Skinpress Rss

Kalsiki :The Curse of the Blue Moon - Chapter 2





Part 1 |

Sa isang lugar na akala ng lahat ay tahimik, ay nananahan ang Bakuya. Maihahambing ang itsura ng Bakuya ay isang kuneho maliban sa nanlilisik nitong mga mata at malalaking pangil. Nakaambang ang kapahamakan sa sinumang mangahas dumaan. Maliit pero mapanganib.

"Jin, nakarating na sa kaalaman ng Arquiza ang pagpapakawala natin sa Bakuya," balita ni Soliven sa pinuno ng mga Panther. "Kumikilos na ang mga Luna." Luna ang grupong pinamumuan ng Arquiza. Sila ay ang huling lahi ng mga taong may kakaibang lakas at isinisilang lamang sa tuwing may nagaganap na lunar eclipse.

"Magaling. Umaayon ang lahat sa plano. Papatayin natin ang Arquiza sa sandaling umalis ang kanilang grupo para hanapin ang Bakuya."

"Naiwan ang kanilang Chidoya, sinasanay sila para harapin ang Bakuya. Siguro kailangan nating baguhin ang plano. Hindi lahat ay aalis lalo na ang kanilang mga tagapagsanay." Ang Chidoya ay grupo ng mga piling bata na sinasanay para humarap sa iba't ibang misyon. Hindi lahat ng bata mula sa angkan ng La Luna ay nakakapasok sa grupong ito.

"Hindi... Hayaan lang natin ang mga Chidoya nila. Ang pinakamalakas sa kanila ang gagawin nating avatar ng Bakuya." Tumayo si Jin at tinapik sa balikat si Soliven habang nakamasid sa natutulog na Bakuya. "Isipin mo, sa sandaling makapasok sa katawan ng avatar ang Bakuya lalong mapapadali ang ating misyon. Hindi pa tayo malalagasan ng tauhan."

Sa isang iglap ay may lumitaw na miyembro ng Luna sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap. Halip na mabahala ay mas ikinatuwa nila ang pagdating nito. Matagal na silang may ispeya sa kabilang grupo kaya madali nilang napaplano ang bawat pagkilos.

"May problema. Tumingin kayo sa kalangitan! Sa buwan!" bulalas ni Beska, ang naghahangap pumalit sa Arquiza.

"Blue Moon..." maikling bitaw ni Jin ng salita. "Anong magiging problema?"

"May nagaganap na eclipse, Jin. Hindi lang siya ordinaryong Blue Moon," singit ni Soliven. "Isa na namang myembro ang ng Luna ang isisilang."

"Hindi lang siya basta Luna. Isang siyang Kalsiki. Siya ang may kakayahang humuli sa Bakuya at i-seal muli. "

"Kalsiki?" sabay na nahihiwagang tanong ng dalawang Panther. "Bakit ngayon mo lang ibinalita ang tungkol dito?" patuloy ni Jin.

"Minsan lamang sa isang daang taon ang paglitaw ng Kalsiki. Hindi ko inaasahan ang kanyang paglitaw. Kailangan nating mapatay ang Kalsiki habang hindi pa nito alam ang kanyang kakayahan.."

"Pakikilusin ko ang mga tauhan para hanapin ang Kalsiki," singit ni Soliven. "Pero paano?"

"Tanging Luna lang ang kakayahang maghanap. Isinumpa ang mga Kalsiki na matulog habang panahon. Mga Luna lamang may kapangyarihang gisingin ang natutulog na nilalang. Mag-iispeya akong muli sa mga kilos nila."

"Habang binabawi pa ng Bakuya ang kanyang lakas kailangan mapuksa na natin ang Kalsiki. Tuloy pa din ang pagpatay sa Arquiza para mapadali ang paglitaw ni Hades. Mag-iingat ka Beska."

"Ano po ang sunod nating plano?" tanong ni Soliven pagkaalis ni Beska.

"Hayaan mong si Beska ang kumilos para sa atin. Kapag napatay na niya ang Kalsiki tatapusin din natin siya. Hindi natin kailangan ang isang Luna sa grupo, mananatili silang kaaway ng ating angkan."

*****


Nababahala ang Arquiza dahil alam niya ang panganib sa sandaling lumakas na ang Bakuya. Gumugulo din sa isip niya kung sino ang umalis ng seal. Batid niyang may isang Luna ang traydor dahil tanging ang may mataas na antas ng Tsin ang may kakayahang umalis ng seal. Ibig sabihin isang master ang traydor.

"May mga pagbabago sa plano," bungad ng Arquiza sa lahat. "Kung nagagawa ng mga Panther na makisalamuha sa mga ordinaryong tao nararapat na tayo ding mga Luna. Hindi natin kailangan manatili palagi dito."

"Ano pong ibig niyong sabihin?" naguguluhang tanong ni Onate.

"Napagkasunduan namin ng Arquiza na tapusin sa loob ng isang buwan ang pagsasanay ng Chidoya," wika ni Shintoni. "Pagkatapos ng pagsasanay ay aakto silang ordinaryo. Hindi gagamit ng kahit anong kapangyarihan ng mga Luna. Makikisalamuha."

"Philpos, ikaw ang magsisilbing lider ng grupo. Kapag nasa misyon na kayo, aakto kayong di magkakakilala para hindi matunugan ng mga Panther ang ginawa nyong pagkilos. Gagamitin mo ang pangalan Philip para sa misyong ito," panimula ng Arquiza.

"Salamat po sa pagtitiwala. Asahan n'yong pong magiging maayos ang misyong ito," tugon ni Philpos.

"Emer, Emerson ang pangalan mo sa misyon ito. Obligasyon mong hanapin ang bawat Panther at kung may pagkakataon ay ikulong ito at ipadala agad sa impyerno! Ikaw naman Antera, Ara ang gagamitin mong pangalan sa misyong ito. Ikaw ang direktang mangangalaga sa Kalsiki, dahan-dahan mong ipaunawa ang kanyang misyon."

Lumaki ang tenga ni Chido. Handa na siyang madinig ang kanyang gagampanan sa misyon. "Ibibigay ko ang lahat ng lakas ko para dito," bulong niya sa sarili. "Humanda ang nagpakawala sa Bakuya."

"Chido," wika ng Arquiza. "Chito ang gagamitin mong pangalan. Estudyante ang ganap mo sa misyong ito."

"Estudyante?!" reklamo ni Chido. "Bakit? Malakas na ako, kahit ang pagiging lider kayang gampanan!"

Pigil ang tawa ng lahat matapos madinig ang gagampanan ni Chido. Alam ng lahat ang padalos-dalos na desisyon ni Chido kaya di pwedeng basta asahan sa malalaking misyon.

"Krusyal ang gagampan mo," singit ni Shintoni. "Ikaw ang pinakamalakas kaya di ka pwedeng lider. Kailangang hindi malaman ng mga Panther na malakas ka dahil baka gawin kanilang avatar ng Bakuya, delikado."

"Tama!" sang-ayon ng Arquiza para pagtakapan ang kanilang desisyon. "Maaring isa sa mga guro ay nagpapanggap lamang at isa siyang Panther." Bilib na bilib si Chido sa sarili matapos madinig ang sinabi ng dalawa.

"Mananatiling nakamasid sa bawat pagkilos ninyo ang ibang Luna para kung magkagipitan ay may tutulong sa inyo. Tandaan ninyong hindi kayo magkakakilala sa misyong ito." pagtatapos ng Arquiza.

itutuloy...


.................
want a copy? send an email to panjo@tuyongtintangbolpen.com