Skinpress Rss

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tricycle. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tricycle. Ipakita ang lahat ng mga post

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 5)


Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4



V. Lies


Lumipas ang mahigit isang buwan sinimulan nang kumilos si Luis, gamit ang mga lumang larawan pilit niyan hinahanap ang kinaroroonan ng itim na santo niño. Palibhasa'y nag-iisa sa misyon, hindi naging madali ang paghahanap. Bukod sa palihim ang bawat kilos, lagi din nakabuntot sa kanya si Jo-Anne dahil sa ginagawang pagbuild-up ni Aling Remy at may mga codes pa na dapat i-validate para matunton ang replika na siyang magtuturo ng kinaroroonan ng totoong black child.

'Nasa Ilijan ang replika. Sa Ilijan matatagpuan ang mga naglalakihang bato na lumiliwanag kapag tinamaan ng sikat ng araw na binanggit ni Roysus sa kanyang navigation notes.' si Luis habang ipinakikita kay Arden ang sarili niyang research. 'Mabuti na lang naitranslate ng researcher ang malalamin na codes.'

'Maasahan ka talaga Luis. Gaya ng hiling mo nasa likod na ng kotse ang mga explosives, tulad ng dati walang kemikal na ginamit at walang tunog na malilikha kapag sumabog.'
Impit na ngiti ang ibinigay ni Arden kay Luis dahil positibong resulta ng mission. 'Handa na ang air support na gumawa ng ulan, sa loob ng dalawang oras mula ngayon ay babagsak ang ulan.'

'Kung mas maaga sana mas maganda. Sa ganoong paraan madaling masabing landslide ang pagsabog'

'Sige ipag-uutos ko na magseed ng maraming ulap.' T
inawagan ni Arden ang mga air support para madaliin ang pagbasak ng ulan habang inililipat naman ni Luis ang mga pampasabog sa kanyang tricycle -- mga pampasabog na kasing laki lamang ng bawang pero matindi ang kayang gawing pinsala .

'Pwede na akong magsimula.'
Paalis na sana si Luis sakay ng tricycle pero pinigilan siya ni Arden.

'Pare hindi sa nakikialam ako, wala ka bang balak bumili ng kotse? Naaalibarbaran kasi akong makita ang isang top bearer na nakasakay ng tricycle eh!'
pangungutya ni Arden sa kaibigan.

Ngumuti si Luis, tinapik ng bahagya ang balikat ng kausap. 'Para saan pa? Isa pa, magtataka ang mga tao kung saan ako nakakuha ng pambili ng kotse , alam naman nilang tricycle driver lang ako. Hindi din naman ako pumunta sa malayong lugar.'

'Paano kung nasa malayong lugar ang misyon?'

'Hindi ko tatanggapin!'
Emosyonal at matigas na sa wika ni Luis. 'Ayaw kong basta iwan na lang ang lugar na ito. Maraming alaala na ayaw kong kalimutan. Kung aalis ako dito parang tinalikuran ko na din si Cielo.'

'Cool ka lang pare! kotse lang ang pinag-uusapan natin!'
alo ni Arden na nakataas pa ang dalawang kamay. 'Tutal na banggit mo na din ang bagay na 'yan, wala ka bang balak na buksan muli ang puso mo? Hindi ko naman sinasabing kalimutan mo si Cielo pero may karapatan kang sumaya hindi itong lagi kang nagmumumok sa ilog na 'to.

'Masaya kami ni Cielo noon at sapat na ang kanyang alaala para maging masaya muli ako. Wala din makapapantay sa kanya.'

'Talaga lang ha, eh anong itong nababalitaan kong madalas kang may ka-date dito sa ilog. Maganda din ang bebot na yun ah,' mapanukso ang salita ni Arden.

Si Jo-Anne?! Malabo. Lahat na ng ugali na ayaw ko sa babae nasa kanya na. Maingay, matanong, mahilig makialam at higit sa lahat abusado. Kailaman ay hindi ko magugustuhan ang ganung babae!'

'Dami mo sinabi ah. Ikaw bahala pero pag-isipan mo din.' Taas kilay na wika na Arden akmang papasok ng kotse habang si Luis naman ay nagulat sa kanyang pagiging defensive.

