Skinpress Rss

Love Bus - Chapter Seven


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 |



Sa tingin ni Miel ay makakasundo naman niya si Andrew kaya niyaya niya itong mamasyal kaysa magmukmok. Isa pa, magkakaroon siya ng tagabitbit kung may matipuhan siyang bilhin. Nabuo sa isip niyang kulitin si Andrew kapag nagsusungit ito.

"Tanggalin mo iyang shades mo. Hindi bagay. Mukha kang bulag na mamalimos!" tatawa-tawang utos ni Andrew kay Miel. "At isa pa, mag-susuot ka niyan eh maghahapon na." dagdag pa nito.

"Eh ano namang pakielam mo? Kelan pa naging bawal magshades kapag hapon?" Pagtataray naman ni Miel. Pinandilatan muna niya ang kausap bago hinila palabas ng tinutuluyan. "Halika na nga, baka gabihin pa tayo."

Ilang minutong lakad lamang ang layo ng Vigan Cathedral mula sa tinutuluyang bahay nila Miel. Minsan pinaglalaruan niya si Andrew lalo kapag nauuna itong maglakad. Palibhasa ay hindi sanay sa lugar ang kasama ay bigla-bigla siyang liliko sa eskinita habang naiiwang lilinga-linga si Andrew sa paghahanap sa kanya. Pasekreto siyang bubungisngis sa ginawang kalokohan.

"Saan ka ba nagsusuot?" tanong ni Andrew.

"Aba?! Ako nga ang iniiwan mo eh," paninisi pa ni Miel sa kasama. "Bilis mo kasing maglakad."

"Oh san tayo?"

"Pagdating natin sa Cathedral, sakay tayo ng Kalesa. Tapos punta tayo dun sa tinatawag nilang Bell Tower." Pagmamalaki ni Miel kay Andrew habang naglalakad sila maluwang na daan ng Ilocos.

"Talaga? Ano namang meron dun sa Bell Tower na iyon?" Tanong ni Andrew.

Pinulot ni Miel ang isang stick, bahagyang umurong at iwinasiwas sa mukha ni Andrew. "Dun lang naman binunot ni FPJ ang espada ng panday. Hiyaa!" Daig pa niya ang tour guide kung magbida.

"Hoy babae, tigilan mo nga iyan at baka makatama ka! Ang hilig mo talaga sa disgrasya."

"Kung may madidisgrasya man ako, sana ikaw yun," pabulong na sabi ni Miel sabay tapon ng stick. "Kill joy."

"May sinasabi ka?" tanong ni Andrew.

"Wala noh. Halika dali bili tayo ng bagnet!" Yaya ni Miel sabay hatak sa braso ni Andrew.

"Bagnet? Ano yun?"

"Isa yun sa mga pinagmamalaki ng Ilocos. Chicharon sa tagalog. Pero mas masarap pa sa chicharon."

"Gusto mo yata akong patayin sa high blood eh!"

"Naku hindi. Hindi ka nagkakamali."

"Alam mo, nagdadalawang isip ako kung gusto mo ba talaga akong tulungan oh ano."

"Siyempre binibiro lang kita noh. Sadyang madali ka lang mapikon."

"Bahala ka nga!"

Pagdating nila sa tindahan, "Dalawang bag nga po ng bagnet." Sigaw ni Miel. Sabay kindat sa tindera. Iniabot ang bayad sabay sibat. Naiwang naguguluhan ang tindera dahil parang aktong lalaking tambay lang ang si Miel.

"Mukhang nakakatakam nga ah," nasasabik na wika ni Andrew.

"Oh hayan, isa para sayo. Akin naman 'tong isa." Pahagis na iniabot ni Miel kay Andrew. Masayang binuksan ni Miel ang bag ng bagnet niya. Matagal-tagal nadin noong huli siyang nakatikim nito. Naglakad sila patungo sa plaza sa harap ng Vigan cathedral at doon ay naisipang umupo upang ienjoy ang bagnet.

