Skinpress Rss

Love Bus - Chapter Nine


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 |




Halos mabali ang leeg ni Andrew sa pagtanggi sa kagustuhan ni Miel na sumigaw siya. Para sa kanya kalokohan lang ang gustong ipagawa sa kanya. Naisip din niya na maaring pinaglalaruan na naman siya ng babae.

"San mo pa ba gusto? Nandito na tayo eh, edi dito na!" sabi ni Miel.

"Pano?" nagtatakang sabi ni Andrew.


Nakita ni Miel na isang maganda din pagkakataon ito para naman mailabas niya ang matagal ng kinikimkim. May mga alaalang iniwan si Miel sa lugar na iyon, na dala pa din niya hanggang sa pagbalik niya sa Ilocos.

"Ganito." Tumayo siya, at humarap sa direksyon ng dagat na abot tanaw mula sa bell tower ng Bantay Church. Nilagay ang kanang paa sa unahan at sumigaw.

"I hate you Carlo! I hate you! Pagbalik ko ng Manila sinisigurado ko na mag-sisisi ka! Minahal kita noon, maglaway ka ngayon!" Nangilid ang luha ni Miel. Nagulat naman si Andrew sa binitiwang salita ni Miel.

"Aba, kahit pala makulit at madaldal ang babaeng ito ay may tinatago din pala siyang soft side," bulong ni Andrew sa sarili. Gusto sana niyang asarin ang babae pero nakita niya ang nagbabadyang pagpatak ng luha.

Pinahid ni Miel ang luha na gustong kumawala sa kanyang mga bilugang mata. "Iyan ganyan." Pilit niyang iniiwas ang tingin kay Andrew. Hindi dahil nahihiya siyang makita siya nitong umiiyak, kundi dahil ayaw na niyang maungkat pang muli ang kanyang nakaraan. Isa pa, pano pa siya mag-aangas sa binata kung ipapakita niyang siya ay mahina.


"Ano nga kayang itinatago ng babaeng ito?" Nagulo bigla ang isip ni Andrew. Hindi niya kasi akalaing si daldal queen ay may tinatago din palang problema. "Alam mo, kahit itago mo, alam kong umiiyak ka." May halong pang-aasar sa tono ng pananalita ni Andrew.

"Ako? Ano naman iyon?" Hindi parin niya magawang humarap sa kausap dahil batid niyang namumula ang kanyang mga mata.

Pinilit ni Andrew na paharapin ang dalaga. "Sus. Sakin ka pa nagsinungaling."

"Wow. As if naman kilala mo nako! Assuming ka noh!"

"I can listen if you're willing to share your problem." Sumalampak si Adrew sa may kahoy na sahig ng tower. Pinagmasdan niya ang paligid. Humanga siya sa natanaw. Ang mga bundok na magkakarugtong ay tila bumubuo ng isang imahe ng babaeng natutulog.

"Ayoko. Wala naman akong ikukwento eh." Pilit parin niyang itinatago ang nararamdaman.

"Alam mo, nakakapangit iyan. Pangit ka na nga papangit ka pa lalo sige ka." Pang-aasar pa uli ni Andrew.

Siguro nga wala namang mawawala kung magkukwento siya. Kasi alam naman niyang pagtapos ng bakasyon, hindi na muli sila magkikita ng masungit na lalaki na 'to.

"Sige. Pero promise huwag mo akong tatawanan ha?" Biglang nagbago ang aura ng masiyahing dalaga. Ramdam ni Andrew ang bigat na dinadala ng puso ni Miel. "He was my first love. At siya din ang unang lalaking dahilan kung bakit hanggang ngayon, pilit ko pading pinupulot isa isa ang piraso ng puso ko." Muling nangilid ang luha sa kanyang mata.

"Ang daldal mo daw kasi. Kaya ka siguro iniwan."

"Sana nga dahil nalang dun. Willing ako tumahimik para wag niya lang akong iwan." Halos garalgal na ang boses niya.

"Oh eh bakit daw?"

"Niloko niya ako. Nahuli ko siyang niloloko ako nung gabi ng anniversary namin. Hindi ko akalaing magagawa niya yun sakin. I tried to be the best girl. I gave up my career para lang sa kanya."

"Anong ginawa mo?"

"Hinayaan ko lang siya. I decided to cut the communication between us. Kaya eto, binalak kong pumuntang Baguio. Pero napadpad ako dito sa Ilocos."

"Ganun lang kadali yun?"

"Siyempre hindi. Ayoko lang hayaang masira ang ulo ko sa Manila. Maige na yung dito ako. I have to save myself first before I slowly die. Inunahan ko nalang. Ayoko narin marinig ang side niya." Matigas na sabi ni Miel.



