Skinpress Rss

Love Bus - Final Chapter


Chapters 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 |14 |15 | 16|17|18|19 | 20 |21|22
"Saan tayo pupunta?'" usisa ni Christine.

"Uuwi na. Ikaw na lang ang magdrive!" dismayadong wika ni Miel.

"Sorry.. Ako ang tumawag kay Andrew para pumunta dun.."

"Alam ko! And I hate it. Wala namang ibang magtuturo kung nasaan tayo. Hindi ko lang maiisip na magagawa mong makipagsabwatan. Nag-alaala talaga ako noong nawalan siya ng malay pero kalokohan lang pala."

"Teka, wala akong alam doon..."

"Ang alam lang niya ay paglaruan ako! Siguro karma lang sa akin." Hinawakan ni Miel ang kanyang bibig. Pinigilan niyang maiyak.

Nagtaas lang ng balikat si Christine at nagpatuloy sa pagmamaneho. Hindi na nga siguro dapat siya nakikialam sa dalawa pero gusto naman niyang maging masaya ang kaibigan kaya tinutulungan niya si Andrew na umamin sa nararamdaman.

"Anong plano mo ngayon?"

"Ihatid mo ako sa terminal. Babalik na ako ng Manila."

"What? Kararating ko lang uuwi na agad! Nahihibang ka na talaga?"

"No. Gusto ko lang lumayo. Pwedeng dumito ka muna."


Naiwan si Andrew sa Casino. Hindi niya alam kung saan pupunta matapos siyang yayain papuntang Casino siya pala ang maiiwan. Halo-halo ang kanyang nararamdaman. Takot siyang mawala muli si Miel pero paano? Hindi niya alam kung saan pupuntahan ang dalawa. Siguro hanggang doon na lang talaga. Hindi siya sumusuko pero kailangan niyang bigyan ng space si Miel.

"Time to go home..." Pumara si Andrew ng taxi at nagpahatid sa terminal ng bus.

Wala nga sigurong seryosong patutunguhan ang anumang namamagitan sa kanila ni Miel. Hindi sila magkasundo sa mga gusto nila mangyari. Madalas silang magtalo kahit sa pinakamasimpleng bagay.
Marami pa siyang bagay na dapat ayusin kaya naisipan ni Andrew na bumalik ng Manila.


"Hindi ba talaga kita mapipiligilang Miel?" wika ni Christine. Hinawakan niya ang balikat ng kaibigan at saka nagsalita muli. "Makinig ka, matagal ang hinintay mo sa chance na ito, babalewalain mo pa ba? Baka kung kailan di na kayo magkita saka ka magmumukmok at hilingin muli na magkita kayo. Patawarin mo ako kung nanghimasok ako sa inyo. Gusto ko lang makitang masaya ka. Kaya nga kaibigan mo ako di ko hahayaan nalulungkot ka."

"Salamat Christine. Hindi ka ba napagod sa haba ng dialog mo?"

"Seryoso ako tapos ganyan ka!"

"I'm okay. Kaya ko 'to.. Himala na siguro kung magkikita pa kami ulit."

"Eh paano nga kung magkita ulit kayo?"

"Imposible. Maliban na lang kung ituturo mo ako.."

"Eh paano kung magkita nga kayo nang di ako nakikialam?"

"Ako mismo ang yayakap sa kanya para iwelcome."

"Sure ka? Deal?"

Tumango si Miel. "Paano sasakay na ako."

Pagkaupo ni Miel sa loob ng bus ay kumawala ang luhang kanina pa pinipigilan. Impit ang kanyang paghagulhol dahil ayaw niyang madinig ng ibang tao sa bus. Niyakap niya ng sariling katawan pakiramadam niya ay wala na siyang karamay. Siguro kailangan na niyang tumigil na ipagsiksikan ang sarili kay Andrew. Matagal siyang naghintay kay Andrew na sabihing mahal siya nito pero bigo siya madinig ang gusto niya.