"Wow ang lutong! At masarap." Paghanga ni Andrew sa pagkain. Sunod-sunod ang subo niya na para bang
mauubusan.

"Aba siyempre! Kakaiba ata ang style ng pagluto niyan. Hindi gaya ng ibang Chicharon. Pinakukuluan muna iyan bago ipiprito. Kapag malutong na, paglipas ng dalawampung minuto ay papakuluan itong muli bago
piprituhin hanggang maging mas malutong pa." Pagmamalaki ni Miel.

"Pati recipe alam mo pa talaga!"

Sa sobrang katakawan ay hindi na napansin ni Miel na marami ng piraso ng bagnet ang naipon sa gilid ng mamantika niyang labi. Nilabas ni Andrew ang kanyang panyo sabay pinunasan ito.

"Ayan kasi Pearl ang kalat kalat mo." Wala sa loob ni Andrew ang pagbanggit sa pangalan ng minamahal.

"Pearl? Sino naman si Pearl?" pagtataka ni Miel.

"Ah, eh wala. Dun yun sa commercial. Naalala mo? Yung sa Flanax!" Palusot niya.

"Ah oo. Yung "Si Pearl, lagi nalang si Pearl."" Natatawang ginaya ni Miel ang commercial. Sabay silang tumawa.

Nabunutan ng tinik sa lalamunan si Andrew dahil napagtakpan niya ang pagkakadulas ng dila niya. Bigla kasing pumasok sa isip niya si Pearl dahil madalas din niyang gawin iyon.

"Andrew, baka naman may barya ka diyan. Ilibre mo naman ako ng inumin oh! Kahit yun lang." Sasamid samid na sabi ni Miel.

Binuksan ni Andrew ang wallet niya, napasulyap naman si Miel sa larawan. "Ah, iyon siguro si Pearl" Bulong nito sa isip niya. Walang ano ano ay hinatak niya ang wallet ni Andrew.

"Commercial pala ha! Habulin mo ko!" Sabay takbo papalayo.

itutuloy..

Suicide



Isang pirasong lumpia at buko juice ang naging panawid gutom ni Jomar matapos ang kanyang final interview sa isang kompanya. Hindi niya alam kong paano pagkakasyahin ang perang pabaon ng kanyang ina kaya tiis muna siya. Babawi na lang siya ng kain pagkauwi ng bahay.

Katulad ng dati hindi maganda ang resulta. Siguradong uulanin na naman siya ng sermon pag-uwi. Palibhasa ay malabnaw ang kanyang utak at baluktot mag-english ay hirap siyang makapasa sa mga exams at interviews. Isang taon na siyang graduate pero hindi pa siya nagkaroon ng trabaho. At halos pagsisihan ng kanyang ama ang pagkakatay ng alagang manok na inihanda noong pagtatapos.

Palaging litanya ng kanyang ama ang pagkakaroon ng trabaho ng mga high school graduate sa tuwing di siya papasa sa pag-aapply. Sa bawat masakit na salita lalong bumababa ng kanyang self-esteem. Nabubuo ang gap na tila pader na di matibag sa pagitan niya at ng kanyang ama.

Naisipan ni Jomar na dumaan muna sa kaibigan para magpalipas ng oras. Kailangan niya ng kadamay sa mga ganitong pagkakataon. Isang taong nakakaintindi, susuporta sa kanya sa mga panahong siya ay mahina at nawawalan ng tiwala sa sarili.

"Pareng Jomar, nadalaw ka!" bati ng kaibigan kay Jomar. "Pasok ka!"

"Magpapalipas lang ng oras pareng Budong. Bagsak na naman ako sa apply ko!"

Mula pagkabata ay magkaibigan na si Jomar at Budong. Nagsimula sa kalye ang kanilang samahan pero lumalim dahil halos pareho sila ng pinagdadaanan at madalas talunan.

"Nakakalungkot nga iyan. Anong plano ngayon?"

"Hindi ko alam. Sigurado may sermon na naman ako kay erpat."

