Skinpress Rss

Alas siete


Naligo ako, nagpabango at siniguradong maayos ang itsura ko. Magkikita kasi kami ngayon ni Danna. Sa may hardin kami nakatakdang magtagpo, may ihanda akong mesa at may sorpresa din akong kumpol ng paborito niya bulaklak. Sinigurado ko din na walang istorbo dahil gusto ko palaging espeyal ang pagkikita namin.

Nakilala ko kasi Dana isang gabi sa may tapat ng aming hardin. Madalas ko siyang makitang umiiyak. May kalakasan ang kanyang hagulhol kaya naisip kong lapitan. Noong una, may alinlangan pa akong mag-usisa. Pero interesado din akong malaman ang dahilan kaya nagdesisyon akong lumapit. Kumuha muna ako ng buwelo bago nag-usisa. Hindi agad siya sumagot. Pinagmasdan ang itsura ko. Naghihintay ako. Tantya ko may limang minuto bago siya nagkwento. Iniwan pala siya ng kanyang boyfriend. Hindi niya matanggap na may bago ng kinahuhumalingan dahil mahal na mahal niya ito. Dumating nga sa puntong nagmamakaawa siya pero hindi iyon pinansin. Bakas ko sa mukha niya ang kalungkutan. Nakinig ako magdamag, wala kasi akong maipayo dahil aminado akong minsan ding naglaro sa damdamin ng babae. pagdamay na lang ang ibinigay ko.

Naging mabuti kaming magkaibigan, nakikinig pa din ako sa mga kwento niya na ilang beses ko ng nadinig. Memorized ko na nga kung tutuusin. Inililibot niya ako sa sarili naming hardin. Sabagay hindi ko nasabing kami ang may-ari ng kanyang madalas pasyalan at matagal din akong di nanirahan dito kaya hindi niya ako kilala. Lumiliwanag ang kanyang mata sa tuwing nagkikita kami. Hindi uso ang salitang boring kapag si Danna ang kasama. Kaya minahal ko na ang probinsya kesa manatili sa lungsod. At higit sa lahat tuluyan na akong napaibig kay Danna.

Maganda ang boses niya. Kumakanta siya habang pumapasyal kami sa ilog. Kung hindi pa makuntento, nagtatampisaw kami sa dalisay na tubig. Pinapanood din namin ang repleksyon ng buwan sa tubig. Sumasayaw ito sa tuwing may malilikhang maliit na alon.


Alas siete ng gabi, unti-unti lumalamig ang hangin partikular sa may hardin. Hudyat ng pagdating ni Danna. Umaangat ang mga dahon at nililipad sa iba't ibang direksyon. May kakaibang tunog ang maririnig at makapanindig balahibo sa pakiramdam. Doon sa may lumang groto mamumuo ang isang imahe ng babae hanggang sa tuluyan siyang lumitaw. Base sa mga balita, doon nagpakamatay si Danna dahil sa panloloko ng mahal niya. Syempre noong una natatakot pero ngayon ako pa mismo ang naghihintay sa pagdating niya. Ang dahilan? Mahal ko siya.