Nami-miss ko na ang lasa ng sardinas. Mula noong mapadpad ako rito sa Maynila ay di ko na natitikman ang madalas naming ulamin sa probinsya noon. Magaling magluto si inay kaya kahit ang simpleng sardinas ay nagagawang niyang masarap na ulam.
“Anak, kumuha ka nga ng talbos ng kamote para may lahok ang sardinas,” utos ni inay.
“Opo inay, kapag may nakita akong upo sa likod-bahay pipitas na rin po ako,” masayang tugon ko.
“Anak, pasensya na kung madalas sardinas ang ulam natin,” malungkot na wika ni inay. “Mahina kasi ang kita ng itay mo ngayon,” dagdag pa niya.
Ngumiti ako nang bahagya. “Ayos lang po,” sabi ko. “Ang mahalaga naman nakakakain tayo nang sapat at hayaan n’yo po, kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral, tutulong ako kay itay sa paghahanap-buhay,” pagpapalakas-loob at pangako ko sa kanya. Nagpaalam na ako, “Sige po, pupunta na po ako sa likod-bahay.” Humayo na nga ako.
Kahit na ganito kami ay bilib ako kay itay. Isang magaling na pintor si itay. Ipinagmamalaki ko nga siya sa mga kaklase at kaibigan ko e! Siya kasi ang gumagawa ng mga dambuhalang billboard ng mga artista para sa ipalalabas na pelikula. Madalas nga personal na dinadalaw si itay ng mga sikat na artista. Paborito ko sa mga gawa niya ang ipininta niyang mga pelikula ni Robin Padilla. Minsan nga iginawa niya ako ng kopya ng mukha ni idol sa maliit na canvass. Tuwang-tuwa ako roon.
Malaki ang kinikita ni itay sa pagpipinta. Nakapagpagawa kami ng maayos na tirahan at nakapag-aral ako sa pribadong paaralan, subalit, bumaligtad ang mundo namin noong tumapak ako ng sekondarya. Biglang dumagsa ang malalaking mall sa probinsya kaya namatay ang maliliit na industriya ng sinehan kasama na ang pinagkakakitaan ng aming pamilya. Mas minabuti kasi ng mga tao na sa mga mall na lang manood ng sine dahil makapamamasyal pa pagkatapos.
Isang gabing umuwi si itay, ibinigay niya kay inay ang naging bunga ng paghihirap niya, “Trining, ito lang ang kita ko ngayon.” Tinanggap naman ni inay ang pera. “Wala kasing masyadong nagpagawa kaya pagpasensyahan mo na. Binabarat na nga ako ng mga kliyente ko, pumayag na lang ako kaysa walang kitain,” nanlulumong wika ni itay.
Tumingin si inay kay itay ng may halong pangamba. “Siguro dapat na rin akong bumalik sa pananahi para makatulong naman ako sa’yo,” mungkahi niya.
“Siguro nga. Streamer na lang ang medyo maasahan natin,” pagsang-ayon ni itay. “Ano bang ulam natin?” itinanong niya.
“Nagpabili na lang ako ng sardinas kay Martin. May naluto na rin naman akong gulay,” sagot ni inay.
Sumingit ako sa usapan. “Inay, Itay, lilipat na lang din po ako ng paaralan para po makabawas sa mga gastusin. Mayroon naman pong malapit lang ditong public school na puwede kong lakarin,” mungkahi ko sa kanila, pero hindi iyon nangyari. Ayaw niya akong palipatin ng eskwelahan dahil mahalaga para sa kanya ang standings ko sa klase.
Akala namin makapag-a-adjust na kami. Akala namin kaya na namin. Hindi pala. Naging patok ang computerized printing system, lumabas ang tarpaulin businesses na tuluyang pumatay sa paggawa ni itay ng streamer. Mas mura at di hamak na mas kaaya-aya sa mga mata ang kulay ng tarpaulin.
Mula noon naging matamlay na si itay. Kung dati kasi mga dambuhalang billboard ang pinipintahan niya, ngayon mga basurahang proyekto na lang ng barangay. Nalungkot ako para kay itay dahil nabalewala ang talento niya sa pagpipinta at nawalan pa siya ng hanapbuhay.