Unti-unting nagiging pula ang kaninang bughaw na langit. Wala na ang Palubog na ang haring araw. Naglabasan na ang mga migratory bird na tuwing hapon madalas makikitang lumilipad.

Matagal na magkausap ang dalawa. Puso sa puso. Ang nakakaakit na tanawin ang nagbigay tulay para sa isang kakaibang damdamin.
Pinahid ni Andrew ang luha ni Miel. Sa pagtama ng kanilang mga mata ay may kakaibang kuryente na dumaloy sa kanilang sa kanilang katawan.

Hinawakan ni Andrew ang mga pisngi ni Miel sa pag-aakalang ang nasa harap niya ay si Pearl. Pumikit si Miel, sa parehong dahilan nagbalik ang alaala ni Carlo sa katauhan ni Andrew. Pabilis nang pabilis ang tibok ng kanilang puso. Akmang magtatama na ang kanilang mga labi nang biglang tumunog ang kampana at bumalik ang kanilang ulirat.



"Tara na!" yaya ni Andrew. "Delikado ang daan pababa kung gagabihin pa tayo."

"If I know takot ka lang!"

"Hindi ah! Nag-iingat lang."

"Teka muna!" Pahakbang na sana si Andrew pero hinila si ni Miel pabalik.

Alam ni Andrew ang pakay ng dalaga pero nagkunwari itong nakalimot. "Oh bakit na naman?"

"Sisigaw ka pa e! Sayang ang chance!"

"Kailangan talaga? Akala ko optional," natawang palusot ni Andrew.

"Mandatory! Lagi ka na lang lumulusot?" Akmang pipingutin pa ni Miel ang tenga ni Andrew pero natakpan agad ng lalaki.

"Sino ba naman kasi ang nagpauso ng kalokohan iyan?!"

"Dami po sinasabi e. Sigaw na!"

Huminga ng malalim si Andrew. Kumuha ng bwelo. "Ipinapangako ko, gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat mahalin!"

Lumakad na sila pababa ng bell tower. Hindi nila namamalayan na magkahawak ang kanilang kamay hanggang makarating sa kanilang tinutuluyan.

itutuloy...

The Cure


Mabilis pero maingat ang pagtalilis ni Propesor Sanarez palabas ng laboratory. Itinakas niya ang Project L2A-SO1-4N mula sa research center ng gobyerno. Malaking halaga ang ginugol ng kasalukuyang administrasyon para sa proyektong magbibigay daan sa pinakamalaking breakthrough sa larangan ng siyensiya at medisina. Ang Project L2A-SO1-4N ay ang tinatawag ng pangulo na "The Ultimate Cure" o ang tatapos sa lahat ng karamdaman. Isa sa ipinangako ng presidente noong siya ay nahalal ay ang paghanap ng pinakamabisang gamot na lulunas sa lahat ng karamdaman mula simpleng kati hanggang cancer. Ang Project L2A-SO1-4N ay isang universal medicine, hindi na kakailanganin pa ang kahit ano klase ng gamot dahil kaya na nitong lunasan ang lahat. Si Propesor Sanarez na sikat sa siyensiya ang namuno sa pagtuklas ng formula.


Isang karangalan sa propesor noong tanggapin niya ang tungkuling ibinigay ng pangulo. Subalit maraming tutol sa proyekto dahil sa bangungot na maaring dala nito. Mariin din ang pagbatikos ng iba't ibang relihiyon dahil may ingay na lumitaw na maaaring bumuhay ng patay ang gamot kung ito ay maging matagumpay.

"Propesor, totoo po bang may proyektong ibinigay sa inyo ang pangulo?" tanong ng isang reporter habang papasok ng researh center. Puno ng media at raliyista ang paligid ng center na pabor at tutol sa proyekto.

"Yes, maganda ang naisip ng pangulo kaya tinanggap ko," sagot naman agad ng propesor habang isinusuot niya ang kanyang lab gown. "Half-way na ang project."

"Magagawa po bang bumuhay ng patay ang gamot na gagawin ninyo?" hirit pa ng isang newspaper columnist.

Napahalakhak ang propesor. Umiling ng ilang beses bago nagsalita. "Gamot ang tutuklasin hindi himala. Haka-haka lang ang pagbuhay ng patay. Paano gagaling ang isang tao kung di na kayang tanggapin ng katawan ang gamot?"

"Pero base po sa speech ng pangulo kaya nitong gamutin ang lahat ng sakit!" patuloy pa ng reporter.

"Oo kaya nga nito. Cure ang gagawin natin dito, pero kung mahina na ang cells, tissue o ang anumang bahagi ng katawan ng tao mababalewala ang gamot. Mananatiling effective ang gamot kung responsive ang pasyente. For exampe a dengue patient, kung mababa ang platelets need ng dugo then tutulong ang gamot para makarecover agad. Pero kung mataas pa ang RBC kaya agad malunasan ng gamot."

