Skinpress Rss

tulips


Bitbit ang isang kumpol ng tulips, mataman akong naghihintay ng pampasaherong tricycle. Dadalaw kasi ako ngayon sa isang taong espesyal. Ang aking pinakamamahal. Sigurado matutuwa siya dahil tanda ko pa ang paborito niya ang bulaklak. Mahigit isang taon na din hindi kami nagkita. Hindi kasi ako pinayagang umuwi agad ng bansa ng employer ko noong nakaraang birthday niya kaya ngayon na lang ako babawi.

Inayos ko muna ang suot kong kurbata bago tuluyang pumasok sa loob ng sidecar ng tricycle dapat siyempre presentable ako sa harap niya. Excited na kinakababahan ako. Napapatapik pa ang aking mga dalari sa aking hita sa sobrang kaba buti na lang maganda ang music na nagmumula sa stereo ng tricycle. Saxophone music ni Kenny G kaya nakakarelax.

Nakilala ko si Kimberly noong nasa college pa ako. Nagkataon kasi magkatabi ang inuupahan naming apartment. Tanda ko pa na nagsimula ang lahat noong birthday ko. Humiram kasi ako ng ilang utensils na gagamitin sa pagluluto. Nagkaroon ng konting usapan at nabanggit ko na din ang kaarawan ko. Inimbita ko siya kasi madali naman siyang makagaanan ng loob. Halatang nahihiya siya, sinabi ko na pwede magsama ng mga kakilala para mas masaya at magkaroon na din ako ng set of friends. Napapayag ko siya. Impact, tinulungan niya pa ako magluto at mas masarap pa siya magluto kaysa sa akin.

Matapos ang birthday ko mas lalo kaming naging mas close. Nakagaanan ko ng loob ang mga friends niya. Madalas ang sleep-over tuwing walang pasok o kahit natripan lang. Hindi naiwasan siyempre ang tuksuhan lalo pa't lagi kaming magkatabi at magkakulitan. Patay malisya lang ako kasi alam kong may boyfriend siya. Si Jerry. Nakwento na niya minsan noong nagDVD marathon kaming dalawa sa apartment niya. Gusto ng friends niya, lalo na itong si Bianca, na iwan na lang ni Kimberly ang boyfriend nito dahil halata naman daw manloloko. Ilang beses na din daw kasing nahuli. Since mahal ni Kimberly, pinatawad naman niya. Sinakyan ko naman ang biruan, sinabi ko na bakit nagpupumilit pa sa iba eh nasa tabi lang naman ako. Nagtuksuhan tuloy nang sobra. Tawanan. Hagisan ng unan. Kurutan. Biglang tuloy bumanat si Kimberly na huwag daw akong magbiro ng ganoon lalo na kung wala akong balak na seryosohin. Natameme ako. Parang may laman ang sinabi niya. Nakantiyawan ako ni Bianca na torpe daw ako. Pinagpawisan tuloy ako kahit may kalamigan ang panahon. Baka daw hindi pa ako nabibinyagan dagdag na kantiyaw pa niya.

Naging mabagal ang takbo ng oras para kay Kimberly nang sumunod na buwan. Lagi siyang malungkot. Niloko na naman siya ng boyfriend niya. Nahuling may kasamang babae. Niyaya niya akong uminom ng beer. Sumang-ayon na lang ako kasi sa ganoong paraan ay alam kong mag-oopen siya ng problema. Ilang lagok palang ay unti-unting bumagsak ang kanyang luha. Malalim ang pinanggagalingan ng bawat hikbi. Masakit para sa kanya ang pangyayari, wala akong maipayo kaya nanatili na lang ako sa tabi niya at niyakap siya ng buong higpit. Inaamin ko, nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Nagsimula lang sa biro at hindi ko akalain mauuwi sa seryosohan.

Naging mapusok ako. Hinawakan ko ang kanyang pisngi at sinimulan siilin siya ng halik. Noong una ay walang tugon ang kanyang mga labi hanggang sa unti-unti ko ng nararamdaman ang kakaibang kuryente dumadaloy sa aking katawan. Bumaba ang halik sa leeg, sa balikat. Alam kong hindi iyon dala ng alak. Naglapat ang aming katawan habang nag-aagaw ang liwanag at dilim sa kalangitan. Nagising na lang kami na magkatabi sa kama.

