Skinpress Rss

Aral sa Isang Guro




Suportahan ang aking entry sa Pinoy Expats/OFW Blog Awards 2011. Kung may oras ka, iboto ang kwento ito sa Pinoy Expats/OFW Blog Awards 2011 website, sa voting poll, entry number 14. tuyong tinta ng bolpen under 2011 OFW SUPPORTERS. Thanks!



______

Sapat kaya o kulang ba ang taguring bagong bayani, buhay na bayani, bayani ng makabagong henerasyon sa mga OFW? May panukat ba o batayan para tawaging bayani? Kailangan bang nasa ibang bansa ka para magkaroon ng ganitong label? Ang kabayanihan ba ay ang pagtulong sa bansa o dapat may dala kang pagbabago?

Pero paniniwala ni pinsan, pampalubag-loob lamang ng gobyerno ang salitang bayani sa mga OFW. Tipong kahiyaan lang kasi wala silang magawang paraan para solusyunan ang ilang henerasyon ng problema sa trabaho. Ilang presidente at ilang palit na din ng mukha sa pera pero wala pang malinaw na sagot sa problema. Sa sistema ngayon hindi mo pwedeng panghawakan ang tinapos mo. Tatlo o apat na taon mula ngayon, wala ka ng trabaho dahil sa kumakalat na outsourcing. Sa Pilipinas hindi uso ang security of tenure. Ang mahalaga makakasingil sila ng income tax, percentage tax, excise tax, value added tax at sa susunod pati paghinga ay may tax na din! Halos isuka na ni pinsan ang pagiging Pilipino. Sa katunayan ang galit niya sa Pilipinas ang nagtulak para makipagsapalaran sa Thailand. Tanong pa n'ya, kasama pa din ba siya sa bayani nilang ituring kung pansariling kapakanan na lang ang iniisip? Sa isip ko, hindi lang si pinsan ang may himutok na ganyan, kadalasan naghihintay lang may makarinig o mas pinipiling manahimik lang.



Public school teacher si pinsan sa Batangas. Inakala nga namin sa Batangas na siya tatanda sa pagtuturo. Sa kagustuhang mapabuti ang kalagayan ng pamilya umalis siya ng Pilipinas. Maganda daw kasi ang offer sa Thailand para sa mga Pilipinong guro, sa katunayan mas kinikilala pa nga ang galing ng Pinoy doon. Hindi gaya dito pati supply ng chalk kinakapos kaya wala siyang magawa kundi dumukot sa sariling bulsa. Isang katotoohanang hindi nakikita ng mga higanteng pangalang nakapinta sa mga school building.

Umalis siya ng bansa bitbit pa din ang kanyang sinumpaang tungkulin bilang English Teacher. Alam niyang hindi madali ang pinasok dahil makikisalamuha siya sa ibang lahi, ugali, salita at batas. Mahirap mabuhay sa hindi nakasanayan, dagdagan pa ng lungkot at kagustuhang umuwi. Lalo na kapag may pagkakataong nakikilala niya ang mga OFW na sa social networking sites na lamang nakakangiti. Buti na lang, sinuwerte siya at naging madali ang kanyang trabaho. Mas matigas pa nga daw ang ulo ng mga estudyanteng Pinoy. Madaling turuan at sumusunod sa sinasabi ng teacher ang mga estudyante. Hindi niya mapigilang mabilib. Pero habang tumatagal, nararamdaman niya ang takot para sa mga Pinoy. Lalo na sa mga karaniwang empleyado. Sa unang pagkakataon nagkaroon siya ng malasakit sa sariling bansa. Sa isip niya kung magpapatuloy ang pagsisikap ng mga Asian Countries na matuto ng english, hindi magtatagal ay delikado na din ang center industry ng Pilipinas. At darating din ang panahong hindi na kailangan ng Pinoy English Teacher sa bansa nila. Saan na kaya pupulutin ang mga Pinoy kapag dumating ang panahon na iyon? Yayaman ang bansa nila at maiiwan na naman ang Pilipinas.

Bumalik si pinsan ng bansa bago magtapos ng Nursing ang kanyang kapatid. Ang pag-aaral din ng kapatid ay isa sa dahilan kaya siya nagtiis manilbihan sa ibang bansa. Mas malaki pa kasi ang tuition ng kanyang kapatid kesa sa pinagsama-sama nilang kita. At ang bawat nursing na nakasalamuha niya ay tila nagmamadaling iwanan ang pobreng si Juan Dela Cruz.

