Mabilis na lumabas ng bahay si Nico para puntahan ang kapatid sa ilog. Sigurado siyang kapahamakan ang hatid ng batang nakikipaglaro kay Arvin. Binaybay niya ang nakakakilabot na daan. Maingat. Marahan.
Sa may malaking puno, kusang tumaas ang kanyang balahibo dala ng mga kakaibang ingay, kaluskos at biglaang pag-iiba ng ihip ng hangin. Tumigil muna siya bago pumasok sa maliit na daan. Tumingala at huminga ng malalim. Bahala na, ang tanging naibulong niya sa sarili.
Biglang tumahimik ang paligid. Nakabibinigi ang katahimikan. "Bilisan mo! Baka malunod ang kapatid mo!" biglang lumitaw si Mabel sa harap niya. Napalundag naman si Nico sa gulat. Lalo siyang natakot noong makitang nakaangat ang mga paa nito sa lupa. Lumakad siya ng nakapikit pero ramdam niyang sinusundan siya. Kasunod noon ay ang pagdampi sa kanyang balikat ng ubod ng lamig na mga kamay.
"Shit!!" Patakbo siyang bumaba ng ilog at iniwan si Mabel. Hinanap niya ang kapatid. "Arvin!!!"
"Naghihiganti ang multo sa ilog! Lahat ng pumupunta doon ay napapahamak! Nalulunod!" pahabol pa ni Mabel. "Buti na lang nakaligtas ako noong huling punta ko dito para hanapin ang tatay ko."
"Mabel! Isa ka ding--"
PAK!!!
Gusto pa sanang sabihin ni Nico na patay na din si Mabel pero kinulang siya sa salita. Isang matigas na bagay ang tumama sa kanyang ulo. Nakaramdam siya ng matinding hilo. Bago pa siya tuluyang mawalan ng malay ay naramdaman niyang may humihila sa kanyang mga paa palapit sa ilog.
Hawak-hawak pa ni Nico ang kanyang ulo noong muling magkamalay. Pagkatapos hawakan, tiningnan niya ang kamay kung may bakas ng dugo. Tumulay siya sa malalaking bato para makatawid sa kabilang bahagi.
"Nakita mo na ba ang kapatid mo?!" Hindi maintindihan ni Nico kung bakit hindi siya natatakot kay Mabel kahit alam niyang multo ito. "Nandito ka lang pala!"
"Nadulas yata ako at tumama ang aking ulo sa mga sanga tapos nawalan na ako ng malay. Pero hindi ko nga alam kung bakit ako napadpad dito sa kabilang pampang ng ilog."
"Tama na ang kwento Nico! Hanapin na natin ang kapatid mo!"
"Hindi ko maintindihan kung bakit dito gustong maglaro ng batang sumusundo sa kanya."
"Hindi ko din alam!"
Naguluhan si Nico. Kung hindi kapatid ni Mabel ang nakikipaglaro sa kapatid niya, maaring normal na malikot na bata lamang iyon. Nagpatuloy sila sa paghahanap. Mabilis silang kumilos nang makita ang kapatid kasama ang isang bata. Hindi namamalayan ng dalawang bata ang paglakas ng hampas ng tubig sa pampang at unti-unting pagguho ng lupa.
Nabalaha si Nico. Arvin!" Tila bingi ang kapatid niya. Hindi siya nadidinig kahit ilang hakbang na lang ang layo nila. "Arvin, lumayo ka diyan! Arvin!"
Nagtatakbo palayo ang kapatid niya at ang batang kasama nito. Napahawak na lang sa tuhod si Nico at nagbuntong hininga. Sa wakas ay ligtas ang kapatid.
"Patay! May patay!" sigaw ni Arvin.
"Uwi na tayo Arvin!" pahabol pa ng batang kalaro ng kapatid ni Nico.
Hindi maintindihan ni Nico ang isinisigaw ng kapatid. Hinabol niya ito at hinawakan sa braso. Subalit tumagos ang kamay niya sa katawan ng bata. "Hindi!"
Tumalikod si Nico at tingnan ang isinisigaw ni Arvin. Natanaw niya sa kabilang bahagi ng ilog ang kanyang katawan. Nakadapa. Duguan.
"Tara na! Ligtas na ang kapatid mo," yaya ni Mabel sa kanya. Natigilan siya. Tiningnan niya ang sarili sa tubig pero wala siyang nakitang repleksyon. Maya-maya pa ay binagsakan ng malaking bato ang kanyang ulo ng isang lalaking wala sa sarili. Kasunod ang matataginting na halakhak.
---tapos----