Matagal din pala bago ako nakabalik sa dati kong mundo. Halos ko hindi ko na kilala ang mga taong nakapaligid sa akin. Samantalang dati kahit tsinelas ng bata alam ko kung sino ang nagmamay-ari. Nagtago ako, nagkulong at natakot sa pangungutya ng mga taong posibleng manghuhusga sa akin. Pero hindi pala, ako ang unang humusga sa taong mga nakapaligid sa akin. Hindi nila ako itinaboy bagkus ako mismo ang ang nagtulak sa sarili ko na lumayo sa kanila kahit handa nilang yakapin ang aking kamalian. Pinanguhan ko ang mga taong nagpapahalaga sa akin. Nagawa kong iwasan ang mga kaibigan kong kasama mula pagkabata. Mga taong handa akong tanggapin kahit wala akong kailangang sagutin na tanong.
Alam kong mali ang ginawa ko pero itinuloy ko. Hindi tukso ang lumapit sa akin para magmahal ng babaeng pagmamay-ari na ng iba kundi ang kagustuhan kong mailigtas siya sa lalaking nanakit sa kanya. Noong una, tulong lang ang gusto kong ibigay subalit humantong sa puso ko na ang handa kong isugal. Hindi biro ang pinasok ko, mali sa mata ng nakararami, labag sa batas at higit sa lahat isang malaking kasalanan sa Diyos ang magmahal ng babaeng may asawa na.
Kalalabas ko lang noon sa bangkong aking pinapasukan, naimbitahan ako ng isa kong kabarkada na dumalo sa isang piyestahan sa karatig barangay kasama ang ilang pang katropa. Kapatid niya daw ang pupuntahan. Alinlangan pa ako noong una dahil alam kong babaha ang alak, ako kasi ang may pinakamaliit na bahay-alak sa aming lahat. Madalas nga akong tawaging ninja ng mga katropa dahil bigla na lang akong nawawala sa kalagitnaan ng inuman. Wala na akong maisip na palusot kaya napapayag ako, tatakas na lang ulit ako kapag may pagkakataon.
Nahihiya akong makikain dahil hindi ko naman ugali ang dumalo sa mga piyestahan lalo na kapag hindi ko kamag-anak. Masarap ang mga handa pero sa chopsuey lang nakatuon ang akin atensyon. May bata pa nga akong nakalaban sa paghahanap ng itlog ng pugo sa chopsuey, kung tutuusin pwede naman akong bumili ng itlog ng pugo kesa makiagaw pa ako sa bata. Nagpaubaya na ako kahit gusto kong tadyakan ang bata. Hindi naalis ang paningin ko sa kanya kahit tapos na akong kumain para kasing nanadya, ubos na ang laman ng kanyang plato maliban sa itlog ng pugo na dinadahan-dahan niya pa kainin.
Lumabas ako ng bahay para panoorin ang babaeng bumabasag ng speaker ng videoke. Nakiupo na din ako sa tabi ng mga katropa ko habang nilaklak ang likidong posibleng magpaikot ng aking paningin. Pumili ako ng maraming kanta para makaiwas sa pagtagay. Hindi ko alam kung tama pa sa nota ang aking kinakanta, ang mahalaga hindi ako nalalasing. Ilang saglit ang lumipas matapos ang huli kong performance lumapit muli sa akin ang bata para hiramin ang song book. Sinundan ko siya ng tingin, iniabot n'ya ang song book sa babaeng tinawag niyang Mommy. Pansin ko sa babae ang mamula-mula na niyang mukha dahil sa alak. May kalakasan na din ang kanyang boses kapag nakikipag-usap sa kaharap niyang lalaki. Nawala lang ang atensyon ko sa kanila noong abutan ako ng beer ng may-ari ng bahay. Nagkaroon ng kwentuhan mula sa trabaho, ekonomiya, politika, brand ng sabon, pokemon ng anak niya at kung anu-ano pang pinag-uusapan ng mga lasing.
Mag-aalas onse na nang maisipan ko ng tumakas, pakiramdam ko kasi walang balak umuwi ang mga katropa ko. Isa pa, nakakaramdam na ako ng hilo. Pasekreto akong pumuslit papasok sa bahay, namaalam ako kay Melba, ang asawa ng kapatid ng katropa at lumabas ako gamit ang pintuan sa may kusina. Dumaan ako sa may madalim na bahagi ng daan para walang makapansin sa akin. Sumakay ako ng owner at tumalilis.
Habang nagmamaneho ay iniisip ko na ang pwedeng idahilan sa pagtakas ko sa inuman nang bigla kong napansin ang isang babaeng nakaluhod sa may gilid ng daan. Nakatungo ito at hindi kakikitaan ng pagkilos. Agad akong bumaba para tingnan ang kalagayan ng babae.
"Miss okay ka lang?" Tinapik ko ang babae pero walang naging tugon.
Inalalayan ko siya. Pilit ko siyang itinatayo pero ayaw niyang tulungan ang kanyang sarili para makakuha ng balanse. Naaamoy ko ang alak sa hanging nanggagaling sa kanyang bibig. Iniangat niya ang kanya mukha, tumitig sa akin. Nagulat ako. Siya ang babaeng tinawag na Mommy ng bata sa bahay nina Melba. Mula sa liwanag ng dumaang sasakyan, napansin ko ang sugat sa kanyang labi at malaking pasa sa paligid nito.