Nahihiya siya sa kanyang sarili. Akala niya'y nakipagsabwatan si Christine kay Andrew sa pagpapanggap nito. Naunahan siya ng pagkapikon kaya di na niya nahintay ang paliwanag ni Andrew. Pagod na pagod na siya. Tinakpan niya ang kanyang mukha at nakatulog.

"Buti umabot ako," bulong sa sarili ni Andrew. Swerteng umabot si Andrew sa paalis na bus. Maluwag pa ang bus kaya malaya siyang nakapamili ng komportableng pwesto. Tulad ni Miel, hindi din maalis sa isip niya ang nangyari kanina. Maraming bagay silang dapat asikasuhin pero di nangyari dahil isiningit niya ang personal na buhay na di naman dapat dahil napagkasunduan nilang business muna ang pakay nila sa isa't isa. Pero anong magagawa niya? Bihirang pagkakataon lang na makita silang muli. Kaya sinunggaban na niya ang pagkakataon, 'yon nga lang di maganda ang kinalabasan. Sa isip niya, tadhana na lang ang magpapasya kung magkikita pa sila ni Miel. Mahaba pa ang kanyang lalakbayin kaya minabuti na niyang matulog.

Marami ang nagbubulungan para makalikha ng ingay. Naalimpungatan si Miel. "Stop over na ba?" tanong ni Miel sa sarili. Hinawi niya ang kurtinang humaharang sa bintana. Wala siyang makita, madilim at tahimik ang paligid para maging stop-over. Isa-isang nagbabaan ang pasahero bitbit ang kanilang mga gamit.

"Ano pong nangyari?" usisa ni Miel sa pinakamalapit na Ale.

"Nasiraan ang bus. Ililipat na lang daw tayo ng bus."

Naupo muna si Miel. Ayaw niyang makipagsiksikan sa mga tao sa pagbaba tutal wala pa din namang bus. Ilang buntong hininga ang pinakawalan ni Miel. Naisip niyang magpasundo na lang sa driver o kaya kay Christine.

"Ang bag ko? Ang bag ko!" Kinabahan si Miel. Kinapa niya ang kanyang bulsa, wala siyang cellphone, wala siyang wallet at higit sa lahat wala siyang pera. "Manong nawala ang bag ko!" sigaw ni Miel sa loob ng bus.

"Naku, miss bumaba na po ang mga pasahero at nakasakay na din ang unang batch hindi na po natin malalaman kung sino ang kumuha non. Kung sino na lang ang nandito 'yon na lang po ang inspect natin."

"Please pakitulungan na lang po ako. Hindi ko alam kung paanon ako makakauwi n'yan."

Mabilis naman kumilos ang driver at konduktor pero bigo silang mahanap ang bag ni Miel. "Mga manong paano na?"

"Pasasakayin na lang po namin kayo ng bus. Naitawag na din po namin sa ibang bus na mag-inspect ng pasaherong sumakay," paliwanag ng driver.

"Salamat po."

Bigla-bigla ang pagtigil ng bus. Sunod-sunod din ang hakbang ng mga tao kaya naputol ang mahimbing na tulog ni Andrew. Tiningnan niya ng bahagya ang mga pumapasok, papikit na sana siyang muli nang may biglang mapansin na pamilyar na mukha.

"Miel?!" Napalingon naman bigla si Miel at bumulaga sa kanya ang bagong gising na si Andrew. Napaurong siya at tumakbo palabas ng bus sa di niya alam na dahilan. Tumakbo din pababa ng bus si Andrew para habulin si Miel. "Halika nga!" Hinila ni Andrew ang patakas na si Miel. "Huwag mo akong iwasan please!"

"Hindi kita iniiwasan! Nawawala ang bag ko. Hinahanap ko lang."

"Mabuti."

"Nang-aasar ka ba? Anong mabuti dun? Hindi ko nga alam kung paano uuwi."

"Kasi ako na lang ang chance mo para makauwi."

"As if naman ikaw lang ang tao sa mundo! Pasakay na nga ako e, papansin ka lang!" paismid na wika ni Miel na may pagtataas pa ng kilay pero sa loob-loob niya ay nakahanap siya ng ease dahil makakauwi siya ng di magmumukhang palaboy sa paghahanap ng tutulong.

