Skinpress Rss

Tama na inay! Lumaban ka itay!


"Tama na inay! Lumaban ka itay!" Sigaw ni ate habang sinasakal si itay ni inay gamit ang pantalong nilalabhan ni itay. Habang lumilipad ang mga bula ay tumatalsik ang laway ni inay sa sobrang galit. Ipinuputak ng butse ni inay ang pagkasunog ng kanin. Katwiran naman ng under de saya kong ama inutusan siya ni inay maglaba kaya nalimutan na niya ang sinaing. Dahil sa pangangatwiran, nagsalubong ang bagong ahit na kilay ni inay kaya nagawa niyang ipulupot sa leeg ni itay ang bumubula pang pantalon. Hayun lawit ang dila.


Hindi uso kay inay ang mahinahong usapan. Lahat ng pagkakamali ni itay may kapalit na parusa. Nasobrahan naman yata sa kape ang tatay ko kaya sobrang nerbiyoso. Nanginginig agad ang tuhod kapag nadinig ang galit na boses ni inay. Kahit siguro bote ng cough syrup kaya niyang pagtaguan huwag lang makita.

"N-naglalaba kasi ako kaya nalimutan ko ang sinaing," nanginginig na boses ni itay.

"Huwag kang mangatwiran!" Isang suntok ang pinakawalan ni inay. Sapol sa mata. Nabalewala ang bisa ng blue eyes na minsang naging asset ni itay sa panliligaw dati kay inay. Buwal agad si itay. Putol ang paa ng upuang may winnie the pooh. Kung itatabi siya kay bantay magkamukha na sila. Kung marunong lang ng gawaing bahay ang aming aso baka nakipagpalit na ng pwesto si itay. Pambihira ang sunod na eksena, hindi man lang nakalaban ang aking ama kumbaga sa boxing wasak ang bodega ni itay sa dami ng pinakawalang body shots ni inay.

Dumampot ng lumang tsinelas si itay, malamang iyon ang tsinelas na pinakawalan sa dagat ni Rizal. Akala ko lalaban na siya gagamitin lang palang pananggalang. Napaatras pa naman ng bahagya si inay. Bumili pa naman ako ng meryenda sa pag-aakalang may magandang laban. Nabawasan tuloy ang kinupit kong barya.

"Hindi na mauulit, pramis!"

"Pramis?! Ipinangako mo sa akin ang langit, tala, ang magandang buhay at maging ang bulaklak ng makahiya handa mong ibigay bago tayo magpakasal pero hanggang ngayon wala ka pang trabaho. Malulusog na anak lang ang natupad mo!" maluha-luhang diyalog ni inay. Nalunok ko ng buo ang kinakain kong monay sa narinig ko. Stomach-in, Chest-out agad ako para hindi naman ako masyadong guilty. Hindi naman ako mataba, qualified lang sa salitang healthy. Bumili na nga ako ng dumbles, tinatamad pa lang akong buhatin.

Anong sinabi ng mga sikat na teleserye sa pamilya namin? Hanep ang mala-telenobelang diyalog ni inay at talo pa ni itay ang ang mga bidang artista sa malasantong kabaitan. Hindi ko alam kung galit si inay kay itay o ganoon lang sila maglambingan. Sa gabi naman kasi nakakairita ang kanilang harutan. Daig pa ang mga pusang naghahalinghingan sa bubungan. Balak pa yata akong masundan.

Nagwalk-out na si inay matapos ang eksena. Napaupo ang ate ko. Napailing sa nakita niya. "Talo!"

"Paano ba yan ate? Panalo na naman si inay. Give me the money! Bawi ka na lang next time kung may rematch pa." Kinuha ko ang pusta niyang limang piso.