Skinpress Rss

Bahay Kubo


Mapula-pula na ang ulap sa dakong silangan ng Dayap. Pasikat na ang araw. Mistulang nainip ang araw sa mahabang gabi kaya agad sumilip. Umaga na pero marami pa ang di nakakatikim ng pahinga. Pahupa pa lamang ang takot sa minsang dumanas ng pait ng katotohanan. Maging ang batang nagbibigay aliw sa pamilya ngayon ay nagsusumigaw at nakaririndi na.

Ang galos ng matandang lalaki sa kanyang braso ay alaala ng kaguluhang nangyari kahapon. Balakid sa kanyang pagkilos ang pagpupumilit ng langaw na makadapo sa sariwang sugat. Dumagdag pa ang walang katiyakang pananatili sa lugar. Malaki ang naging pinsala kaya tinipon niya ang mga pwede pang pakinabangan. Ang kaserolang paglalagyan sana ng pagkain kagabi ay nagsibling tipunan ng pako at turnilyo.

Iniangat niya ang yero sa ibabaw ng itinaling kahoy. Nilagyan ng pabigat para mapanatili ang tibay. Pinagtagpi-tagpi ang piraso ng mga plywood para maging pananggalang sa lamig. Kumakalam na ang kanyang sikmura pero kahit isang pirasong biscuit wala siyang mailaman. Sa mata ng isang dukha pamilya pa din ang dapat unahin.

Lumakad siya patungo sa upuang yari sa bato. Ipinahinga ang pagod na katawan kasama ang anak at asawa. Minasdan niya ang mga kasamahan. Umiling siya at nagtanong sa sarili. "Ano bang magagawa ng isang dukhang biktima ng kahirapan at bigong pangako?" Tumayo siya sa upuan at sinagot ang sariling tanong. "Bumangon."

Hindi magtatagal ay buo na muli ang bahay na makailang ulit sinubok ng demolisyon. Sa pagsikat ng araw magsisimula muli ang pakikibaka. Hindi susuko at maniniwala sa pag-asang hatid ng bawat umaga.