"Sige. Ingat ka. Akyat na 'ko ha? Mahirap maiwan dito lalo't di ako pamilyar," pananakot ni Andrew. Humakbang siya ng mabagal pabalik ng bus.

"Teka! Teka... Ayaw ko din maiwan dito." Maamong tupang wika ni Miel. Madiin ang pagkakabig niya sa braso ni Andrew.

Niyakap ni Andrew si Miel at hinalikan sa noo. "Buti naisipan ko din umuwi. Sorry kanina."

"Bakit may kiss pa?" tanong ni Miel.

"Namiss kita. Hindi mo ba ako namiss?"

"Siguro.."

"Siguro lang?"

"Ewan ko.. Basta ka lang sumusulpot eh. Halip na mamiss kita eh kinakabahan ako. Sincere ako sa pag-alaala sa'yo tapos pinaglalaruan mo lang pala ako!"

"Kasi 'yon ang naisip kong paraan para huwag kang magsugal." Kakamot-kamot sa ulong paliwanag ni Andrew. "Laki na daw ng talo mo e. Sabagay madami ka naman pera."

"Kasi naman ngayon na lang ulit nagkita dami mo pa arte."

"So miss mo nga ako?"

"Tinatanong pa ba 'yon?"

"Eh gusto ko madinig e."

"Manhid ka ba o tanga?! Willing nga akong maghirap makasama ka lang! Kaya nagsugal ako para magkalevel na tayo or mas mababa pa ako. Tsaka bakit ka pa sumunod? Ano sa'yo kung matalo ako? Tsaka bakit mo ako niyayakap?" Mabilis na bumitaw si Miel kay Andrew.

"Hindi ba obvious o slow ka lang talaga? Mahal kita kaya sumunod ako!"

"Okay."

"Sabi ko mahal kita! Ikaw ba mahal mo ko?"

"I don't know. Maybe."

"Umamin na ako e! Unfair! Walang dayaan." maktol ni Andrew.

"Kiss mo muna ako. Kapag pumikit ako mahal kita."

Hinawakan ni Andrew ang pisngi ni Miel. Ilang segundo pa ay magkalapat na ang kanilang mga labi. Matagal. Puno ng pagmamahal. Siguro kung di pa sila maubusan ng hininga ay di maghihiwalay ang dalawa.

"Isa pa." wika ni Andrew.

"Aba! Bakit? Nandadaya ka na!"

"Hindi ko alam kung mahal mo nga ako. Hindi ko nakita kung pumikit ka nga kasi pumikit din ako!"

"Tama na! Baka kung saan pa mapunta. Mahal kita, Andrew. Mahal na mahal. Noong nagkita tayo gusto kong sabihin na miss na miss kita pero natakot ako dahil baka hindi mutual ang feelings natin... Takot akong mareject, pero ngayon ayokong mawala ka pa, Andrew. I don't want to waste any second of my life na di ka kasama."

"I love you Miel.."

"Iyon lang?"

"Anong iyon lang?"

"Haba ng sinabi ko e. Wala ka man lang bang lambing d'yan?" Nakapamewang na sumbat ni Miel sa kaharap.

"Contest? Contest? Competition ba ito ng mahabang linya?" pambubuska ni Andrew.

Napatawa na lang si Miel. Hanggang sa pag-amin ng nararamdaman ay nagtatalo sila. "Magtagal kaya tayo kung lagi tayong nagtatalo."

"Oo naman! Sana'y akong mag-aalaga ng pitbull!" Akmang hahampasin ni Miel si Andrew pero niyakap na agad siya ng lalaki.

"Behave.. Pinapanood na tayo ng mga pasahero." Hindi maubos ang ngiti ni Miel sa labi hanggang sa pagpasok ng bus. Sa isip niya nakapaweird ng kanyang love story. First kiss and first true boyfriend ay naganap sa sa di inaasahang lugar sa di inaasahang pagkakataon.



-end-