakakakita sa bravus kundi ang biktima. Kaya ang biktima din ang may kakayahang labanan ang kanyang pagkabaliw."

"May paraan ba para maubos ang bravus? Marami na silang nabibiktima!"

"May paraan pero mahirap. Kailangang mamatay ang nag-uutos sa mga bravus."

"Ang Arneb?"

"Oo ang Arneb. Pero ang Arneb ay nanahan sa bawat isa sa atin. Para mamatay ang Arneb kailangang maalis ang poot, inggit, pagnanasa, galit at paghihiganti sa puso ng bawat tao," wika ng babaylan.

"Mahirap nga at nakapaimposible."

"Sa ngayon, nalipol na natin ang lahi ng bampira magiging bihira na lang ang pagkilos ng mga bravus."


Noong una bago umatake ang mga bampira, sumusugod muna ang mga bravus para maging mahina ang napiling biktima. Nagsisilbing tagapaglikod ng bampira ang mga bravus. Dahil sa pagkaubos ng mga bampira, naging minimal na ang kanilang pagkilos. Saka lang sila umaatake kapag nauubos na ang inimbak nilang emosyon ng tao na pinagkukunan ng lakas nila.

May matalim na mga pangil ang mga bravus na ginagamit nila upang kagatin ang leeg at makapasok sa panaginip ng tao. Inilalagay nila ang mga alaala ng tao sa isang sidsidlan upang tuluyan mawala ang emosyon. Pinapalitan nila ng takot ang isip ng tao para lumakas ang Arneb at upang mabaliw o mamatay ang biktima.

Inutusan ng Arneb ang mga bravus na palaganapin ang takot sa bawat tao. Bawat tao ay may kanya-kanyang panaginip na nakalaan. Walang karapatan ang bravus na sumuway sa utos dahil iyon ang kanilang trabaho.

Isang gabi, nagluwal ng isang sanggol ang isang pasyente sa ospital. Masaya ang mag-asawa dahil mahabang panahon ang kanilang ipinaghintay bago magkaanak. Isang malusog na batang lalaki ang ipinakita sa kanila ng doktor. Subalit nakatakdang mamatay ang sanggol. Pumasok na sa bata ang bravus. Hindi nakaramdam ng awa ang bravus dahil maaring makaapekto sa kanilang trabaho kung magpapakita sila ng emosyon.

"Doc, bumababa ang vital signs ng sanggol," wika ng isang nurse.

"Ano? Malusog na iniluwal ang sanggol! Normal ang lahat kanina." gulat na pagtataka ng doktor sa biglang panghihina ng sanggol. "Dali kunin mo ang mga gamit!"

Subalit bago pa makakilos ang nurse. Pumanaw na ang sanggol.


itutuloy.....
-------
salamat kay brian rafael sa drawing..
you may visit his drawings here.

Bravus - Prologue





Pumalo na ang mga kamay ng orasan sa ikalabing-isa ng gabi. Marahang binuksan ni Dency ang ang pintuan ng bahay sa pag-aalalang magising ang ina. Ibinaba niya ang kanyang gamit sa kamagong na mesa at nahiga sandali sa sofa. Nanunuot sa kanyang ugat ang matinding pagod sa trabaho. Inalis niya ang kanyang sapatos gamit ang mga paa. Bumigat ang talukap ng kanyang mata na wari'y may nakabitin na bato.

Naramdaman niya ang mga yabag na papalapit sa kanya. Gising pa ang kanyang ina. Hinintay ang kanyang pag-uwi. Iniangat niya ng bahagya ang kanyang ulo. Nakangiti sa kanya ang ina. Tumayo agad si Dency at niyakap ang magulang.

"Ginabi ka yata?" pag-aalala ng ina. Hinalikan niya sa pisngi ang anak. "Ihahanda ko na ang mesa para makakain na tayo."

Napabuntong hininga si Dency. "Daming nangyari sa hospital Ma, kaya ginabi ako ng uwi. Weird nga e."

"Kumain ka na muna bago ang kwento." Hinawakan niya anak sa balikat at inalalayan papunta sa kusina. "Para makapagpahinga ka din. Alam ko pagod ka."

Amin na buwan ng nagtatrabaho bilang nurse si Dency sa isang sikat na hospital. Dahil may kalakihan ang hospital madalas lampas sa walong oras ang iginugugol niya sa trabaho.

"Ma, di ba sabi ko huwag nyo na akong hintayin? Mapupuyat kayo n'yan."

"Hayaan mo na ako anak. Gusto ko ang ginagawa ko at isa pa mas masarap kumain kapag may kasabay." Nagbigay ng matamis na ngiti ang ina sa kaharap.

