Skinpress Rss

Dyamante


"Brian! Brian!" Sigaw ng grupo ng mga lalaki sa bakuran ni Brian.

"Bakit? Napasadya kayo?" pagtataka niya.

"Bumukas na ulit ang kweba sa Candeba," bulalas ni Albert.

"Ano?!! Paano n'yo nasabi?" Gulat na gulat si Brian sa dalang balita ng grupo.

"Ang bukal sa paanan ng bundok banaba. Walang tubig," dagdag ni Rogelio. "Senyales ng pagbubukas ng kweba ang pagkaiga ng bukal."

"Samakatuwid, lalabas na ulit ang ahas na may kagat na dyamante." si Brian. "Kailangang malaman ito ni Kuya."

"Lalakad kami bukas ng madaling araw. Brian, hihintayin namin kayo ng kapatid mo sa may asukarera."

"Sige Albert, maasahan mo."

"Tara na mga kasama!" yaya ni Albert.

Base sa kwento ng mga nakasaksi, isang ahas ang naglulungga sa sa kweba ng Candeba. May kagat-kagat itong malaking dyamante na ninanais mapasakamay ninumang makasaksi o makadinig sa kwento tungkol dito. Subalit lubhang mapanganib ang daan papuntang kweba bukod sa gumuguho ang daan, madaming ahas ang promopotekta sa kweba. May ilang haka-haka na may muntik ng makakuha ng dyamante subalit naging sakim ang grupo kaya sila mismo ang nagpatayin.


"Tumigil ka sa kahibangan mo Brian!"

"Kuya, hindi mo ba naiintindihan? Lalabas na ulit ang ahas, makakapaghiganti na tayo sa pagkamatay ni Ama."

"Hindi ka pwedeng sumama!" tutol ni Willard. "Huwag mo ng dagdagan ang sakit mawalan ng isang miyembro ng pamilya."

"Sasama ako! Ipaghihiganti ko ang kamatayan ni Ama."

"Paghihiganti ba talaga o ang dyamante? Hindi papatay ang ahas kung hindi siya gagambalain sa lungga niya."

"Bahala ka! Hindi mo ako mapipigilan," pagmamatigas ni Brian. Malaki ang pagnanais niyang makuha ang dyamante. Limpak-limpak na salapi ang kapalit ng mamahaling bato.

Noong huling nagbukas ang kweba ay namuno ang kanilang ama para makuha ang dyamante pero nabigo ito at hindi na nakauwing buhay, maging ang bangkay nito ay hindi na makilala sa mga nakakalat na kalansay sa paligid ng kweba.

"Pag-isipan mo. Isipin mo ang pamilya mo. Isipin mo kung ligtas ka bang makakabalik. Tandaan mong wala pang nakauwing buhay sa mga sumubok agawin sa ahas ang bato."

Lumabas si Brian ng bahay, sarado ang isip niya sa mga sinabi ng kanyang kuya. Matagal na siyang handa sa muling pagbukas ng kweba kaya alam niya sa sarili na makukuha niya ang bato at maipaghihiganti na ang kamatayan ng kanyang ama.

Kinaumagahan, kumilos agad ang grupo. Tinahak nila ang daan patungo sa kweba. Bawat kasama sa grupo ay may kanya-kanyang bahagi para mapanatiling buhay ang bawat kasapi. At kung mapapasakamay nila ang bato, may nakalaan na ding paraan ng hatian.

"Bakit hindi sumama si Willard?" pagtataka ni Albert.

"Masama ang pakiramdam niya. Umatake ulit ang highblood niya," pagsisinungaling niya sa kasamahan.

"Wala din kasing pinipiling pagkain ang kapatid mo e. Sayang, malaking tulong sana ang partisipasyon niya."

"Magpahinga muna tayo. Kailangan natin ng lakas kung sakaling umatake ang mga ahas." pag-iiba ni Brian sa usapan.


"Mga kasama, magpahinga muna tayo sandali malayo-malayo na din ang ating nalakbay!" sigaw ni Albert.

Habang namamahinga, inilabas ni Brian ang lambat bilang pananggalang sa posibleng pag-atake ng mga ahas. Itinali niya ang ilang piraso ng bato sa bawat sulok ng lambat para magsilbing pabigat upang di makawala ang ahas. Matapos ang ilang minuto ng pamamahinga ay muling tumulak ang grupo.