Lumuwas si itay sa Maynila para pumasok bilang construction worker sa isang malaking real estate developer kasama ng kapatid ni inay. Naging madalas naman ang padala ni itay sa amin pero may kamahalan ang matrikula ko kaya minsan ay kinakapos din kami. May mga pagkakataong nakikita kong gusot ang mukha ni inay pero sinasabi niyang walang problema kapag tinatanong ko siya. Ramdam ko ang hirap niya kahit na pilit niya iyong itinatago. Wala naman akong ibang maitulong sa kanila kaya pinagbuti ko na lang ang pag-aaral ko.
Sumunod ako kay itay sa Maynila nang makatapos ako ng sekondarya. Nagtrabaho ako nang palihim sa fastfood habang nag-aaral sa kolehiyo dahil hindi naman ako pahihintulutan ni itay kung sasabihin ko iyon sa kanya. Magkasama kami sa bahay ni itay. Madalas naaabutan ko siyang gising sa madaling araw, hawak ang paint brush at nagpipinta ng mga nakikita niyang bagong pelikula sa telebisyon. May oras ding naririnig ko siyang humahagulhol matapos magpinta. Marahil hindi niya matanggap na kailangan niyang isuko ang kanyang kinahihiligan, ang kanyang kasiyahan.
Kapag umaalis na si itay para magtrabaho, sinisilip ko ang gawa niya. Bilang tagahanga, alam kong malaki ang ipinagbago ng kanyang ipinipinta. Hindi na iyon ganoon kapulido at hindi na tuwid ang mga letra. Pansin kong nanginginig ang mga kamay niya sa tuwing kakain kami. Dahil na rin siguro sa bigat ng trabaho kaya hindi na katulad ng dati ang mga gawa niya. Kapalit ng pera para buhayin kami ay ang tuluyang paglaho ng galing niya sa pagpipinta.
Nang makatapos ako ng kolehiyo ay muli kong nakita sa mga mata ni itay ang tunay na kasiyahan. Alam kong hindi iyon pilit na ngiti dahil kaya naman siya nagtiis dito sa Maynila ay para makatapos ako. Nakahanap agad ako ng trabaho kaya nakumbinsi ko si itay na bumalik sa probinsya, tutal natupad na niya ang pangarap niyang magkaroon ng anak na inhenyero. Masaya ako dahil magkakaroon na si itay ng oras para muling magpinta, hindi para kumita kundi para sundin ang gusto ng puso niya. Isinubsob ko ang sarili ko sa trabaho para maranasan muli nina itay at inay ang magandang buhay. Malaki ang perang ipinadadala ko para hindi na sila nagtitiis sa sardinas.
Nagpalipat-lipat ako ng kompanya para sa mataas na posisyon at suweldo. Ibinalita ko ang mga pagbabago sa aking buhay kay inay. Bagamat mahirap ay palagi kong sinasabing maayos ang lagay ko. Natural na siguro sa aming ilihim ang mga paghihirap na aming nararanasan. Mahirap mawalay sa mga magulang at madalas ay hinahanap-hanap ko ang mga luto ni inay.
“Hello, anak, kailan mo ba kami bibigyan ng apo?” tanong ni inay nang makausap ko siya minsan sa telepono.
“Ayaw ninyo na ba sa akin at apo na ang gusto ninyong makita?” pagbibiro ko.
“Hindi naman sa ganoon, anak. Aba! Hindi naman puwedeng kargahin kita para alagaan,” katwiran ni inay habang tumatawa.
Napangiti ako at may biglang naalala, “Ay inay, naasan na po pala si itay? Gusto ko sanang makausap.”
“Naku! Nasa plasa, pinipintahan ang bagong gawang pader,” sabi ni inay. “Simula noong bumalik siya rito e naging aktibo sa barangay at gusto nga yata lahat pintahan. Marami ngang natuwa sa ipininta niyang Holy Family sa may chapel,” pagmamalaki niya.
“Mabuti naman po at bumalik ang sigla nya,” sabi ko. Masaya ako para kay itay.
Limang taon pa ang lumipas bago ko napagdesisyunang umuwi sa probinsya. Mayroon din akong dalang balitang siguradong ikatutuwa ni inay pag nalaman niya. Nakilala ko na kasi ang babaeng magbibigay sa kanila ng apo, sayang nga lang at naging maselan ang pagbubuntis niya kaya hindi ko na naisama sa biyahe.