"So, in short prof basta may maramdaman inom agad ng gamot na ito?"

"Correct! Bakit mo pa patatagalin kung may agarang solution?" Again, di nito kayang bumuhay ng patay kundi mag-extend lang buhay ng mga buhay pa." Nakangiting iniwan ng propesor ang media.


Sinalubong ng staff ng pangulo si Propesor Sanarez para mapabilis ang pagpasok nito sa laboratory. Katulad ng nakagawian, tiningnan agad niya ang resulta ng previous test sa mga hayop. Mula sa mga daga hanggang sa unggoy.

"Propesor, tinatanong ng pangulo kung kailan matatapos ang proyekto," usisa ng isang lalaking ipinadala ng palasyo para kamustahin ang lagay ng proyekto. Nanatiling tahimik ang propesor. "Propesor? Kailangan ko po ng resulta."

"Resulta? Hindi biro ang proyektong ito kaya di dapat minamadali. Hindi dapat niya isinapubliko ito para di ako nahihirapan."

"Pasensya na po. Napag-utusan lang."

"Sa ngayon, 60-70% effective. May ilang namamatay na hayop, at mayroon ding nagkakaroon ng unusual behaviour gaya ang unggoy na nasa harap mo."

"Prof, salamin ang nasa harap ko."

"Ah sorry," natatawang hirit ng scientist. "Sa gilid mo pala. At isa pa, hindi pa natetest ito sa tao. Hindi natin alam kong magkakaroon din ng unusual behaviour at kung may side effect ba ito in the long run."

"Anong pwedeng alternative natin para mawala ang flaws na ito? Para may maibalita ako sa pangulo."

"Siguro may substance na nakakaapekto sa utak kaya humahanap ako ng alternative para dito. Still, we need a human subject. Where in the hell tayo kukuha ng taong susubok nito?"

"Kami na ang bahala prof. Just do your thing." Umalis ang emisaryo ng pangulo matapos kumuha ng datos.

Lingid sa kaalaman ng propesor, may nakakahawang sakit ang pangulo kaya niya inilunsad ang proyekto. Ang Project L2A-SO1-4N ay ginamit niyang front para pagtakpan ang Acquired Immuno Deficiency Syndrome o AIDS na nakuha niya sa pakikipagtalik sa ibang bansa noong mga nakaraang taon. Para manatiling malinis ang kanyang pangalan at mailihim ang sakit, sinamantala ng pangulo ang talino ng propesor at lalabas pa siyang may malasakit sa bansa.

"Propesor, ito po ang huling result ng test sa unggoy na may ebola," wika ng assistant. Natuwa ang propesor sa naging resulta. Responsive ang katawan ng hayop.

"Almost done," bulong niya sa sarili. "Minor adjustment and this is over."

"Ano pong susunod nating gagawin, prof?" Naghintay ng sagot ang assistant.

"Retest after ng reformulation. And need natin ng human subject. Alive human subject!" Binigyan niya ng diin ang salitang alive. "Hindi natin alam kong may masamang epekto ito sa tao kahit pulido na sa mga hayop."

"Prof, Professor Sanarez," singit ng receptionist ng lab. "May tawag po kayo sa line 3."

"Sige, susunod na ako," di interesadong sagot ng propesor.

"Emergency daw po. Ang bahay ninyo sinugod ng mga raliyista, malubha daw po ang inyong mag-ina."

"Ano?!" Mabilis na kumilos ang propesor palabas ng laboratory at tinungo ang reception area. Labis ang kanyang pag-alaala nang malamang kritikal ang kanyang nag-iisang anak at di alam kung makaliligtas pa.

Bumalik ang propesor sa laboratoryo. Lumuluhang nagreformulate ng L2A-SO1-4N. Desidido siyang gamitin ang gamot na di niya alam kung makatutulong o makasasama sa anak. Ang tangi lang niyang naiisip ay kailangang maisalba ang buhay ng anak. Nang matapos ay sinubukan niya muli sa unggoy at nagtagumpay.

Gumugol siya ng apat na oras kaya mabilis at maingat ang pagkilos niya. Itinakas niya ang proyektong pagmamay-ari ng gobyerno at di pa aprubadong gamot. Alam niyang mali ang ginagawa subalit kailangan niyang iligtas ang anak.

Sumugod agad siya sa ospital. Nasa coma ang anak niya. Sinubukan niyang alamin ang vital signs. Maayos ang lahat. Ang mga tubong nagmumula sa aparato ang patuloy na nagbibigay ng tulong para manatiling buhay ang bata. Nang makaalis ang nurse, isinakatuparan niya ang plano.

Isa.

Dalawa..

Tatlong oras....