Lumuhod muli ang babae. "Ram, please don't leave me! Don't leave me pleaseeee..." Niyakap niya ang mga binti ko. Ilang beses niya akong tinawag na Ram dala siguro ng labis na kalasingan.
"Miss, hindi ako si Ram."
"Please...." Humaguhol ang babae.
Nagdesisyon akong iuwi muna sa bahay ang babae kesa bumalik pa ako. Masyadong kasing matrapik kung makikipagsiksikan muli ako. Pagkarating ko ng bahay ay agad kong tinawagan si Melba para ipaalam ang kalagayan ng kanyang bisita. Dumating naman agad si Melba para personal na asikasuhin ito.
"Magandang umaga," bati ko sa babae pagkagising nito. "Mae pala ang pangalan mo. Huwag kang mag-alala hindi ako ang nagbihis sa'yo. Si Melba. Nasukahan mo kasi ang damit mo kagabi."
"Ganoon ba? Bakit nga pala ako nandito?" tanong niya.
"Lasing na lasing ka kagabi. Nakita kitang nakalugmok sa daan. Masyadong delikado ang daan kaya isinama muna kita dito."
"Salamat. Mr??"
"Call me Jaydell. Ihahatid ka na namin mamaya pagkatapos kumain."
"Oh, Mae gising ka na pala," si Melba.
"Salamat mare ha. Nakaabala na naman ako sayo," paumanhin ni Mae.
"Naku kay Jaydell ka magpasalamat. Kung hindi yan tumakas sa inuman kagabi malamang hindi ka niyan nakita." Tinapunan ako ni Melba ng tingin saka bumalik kay Mae. "Maiba ako, sinaktan ka na naman ni Ram?"
"Dala lang siguro ng kalasingan kaya niya ako nasaktan."
Nakikinig lang ako sa naging usapan ng dalawa pero naawa ako sa kalagayan niya. Ipinagtatanggol niya pa din ang asawa sa kabila ng paulit-ulit nitong pananakit sa kanya. Base sa kwento ni Melba, may oras na halos hindi makagalaw si Mae dahil sa tindi ng tinanggap nitong sugat at pasa. Madalas si Melba ang nagiging karamay ni Mae sa bawat sakit at paghilom ng sugat ng puso.
Inilapit ko ang aking sarili kay Mae. Tinulungan ko siyang pawiin ang sakit na iniwan ni Ram sa kanya. Unti-unti, iminulat ko siya na hindi niya kailangan ang isang gaya ni Ram sa buhay niya. Itinatak ko sa isip niya na hindi niya kailangan ng asawa kung hindi naman ito umuuwi sa kanya. Higit sa lahat, ipinaramdam ko sa kanya ang pagmamahal na hindi niya naramdaman sa lalaking inakala niyang magbibigay nito.
Nagmahal muli si Mae. Napaniwala ko siyang tama ang ginagawa namin. Naramdaman muli niya ang bisa ng bawat halik, ang kahulugan ng bawat ngiti, ang sarap ng bawat yakap at ang ganda ng bawat umaga sa piling ng minamahal. Espesyal ang bawat araw na magkasama kami. Bumuo kami ng mundo na sa amin lang dalawa lang umiikot. Ipinangako ko din sa kanya ng mamahalin ko din ang anak niya kung ibabalik ito sa kanya ng kanyang asawa.
"Lumabas ka! Malanding babae! Mae!" sigaw ng isang lalaki mula sa labas ng aking bahay. Ang asawa ni Mae.
"Huminahon ka wala dito ang hinahanap mo." tanggi ko agad. Lasing ang siya kaya alam kong walang patutunguhang mabuti kung haharapin pa siya ni Mae.
"Sinungaling!" Isang suntok ang pinakawalan ni Ram na agad kong ikinabuwal.
Akma akong gaganti pero nagawa akong yakapin ni Mae mula sa akin likuran. "Huwag, Jaydell! Tama na. Please?!" pagmamakaawa ni Mae. Lumapit siya kay Ram at nagyaya umuwi.
Hindi ako makapaniwala. Hindi ko matanggap. Mas pinili niya ang isang taong hindi nagpapahalaga, ang taong nanakit sa kanya.
Nasaktan ako ng sobra at wala akong mukhang maiharap sa mga tao matapos ang eksena. Nanahimik ako at nagtago sa posibleng pangungutya.
Matagal bago ako muling humarap sa totoong mundo. Halos wala na akong kakilala. Pero sa aking pagbabalik, walang humusga sa akin. Walang nagtanong bagkus may nagpasalamat pa dahil nabigyan ko ng direksyon ang buhay ni Mae. Hiwalay na sila ni Ram pero mas pinili niyang huwag sumama sa akin para makaiwas sa posibleng gulo na idulot nito.
"Hanggang ngayon mahal ko pa din ang si Mae."
"Pare tagay!"
12:07 AM 4/6/2010