Skinpress Rss

Hands of the Clock


Alam mo ba iyong pakiramdam na pagod na pagod ka na pero wala ng maramdaman dahil manhid na ang katawan? Napakabigat kumilos. Tipong papasok pa lang ay gusto na ulit matulog. Lalo kapag uuwi ng bahay na alam mong walang sasalubong, swerte na kung may ipis man lang na manggugulat pagpasok. Ibinabad ko ang aking sarili sa shower para makaramdam kahit konting gaan ng pakiramdam. Sana may kakaibang bagay na mangyari ngayon araw para man lang mabago ang mood.

Sa Lagalag ng Tiaong ang naging sunod kong assignment. Hindi naman naging mahirap ang paghahanap ko dahil anak ng dating kapitan ng barangay ang pakay ko. Kilala nga ang kanilang pamilya sa pagiging maimpluwensya dahil na din sa mahabang serbisyo ng kanilang angkan.

Sumalubong sa akin ang masayang mukha ng isang pamilya hatid ng mga larawang nakadikit sa dingding. Marami din plake parangal at pagkilala. Malawak ang sala at mamahaling kagamitan tanda ng karangyaan. Nakakapagtakang may isang tao sa bahay na ito ang gustong manghiram ng puhanan. Isa pa, hindi din kalakihang halaga ang kayang naming ibigay sa 1st loan.

Nakakabingi ang katahimikan. Halos ikahiya ko ang paggalaw dahil baka lumikha ng ingay. Maging ang orasan sa may pintuan siguro ay nahiya na din kumilos kaya di ko na napansing gumalaw ang mga kamay.

"Magandang umaga po," bati sa akin ni Arlene. Una na kaming nagkita sa opisina noong nakaraang araw kaya pamilyar na ako sa kanya.

Tumango ako ng bahagya at nagsimula ng magtanong ng ilang bagay na kasama sa aking guide question para sa pag-aavail ng microfinancing. "Bakit nga po pala walang ibang tao? Parang nakakainip lalo na kapag ganitong kalaki ang bahay," usisa ko.

"Nasanay na din. Mula pagkabata ganito na ang set-up ng bahay na 'to. Swerte na siguro sa isang araw na magkita-kita kaming lahat."

"Nakakainip pala. Iba talaga kapag maraming pinagkakaabalahan. Ano naman po ang nagtulak sa inyo para pumasok sa microfinancing considering na hindi n'yo na kailangan, base na din sa sources of income n'yo."

"Lahat ng nakasulat d'yan ay familiy-owned. In short, walang sa akin nagmula. Gusto ko naman maging proud ako sa sarili na may magawa naman akong achievement. I want to start my own business out my own efforts and interest."

"Buti pinayagan kayo ng parents n'yo."

"Hindi nila alam." Matigas ang sagot ni Arlene. "Honestly, hindi ko nga alam kung may alam sila sa mga kaya kong gawin. As long as smooth ang business walang problema. Hindi nila ako tinatanong kung ayos pa ako."

Hindi ko alam kung anong mayroon sa akin at madalas kapitan ng mga kwento. Ang isang tahimik na bahay na gaya nito ay di ko akalaing puno ng kwento. Siguro palagay na din ang loob sa akin ni Arlene kaya malayang niya ikinuwento ang buhay niya kahit padalawang araw pa lamang kaming nagkikita.

Lumakad patungo sa may pintuan si Arlene. Kinuha niya ng orasan at pinalitan ng baterya. "10:45," wika ko.

Inikot niya ang pihitan para itama ang oras. " Kung tutuusin walang pagkakaiba ang aming pamilya sa orasan.."

Bahagya akong napaisip at di napigilang magtanong. "Bakit? Dahil laging late umuwi?"

"Kung pagmamasdan mo ang kamay ng orasan, very serene ang galaw parang kami sa mga pictures, wala kang makikitang problema. Pero kapag tumingin ka sa likod makikita mo ang struggles para gumalaw ang orasan bawat segundo." Ibinalik niya ang orasan sa may pintuan at naupo muli sa harap ko. "Mahilig akong magbake, gusto kong ang pamilya ko ang unang makakatikim ng first product ko sa plano kong store. Tulad ng kamay ng orasan palaging naghahabulan ang bawat isa pero darating time na magtatagpo silang lahat... at iyon ay sa hapag kainan."

Nakakatuwang isipin na sa kabila ng iba't-ibang priority ay may kayang panatilihin ang sabay-sabay na pagdulog sa hapag kainan. Kung ang bawat pamilya ay sabay-sabay kumain kahit isang beses isang araw marami sigurong problema ang agad malulunasan. Bagay na di ko naranasan kailanman.

Bago ako sumakay ng bus, tinitigan ko muna ang aking relo. Hindi ko maipaliwanag kung bakit excited at napangiti pa ako noong nakita kong nagtagpo ang tatlong kamay ng relo. Alas dose na.

-end-

Related Posts :