Walang resulta. Hindi kumikilos ang anak niya. Nangilid ang kanyang luha. Hindi niya matanggap na wala siyang magawa para sa sariling anak. Para sa isang palpak na proyekto ay nalagay pa sa panganib ang kanyang pamilya. Sinalo ng mesang plastic ang galit ng propesor. Halos mawasak ito sa dami ng suntok na pinakawalan niya.

Tumalikod siya. Wala ng tuyong bahagi sa kanyang pisngi. Basa ng luha. Wala ng boses para magreklamo.

"Papa.. Nasaan tayo?" tanong ng paslit na kanina ay di na kakikitaan ng pag-asang mabuhay.

Humarap ang propesor at mabilis na lumapit sa anak. "Baby.." Niyakap niya ng buong higpit ang bata.

"Bakit ka umiiyak, Papa?" Umiling lang ang propesor habang pinapahid ang luha. Pinipilit pigilan ang hagulgol.

BLAGG!!

Nagulat na lang ang dalawa ng biglang bumukas ang pinto. Tumama pa ito sa mesa kaya lumikha ng nakakagulat na ingay. Mga pulis at tauhan ng pangulo.

"Propesor Sanarez, arestado ka sa kasong pagnanakaw ng pag-aari ng gobyerno at paggamit ng kaban ng bayan sa pansariling interes," panimula ng pinuno ng kinauukulang sumugod sa ospital matapos matuklasang complete na ang synthesis ng gamot pero wala ang produkto. "May karapatan kang manahimik at humingi ng tulong legal."

Itinaas ng propesor ang dalawang kamay at inilagay sa batok. Habang nakangiting namaalam sa anak. Hinalikan niya ito para patigilin ang pag-iyak.

"Tahan na baby, everything will be okay!" wika ng propesor kahit di niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya......

-wakas-

Cellphone


Kung magustuhan mo ang kwento, pakishare na din sa iba at pakiboto na din ng entry na ito.
1. Bisitahin ang PEBA site
2. Sa left side, makikita ang voting poll, hanapin ang Philippine based nominees.
3. Piliin ang entry 13. tuyong ng tinta ng bolpen. (ctrl f or search para di malito)
4. Submit your vote. Thanks!
Hanggang October 31 ang botohan kaya pwede kang mag-encourage ng friends.. :)


****************************************


"Mang Gardo, pagpasensyahan mo na ang anak ko," paumanhin ni Sherine matapos sigawan ng masasakit na salita ang apo ni Mang Gardo na si Tom. Inakala kasi ng anak ni Sherine na kinuha ni Tom ang paborito nitong laruang kotse. "Ito kasing kapatid niya alam namang ayaw ng pinakikialaman ang gamit, eh dinala pa dito."

"Away bata lang 'yan Sherine. Lilipas din maya-maya," tugon ni Mang Gardo habang hinahaplos ang buhok ng apo.

"Tom, wag ka magagalit sa anak ko ha. Bagong gising lang kaya may sumpong," paumanhin muli ni Sherine.

"Hindi po ako galit sa kanya. Sabi po ni Mommy, kapag po may galit sa iyo hindi kailangan galit ka din sa kanya," matuwid na katwiran ni Tom. Nagtinginan at napangiti ang dalawang matanda.

Pagkaalis ni Sherine ay sunod-sunod ang buntong hininga ni Mang Gardo habang nakatingin sa bata. Malaki na si Tom. Malapit na ang ikaanim nitong kaarawan, na sanang pag-uwi rin ng ama nitong nasa Gitnang Silangan. Kung hindi dahil sa kanya, siguro magkapiling na ngayon ang mag-ama.


"Naloloko ka na ba?!" singhal ni Mang Gardo sa anak na si Rema. "Hahayaan mong umalis ang asawa mo? Dito pa nga lang sa Pilipinas nagloloko na!" Sariwa sa alaala ni Mang Gardo ang ginawang pangangaliwa ni Glen noong nagbubuntis pa lang ang anak. Kung hindi siya napigilan ni Rema, malamang ay napatay niya ito.

"Itay, bigyan n'yo ng pagkakataon si Glen! Mula noong nagkaanak kami, malaki na ang ipinagbago niya. May sarili ng paninindigan!" samo ni Rema sa ama.

"Kalokohan! Ang hayop kahit bihisan mo ng sa tao, hayop pa din! Hindi ko nga alam kung bakit tinanggap mo pa iyan! Kung nabubuhay ang inay mo malabong makaakyat pa siya ng bahay."

"Ayoko ng sirang pamilya itay lalo't alam kong maaayos pa. At alam ko sa pagkakataon ito ay babawi na siya," kalmadong wika ni Rema. Padabog na lumabas ng bahay si Mang Gardo bago pa tuluyang kumawala ang matinding galit.