Napailing si Budong at hinawakan sa balikat ang kaibigan. "Kung gusto mo dito ka muna para maiwasan mo ang sermon. Magpalamig ka muna." Puno siya ng sensiridad sa sinabi.

"Sira ka ba? Magkapitbahay lang tayo! Parang malaki ang bahay n'yo para di ako makita dito."

"Pasensya na. Iyon lang ang naiisip ko para matulungan ka e. Kaibigan kita kaya ayoko din ng napapagalitan ka."

"Kaibigan ba talaga kita? May gusto sana akong sabihin sa'yo na matagal ko ng gustong gawin."

"Oo naman!" ubod ng lakas na sigaw ni Budong at halos madurog ang buto sa balikat ni Jomar sa tindi ng pagkakahampas niya. "Ano bang gumugulo sa isip mo at baka makatulong ako."

"Gusto ko ng mamatay." Mahina at mababa ang boses ni Jomar.

"Ano?!"

"Gusto ko ng mamatay. Magsuicide. Gusto pa inuulit e!"

"Naloloko ka na ba?!" Inalog ni Budong si Jomar na parang alkansya. "Madaming nagmamahal sa'yo."

"Sino?"

"Si Ally. Mahal na mahal ka niya."

"Break na kami. May iba na siya. Sana huwag mo na akong pigilan."

"Sige baka masabi mo pa akong kill joy e. Pero sa isang kondisyon!"

"Ba't ikaw pa ang may kondisyon?"

"Gumawa ka ng suicide note. Mahirap mapagbintangan. Pirmahan mo na din."

"Alam mo namang mahina ako sa essay e. Tsaka pangit ang penmanship ko!"

"Problema ba iyon? Halika," yaya ni Budong. Binuhay ang computer. Tinapik ang kumukurap-kurap pang monitor. Hinintay komunekta ang sumpunging dial-up internet connection. "Sa google ako naghanap ng cover letter pattern for sure meron ding suicide letter. Iprint natin para readable ang magagawa natin."

"Galing mo! Maasahan ka talaga."

"Kaibigan mo ako e! Kaya handa akong tumulong." May angas pa pagkakabigkas ni Budong na tila okay lang na mamatay ang kaibigan.

Matapos magsearch ay naglabasan ang iba't ibang pattern ng suicide note. May emo, cool, astig at may papansin lang pero di naman nagpakamatay.

"Okay ang isang iyan p're. Samahan mo ng konting english para magandang pakinggan sa tv kung may media na mapapadaan."

"Pasalamatan mo ako sa sulat ha, para may linya ako sa libing mo."

"Sige pare. Ano bang magandang paraan ng suicide?"

"Sleeping pills p're. Overdose. O kaya lason sa daga."

"Hindi ba masama ang lasa nun?"

"Medyo masama siguro pero wala namang side effect. Tsaka wala kang sakit na mararamdaman."

"Goodluck sa akin!"

Nagsimula silang gumawa ng suicide note sa pamamagitan ng pinagtagpi-tagping salita mula sa iba't ibang site. Nilagyan nila ng credits ang pinagkunan nila para di mademanda kung may magreklamo ng plagirism. Ilang sandali pa ay printed na ang suicide note. Dinamihan nila ang kopya para siguradong mababasa kung sakaling malipad ng hangin. Plano nilang ikakapit sa ref, ipapatong sa mesa, ididikit sa toilet bowl at sa lumang salaming nagsasabing ng pinakamagandang babae sa buong pantasya para mapansin agad. Pinirmahan ni Jomar matapos mabasa ang sulat.

"P're ang cool! Lucida Handwriting pa ang font! Astig!"

"Salamat p're sa suporta," maluha-luha pang wika ni Jomar at may bahagya pang pagsilip ng sipon sa bawat singhot. "Pero may isa pang problema. Wala akong pambili ng sleeping pills."

"Patay tayo d'yan. Walang wala din ako ngayon e."

"Magbigti na lang kaya ako? May lubid ka ba d'yan?"

"Meron kaso gamit pa ni bunso sa duyan niya. Yari pati ako kay ermat kapag nalamang wala ng tali ang duyan. Magsaksak ka na lang kaya?"

