Skinpress Rss

Pulang Drum


Nakasilip ang bata sa pulang drum sa likod ng aming bahay. Maging ang mga baboy sa kulungan ay nahihiwagahan sa kanyang ginagawa. Matagal siyang nagpupumilit dumukwang para silipin ang loob kung hindi pa siguro napagod ay hindi kukuha ng bato upang tuntungan. Kagigising ko pa lang kaya hindi pa sumisiksik sa aking isip ang kasipigan kong taglay. Isa pa, sinasariwa ko pa ang ginawa ni Ella kagabi sa camfrog. Hinayahaan ko lang ang bata sa kanyang ginagawa hindi naman nagugulat ang mga baboy na mas mahal pa sa akin ni Nanay.

Noong bata ako madalas din akong sumilip sa pulang drum. Kapag puno ng tubig ang drum aliw na aliw akong ilubog ang aking mukha. Gumagawa din ako ng bula o kaya ang pinasisirit ang tubig gamit ang aking mga kamay. May oras na nagpapaligsahan kami ng kapatid ko sa pagsigaw at palakasan ng alingawngaw mula drum kung wala namang laman. At kung aatake ang kakulitan habang nasa loob ng drum ang ulo ng kapatid ko ay bigla kong hahampasin ng malakas ang gilid ng drum. Tatakbo na ako dahil alam kong magsusumbong na siya sa Nanay ko. Magrereklamo na naman na binabasag ko ang kanyang eardrum na ang kalalabasan pareho kaming parurusahan.

Uupo ako malapit sa drum. Magmumukmok habang humihikbi. Habang tinitiis ang hapdi ng latay sa aking mga hita iniisip ko na may lalabas na genie. Hindi para humiling sa kanya ng tatlong beses kundi pakikiusapang siya na lang ang sumalo ng lahat ng palo mula sa Nanay ko. May theory nga ako na kaya naubos ang ipil-ipil dahil sa Nanay ko na mahilig pumutol ng sanga para gawing weapon.

Sa ngayon, bihira ko na lang napapansin ang drum. Hindi na kasi ako kaya nitong itago kapag namamato ng tabo ang Nanay ko. Bum kasi ang buhay ko. Wala nga daw akong purpose. Buti pa ang daw ang drum nagkakalaman. Binalak ko na ngang magtanan para makawala sa magulang ko. Kasado na nga ang lahat, girlfriend na lang ang kulang.


Nakita kong may kinuhang kawayan ang bata. Nakasandal siya habang hinahampas ang sisidlan ng tubig. Lalalabas na sana ako ng bahay para sa sawayin siya pero biglang may tumigil na tricycle sa tapat ng bahay. Sumirena na agad ang Nanay ko kahit alam niyang palapit na ako. Halos ihambalos niya ang kanyang hawak na plastik para iabot sa akin, hindi niya ugaling makiusap para tulungan siya.

Pumunta agad ako sa likod bahay bitbit ang pasalubong ni Nanay sa kanyang mga alaga. Wala na ang bata. Nakangiti pa si Nanay habang nakikipag-usap sa mga kasize niya. Para ngang may common language sila dahil mabilis silang magkaintindihan. May wavelength 'ika nga.

Sumandal ako sa drum pagkatapos magpaalipin sa mga baboy. Nakasanayan ko ng ipaubaya sa lamig ng bakal na lalagyan ang ginhawa ng pakiramdam. Siguro nagpapalipas din ng oras ang bata. Namangha din siya sa alingawngaw na nanggagaling sa drum. Napangiti ako. Siguro maaring kong ulitin ang pagsigaw sa drum. Mabawasan man lang ang bigat ng pakiramdam.

Tumayo ako at sinilip ang pulang drum. Lokong bata nilunod ang pusa.

-end-

Panchillax lang after ng mala-ferris wheel na buhay. Kamusta kayo?


Off Topic
Suportahan ang aking Saranggola Blog Awards Entries. Pindutin lang ang dalawang kwento.Gamitin ang like button sa dulo ng bawat kwento para bumoto.

Ang Manikang Hindi Nilalabhan

Chess Match

want a copy? send an email to panjo[@]tuyongtintangbolpen[.]com