Siguro lahat naman dumaan sa pagkabata. At nakakatuwang isipin kung ano ang itsura natin kapag may sumpong o nagtatampo. Hindi ko mapigilang mapatawa kapag naipipinta ko sa isip ko ang itsura ko kapag bagong gising ako. Naku kapag wala ako sa mood kahit ang paborito kong pagkain di ko pinapansin. May pagkakataon din na iniiyakan ko ang mga bagay na di ibigay sa akin kaya para tumahan ako, ipapaubaya na ng kuya ko pero itatapon ko din, tampo na e. Pakiramdam ko kasi kawawang-kawawa ako.
Funny isn't it? Nostalgic? I know. Pero hindi sa pagkabata ko iikot ang kwento kundi sa ginawa kong bata. Oo, masarap maging bata pero mas masarap pala gumawa ng bata. Kaya sa edad na 18, tatay na ko noon. Umiral kasi ang kalandian ko pero wala akong pinagsisihan, ewan ko lang ang nanay ng anak ko.
Girlfriend ko since grade six si Maggie. Nagsimula nga lang ang lahat sa pagiging escort at muse sa class officer at other org hanggang sa maging seryosohan. Isang beses naisipan ko siyang halikan, umiyak nga siya kasi akala n'ya nakakabuntis ang first kiss. Nagalit pa nga siya e, kasi naman sa mga napapanood ko sa tv kapag sinagot ng bidang babae ang bidang lalaki e magkikiss na sila. Hindi pala ganun.
Then noong high school, sabay kami pumapasok. Tagabitbit niya ako ng gamit at tagapunas ko naman siya ng pawis kapag may basketball game ako. Kapag weekends naman, biking ang bonding namin tska badminton, siyempre nagpapatalo. Cute kasi siya kapag nang-aasar. Lumalaki pa nga ang butas ng ilong niya.
College. Tanda ko nagrereview kami ni Maggie dito sa bahay para sa final exam noon, pauwi na nga siya nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Naghintay kami tumigil ang ulan, naisipan namin magkape muna para mainitin. Pero kakaibang init ang aming naramdaman. Nagsimula nga lang iyon sa isang kiliti sa tagaliran tapos titigan. Hayun nabuo si Irvin. Napakacute. Nagtampo pa nga si Maggie kasi mas naunang binigkas ni Irvin ang Papa kesa Mama.
Ngayon, may kalikutan na si Irvin. 3 years old na kasi. Natatawa ako kapag nagtatampo siya sa akin. Hindi makausap at ayaw kumain kapag di napagbibigyan ang gusto. May pinagmanahan kasi. Madalas ko kasi siyang pinipigilan tumakbo. Natatakot akong madapa siya at masugatan. Sa isip ko, bakit ko pa siya tinuruan lumakad kung ayaw ko siya patakbuhin? Kaya pinagbibigyan ko na siyang tumakbo, babalik naman siguro 'yon kapag nagutom. Madami na siyang tanong at napakahirap ipaliwanag ang sagot sa isang bata. Tulad kahapon, tinatanong niya kung bakit may pawis ang aso sa ilong pero wala naman sa balahibo. Sa totoo lang hindi ko din alam.
Hay buhay, asarap gumawa ng bata, mahirap naman mag-alaga. Masarap maging bata pero mas masarap maging tatay.
Teka, nasaan si Maggie ngayon. Nasaan siya? Nasa delivery room. Nagluluwal ng kasunod ni Irvin. :)
__
Fiction