Walang kibo si Glen sa pagtatalo ng mag-ama. Nanatili siya sa kwarto kahit tapos na ang paghahanda ng gamit niya. Alam niya sa sarili na mali ang ginawa niya kaya di niya maalis ang hinanakit ng biyenan. Gusto sana niyang makipag-ayos bago umalis pero bigo siya.

Dating tambay lang si Glen pero nagawa siyang mahalin ni Rema. Malaki ang kanyang pagsisisi sa nagawa niyang kasalanan kaya naisipan niyang maghanap ng trabaho para makabawi. Dahil kulang sa kaalaman bigo siyang humanap ng trabahong may malaking sweldo. Namasukan siya bilang tubero at noong may sapat ng kaalaman ay nagpasyang magtrabaho sa ibang bansa.

Hindi biro ang naging buhay ni Glen. Hirap siyang mag-english kaya madalas ay nagtatanong pa sa kapwa Pilipino para maintindihan ang utos. May pagkakataong bumabagsak ang kanyang luha habang kumakain dahil naalala niya ang kanya pamilya. Ang kanilang mga kwentuhan sa agahan, tanghalian at hapunan. Lalo na ang aliw na dala ng kanyang anak na si Tom sa tuwing yayakapin siya nito kapag naglalambing at ipagmamalaki ang nakuhang star sa school. Bibong bata si Tom kaya madaling kagiliwan. Gusto na niyang umuwi kahit kararating pa lang pero kailangan niyang magtiis. Iniisip na lang niya na maikli lang ang dalawang taon.


"Ano?! Tama ba ako? Walang pang padala ang magaling mong asawa?!" may panunudyong wika ni Mang Gardo. "Malamang inuubos lang sa mga walang kwentang bagay. Hindi ko talaga maisip kung ba't ka pumutol don!"

"Itay, ilang buwan pa lang po si Glen doon kaya hikahos pa din siya. Nangako naman po siyang sa sunod na buwan ay magpapadala na."

"Dapat lang! Hindi biro ang nawaldas sa lalaking iyon. Baon ka pa sa utang hanggang ngayon. Isipin mo na lang kung anong mukha pa ang ihaharap mo sa tao kung magloloko lang ang magaling mong asawa!"

"Bakit po ba ang init ng dugo ninyo sa asawa ko? Nagbago na siya itay. Bigyan n'yo siya ng pagkakataon para man lang kay Tom. Ibaon n'yo na sa limot ang kasalanan niya noon."

"Limot? Paano ko malilimutan ang katarantaduhan nun?! Halos gabi-gabi kang umiiyak at di kumakain. Alam mo bang napakasakit sa isang ama ang walang magawa? Masakit maging inutil, anak.... alam mo ba ang pakiramdam na ang pinakaiingatan ko ay sasaulain lang at paglalaruan lang ng kung sino lang? Kung di ka lang buntis nun baka napatay ko pa siya." Emosyonal ang bawat binitiwang salita ni Mang Gardo. Garalgal ang boses. Bakas sa kanyang mukha ang galit at muhi. Nakakuyom ang mga kamao. Isang yakap lang mula kay Rema ang nagpakalma sa ama. Isang yakap din lang ang nagpabagsak ng luha sa may pusong sintigas ng bato.

Pinanindigan ni Glen ang pangako. Nagbanat siya ng buto, nag-ipon at di nakalimot tumawag sa Diyos. Tiniis niya ang matinding init ng araw, ang nakasisilam na bagyo ng buhangin at ugali ng iba't ibang lahi. Sa tulong ng asawa ay unti-unti silang nakapundar. Buwan na lang ang bibilangin ay uuwi na siya. Nasasabik siya makita ang anak.

"Lilipat?" maktol ni Mang Gardo. "Hindi naman kayo pabigat dito ah!" Matindi ang pagtutol ni Mang Gardo sa naisip na pagsasarili ng kanyang anak at asawa nito.

"May kaunti na po kaming ipon, itay. Gusto din po ni Glen na magsarili at magkaroon ng sariling bahay," katwiran ni Rema.

"Hanga talaga ako sa asawa mong 'yan ano? Nagkapera lang, eh nagmamalaki na! Palibhasa, uuwi siya akala mo aagawan ng kwarta!"

"Hindi naman sa ganoon, itay. Tulad po ng bawat pamilya gusto din po namin ng sariling bahay." Mahinahon pa din si Rema sa kabila ng masasakit na salitang nadidinig niya.

"Eh bakit doon sa malapit sa partido niya?! Madami namang subdivision malapit dito sa atin? Ilalayo niyo ako sa kaisa-isa kong apo? Nanadya yata siya eh!" Biglang napahawak sa dibdib si Mang Gardo. Nanikip ang dibdib niya dahil sa galit . Nahihirapang huminga. Napaupo siya. Kahit ang mesang kinunan niya ng lakas para manatiling nakatayo ay bumigay din. Bagsak siya sa sahig.

