Skinpress Rss

Wallet



Sobrang sakit ng aking katawan. Ramdam ko ang pagod dala ng madaming trabaho kahapon. Hindi mahulugang karayom ang dami ng tao kahapon sa supermarket na pinagtatrabahunan ko. Maraming nag-aagawan, nagpapanic at nagkakagulo dahil sa sale. Lahat masaya. Maliban sa amin.

Closure sale na. Ibig sabihin bilang na ang araw naming mga empleyado. Gutom sa may pamilya. Mabigat ang kilos ko papasok ng trabaho. Iniisip ko kung paano na ako bukas at sa mga susunod pang araw. Wala akong ipon dahil hindi naman kalakihan ang aking sweldo at kadalasan mas malaki pa ang gastos.

Sarado ang kainan ni Senior Pedro. Mapapamahal ako kung kakain ako sa ibang kainan. Hindi na din sasapat ang pera bago magsweldo kung gagastos ako ng mas malaki sa nakasanayan. Magkakape na lang siguro ako at tinapay, ang mahalaga may laman ang tyan.

Paupo na sana ako sa Burger Station nang makapansin ako ng wallet. Pera agad ang tiningnan ko bago pa ang ibang laman. Six thousand. Katumabas na ng isang buwan kong sweldo. Malaking tulong. Nahulog sa lupa ang ilang pirasong papel habang naghahanap pa ako ng ibang laman. Mga reseta ng gamot at senior citizen id.

Inilagay ko sa bulsa ang wallet. Sa katulad kong kapos, malaking tulong ang pera. Pero hindi kaya ng loob ko. Karangalan na lang ang natitira sa akin. Hindi ako pamilyar sa lugar na nakasulat sa id dahil ilang buwan pa lang akong nakikitira sa aking tiyahin at wala na akong oras pa para puntahan ang may-ari. Pumunta ako sa barangay hall at iniwan ang wallet. Kadalasan naman ay sa barangay unang nagrereport ang nawalan.

Pagdating ko ng trabaho ay nakapila na ang mga empleyado sa labas. Isa-isang nagpunch at nagbasa ng bulletin board. Sa Sabado na pala ang last operation namin. Bangungot ang sumunod kong nabasa. Tatlong buwan pa bago makukuha ang last pay. Paano na ako? Ang kapatid kong umaasa sa akin?

Bago ako umuwi napilitin akong dumaan muna ako ng sanglaan. Wala akong choice, isinangla ko muna ang aking cellphone para magkapera. Kaya kong tiisin ang sarili ko pero hindi ang mga umaasa sa akin. Bukas lalakad agad ako para maghanap ng bagong trabaho. Sana makahanap naman agad.

Sarado pa din ang tindahan ni Senior Pedro. Mapipilitan tuloy akong magluto halip na magpapahinga na. Isa-isa na ding nagliligpit ng paninda ang mga sidewalk na vendor na sinamantala ang isang araw na bakasyon ni Senior Pedro.

"Isang kilong bigas po saka po softdrinks pakiplastik."

"Thirty-eight pesos po."

Ilang hakbang pa lang akong nakakalayo sa tindahan nang may mapansin ako sa basurahan. Lumapit ako para makasigurado. Napailing ako. Isa na nga lang ang ginawa kong tama sa buong araw nabigo pa.


-end-


***
brief note :

fiction ang story pero nakapulot talaga ako ng wallet. hindi ko lang alam kung nakarating sa may-ari pero I doubt.