Nag-iisang anak si Dency kaya siya ang sentro ng buhay ng ina. Masaya ang ina noong nakatapos siya at todo ang suporta nito sa kasalukuyan niyang trabaho. Kasalukuyang nasa ibang bansa naman ang kanyang ama.

"Ma, basta kapag inaantok na kayo huwag n'yo na po ako hintayin," bilin ni Dency sa ina.

"Ano nga bang weird na sinasabi mo sa ospital at ginabi ka?" nahihiwagahang tanong ng ina at pag-iiba na din sa usapan.

Kumuha ng prutas si Dency bago nagsalita. "Kasi Ma, dalawa sa hawak kong pasyente ang bigla na lang nabaliw."

"Nabaliw?" pagtataka ng ina. "Baka may history na sila," dagdag pa nito.

"Wala po e. Ang matindi pa po, limang na beses nangyari sa loob lang ng isang Linggo." Napailing si Dency. "Nagreklamo tuloy ang mga kaanak dahil maayos naman ang lagay nila."

"Pasyente mo lahat? Weird nga."

"No Ma. Sa ibang nurse ang tatlo."

"Baka naman di nakayanan ng pasyente. May pagkakataon di ba na kailangan din ng emotional strength para gumaling," paliwanag ng ina kay Dency. "Tama ba ang dosage ng gamot nyo?"

"Tama naman po."

"Weird nga yan."

"Ito Ma ang matindi kaya nagrereklamo kanina ang mga kaanak, iisa ang sinasabi ng mga pasyente."

"Anong ibig mo sabihin?"

"Lahat ng nabaliw sinabing nanaginip sila ng isang kakaibang nilalang." Tumindig ang balahibi ng ina ni Dency. "Nagmamakaawa ngang lubayan sila. Sisigaw tapos biglang tatahimik. Tapos may dalawang parang kagat sila sa leeg."

"May dalawang kagat sa leeg?!"

"Opo Ma. Kaya nagkagulo sa ospital kasi parang may milagrong nangyayari."

"Mga Bravus," pabulong na wika ng ina.

"Ano Ma?"

"Wala anak. Wala."

"Anong Bravus Ma?"

Tumayo sa hapag kainan ang ina. Niligpit niya ang mga platong ginamit. "Mga kwentong nayon lang iyon anak. Ang mga Bravus ay kaanak ng bampira pero wala pang nakakakita sa kanila kundi ang kanilang mga biktima. May kakayahan kasi silang pumasok sa panaginip."

"Ngayon ko lang nadinig yan? Ano pang meron sila?"

"Gusto mong malaman?"

"Sounds interesting kahit kwentong nayon lang."

Nagpatuloy ang ina, "Sabi sa kwento, nabubuhay ang mga Bravus sa pagnanakaw ng emosyon ng tao. Mahina silang nilalang kaya ang mga may sakit o malapit ng pumanaw ang kanilang biktima. Tapos maaring mabaliw o mamatay ang kanilang biktima."

"Paano sila naging kakanak ng bampira?"

"Itutuloy ko pa ba o magtatanong ka na lang anak?"

"Sorry." Niyakap ni Dency ang ina. "Tuloy Ma. Kunyari bata ulit ako at bed time stories ngayon."


itutuloy.....
-----
credits to bryan rafael sa drawing

Oopss! Andyan si Kuya!





Pikit mata kong inamoy ang aking kamay matapos kunin ang sukli sa binili kong betsin sa katapat na tindahan. Karaniwang sari-sari store lang ang pwesto ni Aling Katrina sa mga normal na araw pero dinudumog ito ng mga tao partikular ng mga kalalakihan tuwing araw ng sabado at linggo. Umuuwi kasi ang anak nilang si Perl at siyang nagsisilbing bantay ng tindahan kapag walang pasok. Walang mag-aakala ang ang naglalangis na katawan ni Mang Gardo ay makakagawa ng isang kaakit-akit na nilalang.

Alas onse ng umaga nagiging blockbuster ang tindahan. Ito kasi ang oras na bagong paligo si Perl kaya nagkakagulo ang mga lalaki. Madalas nakashorts at sleeveless lang ang dalaga kaya nahuhumaling ang lahat sa alindog niya. Kanya-kanyang singit. May tulukan. Kahit matanda nanabik bumili. Mas okey nga naman mautusan patungong tindahan kaysa magtiis sa amoy adobong asawa. Kapansin-pansin lahat ay di nagbibigay ng eksaktong halaga para masayaran ang kamay kapag nagsukli na si Perl.