Nang makarating ako sa lugar namin, sinipat kong mabuti ang labas ng bahay namin. Ito pa rin ang simpleng bahay na tinirhan ko noon. Huminga muna ako nang malalim bago pumasok. “Inay! Itay! Nandito na po ako,” sigaw ko habang papasok sa aming bahay. Masiglang-masigla ako. Nasasabik na rin kasi akong makita at mayakap ang mga magulang ko matapos ang ilang taon.
Nagpakita si inay at niyakap ako nang mahigpit. “Anak ko!” maluha-luhang sambit niya habang yakap ako.
Hinagod ko ang likod niya, sunod ay bumitiw ako sa pagkakayakap. “Nasaan po si itay?” tanong ko.
“Nasa paligid lang iyon,” sagot ni inay. Hinatid niya ako papunta sa silid ko. “Gutom ka na siguro, anak. Magluluto muna ako,” paalam niya. Nagtungo si inay sa kusina matapos akong ihatid sa aking silid, pero sumunod rin ako sa kanya para tumulong.
“Sardinas?!” nagtatakang tanong ko nang makita ang iluluto niyang ulam.
Napatingin sa akin si inay. “Ayaw mo, anak? Paborito mo ito, di ba?” Tumango ako. Sabagay, matagal ko nang di natitikman ang sardinas, madalas kasi sa restaurant na ako kumakain. Hinahanap-hanap na rin iyon ng panlasa ko.
Ngumiti ako. “Inay, kukuha po muna ako ng talbos ng kamote sa likod-bahay,” paalam ko, dating gawi kapag sardinas ang iniluluto ni inay.
“Wala ka talagang ipinagbago, anak,” sabi ni inay sabay iling. Naisip siguro niyang gaya pa rin talaga ako ng dati.
Nakatutuwang balikan ang nakaraan. Nakangiti akong pumipili ng pinakasariwang talbos ng kamote sa likod-bahay. Naging maingat ako, sinigurado kong walang kagat ng insekto ang dahon. Na-miss ko ang ganitong buhay. Napakasimple! Iba talaga ang buhay sa probinsya kumpara sa ginagalawan ko sa Maynila. Dito kasi halos lahat ng pangagailangan nasa paligid lang ng bahay, samantalang sa Maynila lahat ng kilos may bayad. Kanina nga noong pumasok ako sa tarangkahan, sangkatutak ang umalalay sa akin para magbuhat ng gamit pero walang kahit na isa ang tumanggap ng bayad. Nasanay kasi akong bawat kilos may katumbas na halaga.
“Mando! Itigil mo yan! Mando!” pagmamakaawa niya kay itay. Tumakbo ako kaagad papasok ng bahay dala-dala ang talbos ng kamote.
“Inay, anong nangyayari?” natatarantang tanong ko. Nakita ko si itay na may hawak na paint brush at isang lata ng pintura. Pinipigilan siya ni inay dahil gusto niyang pintahan ang kurtina at nang maawat, tinulungan ko si inay na ipasok si itay sa kanilang silid, subalit itinuro ni inay na roon dalhin si itay sa silid na pinagpipintahan niya rati.
Nang pumasok ako sa silid, nakita kong hindi na maayos ang lugar. May mantsa ng pintura ang mga dingding, kisame at sahig. Nagkalat din ang mga lata ng pintura at mga canvass. Inakala kong lasing lang si itay pero hindi pala.
“Darating si FPJ!!! Magpapagawa siya ng billboard. Si Vilma! Si Nora! Pupunta kami ng Maynila ni Martin kasi nakausap ko si Robin kanina. Gusto niya raw makilala ang anak ko. Martin!!! Martin!! Tapos, tapos, darating si FPJ, magpapagawa siya ng billboard. Si Vilma, si Nora.... Darating si.. si... si...” paulit-ulit ang sinasabi ni ama.
Napatingin sa akin si inay. “Anak, patawarin mo ako kasi hindi ko ipinagtapat sa iyo. Paminsan-minsan lang naman siya ganyan.”
“Kailan pa, inay? Kailan pa siya ganito?” tanong ko. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko.