Napangiwi si Jomar. "Takot ako sa dugo e.."

"Pumikit ka na lang. Kaso wala ang kutsilyo dito. Hiniram ng erpat mo di pa nga sinosoli e."

"Kahit kelan badtrip talaga si erpat!" naasar pang wika ni Jomar.

"So anong plano mo?" Natahimik ang dalawa. Nagpaikot-ikot hanggang mahilo. "Hirap din pala magsuicide."

"Uuwi. Hahayaan ko na lang na si erpat ang makapatay sa akin."

"Magandang idea iyan. Paano itong mga suicide note?"

"Itago mo for future reference. Malay mo kailanganin mo din."

Walang nagawa si Jomar kundi umuwi ng bahay. Inihanda niya ang sarili sa mga sermon na aabutin niya. Pagpasok niya ay agad siyang sinalubong ng ama. Umiling agad si Jomar para ipaalam na bagsak ulit siya.

"Oh anak, kanina ka pa namin hinhintay. Nabanggit ko sa tito mo na wala kang trabaho. Tutal mahilig ka daw sa computer. Kukunin ka daw muna niyang taga-manage ng shop n'ya. Aalis na kasi sila next week papuntang Canada," lahad ng ama ni Jomar pagpasok pa lang niya ng pinto.

-end-

"corny ito kasi corny naman talaga ang magsuicide" - elle.

Love Bus - Chapter Six


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 | 5 |



Ilang gabing pinagpuyatan ni Andrew ang feasibility study para maging katangap-tangap ito sa kanyang kuya. Metikoloso ang kanyang kapatid pagdating sa return on investment kaya dapat may handa siyang patunay o pag-aaral para ipagtanggol ang proposed outsourcing business. Pero sa isang iglap lamang ay nagawang sulatan iyon ng hindi pa niya kakilala. Halos hindi mabasa ang ibang letra at figures kaya uminit ang ulo niya.

"Anong inaalis ang problema? Lalo mong dinagdagan. Kailangan ng kuya ko ito!" pikon na sambit ni Andrew. Hindi niya mapigilang magtaas ng boses.

"Ikaw ang nagsabing hanggang ngayon lang ang chance mo para ipakita iyan sa kuya mo. So lapse na. Wala ng silbi ang papel na hawak mo." Nagkibit balikat lang si Miel na tila walang ginawang masama.

"Kahit na! Baka bigyan n'ya pa ako ng pagkakataon kung sakaling maipakita kong maganda ang study na 'to."

Nagbuntong hininga si Miel. "You know what, Andrew? Kung ako ang kuya mo mas maiimpress ako kung ikaw ang magpapaliwanag ng mga ito kaysa ako ang magbabasa. Nagpapractice tayo kanina para maidepensa mo ang proposed business mo tapos papakitahan mo ako ng papel? Paano kung mali ang pagkakainterpret ko, e di laglag ang business mo."

Napatigil si Andew. May punto ang kanyang kausap. Paano nga naman kung walang oras magbasa ang kanyang kapatid ng thirty pages study? Kung kaya niyang ipaliwanag ang ang mga nakasulat doon sa maikling oras ay madali niyang makukumbinsi ang kapatid. At ang ginawa niyang study at gagamitin na lang reference.

"Paano mo nasasabi ang mga ito? Anong alam mo sa ganitong negosyo?" pagtataka ni Andrew.

"Wala naman," tugon agad niya. "Simpleng panel lang ako ng mga school sa thesis defense."

"Teacher ka?"

"No. Kinukuha lang nila akong panelist."

"So, matutulungan mo pala ako. Pwede kitang maging adviser."

"Aba! Makakalibre ka na naman? Kanina lang sinisigawan mo ako."

"Pasensya na. Problemado lang talaga. Nahihiya din naman talaga ako sa'yo tapos mukhang mahal pa ang magagastos mo dito."

