Skinpress Rss

Mental- Maikling Kwentong Pambata


"Ang drawing ko po ay tungkol sa pagkain ng masustansyang pagkain. Sa gabay po ng magulang, magiging masigla ang bawat bata kung kakain ng tama. Ang Go, Grow at Glow foods ay makakatulong para maiwasan din ang anumang sakit!" Masayang bumaba ng stage si Ashley pagkatapos ipaliwanag ang kanyang entry sa poster making contest. Pinagbutihan niya sa abot ng kanyang makakaya ang isinaling poster dahil siya ang kumakatawan ng section nila.

Proud naman ang kanyang ina habang nanonood. Bilib siya sa kanyang anak dahil malakas na ang loob ng bata sa pagsasalita sa harap ng maraming tao, bagay na hindi nagawa noon. Sinalubong niya ng yakap ang anak.

"Galing mo anak," puri ni Maicy. "You made Daddy and I very proud!"

"Talaga po, Mommy? Pinagbutihan ko po talaga 'to!"

"Sana manalo ka Ashley!" sigaw ng isa sa mga kaklase niya.

"Oo nga!" Sang-ayon pa ng ilan. Napangiti si Ashley dahil buo ang suporta ng kanyang magulang, guro at kaklase.


Dumating ang pinakahihintay ng lahat. Lumapit ang punong guro dala ang resulta base sa desisyon ng mga hurado. Isa-isang tinawag ang A-1 Child contestant at tinanghal na Champion ang kalahok mula sa section kinabibilangan nina Ashley.


"For Nutrition Month Slogan Making Contest, Congratulations to IV- Chamomile," hayag ng punong guro. Nanalo ang muli ang lahok galing sa section nina Ashley. Umakyat ang kanilang presidente ng klase kasama si may kathang si Graciella para kunin ang award.


Kinakabahan si Ashley. Ramdam niya ang pressure dahil nanalo ang kanyang mga kaklase. Ang Poster Making na lang ang pinakahihintay.

"And the winner for Poster Making Contest and will represent our school to Division Competition.... Kasabay ng malakas na drum roll ang bilis ng tibok ni Ashley. "Congratulations to V-Rose!"

Nabura ang ngiti sa labi ni Ashley habang pinagmamasdan ang kalahok ng grade V. Tinapik ng kanyang mga kaklase ang kanyang balikat.

"Dapat si Arwin na lang. Mas magaling naman siya," komento ng isang bata sa pagkatalo ng kanilang section.

"Ampanget naman nung nanalo. Kamag-anak kasi ng principal kaya Champion," pagtatanggol naman isa.

"M-mommy, pangit ba talaga ang gawa ko?"

"Maganda anak. Malinaw nga ang mensahe e."

"Bakit hindi po ako ang nanalo? Ginalingan ko naman di ba?" Nangingilid ang luha ni Ashley.

"Hindi siguro ngayon ang time para ikaw ang manalo. Malay mo sa sunod."

"Ayoko na po, padalawang beses ko na pong natalo. Nakakahiya na Mommy."

Hinawakan ni Maicy ang pisngi ng anak at ipinaliwanag ang nangyari. "Makinig ka anak, sa mga competition gaya nito hindi lahat papabor sa bawat contestant. Kaya huwag kang mag-give up, paano ka magiging painter niyan?"

"Nakakahiya po kasi, ako lang ang natalo. Ayoko na po maging painter."

Sunod-sunod ang hikbi ni Ashley. Hanggang uwian ay nanatiling malungkot ang anak. "Hindi bale, panalo ka pa din sa amin ng Daddy mo. Halika na, puntahan natin si Daddy," yaya ni Maicy.

Mahaba ang katahimikan sa buong byahe. Nakatingin sa labas ng bintana si Ashley pero wala siyang tinatanaw. Kahit ang paborito niyang pasyalan ay hindi niya pinansin na dating nagpapakislap ng kanyang mata.

"Anak nandito na tayo." Tinapik ni Maicy ang anak, nakatulog na ito sa kanyang bisig na masama ang loob.

"Cavite Center for Mental Health? Anong ginagawa po natin dito?" tanong ni Ashley habang kinukusot ang mata.

"Dito ngayon nakaassign ang Daddy mo. May medical mission sila, every month bumibisita sila dito,"
paliwanag ni Maicy.

"Gagamutin po ni Daddy ang mga nandyan?"

"Oo anak, madami kasi sa kanila ang nagkakasakit sa kanila lalo na ang matatanda."

""Bibigyan din sila ni Daddy ng Calamansi Juice? Pinainom ako ni Daddy nun para gumaling!"
Natawa lang si Maicy sa sinabi na anak. Pumasok sila sa hospital at hinintay si Dr. Esperon.

"What's your name?" tanong ng isa mga pasyenteng kasama ng nurse.

"I'm Ashley G Esperon."

"How old are you?"

"10!" mabilis na sagot ng bata. Pagkalampas ng pasyente ay napansin ni Ashley ang isang lalaki. "Mommy, nagsasalitang mag-isa, wala naman kausap," pabulong na wika ng bata.

"Nawala kasi siya sa katinuan. Nagkaproblema sa isip dahil sa mga pinagdadaanan sa buhay."

"Kawawa naman. Gagaling po ba siya?"

"Kaya nandito ang Daddy mo. Tinutulungan nila ang gaya niya dahil kahit wala sa tamang katinuan ay naniniwala silang may pag-asa pa. Na gagaling sila."

Kagat labing tumatango si Ashley sa bilib. "Siguro Mommy, dapat kumain din sila ng Go, Glow at Grow foods noong bata pa sila para gumaling agad!"

"Ang nakakalungkot lang madami sa kanila wala ng dumadalaw. Kinalimutan na sila. Kaya kahit gumaling wala silang mauwian. Bukas pa din naman ang ospital para kupkupin sila. Tumutulong na lang ang mga magaling na sa gawain sa ospital. Masaya naman silang nakakatulong sa kapwa pasyete."

"Oh kanina pa ba kayo?" putol ni Dr. Esperon sa usapan ng dalawa. "Balita ko anak, ayaw mo na daw maging painter?"

"Magiging painter pa din po ako!" taas noong pahayag ni Ashley. "Kung ang mga pasyente nga po dito hindi sumusuko ganun din po ako. Nakakabilib po sila! Kaya gagawin ko po ang lahat dahil hindi po hihinto ang pag-asa hangga't may naniniwala."

"That's my girl. Tara na!" Kinarga ng doktor ang kanyang anak palabas ng hospital. Nakakamanghang sa bata mismo nagmula ang ganoon salita. Gaya ng bata, hindi siya titigil sa paglilingkod sa Mental dahil sa mga taong patuloy na naniniwala na may pag-asa pa...

-end-