"Itay! Napaano kayo? Itay?!" Inalalayan niya ang ama at mabilis na humingi ng tulong.

Isinugod si Mang Gardo sa malapit na ospital. Hindi mailarawan ang mukha ni Rema sa labis na kaba at takot na lumukob sa kanyang katauhan. Lito ang kanyang isip. Balisa. Hindi niya inaasahan na hahantong sa ganoon ang sinabi niya.

"Hello, Glen?! Ang itay... I-inatake..." garalgal ang boses ni Rema habang nagkukwento sa nangyari. Hindi siya mapakali sa pwesto. Walang tigil ang kanyang hagulgol. Nabasa ng luha ang cellphone.

"Patingnan mo agad sa espesyalista! Kung kinakailangang operahan, gawin agad!" natataranta na ding utos ni Glen. "Magpapadala ako ng pera. Sabihin mo agad kung kukulangin para makapanghiram ako sa iba kong kaibigan dito."

"Salamat Glen.. Patawarin mo si itay kung galit pa din siya sa'yo."

"Mahal kita, si Tom pati ang tatay mo kaya di ko kayo pababayaan. Magpakatatag ka habang wala ako. Ikaw lang ang masasandalan ng tatay mo."

Sumailalim agad sa bypass surgery si Mang Gardo at naging maayos naman ang resulta. Ubos ang naipong pera ni Rema at nabaon muli sa utang. Napagkasunduan niya at ni Glen na ipagpaliban muna ang paglipat bukod sa naubos ang kanilang ipon ay kailangang alagaan ang ama. Hindi muna din uuwi si Glen para masuportahan ang gamot ni Mang Gardo.


May kabang dinampot ni Mang Gardo ang cellphone ni Rema. Hinanap ang number ni Glen. Subalit, namayani ang pride, binitawan niya ang cellphone. Lumabas. Lumanghap ng hangin. Nakita niya si Tom at ang batang umaway dito kanina. Masaya na muling naglalaro ang mga bata. Pawi na ang galit sa bata na kanina'y nag-aamok.

Bumalik siya sa loob ng bahay. Muli niyang dinampot ang cellphone at buong lakas ng loob na tinawagan si Glen. Takot siyang masumbatan pero sa pagkakataong ito, gusto niyang pasalamatan ang asawa ng anak.

"Hello, Glen," panimula ni Mang Gardo. "A-anak, salamat sa lahat. Patawarin mo ako. Sa mga nagawa ko sa iyo, sa lahat.."

Nangilid ang luha ni Glen. Sa unang pagkakataon ay tinawag siyang anak ni Mang Gardo. Lagi niyang hinihiling na maging maayos sila. Sinagot na ang kanyang dasal. "Itay, kailanman po ay hindi ako nagalit sa inyo. Wala po kayong ginawang kasalanan sa akin. Magpagaling po kayo."

Bakas na din sa mukha ni Mang Gardo ang butil ng luhang pumapatak sa mata hindi dahil sa lungkot kundi dahil ubos na ang salitang pwedeng magpahayag ng kanyang kasiyahan. "Mag-iingat ka lagi ha? Alam mo naman ako, tumatanda na kaya sumpungin."

Magaan ang loob at maaliwalas ang pakiramdam ni Mang Gardo matapos ang usapan. Walang panunumbat siyang nadinig. Ngayon, nagpapasalamat siya kay Rema dahil si Glen ang minahal niya. Tumingala siya sa langit ang nagpasalamat sa pangalawang buhay.

"Tom, Apo! Halika nga!" tawag ni Mang Gardo sa apo. Niyakap niya ito ng mahigpit bilang pasasalamat kay Glen. "Salamat apo."

-WAKAS- 

****************************************

Ang kwento ito ay alay ko sa mga OFW lalo't higit sa masugid na tagasubaybay ng blog na ito. Sa mga reader's from Doha, sana mainspired kayo lalo.

-Sa mga tropa ko na dati ding tambay na gaya ko, na noong nakapamilya ay nagsikap na.

-Sa mga pinsan, kaklase, dating katrabaho, ingat diyan. at sa mga nakabarikan, ang tagay ko ay para sa inyo..

-Kay Tin, Cheth, Gem, Marge, Elle, Aiden, Jeff aka Aroro, Emman, mga p're salamat sa pagsubabay at friendship.. 

Sa Organizers ng PEBA, maraming salamat. Ang espasyo ng aking blog ay palaging bukas para sa inyo.



OFW Supporter Category
"Pagtibayin ang Pamilyang OFW
Mas Matibay na Tahanan Para sa Mas Matibay na Bayan"



Love Bus - Chapter Eight


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 |


Patuloy na tumakbo na parang bata sa park si Miel. Tapos bigla itong tumigil parang matandang biglang inatake ng rayuma.