"Biro lang! Tutulungan kita for free dahil ipagbubuhat mo ako ng gamit." Labas pa ang ngipin ni Miel habang sinasabi iyon. "At saka kilala ko ang may-ari nito kaya libre tayo."

Nakahinga ng maluwag si Andrew. Naglakad s'ya papunta sa veranda at tinanaw ang kalawakan ng siyudad. Ngayon lang niya napagtuunan ng pansin ang nakabibighaning scene ng Ilocos. Halos mapanganga siya sa paghanga.

"Salamat ha." Nilingon ni Andrew si Miel. "Siguro kung di ako naligaw dito baka nasa Baguio na ako at luhaang uuwi ng Manila dahil sa palpak na proposal."

Bahagyang gumuhit ang ngiti sa labi ni Miel. Hindi niya akalaing mapapaamo niya ang kaninang tila nagwawalang leon. "Laki mong tao tapos dramatic actor ka? Kanina lang ang tapang mo at parang gusto mo akong kainin. Huwag ka ng magmukmok. Halika, maglibang muna tayo sa labas. Sayang ang oras kung dito lang tayo."

"Sabagay. Medyo masakit na din ang tenga ko sa kakasigaw mo sa akin," nakangiting biro ni Andrew.

"Aba! Aba! Matapos mong magpasalamat ginaganyan mo ako? Hoy, lalaking menopause di kita sisigawan kung di laging mainit ang ulo mo!" Halos ipagduldulan ni Miel ang kanyang daliri kay Andrew.

"Biro lang. Ikaw naman. Cool ka lang! Pumapangit ka e kapag pikon!"

"Pumapangit? So nagagandahan ka sa akin? Pagnanasa ba yan o paghanga?"

"Akalain mong may ilong sa tuktok ng simbahan. Sa'yo yata 'yon."

"Makapal ang mukha ko, ganun?"

"Ikaw nagsabi n'yan!"

"Bahala ka nga! Pinupuri mo ako tapos aasarin. Gulo mo. Magulo ka pa sa kawad ng meralco!" Lumayo si Miel at pumasok ng kwarto.

"Pikon!"

"Nagsalita ang malawak ang pasensya. Salamat sa pagsira ng araw ko. Manigas ka diyan!"

"Sorry na. Halika mamasyal na tayo."

Biglang bumalik si Miel at nakasuot na agad ng sun glasses. "Tara na! Oh bitbitin mo!"

Kakamot-kamot sa ulo si Andrew matapos saluhin ang bag ni Miel.


itutuloy....


Love Bus - Chapter Five


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 |



Kung may malalapitan lang agad si Andrew hindi niya papatusin ang alok ng babaeng kahit pangalan ay hindi niya alam. Madami siya utang at halos walang magtiwala sa kanya pagdating sa pera dahil sa malaking perang nawala sa kanya noon. Kasama si Andrew sa mga naloko ng malawakang scam ng pyramiding.


"Balak mo akong gawing chimoy?" napailing pang tanong ni Andrew kay Miel. "Kanina ko pa napapansin na pinagtitripan mo ako e!"

"Of course not! Gusto ko lang ng kasama na iexplore ito!" Itinaas ni Miel ang dalawang kamay at pikit-matang umiikot. "Mahirap kumilos bitbit ang lahat ng gamit ko tutal di ka na din naman aabot sa target time mo kung aalis ka din ngayon papuntang Baguio."

"Anong balak mo? Wala akong alam dito. Kahit ninuno ko yata di pa nakatapak sa lugar na 'to."

"Alam mo? Teka anong pangalan mo?"

"Andrew."

"Alam mo Andrew, hindi nakamamatay ang pagtatanong."

"Sige ikaw bahala. Sasamahan lang kita," malumanay na sagot ni Andrew. "Pero huwag mo samantalahin."

"Hindi naman ako masamang tao," katwiran agad ni Miel. "Gusto ko lang maglibang at kung may tutuluyan na tayo pwedeng iwan ang gamit doon," dagdag pa niya.

"Okay. Pasensya na. Puro kasi panlalamang ang ginawa mo simula noong unang pagkikita natin."

