Skinpress Rss

Superhero


Natatandaan ko pa noong sinalubong ng sapak ni Erpat si Jethro sa aming pintuan. Putok ang ibabang labi ng kaibigan ko at muntikan pang mabuwal sa kanyang kinatatayuan kung di agad nakahawak sa akin. Nagbabala na noon si Erpat na huwag akong isama sa kalokohan. Ang hindi alam ni Erpat ang taong sinapak niya ay ang humikayat sa aking umuwi. Kung sino pa ang itinuturing ni Erpat na patapon ang buhay ay ang nagpaunawa sa akin na para sa ikabubuti ko ang gusto ng magulang ko.


Ang nanlilisik niyang mata ang nagtaboy kay Jethro palayo ng aming bahay. Hindi iyon ang unang beses na napagbuhatan niya ng kamay ang kaibigan ko. Minsan ko ng ipinaliwanag na kahit maraming bisyo si Jethro, kailanman ay di ako hinikayat. Pero sarado ang utak niya sa paliwanag. Alam ng erpat ko na kahit usok ng yelo ay sinisinghot ni Jethro kaya pilit niya akong pinalalayo. Hindi daw magtatagal ay susubok na din ako kung hindi ako iiwas. Hindi niya maunawaan na may sarili akong pag-iisip kaya di ako gagawa ng alam kong makakasama sa akin. Malalim lang talaga ang aming pinagsamahan ni Jethro kaya di basta mabibitawan ang pagkakaibigan.


Barangay Chairman ang tatay ko kaya ayaw niyang mababahiran ang ilang taon niyang inaalagaan pangalan. Karangalan lang daw ang kaya niya ipagmalaki at pinanghahawakang yaman. Tatlong termino na siyang nakaupo at kailanman mula pa sa pagkakonsehal ay di siya nakatikim ng talo. Palibhasa ay kilalang mabait, matulungin at matuwid. Nasaksihan ko na siyang maging driver ng trak ng basura, tubero, electrician, peace and order ambassador, green peace at marami pa. Kayang gawin lahat ni Erpat kaya itinuring ko siyang superhero. Isa din sa power niya ay ang pagiging invisible lalo na kapag kailangan ko siya. Bagay na hindi ginawa sa akin ni Jethro.

Habang lumalayo ang loob ko kay erpat nagiging matibay naman ang samahan namin ni Jethro. Hindi ko talaga maintindahan noon kung bakit pakiramdam ko ay palaging mali ang nakikitang ng mga magulang ko, bakit bawal akong makipagtropa, makitulog sa ibang bahay at umuwi ng gabi na nagagawa naman ng mga pinsan ko. Sabi naman ni Jethro hindi dapat kainggitin ang mga bagay na panandalian lamang. Pinagdaanan na daw niya kaya alam niyang walang magandang mararating.


May away mag-asawa daw kaya umalis muna si Erpat. Pipilitin daw niyang isagad ang pagsasama dahil nakakaawa ang anak, walang magbabantay, walang gagabay at walang magbibigay sa ng atensyon. Naramdam ako ng inggit. Buti pa sila. Buti pa ang anak nila, naalala ni Erpat. Siguro ganoon talaga ang buhay ng mga superhero, kailangan isacrifice ang sariling oras para sa kapakanan ng iba.

Lumabas ako ng bahay. Kahit di maganda ang ng hangin bumalot sa akin buong araw pinilit ko pa ding baguhin ang mood ko. Hindi ganito ang gusto kong buhay. Hindi ko na maramdamang may tatay ako.

Binalot ng gulo ang paligid. Bigla-bigla ang palobo ng tao. May nag-aamok sa Kalye Riedo. May mga tumakbo sa magkabilang panig habang ako ay hindi natinag sa aking kinatatayuan. Hindi na bago.

Maya-maya, may bastong nakatapat sa aking mukha. Para akong batang pinauuwi ng tatay ko. Bitbit ang kanyang baston, pasugod niyang tinungo ang kaguluhan. Naniniwala siyang kayang madaan sa maganda usapan ang lahat kaya alam niyang mapapaamo niya ang animo'y naghuhurimintadong hayop. Nakakatawa. Ako na anak niya ang hindi pakinggan at madalas masigawan.

"Abner! Ang tatay mo! Abner!" sigaw ni Jethro.

Tila wala akong nadinig. Superhero siya. Kaya niya ang lahat. Iniwan ako ni Jethro at tumakbo sa kumpol ng tao.

PAK! PAK! PAK! Isang putok. Hindi dalawa o tatlo. Noon ay bigla akong natauhan. Kailanman ay hindi pa ako nakadinig ng bastong pumuputok. Walang baril ang tatay. Nakagulo ang mga tao.

"Patay na!" sigaw ng isa.

"Hulihin ninyo!" paulit ulit na sigaw ng tanod.

Instinct ko na ang nagtulak sa akin para tumaya. Kita ko si Erpat. Mabagal ang pagkilos. May dugo sa katawan. Naalarma ako.

Bumalik ang mga alaala noong bata ako. Noong panahon nakasakay ako sa duyang gawa sa goma. Sa tuwing itutulak ni Erpat ang goma ay nakakaramdam ako ng takot. Ayaw kong binibitawan niya ang duyan sa takot na iwan niya ako. Ipinaliwanag niya sa tuwing lalayo ang duyan may makakaramdam ako ng pasamantalang kalayaan. Nasa akin na kung titingnan ko ang langit at mangarap o ang lupa at mamuhay sa nakasanayan. Pero kahit ano man ang piliin ko, matyagang maghihintay lang ang nagtulak sa pagbalik ko.

Bumagsak ang luha ko. Kailangan kong saklolohan ng superhero.


"Muntik ng madali si Kapitan. Uundayan na ng saksak." Dinig ko sa usapan ng mga tao.

"Buti nasaklolohan.. Akalain mong iniligtas na siya noong adik na palagi niyang binububog."

"Kung suntukan, di uurong 'yong adik. Walang kwenta buhay nun e, kaso may baril pala si Emer."

Sumiksik ako kumpol ng taong nakapalibot sa duguan. Sabog ang kanyang bungo. Nakaluhod si Erpat at isinara ang mata ng taong nagligtas sa kanya. Napasandal ako sa dami ng tao. Nakabulagta si Jethro. Hindi napigilan ni Erpat ang luha dahil ang taong sumagip sa kanya ay ang sinapak niya kanina.

-end-