"Napagod ata." Bulong ni Andrew. Napangisi siya.

"Akin na kasi yan! Wala ka namang makukuha diyan eh. Wala naman kasing laman iyan." Pilit na inaagaw ni Andrew ang pitaka sa makulit na si Miel.

"Ayoko nga. Sino muna si Pearl?"

"Bangka si Pearl."


"May palusot-lusot ka pa diyan eh huli ka na naman. Asawa mo ba siya?" painosenteng tanong ni Miel.

"Of course not! I'm single. At kung sino man siya, hindi na mahalagang malaman mo pa iyon. Pakielamerang madaldal," pagsusungit ni Andrew. Hindi na mabilang kung ilang beses napikon ni Miel ang lalaki. At hindi rin alam ni Andrew kung bakit at kung paano niya nahahayaang pikunin siya ng babaeng ni hindi niya alam ang pangalan.

"Ako madaldal?"

"Akin na kasi yan cookie monster!" Halatang inis na si Andrew dahil maka-ilang beses na din silang paulit ulit na nagpaikot ikot sa plaza.

"Ibibigay ko lang sayo, ang wallet na 'to, kapag tinawag mo akong ganda!" natatawang sabi ni Miel.

"Edi isaksak mo na sa baga mo iyan! Never kitang tatawaging ganda. Assuming ka ha!" Halos lumawit ang litid ni Andrew.

"O edi sige. Tutal naman walang laman ito eh. Kundi yung picture ng Flanax girl mo."

"Excuse me,di hamak naman na mas maganda si Pearl kesa sayo noh."

"Siya na maganda. Basta ako, diyosa. Este, bathaluman pala."

"Ang lakas mo eh noh? Nag gym ka siguro sa manila."

"Bakit naman?"

"Kasi hindi lang upuan ang binubuhat mo. Pati yung mga bleachers sa Araneta kayang kaya mo."

Sinuntok ni Miel ang braso ni Andrew. "Nagsasabi lang ako ng totoo noh."

"Kung ikaw naman ang definition ng maganda, dibaleng magmahal nalang ako ng panget."

"Whatevs! Halika na. Punta na tayong tower. Pagdating natin dun maabutan natin ang sunset."

Naglakad na sila papuntang sakayan ng kalesa. Aliw na aliw si Miel na pikunin si Andrew. At least nagagawa niyang alisin sa isip ni Andrew ang business proposal na gumugulo ng isip ng lalaki.

Hinayaan na lamang ng binata na hawakan ni Miel ang wallet niya. Tutal naman ay wala itong laman at alam naman niyang nangungulit lang ito. Sumakay sila sa kalesa at binaybay ang daan patunong bell tower. Habang nagbibiyahe ay patuloy ang pag picture ni Miel sa paligid. Paminsan ay kinukuhanan niya ng litrato ang masungit na si Andrew.

"Mam nandito na po tayo." Sabi ng kutsero.

"Salamat manong. Hintayin niyo na lang po kami diyan sa may labas. O halika na! Babagal bagal ka nanaman diyan eh!"

Inalalayan ni Andrew si Miel pababa ng kalesa. Medyo malikot ang kabayo at halatang natatakot ang dalaga.

"K-kaya ko magisa noh!" Pagmamayabang ni Miel.

"Oh edi sige." sabay bitaw ni Andrew sa kamay nito. Muntikan ng dumapa si Miel dahil sa ginawa ni Andrew.

"Alam mo ang sama talaga ng ugali mo! Kaya ka siguro iniwan ni Pearl noh?" Mataas ang boses na sigaw ni Miel.

Hindi na lang pinansin ni Andrew ang sinabi ni Miel. Wala siyang panahon para makipagtalo. Lumakad na lamang siya papunta sa loob ng simbahan. Sa entrance palang ay sinalubong na sila ng namamahalang tour guide sa lugar.

"Magandang hapon po. Welcome po sa Bantay church and bell tower," masayang bati ng tour guide habang ikinukumpas ang kamay. "Ako nga po pala si Joey. Gusto niyo po samahan ko kayo sa pagakyat?" Alok nito.

"Ah wag na manong kami na lang ang aakyat," pagbibida ni Miel.

"Mabuti pa magpasama na tayo kay manong Joey. Mahirap na, baka itulak mo pa ako."

"Makulit ako pero hindi ako mamatay tao!" depensa ni Miel. "Halika na akyat na tayo para makita natin ang sunset." Patakbong hinila ni Miel ang braso ni Andrew.

Nakarating sila sa lagusan patungo sa taas ng bell tower. Medyo makipot ang kahoy na hagdan. Napalunok si Andrew. Hindi niya inaasahan na ganoong kataas ang lugar. Kahit pa sa Baguio siya lumaki. Ni hindi pa nga niya naakyat ang grotto dahil takot siyang mahulog.

