Skinpress Rss

Bok!


"Bok! Tumakbo ka na!" sigaw ni Dondie.

"Hindi kita pwedeng iwan dito! " nag-aalaalang boses ni Arnulfo.

"Hayaan mo na ako! Tama na ang isang buhay kesa dalawa tayong mamamatay! Marami ang mga kalaban!" Papunta sana ang magkaibigang sundalo sa bayan upang maghulog ng sulat para sa ina ni Dondie nang biglang tambangan ng mga rebelde.

"Hindi bok! Dadalhin kita sa ligtas na lugar saka tayo hihingi ng back-up. " Ibinaba ni Arnulfo sa sasakyan ang katawan ni Dondie. Nagtago sila sa likod ng puno.

"Arggh! L-lumuwas ka ng Maynila ibigay mo sa nanay ko ang sulat na ito." Bago pa man mahugot ni Dondie ang sulat sa bulsa ay nalagutan na ito ng hininga. Binuhat ni Arnulfo ang katawan ni Dondie at tumakbo palayo papunta sa ligtas na lugar. Kinuha niya ang sulat sa bulsa ng kaibigan at tiningnan ang address ng magulang nito.

Noong mga unang araw ni Arnulfo sa PMA pakiramdam niya ay hindi siya magtatagal dahil sa sobrang hirap ng training. Subalit naiba ang takbo ng kanyang isip noong makilala niya si Dondie dahil sa kakaibang pananaw nito. Pinalakas ni Dondie ang kanyang loob, madalas nitong sabihin na kaya pumasok ng PMA ang isang tao ay para sa bayan hindi sa sarili kaya bawat sakit ng katawan ay handog sa bayan. Magkasama sila sa kwarto kaya madalas ang kanilang kwentuhan at nagturingan na silang magkapatid. Sa isang platoon lang din sila nabibilang kaya magkasama sila sa training, sa buddle fight at maging sa paliligo. Sa lahat ng lungkot at saya magkasama sila.

Noong ganap na silang sundalo ay nasubok agad ang kanilang galing laban sa mga NPA sa kabundukan ng Quezon. Noong una pa nga ay nagkaroon ng shock si Arnulfo dahil sa walang humpay na putukan maging araw o gabi at hindi niya matanggap sa sarili na kailangan niyang pumatay ng tao para sa katahimikan. Buti na lang naipaliwanag ng mga bihasa sa labanan na iba talaga ang pakiramdam sa gitna ng putukan at nasa PMA. Ilan pang misyon ang kanilang napagtagumpayan kaya nasabi nila sa kanilang mga sarili na ganap na silang sundalo.

Handa na sana silang magbakasyon ngunit tinawag sila ng kanilang tungkulin upang harapin ang kaguluhan sa Mindanao. Mula sa Quezon ay tumulak sila sa Basilan. Saksi sila sa takot ng mga tao sa tuwing magpapatrolya ang mga sundalo. Pakiramdam ng mga nakakausap nila ay kung nasaan ang sundalo ay nadoon ang gulo. At walang nagiging biktima kundi ay mga inosenteng walang alam sa anumang ipinaglalaban ng rebelde at sundalo.

Iniluwas ang bangkay ni Dondie patungong Maynila. Bagamat hindi kilala ni Arnulfo ng personal ang pamilya ni Dondie ay sinalubong siya ng yakap at luha ng mga ito. Tulad ni Dondie, kakikitaan din ng tapang ang pamilya dahil lahat ay naglilingkod para sa bayan. Para sa kanila isang bayani ang kanilang anak at karangalan ang kamatayan kung ito ay para sa bayan.

Matapos ang pag-uusap ay iniabot ni Arnulfo ang sulat ni Dondie para sa ina nito. Nahimatay ang ina ni Dondie matapos mabasa ang sulat. Agad kinuha ni Arnulfo ang sulat at binasa. "Inay, bakla ako. Mahal ko na si Arnulfo."