Isang malubhang sakit ang lumukob sa kaharian ng Hiatus matapos isumpa ng isang babaylan ang kaharian ng sakupin ang bayan ng Binglatpustatos. Ayon sa lumang kasulatan, tanging ang bato ng disiptus mula sa pulang bulkan ang makakapag-alis ng sumpa. Subalit matagal ng hindi pumuputok ang bulkan. Halos sampung taon an rin ang lumipas ng huling mamataan ang piraso ng bato sa talampas ng Sewnegba.
Nagdesisyon ang hari. Ang sinumang makakapagbigay sa kanya ng bato ay ipagkakaloob niya ang kaharian Binglatpustatos. Bukod pa dito ay ang kalahati ng kanyang yaman. Maraming nagtangka. Walang nagtagumpay. May ilang hangal na sumubok pumasok ng pulang bulkan subalit hindi na nakalabas pa ng buhay.
Nahihirapan na ang mga manggamot na pigalan ang paglaganap ng sakit. Kalahati na ng tao sa bayan ang pumanaw. Wala ng gustong lumabas ng bahay kaya natigil ang kalakalan. Lumaganap na rin ang gutom. Ang paghihirap.
Hanggang isang ispeya ang naghatid sa hari na may isang hayop ang kayang magbalik sa naraaan. Sa ganitong paraan muling mapapasakamay ng hari ang bato sa talampas ng Sewnegba. Sinasabing sa sinumang may hawak sa hayop ang pagkakalooban ng kakayahan bumalik sa nakalipas. Naging interesado ang hari dahil iyon na lamang ang tanging paraan para makuha ang bato ng disiptus. Subalit hindi iyon madali. Hawak ng kaharain ng Milapatakawaktor ang hayop. Ang kaharian na kilala sa paggamit ng mahika blanka bilang armas pandigma. Walang kakayahan ang kayang kaharian na tapatan ang ganoong kapangyarihan.
Hanggang may isang hukbo ang dumating sa kaharian ng Hiatus. Nag-usal sila na mula pa sila sa angkan ng mga Pertiko, ang mga mandirigma ng lumang imperyo. Handa silang kunin ang hayop. Inilatag ang kasunduan. Kapalit ng hayop ang kaharian ng Binglatpustatos at kalahati ng yaman ng hari. Dinagdagan na rin ng hari ang kawal ng hukbo bilang suporta.
Si Heriko, pinuno ng hukbong Pertiko, unang heneral, walang digmaang hindi pinagtagumpayan. Kilala sa kanyang katapangan, bihasa sa paghawak ng espada at may kakaibang lakas na kayang bumuhat ng dalawang leon.
Si Periko, utak sa likod ng tagumpay ng hukbong Pertiko, pangalawang heneral, likas sa pagiging mapamaraan, matalino at magagaling na atake. Itinuturing na matalik na kaibigan ni Heriko.
Nabuo ang plano. Aatake mula sa kanluran ang hukbo ng hari. Habang nakikipaglaban ang hukbo ng Milapatakawaktor ay aatake ang hukbo ng mga Pertiko mula sa hilaga. Parang maging matagumpay ang misyon, ang baluti ng mga sundalo ay yari sa balat ng hayop na suybuysawanpen, isang hayop sa kakahuyan ng Aartopasyela, na sinasabing hindi tinatablan ng anumang uri ng mahika. Nilagyan din ng lason ang bawat palaso at espada mula naman sa ugat ng damong yerbakarekokamba.
Naganap ang digmaan. Kasabay ng malakas na ulan at dagundong ng kulog ang pagdanak ng dugo ng sundalong Milapatakawaktor. Hindi nila inaasahan ang ginawang atake ng mga Pertiko. Gamit ang lakas at kasanayan sa digmaan ni Heriko ay agad niyang ginupo ang mga pinuno ng Milapatakawaktor. Kahit ang mga sumuko at nagmamakaawang kalaban ay tinapos ang buhay. Walang kalabang natira. Pursigido si Heriko na makuha ang hayop.
Ilang saglit pa ay nakita na niya ang hayop na nanghihinain pa sa may pasilyo. Namangha pa siya sa laki at kakaibang anyo ng hayop. Akma na niyang dadakmain ang hayop ng may umunday ng saksak mula sa kayang likuran. Si Periko. Ang matalik niyang kaibigan. Si Periko na matalino. Hangad din niya ang kaharian at yaman. Nais din niyang maging unang pinakamalakas. At ngayon matutupad ang lahat. Lahat ay umayon sa kanyang plano. Nasa kanya na ang hayop na maglululok sa kapangyarihan. Ang hayop na kayang magbalik sa nakaraan. Ang hayop na tinatawag na doraemon.