"Mag-iingat kayo mga kasama, masyadong mapanganib na ang daan. Siguraduhin nyong matibay ang inyong tinatapakan bago kayo lumakad." paalala ni Brian.


"Ahhhhhhhhhhhh!!!!!"

"Anong nangyari?!" usisa ni Brian.

"Ang mga ahas umatake mula sa likod. Nahulog si Joban!"

"Hindi ko inaaasahan sa makitid na daan pa sila susulpot. Magsindi kayo ng kung anumang pwedeng sunugin tapos iharang sa daan para hindi sila makasunod!" Kumilos agad ang mga nasa likod ng grupo para mapigilan nila ang pagsunod ng mga ahas.

"Mabuti na lang matalas ang isip mo sa ganitong pagkakataon, Brian."

"Kailangan makarating tayong lahat sa kweba kaya dapat maging matalas ang isip nating lahat."

Habang lumalapit sila sa kweba ay unti-unting nababawasan ang bilang ng grupo. May mga natakot at mas ginustong bumalik pero ang pagbalik nila ang naging mitsa ng kanilang kamatayan. May ilang naging pabaya kaya nahulog sa makitid na daan.


"Brian, natatanaw ko na ang kweba, buong siglang wika ni Rogelio.

"Sa wakas, magdoble ingat tayo. Pagkarating natin ng kweba hatiin natin ang grupo sa dalawa." si Brian.

"Sige, kami nina Rogelio ang papasok sa lagusan sa kaliwa, kayo naman sa kanan," mungkahi ni Albert.

"Sige. Mag-iingat kayo."

Ganoon nga ang naging hakbang ng grupo. Bago pumasok, sinigurado muna nilang sapat ang kanilang gamit. Umaalingasaw ang nabubulok na bangkay sa bukana ng kweba, bangkay ng mga naunang nagtangkang pumasok sa kweba. Pinamunuan ni Brian ang grupong pumasok sa kanan.

"Hayun! Ang ahas na may dyamante!" sigaw ng isa sa mga kasama ni Brian.

"Sandali!" sigaw ni Brian. Huli na ang lahat, nakatakbo agad papalapit ang kasamahan dahilan upang matuklaw agad ito ng isang pang ahas.

"Anong gagawin natin Brian?" tanong ng isa.

"Buhasan natin ng gasolina ang daanan. Kung maraming ahas ang susugod saka natin sindihan."

Tinungo ni Brian ang mataas na bahaging kinaroroonan ng ahas na may dyamante.

"Halika dito! Matagal ko ng hinihintay na magkaharap tayo!" Halip na manlaban ang ahas, mabilis itong umiwas kay Brian. Gumapang ito palayo. Sinundan ni Brian ang galaw ng ahas.

"Akala ko ba matapang ka? Bakit ka umiiwas ka ngayon?!" Inihagis ni Brian ang lambat at tuluyang nalambat ang ahas. "Madami kang buhay ng inubos tapos ganito ka lang pala kadali mahuli." Gamit ang matulis na itak ay sinaksak niya sa ulo ang ahas. Tiniyak ni Brian na walang buhay ang ahas saka kinuha ng dyamante sa bibig nito.

Napangiti si Brian. Sa wakas nasa kamay na niya ng dyamante, naipaghigante na din niya ang kanyang ama. Habang paalis ay napapansin niyang nagbabago ang anyo ng ahas na kanyang pinatay. Unti-unti itong nagkakahugis, hugis hawig ng tao. Tumagal lang ng ilang minuto ang pagpapalit anyo na ikinagimbal niya. Naging tao ang ahas at ito ay ang kanyang ama. Bago pa siya makalapit sa bangkay, siya naman ang nagpapalit anyo. Dumikit ang kanyang braso sa kanyang katawan, ang kanyang maga binti ay naging buntot. Namanhid ang kanyang katawan hanggang sa maging isa siya ganap na ahas. Otomatikong dumikit sa kanyang bibig ang dyamante.

"Hayun ang ahas!" sigaw ni Albert. Gumapang palayo si Brian.