Bawat bumibili may diskarte para makuha ang atensyon ni Perl. May kanya-kanyang kwento para makuha ang ngiti ng dalaga. Pero mailap si Perl sa mga nagpapansin. Hindi siya masyadong sumasakay sa bola ng mga kalalakihan. Nasanay na din siguro. May mga naglakas loob din na manligaw sa kanya pero bigo agad sa unang araw pa lamang. Kaya natakot akong magtapat ng aking paghanga sa kanya.

Suplado ang binuo kong imahe kay Perl dahil sa takot kong masupla. Hindi ako nagpakita ng pagkabaliw sa kanya para maiwasang mabuking ang itinatago kong paghanga.

"Pabili ng coke," wika ko kay Perl. "Maliit lang. Pakiplastik." Saka lang ako tumitingin kay Perl kapag nakaside view siya para hindi halatang tinutunaw ko na siya. Hindi ko maiwasang mapakagat labi. Kinikiliti ng pabango ni Perl ang aking ilong. Lutang na lutang din ang kanyang kaputian sa suot niyang purple sleeveless.

"Six pesos." Humakbang na agad ako palayo matapos kunin ang aking sukli. Tulad ng nakagawian inamoy ko ang aking palad. "Eman, graduate ka na ba?" pahabol ni Perl na tila gusto pa akong kausapin.

"Oo. Last year pa. Sige may gagawin pa ako." Hindi ko kayang tagalan ang pakikipag-usap kay Perl dahil siguradong magbubuhol ang dila ko.

Inilagay ko sa bulsa ang aking kanang kamay para ma-ipreserve ang naiwang amoy mula sa saglit na pagdadaop ng palad namin. Hanggang sa pagtulog ko, inaamoy ko aking kamay. Napapangiti ako sa tuwing naalaala ko ang maikiling usapan namin. Kapag nagkaraoon na ako ng lakas ng loob, sasabihin ko na ang lahat.

Hanggang sa panaginip ko, kami ni Perl ang bida. Naghahabulan kami sa damuhan, nagtatampisaw sa tabing dagat tulad ng mga nagmamahalan, namamasyal sa mga parke at higit sa lahat ang maiinit na halik habang lumulubog ang araw sa kanluran.

"Aling Katrina, Mang Gardo di po ba kayo magbubukas?" tanong ko sa mag-asawang pusturang pustura sa suot nilang T-shirt ng nanalong kandidato noong nakaraan eleksyon. "Magandang umaga po."

"Magandang umaga, Eman," bati ni Mang Gardo. "Mamayang hapon na siguro. Naubusan kasi kami ng paninda." Hindi nakakapagtakang maubos agad ang paninda ng mag-asawa dahil kahit ang mga taga kabilang eskinita ay nagkukumahog makipagsiksikan sa kanilang tindahan para lang masilayan si Perl. Kahit asin palaging ubos. Kung may tinda ngang hollow blocks malamang palaging may nagrerepair ng bahay kapag sabado at linggo.

"Mamimili pa kami sa bayan at walang magbabantay sa tindahan," dagdag pa ni Aling Katrina.

"Si Aries po?" tukoy ko sa panganay na anak ng mag-asawa. Si Aries ang naisip kong itanong para hindi mahalata ang interes ko kay Perl.

"Naku! Alam mo naman ang batang 'yon puro basketball ang nasa isip hindi maasahan sa tindahan. Si Perl naman paalis na mamaya," sagot ni Mang Gardo. "Sige Eman!"

"Ingat po kayo."

May mga araw talagang itinuturing na malas. Kapag nauubos agad ang paninda ng mag-asawa walang pag-asang makita ko si Perl. Bibihira itong lumabas ng bahay para maiwasan na ding mabastos ng mga tambay. Mabuti na lang katapat lang ng bahay namin ang tindahan kay may pagkakataong nakikita ko siya sa may garden o terrace ng bahay.

Halos mapilipit ang leeg ng mga dumadaang lalaki sa panghihinayang dahil sa hindi pagbubukas ng tindahan. May nagsisi pa dahil sa kanilang maagang paliligo pero hindi naman pala makakausap ni Perl. Napilitan tuloy silang maglakad papunta sa tindahan ng matandang may kahinaan ang pandinig.

"Eman! Eman!" tawag ni Perl mula sa may gate ng kanilang bahay.

"Ako?" tanong ko pa kahit alam ko namang ako ang tinatawag. "Bakit?"

Lumakad ako palapit sa kanya. "Patulong naman oh," malambing na pakiusap niya. "Nasira kasi ang supply ng tubig sa banyo. Magpapatulong sana ako sayo sa pagbubuhat. Wala kasi si kuya."

Luminga-linga muna ako sa paligid. "Baka naman mapagalitan ako ng admirer mo. Sabihin sinasamantala ko ang pagkakataon."