Matibay na ang samahan namin ni Kimberly matapos ang nangyari sa amin. Inakala kong kami na subalit natuklasan kong nagkabalikan na naman sila ng boyfriend nito. Kwento pa ni Bianca ay lumuhod pa daw ang lalaki mapatawad lang. Masakit sa akin ang lahat lalo pa't wala akong karapatan magselos. Nagpapanggap akong bulag kapag nakikita ko silang magkasama. Natuto akong ngumiti sa harap niya kahit hindi ako masaya sa kwento niya about sa bf niya. Itinago ko ang lahat ng alaala namin. Binaon ko palabas ng bansa matapos kong mapagdesisyunang magtrabaho sa Taiwan para makalimot.

Ngayon ako ay nagbabalik. Inayos ko muli ang aking sarili matapos bumaba sa tricycle. Sinigurado kong walang lagas na bulaklak bago ako tuluyang pumasok ng gate. Ibinaba ko muna ang kumpol ng tulips. Nagsimula akong mag-alay ng dasal sa puntod ni Kimberly. Nabalitaan ko mula kay Bianca na mas piniling tapusin ni Kimberly ang kanyang buhay matapos hindi sumipot si Jerry sa usapan. Nagtanan na pala kasama ang ibang babae.

Minahal ko si Kimberly kahit hindi niya ako natutunang mahalin. Minahal ko siya kahit konting panahon lang ang pinagsamahan namin. Higit sa lahat, minahal ko siya kahit pareho kaming lalaki nagkataon lang na ang puso niya ay babae.


tres amor


'Mommy, mahal ko si Xyra at wala ka ng magagawa para pigilan ang pagmamahalan namin!' matapang na sumbat ko kay Mommy.

'Oo nga po, nagmamahalan po kami ni Joven. Handa po akong ipaglaban siya kung kinakailangan.' pagtatanggol ni Xyra.

'Punyetang pagmamahal yan! Six years old pa lang kayo. Hindi ka pa nga tuli Joven eh!' sigaw ni Mommy sa akin matapos kng itananan si Xyra noong mapagalitan siya sa bahay nila.

'Wala namang bastusan Mommy!' Napakamot pa ako sa ulo at halos mamula na parang hinog na kamatis.

'At ikaw Xyra umuwi ka na. Huwag kayong masyadong manonood ng fairy tale masama ang epekto noon sa bata.'

Imagine, nainlab na agad ako at the age of six. Siguro puppy love nga ang tawag dun. Kami lang kasi ang playmate nun. Tulad ng ibang bata akala din namin kapag hinalikan ng lalaki ang babae eh mabubuntis na. Funny?!
Nung prep kami magkasabay kami umuuwi sinusundo ko si Xyra sa classroom nila then inihahatid ko siya sa bahay nila. Kapag weekends naman, namamasyal kami together kasama ang alaga naming aso. Masaya.
Naluha nga ako nung lilipat ng bahay sina Xyra. Napagalitan siya nung ayaw niya sumama. Kaya yun naisipan namin magtanan pero dahil bata lang kami wala kaming nagawa kundi maghiwalay. Yes, I cried. I will miss her.


'Ate anong magandang gift sa girl?' tanong ko sa nakababatang kapatid ni Mommy.

'Bakit? May girlfriend ka na ba?' usisa ni Ate Macy. Mapang-asar ang ngiti niya at labas pa ang malalaking ngipin.

'Ah e, wala pa. Gusto ko lang ligawan. Turuan mo naman ako ng tips. Close na kami kaso nahihiya ako magtapat.'

'Hay naku! Joven pag-aaral mo ang asikasuhin mo.' Narinig pala ni Mommy ang aming usapan akala ko pa naman nasa palengke siya. 'Hindi kasama sa gastos ko ang pambili ng regalo para sa mga kalokohan na yan.'

'Wala akong kinalaman ate ha,' pagmamalinis ni Ate Macy.

