Skinpress Rss

Tagu-taguan


"Anong meron d'yan Enok?" tanong ni Adong.

"Ibon.. Maya."

"Pwedeng makita?" hirit agad ng matabang si Denden.

Binuksan ni Enok ang kahon at ipinasilip sa dalawang bata ang ibon sa loob.

"Patay na!" Sigaw ni Adong.

"Buhay pa!" giit ni Enok.

"Hindi na yata gumagalaw." kunot noong wika ni Denden.

"Natutulog lang!" Kinalog ni Enok ang kahon at bahagyang gumalaw ang pakpak nito. "Oh di ba, buhay pa oh."

"Ano naman gagawin mo d'yan?"

Bago pa makasagot si Enok ay may umagaw mula sa kanyang likuran ng suot niyang sombrero. Si Jordan. Tumakbo siya palapit kay Jordan para bawiin ang sombrero pero inihigas ito sa kasamang si Teban. Nagtawanan ang dalawa sa paghabol sa kanila ni Enok.

"Ibalik n'yo sakin 'yan!"

"Wala sa amin! Kunin mo kay Adong!" sigaw ni Teban.

"Ano?!" gulat na sagot ni Adong. "Bakit sa akin?" Inihagis ni Teban ang sombrero kay Adong. Nanginginig pa siya sa takot habang pinupulot ang sombrero.

"Adong, ibalik mo sa akin!" Ibibigay na sana ni Adong pero mabilis itong kinuha ni Jordan.

"Ipakita mo muna kay Denden ang pototoy mo!" Halos di makahinga si Jordan sa pagtawa.

"Oo nga!" Sigaw ni Teban. "Ipakita mo na bago namin ibalik."

Asar na asar si Enok. Nanlilisik ang mata niya sa galit pero wala siyang magawa dahil mas matanda at mas malaki sa kanya sina Jordan at Teban. Wala siyang magawa kundi ang umiyak.

Tumakbo siya palayo sa ibang bata. Nahulog mula sa kahon ang patay na ibon. "Isusumbong ko kayo!"

"Duwag! Magsumbong ka hangga't gusto mo!" Inihagis ni Jordan ang sombrero kay Enok. Muntik pa siyang madapa dahil sumuot sa sombrero ang kanyang mumunting paa.


"Bakit ka na naman umiiyak?" tanong ni Aldo sa kanyang anak. "Huwag ka ngang sumimangot! Baka malasin pa ako sa sabong mamaya."

"Si.. Sina Teban po at Jordan kasi--"

"Na naman! Ilang beses ko na bang sasabihin na huwag kang makipaglaro sa mga 'yon para di ka sumbong nang sumbong! Pesteng bata ka!"

"Hindi naman po ako nakipaglaro." Sunod-sunod ang singhot ni Enok. "Lagi po akong pinagtitripan."

"Eh di umiwas ka! Tumigil ka nga sa paghikbi! Tatamaan ka talaga sa akin!" sigaw ni Aldo. "Aalis na ako. Magsaing ka ha, pagdating ko dapat nakaluto ka na!"

Masama ang loob ni Enok. Siya na ang naapi, siya pa ang napagalitan. Hindi niya alam kung bakit siya palagi ang paboritong paglaruan ni Jordan at Teban gayong marami namang bata sa laruan. Noong nakaraan lamang ay inagaw ng dalawa ang baon niyang tinapay. Pinutikan pa ang kanyang damit kaya napagalitan siya pagkauwi.

Pumunta siya sa kusina at hinugasan ang kaldero. Inihanda ang lutuang ginagamitan ng uling. Binuhusan niya ng gas ang uling saka sinindihan ang kapirasong papel at inihulog sa lutuan. Mabilis nilamon ng apoy ang uling at saka inilagay ang kalderong may lamang bigas.


"Nandito ang sumbengerong bata!" sigaw ni Teban.

"Adong, tawag ka ng nanay mo!" pagsisinungaling ni Enok. "Magsaing ka na daw."

"Teka sinong taya dito?" singit ni Jordan. "Papalit ka ba?"

"Sige." sagot ni Enok. "Pero bawal magtago sa bodega ng palay. Hindi ko kayang umakyat sa mataas na dayami e."

Nagtinginan si Jordan at Teban. Gumuhit ang tusong ngiti sa kanilang dalawa. "Sige."

Tumalikod si Enok at humarap sa poste. Tumakbo papasok ng bodega ng palay si Jordan at Teban Nagtago sa loob ng dambuhalang dayami..

"Pagbilang ko ng sampo, nakatago na kayo... Isa.. dalawa.. Tatlo.."

Tumahimik ang palagid. Ramdam ni Enok pumasok ang dalawa sa bodega. Tumakbo siya papunta ng bahay. Kinuha niya ang gas na ginamit sa pagluluto at pumasok sa bodega. Isinaboy niya ang natitirang gas sa tumpok ng dayami. Sinindihan ang hawak na papel. Bago isara ang pintuan ay inihagis niya ang nagliliyab na papel.

"Tagu-taguan..." Pinulot ni Enok ang kaninang nahulog na ibon. "Nakaganti na tayo..."

-end-