Binalikan niya ang mga dating katrabaho para imbitahin sa graduation ng kapatid. Ilang taon siya sa Thailand pero wala pagbabago sa sistemang iniwan niya. Mas naging mahirap pa ang sitwasyon ng mga kasamahan niya dahil sa accreditation na gustong pasahan ng mga school. Kaya ang mga gurong walang masteral ay mahihirapang maging regular employee. Reklamo pa niya dapat ang gobyerno na mismo ang gumagawa ng hakbang para magkaroon ng libreng masteral. Mas malaki naman ang pakinabang ng gobyerno sa bawat gurong matiyagang nagtuturo sa mga batang kahit ang magulang ay sumuko na.

Madaming reklamo si pinsan halos madaig pa niya ang mga aktibistang nagsisigaw sa kalye pero hindi naman kumikilos. Madalas niyang ikumpara ang Pilipinas at Pinoy sa ibang lahi. Hanggang isang kasamahan sa dating trabaho ang lumapit sa kanya na ang hangarin ay magbigay ng libreng summer class para sa mga bata. Proyekto iyon ng isang relihiyon pero bukas para sa lahat. Walang sweldo ang pagtuturo at kahit chalk ay siya ang bibili. Hindi umurong si pinsan. Isang malaking hamon sa kanya para burahin ang sistemang lumalamon sa mga Pilipino.


Gusto niyang alisin ang mentalidad na ang katuparan ng kanilang mga pangarap ay matatagpuan sa ibang bansa. Hindi na kailangan pang umalis para umasenso. Sinimulan niyang itanim sa isip ng bawat kabataan na ang pagsisikap ang sagot sa pangarap at hindi ang pagpunta sa ibang lugar. Kung maagang nagpundar hindi na lalayo sa kamay ang tagumpay. Kaya habang bata dapat matutong magsikap. Sa bawat araw hindi siya nawawalan ng activity na magpapaalab ng kanilang pagiging makabayan. Dapat mabura ng tuluyan ang naniniwala sa mga kasabihan tulad ng "Japan ay sagot sa kahirapan" at ang "greener pasture ay katumbas ng kulay dolyar". Pagsisikap, pagsisikap at pagsisikap ang palaging sagot kapag nahihirapan.

Hindi man pisikal ang hatid niyang pagbabago at hindi kaya ng biglaan, naniniwala siyang mabubuksan ang isip ng mga bata para mas pagyamanin pa at paunlarin ang sariling bayan. Simple lang ang paraan ni pinsan, ang linangin ang mga bagay sa paligid. Ang mga proyekto ng mga estudyante ay kailangan ginawa sa loob ng classroom at hindi gagastusan kahit isang sentimo. Sinimulan niya sa paaralan ang hinahagad niyang pagbabago.

"Hindi ako masaya sa Thailand," wika niya. "May pera lang at pero hindi unlimited ang saya. Hindi mo magagawa ang uminom ng libreng kape sa kapitbahay habang nakataas ang paa sa balkonahe at nakikipagtawanan ng malakas. Higit sa lahat, hindi mababago ang mga reklamo ko kung hindi ko sisimulan sa sariling bayan."

Pera ang dahilan kung bakit nagtatrabaho si pinsan at habang tumatagal naging mahalaga na ang propesyon o ang taas ng posisyon bilang empleyado. Hindi niya namamalayan naging mas mahalaga na ang dedikasyon. "Mahalin mo ang ginagawa mo at bibiyayaan ka ng kaligahayan. Nakakatuwang makasalubong ang mga bata na isinisigaw pa ang iyong pangalan habang sila ay nasa kanilang pinakamatamis na ngiti. Iyon siguro ang sinasabing success," nakangiting pagtatapos niya.

Hindi man niya ituring na bayani ang sarili, humuhubog naman siya ng mga bayani. Lahat pwedeng maging bayani sa iba't ibang paraan. Kailangan lang pagyamanin sa paaralan. At darating ang panahon na bawat Pilipino magiging proud sa ating bansa hindi lamang sa tuwing may laban si Pacman, may sisikat sa youtube o may bagong member ang Azkals.



Hatid ng 2011 Pinoy Expats/OFW Blog Awards at lahok sa temang "Ako'y Magbabalik, Hatid Ko'y Pagbabago."


>

want a copy? send an email to panjo[@]tuyongtintangbolpen[.]com