Napansin ni Miel ang pamumutla ni Andrew. Naisipan na naman niya itong tuksuhin. Para bang may kung ano kay Andrew at gustong gusto niya itong inaasar.

"Don't tell me you are afraid of heights?" panunudyo nito.

"Of course not! Napagod lang ako noh." palusot nito. Namuo na kasi ang butil butil na pawis sa noo niya.

"Oh sige. Halika na! Mauna ka ng pumanik. Para kung sakaling mahulog ka may sasalo sayo." pang-asar na sabi ni Miel.

Naunang umakyat si Andrew. Dahan dahan. Ng biglang umuga ang kahoy na hagdan. "Holy shit!" Sigaw ni Andrew.

Tawa naman ng tawa si Miel sa likuran niya. "Hindi pala takot sa heights ah. Hahahaha. Duwag!" Sabay belat.

"Whatever cookie monster." Sabi ni Andrew. Nagpatuloy na lang siya sa pag-akyat at ng marating ang tuktok ay namangha siya sa ganda ng paligid. Nakaakyat na rin si Miel.

Noon pa man ay gustong gusto na ni Miel ang lugar na ito. Dito siya madalas pumunta kapag may problema siya. Dito din niya isinisigaw ang mga bagay na kinikimkim niya.

Napansin niyang malalim na naman ang iniisip ni Andrew. Tinabihan niya ito.

"Ibabalik ko ang wallet mo. Kapg kinuwento mo sakin kung ano ang meron sa Flanax girl mo."

"Hindi na mahalagang malaman mo kung sino siya."

"Edi kunin mo na lang sa South China Sea itong wallet mo." Kunwari ay ihahagis ni Miel ang wallet ng biglang nagsalita si Andrew.


"Dati kong girlfriend si Pearl kaso nakipaghiwalay siya sa akin." malungkot na panimula ni Andrew. Seryoso ang kanyang mukha at halatang may dinadala sa kanyang mga mata.

"Siguro nambabae ka! Ganyan naman kayo e. Hindi kontento sa isa!" sumbat ni Miel na tila siya ang niloko ni Andrew.

"May conclusion ka na pala e. So di na ako magkwento."

Tinapik ni Miel ng malakas ang balikat ni Andrew. "PMS? Sumpungin mo naman parang di ka lalaki! Kwento na!"

"Kung makatapik ka parang close tayo ah!" Hinilot ni Andrew ang halos mabasag na balikat.

"Sorry boss!" Minasahe ni Miel ang balikat ng kausap para tuluyang na itong magkwento. "Kwento na! Hindi na ako mag-iinterupt!"

"Oh!" Iniabot ni Andrew ang isang pirasong bato kay Miel.

"Ano yan?"

"Bato. Akala mo prutas?"

"Alam ko! Aanhin ko naman iyan? Ipupukpok ko sa'yo?"

"Hindi! Kagatin mo para tahimik ka habang nagkukwento ako.."

"Bwisit!" Tumalikod si Miel at tila naghihintay na panunuyo pero hindi iyon nangyari. Mahaba ang katahimikan kaya napilitan si Miel magsalita. "Kainis ka naman!"

"Bakit na naman?!"

"Wala. Magkwento ka na nga!"


Malalim ang pinaghugutan ng hininga ni Andrew. Nakatanaw siya sa malayo. Bahagyang napailing at tumititig sa mga mata ni Miel. Hindi niya alam kung bakit interesado ang babae sa buhay niya. Sa isip niya, tama din na may hingahan siya ng sama ng loob.


"Mahal ako ni Pearl pero nagsawa siya sa pagmamahal ko. Hindi nga siguro sapat ang pagmamahal lang. Marahil tama nga ang mga magulang niya. Walang mararating si Pearl sa akin dahil walang direksyon ang buhay ko. Wala akong pangarap. Kaya ngayon gusto kong itama ang buhay ko at bumalik sa akin si Pearl."

Mahaba pa ang kwento ni Andrew tungkol sa pangarap, pag-ibig at buhay. Halos nangilid ang luha ni Miel sa lungkot ng buhay ng lalaki. Naguilty tuloy siya sa mga kalokohang ginawa sa lalaki.

"Paano kung ayaw na sa'yo ni Pearl? Kung may mahal na siyang iba?"

"Hindi ko alam," mababa ang boses ni Andrew. Malungkot. Nababagabag.

"Alam ko na. Halika." Hinila ni Miel Patayo si Andrew. "Isigaw mo dito sa taas ng tower ang nararamdaman mo. Isumpa mo sa ngalan ng nawawalang espada ni Panday na pagbalik mo ng Baguio ay may ibubuga ka na bukod sa mabaho mong hininga." Tatawa tawang sabi ni Miel.

"Dito?"

itutuloy...