Second time ko nainlab at muling napuranda. First year High School ako noon. Daig ko pa ang anak ng presidente ng Malacañang dahil todo bantay si Mommy sa kilos ko. Pinabantayan pa ako dun sa nerd kong pinsan kaya hirap akong dumiskarte. Buti na lang may mga extra curricular activities sa school kaya nagkakaroon ako ng time na dumiskarte. Madalas kami magkita sa may football field ng school. Doon kasi bibihira ang tao. Kahit bawal ang PDA sa school pasimple ko siyang niyayakap. We sat together then we kissed. Smack lang sa lips dahil takot kaming may makakita. Two days after, nakareceived ang parents ko ng letter from the discipline office. In short, may nakita sa amin noong nagkiss kami. Suspended kami. Umabot sa nagkihawalay na kami ng tuluyan dahil hindi nagustuhan ng parents niya ang kahihiyang inabot nila. Hindi ko alam kung sang parte ng Pilipinasa ipinadala. Ang alam ko lang sa kapatid ng Mama niya sa nakatira. Katwiran nila mali daw ang pag-ibig na nararamdaman namin. Oo nga, sila ang matanda pero hindi sa lahat ng pagkakataon sila ang tama. Paano magiging mali ang pag-ibig? Dahil ba sa kami ay bata? O dahil hindi talaga pag-ibig ang tawag dun. Well, hindi kailanman naging mali ang pag-ibig, ang tao lang na involved dito ang nagkakamali. Pero kahit mangatwiran ako talo pa din. Magulang sila e. At mahirap din naman ang may kasamaan ng loob sa bahay. Pordesekentaym arawd, I cried. This time, may kirot sa dibdib ko ang paghihiwalay namin.

'Ate Macy, meet my girlfriend,' taas noo kong magmamalaki kay Ate.

'Pasok, kanina pa kayo hinihintay ng mommy mo.'


Wala ng pagtutol galing kay Mommy matapos kong ipakilala ang girlfriend ko. Siguro dahil tapos na ako ng pag-aaral at may maganda na akong trabaho. Naging mahirap nga ang pagkikita namin noong college kasi patakas palagi. Madalas nga sa outreach programs kami nagkikita. Kapag may time at pera syempre pumupunta kami ng fine dining resto. Treat na rin namin sa sarili at bonding na din. Kahit nga mata lang namin ang nag-uusap alam namin ang tamang sagot sa bawat ngiti at lungkot. Iyon na siguro ang tinatawag na 'language of love'.

This time alam kong love na 'to. Hindi na ito puppy love, hindi ito laro at hindi na ito maling pag-ibig. Next month ikakasal na kami. I promise to give, and will always strive to have, a comfortable life for her and our children. It may not be extravagant, glamorous lifestyle or a lavish fortune; but we will always get by, and that I am sure of that.

Ay! Oo nga pala third time ko na pala itong mainlab. Mainlab sa pangatlong pagkakataon sa iisang tao. Kay Xyra.

pulang krayola


'Jhe, anak bakit kulay brown ang gumamela diyan sa drawing mo?' usisa ni Mercy sa apat na taong gulang na anak.

'Ubos na po kasi inay na color red, nagdrawing po kasi kami ng garden kanina. Pati nga po yung blue ubos na din sobrang lawak po kasi ng langit kanina.' paliwanag ni Jhe.

'Bilis maubos ah. Sige ibibili na lang ulit kita,'
nakangiting tugon ni Mercy sa anak. Masaya siya para kay Jhe dahil sa interes nito sa mga bagay sa paligid. Sa halaman, malawak na langit at mga hayop na madalas iguhit ng anak.

'Inay, bakit po mas maganda ang drawing ni Kat-Kat kesa sa gawa ko? Magkasinlaki lang naman po ang aming kamay?' inosenteng tanong ng bata habang matamang hinihintay ang isasagot ng ina.

'Kasi drawing ang talent niya. Wala yun sa laki ng kamay anak.' Hinawakan ni Mercy ang ulo ng bata. Hinalikan ang buhok. 'Makulit na ang anak ko ah.'

'Talent. Ah talent pala.' Umaalog pa ang ulo ni Jhe habang patuloy na kinukulayan ang gumamela. 'Eh inay ano pong talent ko?'

'Magtanong anak ang talent mo. Siguro paglaki mo isa kang imbestigador o kaya reporter,' biro niya sa anak.

Lumang kasangkapan, maingay na bentilador, kaunting gamit sa kusina ang mamalas sa maliit na bahay ni Mercy. Sa dingding ay makikita ang lumang poster ng artista na may hawak na alak, nasisilbi itong panakip sa bintana ni Mercy kapag matindi ang sikat ng araw. Hindi maalis sa isipan ni Mercy kung paano papaaralin ang anak. Hindi niya alam kung paano makakaahon sa lugmok niyang buhay.

'Inay ano ang putok sa buho? Sabi po kasi ni Teban eh putok sa buho daw ako,' si Jhe.

Nabigla si Mercy sa tanong ng anak. 'Naku huwag mo na lang intindihin ang batang yun, lahat kasi inaasar niya. Anak maglalaba muna ako ha.'