"Boring ka kasi kaya nilagyan ko ng konting spice ang buhay mo."

"So sinadya mo talaga?"

"No! Nagkataon lang ikaw ang nasa unahan ko," depensya niya kay Andrew. "Teka hindi mo itatanong ang pangalan ko?"

"Hindi na. Maghanap na tayo ng tutuluyan." Binuhat ni Andrew ang mga gamit ni Miel at sinimulan maglakad.

"Wait!!!" sigaw ni Miel habang hinahabol si Andrew. "Parang alam mo ang pupuntahan ah."

"Alam mo. hindi nakamamatay ang magtanong."

"Whatever!"


Malayo-layo din ang narating ng dalawa bago may dumating na sundo. Tinawagan ni Miel ang isang kakilala para magbigay ng lugar na pwedeng tuluyan. Sa may Vigan Cathedral ang napiling tagpuan. Bagamat pagod, hindi nauubusan ng dahilan si Miel para pikunin si Andrew.

"Hoy! Tulala ka na naman!" panggugulat ni Miel.

"Kung maka-hoy ka naman parang close tayo ah."

"Ito naman. Ibaba mo nga muna ang dala mong problema. Maganda ang lugar. Relax."


Hindi pinansin ni Andrew si Miel. Kung maari lang na iwan niya si Miel ginawa na niya. May pagkakataong namamangha din siya sa lugar. Maraming scene ang nasaksihan niya ng personal na noon ay sa postcard o suot na damit lang ng nakakasalubong niya nakikita.

Magarbo ang napiling lugar ni Miel. Napalunok pa si Andrew dahil sa estima niya ay malaking gastos ang pagtuloy doon. Isang Villa ang kanilang tinuluyan. May dalawang kwarto na may common sala at veranda na kayang tanawin ang siyudad ng Vigan. Pumasok agad si Miel ng kwarto habang nanatili si Andrew sa sala.

"Nandyan ka pa din?" usisa ni Miel. "Bakit hindi mo muna ipasok ang gamit mo?"

"Parang nakakahiya. Mukhang malaki ang gastos dito wala man lang akong maimbag."

"Pwes mag-ambag ka kahit laway!" panunuya ni Miel. "Subukan mong magkwento para di ka nagmumukmok."

"Susubukan ko."

"Ano bang gumugulo sa'yo? Kahit may topak ako sa tingin mo, pwede naman akong pagkatiwalaan."

"Gusto kong magsimula ng bagong buhay." Humugot ng hininga si Andrew bago nagsimulang magkwento. "Wala ng magtiwala sa akin matapos kong maubos ang pera ko pati pera ng mga kaibigan ko. Naloko kami ng isang negosyo na akala naming kikita kami ng malaki kapag nag-invest kami."

"You mean scam? Bakit sa'yo ang sisi?"

"Ako ang humikayat sa kanila na mag-invest dahil kumikita naman talaga ako noong una. Tapos biglang nagsara kaya nasira ako sa mga kaibigan ko."

"Mahirap nga 'yan. Kaya sa kapatid mo na ikaw lalapit. Ano namang negosyo ang papasukin mo ngayon? Kunyari ako ang kuya mo para maidepensa mo ang gusto mo."

Napaisip si Andrew. Kung ganito kakulit ang kuya n'ya malamang di papasa ang proposal niya. Kaya pwede siyang magpractice ng sasabihin kay Miel.

"An outsourcing. Manpower outsourcing. Magprovide kami ng tao sa mga companies from utility to administrative works."

"Parang angency. Okay nga yan. Favorable sa company. Paano mo naman i-encourage na mamuhunan ang kuya mo?"

Binuksan ni Andrew ang bag at naglabas ng ilang papel. Listahan ng target client at feasibility study ng naisip na negosyo. Biglang kinuha ni Miel ang hawak na ballpen ni Andrew at sinulatan ito.

"Anong ginawa mo?!" asar ni tanong ni Andrew.

"Inaalis ang problema mo."


itutuloy...