Skinpress Rss

Class Reunion


Iba talaga ang nanay ko. Umuwi akong lasing na lasing pero wala akong nadinig kahit konting reklamo. Siya pa mismo ang tumakbo sa tindahan para bumili ng instant noodles upang bumaba ang tama ko. Pitong subo pa lang yata ay nailuwa ko na muli ang kinain ko. Hindi na ako nakaabot pa sa banyo kaya sa sahig ako nagkalat.

Pasado alas onse ng umaga ng magising ako sa sofa. May unan, kumot at malinis na din ang damit. Mahal talaga ako ng nanay ko kahit puro kalokohan lang ang hatid ko. Nahihiya din naman ako sa ginawa ko kaso may mga bagay lang na kahit iwasan ay talagang dadating. Para sigurong si Jong Hilario, kahit anong galing sa cartwheel minsan sasablay din.

Bumangon ako at humakbang ng limang beses palapit sa banyo. Matagal din akong nakatitig sa pader bago tuluyang naubos ang ihi ko. Sugod agad ako sa kusina, nagtimpla ng kape. Umaasang matatanggal ng mainit na likido ang sakit ng ulo na may kahalong hilo. Malamig na siguro ang kape bago ko tinigilan sa paghalo. Nagtitigan kami ng tasa. Matagal masundan ang bawat higop. Bakit kasi may panira ng saya? Okay na sana. Pero may kontrabida pa din kahit di naman ako bida sa pelikula.

Matagal ko ng di nakikita si Raymond, ang bespren ko. Gusto ko siyang suntukin sa mukha at sumbatan noong nagkita kami kagabi sa high school class reunion. Basta na lang niyang akong iniwan sa ere noong nag-aaral kami sa college. Wala man lang pasabi kaya para akong kabute na sumibol sa kahoy. Walang permanenteng kasama. Katropa. Elementary pa lang kasi kasama ko na siya kaya asar na asar ako noong nawalan kami ng kontak. Hindi pa naman uso ang cellphone noon kaya para akong tutang inulila.

Napigilan ko lang ang sarili ko noong may tumawag sa kanyang father. Si Raymond? Pari? Kaya pala biglang naevaporate ang mokong. Hindi talaga ako makapaniwala. Si Raymond kasi ang kasama ko sa paggawa ng kalokohan. Sa bahay pa nila kami nanood ng porno at perfect attendance kami sa listahan ng maingay sa klase. Minsan nga naglalagay siya ng salamin sa ibabaw ng sapatos para bosohan ang kaklase naming babae. Napapailing talaga ako at napapatawa.

"Hi Guys!" Masaya na sana e. Dumating lang si Mira. Asar na asar talaga ako. Gusto kong gumawa ng eksena pero nahihiya ako. Kaya sumama ako sa reunion dahil di daw darating si Mira. Inaamin ko bitter ako pero nakakalimot na ako tapos bigla na lang siyang susulpot. "Toper, kamusta?" Sa dami ng tao ako pa ang unang binati. Shet! Parang lalong nang-aasar. Kung raffle pa sana at ako ang unang tinawag kahit kalahating hamon matutuwa na ako.
`
Si Mira, classmate ko din noong high school at college. Hindi ko siya napapansin noon dahil busy kami ni Raymond sa ibang bagay. Aksidente ko lang siyang nakatabi minsang na-late ako sa klase. Naubusan pala ako ng yellow paper kaya nagpacute ako ng konte sa kanya para makahingi. Maganda pala siya kung tititigan. Katatapos ko lang manood ng porno noon kaya may pagnanasa ako ng konti. Hindi naman ako nahirapang makaclose siya kasi tulad ko, para siyang kabute. Kung kanino din lang sumasama. Paraket-raket at mahilig din sa manood ng porno kaya nagkakasundo kami.

Nakakwentuhan ko Mira tungkol sa pagulong ng kanyang buhay. Ang pagiging anak niya sa labas at paging outcast niya sa pamilya. Naging madalas siya sa bahay at halos ampunin na ng nanay ko. Tinulungan ko siyang maglabas ng sama ng loob, dinamayan sa kalungkutan at pakialaman ang pagmamay-ari ng isa't isa. Inaamin ko noong una, pagnanasa lang ang habol ko pero naging dalisay at trulab na ang dumaloy sa bawat ugat at intestines ko.

"Pwede ka bang makausap ng sarilinan?" pasimpleng bulong niya sa akin. Palagay ko, sinadya talaga ni Mira na di ipaalam ang pagdating niya. At iyon ang nakakabwisit. Tatlong buwan na noong huling kaming nag-usap. Wala naman kaming problema noon. Pero bigla siyang nawala. Walang paalam. Walang sulat. Kahit chikinini di siya nag-iwan. Nabalitaan ko na lang na may bf na siya. Badtrip! Doon pa sa lalaking walang alam kundi himasin ang alagang aso at magpalakas ng karakter sa dota.

"Pwede pa ba tayo?" Buntis na ulit ang nagparaspa pero di pa ako nakakamove-on. Kinakaya ko na e. Tapos bigla susulpot ang dahilan ng kirot. Kumbaga gumagaling pa lang ang sakit ng ngipin may umuuga na ulit.

Ano to lokohan? Gusto ko isampal sa mukha niya kung gaano kasakit ang ginawa niya. Gusto kong maramdaman niya ng hapdi. "Para saan pa? May bf ka di ba?" Matalas ang dila ko at alam kong nakakasakit na dati lang ay nagpapaligaya sa kanya.

"Narealize ko na mahal kita. Matagal na kitang gustong kausapin pero iwas ka."

Ang ayaw ko sa lahat ay ginagawa akong tanga. Tatlong buwan bago maisip na mahal ako? Kailangan talagang magbf ng iba para may pagkumparahan. Wala na. Game over. Hindi na epektib ang kilig ng koreanovela. "Anong gusto mo salubungin kita? Bulabugin kayo habang naglalampugan?"

"Pwede mo naman akong kausapin kapag nag-iisa ako."

"Ako pa? Ako pa talaga ang lalapit? Sino ba ang umalis? Pride na kung pride pero nasaktan ako. Oo umasa akong babalik ka pero masaya na kayo e. Para saan pa? Gusto mong magmakaawa ako? Lumuhod at magmakaawang bumalik ka?"

"Wala na kami."

"Ayos lang. Di din naman naging tayo."

Binuksan ko ang malaking takip ng kaserola sa mesa. Walang ulam pero may sulat sa kapirasong papel.

**Nasa microwave ang ulam, iinit mo na lang.


Inalis ko na ang mga bagay na may kaugnayan kay Mira. Hindi ko na niyayakap ang unang gamit niya dati. Bato na ang puso ko. Hindi masamang magmahal basta walang nasasaktan. Kahit di matumbasan basta hindi lokohan. Handa na akong tanggapin na tapos na ang mahabang pinagsamahan namin. Hindi ako madamot magpatawad dahil matagal ko na iyong nagawa. Napuno lang siguro ako. Nasaktan. Kahit ang wala sa tamang pag-iisip napupuno. Naiirita. Ako pang normal na pilit ginagawang tanga.

Ang pag-ibig ko ay di right minus wrong. Hindi kailangang bilangan ang tama at mali bago pa malamang wala ng natira.

-end-