“Isang buwan pagkauwi niya dito. Hindi ko masabi sa iyo kasi ayaw kong masira ang pangarap mo,” pagtatapat ni inay.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Bakit kailangang maglihim? Pamilya kami. Pero hindi ko masisisi si inay. Wala siyang ibang inisip kundi ang ikabubuti ko at ayaw nilang mag-alala ako palagi.
“BEEEEP! BEEEP!!!” ang tunog na narinig sa labas.
Naalarma si itay. “Nasaan si Martin? Martin ang sundo natin nasa labas na! Susunduin na tayo ni Robin!” sigaw ni itay matapos makarinig ng busina ng jeep.
“Itay ako si Martin!” sabi ko. Awang-awa ako sa kalagayan niya. Pinahinahon ko siya pero hindi niya pinapansin ang mga sinasabi ko.
“Martin! Anak nasaan ka??!! Ihanda mo na ang ibinigay ko sa iyong drawing ni Robin pipirmahan daw niya,” pagpapatuloy ni itay. Napaupo na lang ako sa sahig. Pumatak ang luha ko kahit gusto kong pigilan. Inakala kong magkakaroon na si itay ng oras para magpinta ulit pag umuwi siya rito sa probinsya. Akala ko magkakaroon na siya ng oras para pasayahin ang kanyang sarili.
“BEEEP!! BEEP!” tunog na naman sa labas.
“Si FPJ! Teka, hindi ko pa nagagawa ang billboard niya!” Tumakbo si itay palabas ng silid.
“Itay!” Agad akong tumayo at hinabol siya.
“Mando!” pagtawag naman ni inay. Nagawang harangin ni inay si itay at niyakap niya ito.
Hinawi ni itay si inay, “Alis!” Nagawang kumawala ni itay sa pagkakayakap ni inay. Itinulak niya ito palayo sa kanya.
BLAG!
Nagawa ngang maitulak ni itay si inay at dahil dito ay nawalan si inay ng balanse. Tumama ang ulo niya sa konkretong dingding. Bumagsak siya sahig at nawalan ng malay. Agad kong nilapitan si inay. Nagmantsa sa aking mga kamay ang kanyang dugo nang iangat ko ang kanyang ulo. Nagimbal ako. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ko alam kung sino ba talaga ang una kong sasaklolohan, kung si itay bang tumakbo palabas o si inay na ngayon ay walang malay. Binuhat ko si inay habang sumisigaw ng tulong. May mga dumating upang tumulong. Agad namin siyang isinugod sa ospital pero huli na ang lahat. Hindi na umabot nang buhay si inay sa ospital. Gusto kong sisihin ang lahat ng nasa paligid ko sa paglilihim sa akin ng kalagayan ng pamilya ko. Humihingi ako ng paliwanag sa kapamilya ni inay pero walang gustong sumagot.
Matapos mailibing si inay, iniluwas ko si itay sa Maynila para ipagamot. Hindi naging madali ang buhay ni itay. Umiiyak siya kapag wala siyang hawak na paint brush at madalas niyang iguhit si Robin para daw sa anak niyang si Martin. Bagamat hindi niya ako nakikilala, hindi ko siya iniiwan. Kahit nagkapamilya na ako, sapat ang oras na inuukol ko kay itay. Umaasa akong gagaling siya.
“Hijo, kilala mo ba si Trining? Pakibigay naman ng perang ito. Pakisabi okay naman ako dito sa Maynila.” Iniabot ni itay sa akin ang ilang piraso ng pilas na papel na inakala niyang pera. “Pagpasensyahan na muna nila kung kaunti lang,” dagdag pa niya.
“Makakarating po,” tugon ko.
“Alam mo mahal na mahal ko ang pamilya ko kaya nakipagsapalaran ako dito sa Maynila. Isunumpa ko kasi sa sarili ko na magiging inhenyero ang anak ko.”
Siguro kung hindi naging malihim ang pamilya namin, maayos pa kami. Siguro kung hindi kami nagkunwaring malakas, buo pa kami.
Nagpatuloy sa pagsasalita si itay. “Alam mo, hijo. Nami-miss ko na yung luto ni Trining. Lalo na yung paborito ni Martin—”
“—sardinas,” putol ko sa sasabihin ni itay.
“Oo, yun nga!” nagagalak na sabi niya, at ang dami niya pang ikinuwento.
Nami-miss ko na ang sardinas na may lahok na talbos. Nami-miss ko si inay.