"Hmmp! Hayaan mo sila! Ikaw lang kasi ang alam kong di manyak dito." Bahagya akong tumungo para hindi mahalatang ngumiti ako." Please Eman, baka kasi matagalan pa si kuya."

Lumingon muli ako at pakunyaring nag-aalinlangan. "Oh sige. Saan ba ako dadaan?"

"Sa likod bahay na lang. Nandoon din naman ang gripo," wika niya.

Halos mapalundag ako sa tuwa. Hindi ko inaasahan ang lahat. Akala ko malas ang araw na ito. Pumunta ako sa likod bahay at binuhat ang isang timbang tubig papasok sa loob ng banyo.

"Eman, salamat," nakangiting wika ni Perl.

"No problem." Hindi ko maiwasan ang mata ni Perl. Sobrang nakakaakit lalo na kapag ngumiti siya kaya hindi nakakapagtatakang mahumaling sa kanya ang karamihan. "Sige aalis na ako."

Hindi agad ako makahakbang dahil tila nagpapatintero kami ni Perl. Parang sobrang liit ng daan. "Natatawa naman ako sa'yo Eman."

"Pasensya na," kakamot kamot ko pa sa ulong paumanhin. "Sige."

Lumakad na ako palabas ng bahay pero biglang hinawakan ni Perl ang aking braso. "Meryenda ka muna."

Kakaibang kuryente ang dumaloy sa aking katawan. May kiliting hatid ang padidikit ng aming balahibo. Humarap ako sa kanya at ngumiti. Hindi ko namamalayang kumikilos ang aking kamay. Hinawakan ko ang kanyang braso pababa sa kanyang kamay hanggang magdaop ang aming mga palad. Pinisil ko ng bahagya. Walang pagtutol.

Ramdam ko ang unti-unting pagbilis ng kanyang hininga. Kinabig niya ang kanya braso pero hindi ko niya inalis ang aking kamay. Dumikit ako sa kanya. Ipinikit niya aking kanyang mga mata na tila nag-aanyaya. Pinaunlakan ko ang kanyang imbitasyon. Hinalikan ko ang kanyang labi. Marahan. Mapusok. Nagpaubaya siya. Isinandal ko siya sa dingding.

Kusang loob niyang idinikit ang aking palad sa kanyang dibdib. Dinama ko ang hubog. Napaliyad siya. Napaungol. Kumilos ang isa kong kamay. Malayang naglakbay kung saan man naisin. Impit na tinig lang ang maririnig kay Perl. Niyakap niya ako ng mahigpit.

Humakbang siya. Nauunawaan ko ang gusto niyang mangyari. Dahan dahan kong itinaas ang kanyang damit habang naglalakad kami patungo sa sofa. Naging bayolente siya pagkaupo. Agresibo siyang umupo sa aking kandungan at siniil ako ng halik. Halos maubusan ako ng hininga. Kinagat ko pa ang aking labi para makasiguradong hindi ako nanaginip.

"Perl! Perl!" Mabilis na inayos ni Perl ang kanyang sarili bago pa kami maabutan sa mainit na tagpo.

"Ooppss! Andyan si kuya!" bulalas ni Perl. Mabilis kaming kumilos. "Doon ka muna sa likod."

Kinuha ko agad ang timba sa loob ng banyo at nagbalik sa likod bahay.

"Nasaan sina Mommy?" tanong ni Aries.

"Nasa palengke," sagot ni Perl. "Kuya, tumawag ka naman ng tubero. Nasira ang supply ng tubig sa banyo."

Pumasok ako ng bahay at nagkunyaring hindi namalayan ang pagdating ni Aries. "Pasok ko na ito sa banyo Perl?" tanong ko. "Uy Aries, tol."

"Nakakahiya kay Eman! Bakit siya pa inutusan mo Perl?"

"Eh hindi ko naman alam kung anong oras ka darating. Hindi naman kita matawagan!" sumbat ni Perl sa kapatid.

"Kaya nga ako bumalik kasi naiwan ko ang phone ko." Kinuha ni Aries ang kanyang cellphone sa drawer. "Pagkatapos ng laro, tatawag ako ng tubero."

"Sige una na ko." sabat ko sa dalawa. Nabitin ako pero solve na din. At least hindi na panaginip ang lahat.

"Mahiya ka naman Perl! Kumuha ka ng meryenda," utos niya. "Aalis na ako, maiwan na kita Eman."

Inihatid ni Perl ng tingin ang kapatid. Ipininid niya ang pinto at binigyan ang ako ng malikot na ngiti. "Meryenda ka muna Eman."

Tumakbo siya sa sofa. Maya-maya pa ay naghahabulan na ang aming hininga at tuluyang sumuko ang bataan.

-end-