Skinpress Rss

Hinahanap ka ni inay!


Gboy! Hinahanap ka ni inay! Oo, ilang beses niya akong tinanong pero pangako di ko sinabi kung nasaan ka. Ayaw mo kasi malaman niya, di ba? Sinabi ko na lang nasa trabaho ka. Sa malayo. Minsan nga nakakatampo kasi parang di niya ako napapansin. Palaging ikaw lang. Parang invisible ako sa sariling bahay.

Hinihintay ka niya, Gboy. Ilang araw din na paulit-ulit niyang binanggit ang pangalan mo sa akin. Galit ka daw ba sa kanya kaya ayaw mong umuwi? Hindi ka daw kasi dumadalaw, sumusulat o di kaya ay tumawag. Gusto ka niya puntahan kaso sabi ko hindi ko alam kung nasaan ka.

Sabi mo, ayaw mo siyang mag-alala kaya ayaw mong ipaalam na nandito ka, di ba? Kaso mali eh. Nag-aalala siya kasi wala ka. Hindi nagpaparamdam. Lagi siyang matamlay at minsan ayaw talaga kumain. May pagkakataon talaga na gusto ko ng umamin lalo kapag nakikita ko siyang malungkot. Lumuluha. Parang kinukurot ang puso ko kapag nakikita ko siyang ganun. Hirap magsinungaling!

Matagal ko na siyang di nakitang ngumiti kaya gusto ko siyang dalahin dito kaso ayaw mo. Paborito ka niya eh, kaya alam ko kapag nakita ka niya, sasaya siya. Hindi ko talaga alam kung bakit di mo maunawaan iyon. Sino ba o alin ang mahirap intindihin?

Dapat ba kitang sisihin, kainggitan o kaawaan. Lalo kapag nauubusan na ako ng dahilan. Alam na niya na naalis ka sa dati mong trabaho. Hindi ako ang nagsabi. Si Maeng. Pinsan pala niya ang kasamahan mong natanggal. Sabi ko na lang inilipat ka lang ng ibang lugar. Badtrip nga lang kasi ako pa ang lumalabas na masama dahil hinayaan daw kita. Eh sumusunod nga lang ako sa gusto mo e, di ba? Napikon talaga ako noon.

Alam mo naman siguro makulit si inay dala ng katandaan. Gboy, tinatanong niya kung nagkakausap ba daw tayo. Hindi na lang ako sumasagot. Nagkukunyaring may ginagawa o pagod. Pero tanong niya kung naalala mo daw ba siya? Kung may balak ka pa daw bang umuwi? Kumustahin kung nakakaihi pa. Patawarin mo na daw siya kung may kasalanan man siya sa'yo. At kung naging pabigat sa'yo. Nangako pang babawi kapag nakapagtrabaho. Akala yata malakas pa sa kalabaw.

Napalayas na kami kamakalwa sa inuupahan natin. Kaya natagalan akong makabalik dito. Kapos na kasi ang kita ko at wala din magbabantay kay inay kung magsideline pa ako. Buti na lang nagmagandang loob si Amar. Ipinalis na lang sa akin ang kanyang bodega at doon muna kami pansamantala.

Hoy! Ano ba? Magsalita ka diyan! Huwag mo akong daanin sa iyak. Pinilit ko naman. Ginawa ko ang lahat para kay inay. Sinunod ko naman ang sinabi mo eh. Kaso hanggang doon na lang talaga. Sumablay.

Gboy! Hinahanap ka ni inay. Hanggang sa huli niyang hininga pangalan mo pa din ang binabanggit. Hanapin daw kita. Dalahin sa tabi niya. Bakit kasi kailangan mong gumawa ng masama? Binalaan na kita e. Dati pa. Oo, naghihirap tayo pero dapat di ka nagnakaw para maipagamot si inay. May iba pang paraan e! Sana dalawa tayo. Sana nandoon tayo. Kahit ikaw lang ang nakikita niya.

Sana payagan ka makalabas kahit pansamantala... Matupad ko lang ang hiling niyang dalhin ka sa tabi niya. 


-end-