'Pupunta po muna ulit ako kay Kat-Kat.'


'Huwag masyadong makulit dun ha para hindi ka niloloko ni Teban.'

Hindi pa man nakakalayo si Jhe ay bumalik na agad ito ng bahay. Sumisigaw. Umiiyak.

'Inaaay! Inaaaay!' huguhol ni Jhe. Mabilis na tinungo ni Mercy ang anak sa pag-aalalang may nangyari dito.

'Bakit anak?'

'Niyakap po ako nung lalaki. Hindi ko naman po siya kilala.' Sinilip ni Mercy ang labas ng bahay. Si Jerwin. Ang ama ni Jhe.

'Anak pasok ka muna sa kwarto.' Sumunod naman agad. Umalis sa pagkakayakap ang ina.

'Kumusta Mercy?'
bati ni Jerwin habang iniaabot ang isang sobre. 'Pasensiya na kung atrasado na ang sustento medyo mahigpit ang asawa ko kaya hindi ko naibigay agad.'

'Anong ginagawa mo dito? Ayaw ko ng gulo. Tinakot mo pa si Jhe!'

'Dumalaw lang naman ako. Gusto ko lang makita ang anak ko.

'May panahon para diyan at ayaw kong sugudin na naman ako ng asawa mo. Tahimik na ang buhay ko. Hindi pa handa ang bata na makilala ka.'


Matapos ang mahabang pagtatalo ay minabuting magkulong sa kwarto si Mercy. Niyakap niya ang nakatulog ng anak. Pumatak sa kanang mata ang kanyang luha. Gumawa ng makra sa kanyang pisngi. Nagsisisi siya sa paniniwala sa mga pangako ni Jerwin. Pagod na siyang maging kerida. Pagod na siya umasa sa pagmamahal na dapat ay sa kanya. Pero si Jerwin pa rin ang isinisigaw ng puso niya.


Masigla na muli si Jhe. Parang walang nangyari kahapon. Maaga pa lang ay nasa may hardin na siya ng kapitbahay para iguhit ang mga paru-paro. Namangha siya sa iba't ibang kulay.

'Bakit kaya iba-iba ang kulay nila? Pareho-pareho naman silang paru-paro,' tanong sa sarili ni Jhe.
Naaliw si Jhe. Hindi niya namamalayan ang oras.

Isang babae ang nasa edad na trenta ang sumugod sa bahay ni Mercy. Maayos ang kasuotan at halatang nakakaangat sa buhay. Napaatras si Mercy.

'Nasabihan na kita dati di ba? Huwag mong ahasin ang asawa ko.'

'Hindi ko siya inaahas. Siya ang nagkusang nagpunta dito,' paliwanag ni Mercy sa mababang boses.

'Isa kang puta. Isa kang basura na nagpupumilit sa asawa ko. Laruan ka lang. Bayaran. Puta!!'

'Ayaw ko ng gulo Josie. Magkaibigan tayo at alam mo na ako ang minahal ni Jerwin. Pero tapos na ang lahat sa amin. Hindi ko kayo ginugulo.'

'At ako ang umagaw? Ganun?!'

Dalawang putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng bahay.

'Inay bakit diyan sa sahig kayo natutulog?' usisa ni Jhe. Gigisingin sana niya ina ng mapasin ang umaagos na dugo mula sa tagiliran ng ina.

'Inaaaaaay!!!!!!' Nabitiwan niya ang hawak na krayola, gumulong patungo sa dugo ng ina.

Paano magiging makulay ang buhay kung ang krayola niya ay puro pula?.





manika


Sawa na siya sa kanyang manika. Ayaw na niyang magkulong sa apat na bahay. Nais malaman kung ano ang mayroon sa labas ng bago nilang bahay. Namangha sa labas. Maraming tao. Maraming bata. Nakipaglaro, nakipagtawanan, nakipagtaguan at nakiindak sa usong sayaw.

Isang bata ang sa kanya ay lumapit. Nasa edad na dose ang lalaki. Habang siya naman ay nuebe. Nagkipaglaro, naging kaibigan at nagsumpaan walang iwanan.

Lunes. Isang laro ang kanilang sinimulan. Maghahanap daw sila ng kayamanan sa likod bahay. Ang lalaki ang minero at nasa kanya ang pinakamahalagang kayamanan. Akala niya ang lahat bahagi ng laro.

"Aray!" sigaw niya matapos mahukay ng lalaki ang kayamanan.