Mabilis na tinungo ni Luis ang Ilijan. Nagsimula na din bumagsak ang malakas na ulan. Sa isang sementeryo huminto si Luis. Pinalitan ang kasuotan at inilambas ang ilang gamit para handa sa anumang maaring panganib o banta ng kalaban. Dahil ilang beses na niyang nasaksihan ang pagtama ng araw sa mga bato alam na niya ang repleksyon ng araw ang magtuturo sa kinaroonan na replika ng santo niño. Sa loob niya ay matindi ang paghanga niya kay Roysus dahil ginamit ng kastila ang kalikasan para gawing mabisang palatandaan. Itinago ang replika sa maliit na yungib na hinarangan ng mga bato para hindi mapansin ang butas.

Kinalkula ni Luis ang gagawing pagpapasabog para hindi mapinsala ang replika o mapigilan ang posibleng pagguho ng malaking bahagi ng bundok. Kasabay ng paghinto ng ulan ang dahan-dahang pagbagsak ng mga bato, lupa at halaman, isang lagusan ang tumambad kay Luis.

''Vagrat, Loduko at Spaka, papasok na ako sa kweba. Stand by kayo sa posibleng pagsabotahe,' utos ni Luis sa tatlong assassin gamit ang kanyang transimitter. Bagamat wala siyang nadinig na sagot nagpatuloy si Luis sa loob ng kweba.

Lumabas si Luis ng kweba bitbit ang replika. Walang panganib ang anumang dumating, di gaya ng kanyang inaasahan. 'May kakaiba sa misyon na ito. Maraming nagtatangkang mapasakamay ang black child pero wala akong nararamdamang kalaban. Si Lady Armela ang isa sa kalaban, sa pagkakilala ko sa kanya ayaw niya ng nauunahan .' bulong ni Luis.

'Hello! Arden, dala ko na ang replika.' agad kinontak ni Luis si Arden.

'Magaling. Wala bang naging aberya?'

'Iyon nga ang ipinagtataka ko. Wala man lang naalarma na nakuha ko na ang susi ng black child.'

'Mag-iingat ka Luis. Baka nakamasid lang sila, hinayaan ka lang na makuha talaga ang replika tapos ay tatambangan ka sa daan. Hindi natin alam ang kanilang pagkilos.'

'Sabagay, uuwi na muna ako. Aalimin ko kung anong mapipiga ko dito sa replika.' Hindi kumbinsido si Luis sa naging paliwanag ni Arden. Alam niya sa sarili na may hindi sinasabi sa kanya ang kaibigan, bagay na tutuklasin niya mag-isa .


MALAYO pa lang sa bahay ay tanaw na agad ni Luis ang umuusok sa galit na si Aling Remy, alam niyang siya ang hinihintay nito dahil hindi niya nasundo si Jo-Anne.

'Saan ka galing bata ka?! Namuti na ang mata ni Jo-Anne sa kahihintay sa'yo. Buti na lamang may may nagmagandang loob na titser na ihatid siya dito!' maktol ni Aling Remy sa kakamot-kamot lamang na si Luis na hindi alam kung saan huhugot ng paliwanag.

'Ah-eh may nagpahatid po kasi sa akin sa Tabangao tapos nung pabalik na po ako, naflat naman ang gulong sa huli. Natagalan po ako makahanap ng vulcanizing--'

'Hala, umakyat ka dun at magpaliwanag ka sa kanya. Mukhang masama ang timpla.'

Umakyat si Luis sa paupahang bahay ni Aling Remy para magpaliwanag kay Jo-Anne. Kahit labag sa kanyang loob ang gagawin, sinunod na lamang niya ang matanda. Nakasiwang ang pinto ng kwarto ni Jo-Anne. Nasa harap ng salamin ang pakay, halatang katatapos lang maligo at nag-uumapaw pa ang amoy ng pabangong ginamit. Hinagod ng dalaga ang kanyang katawan dahilan upang bumakat ang katawan sa suot na nighties. Nanlaki ang mata ni Luis at halos matuyuan ng laway, nagsusumigaw ang magandang katawan ni Jo-Anne. Bumaba siya ng bahay bago pa siya tuluyang magnasa.

Ilang minuto pang nagpabalik-balik sa isip ni Luis ang nasaksihan. Minabuti na lang niyang pumunta muli ng ilog. Ayaw niyang tuluyang lamunin ng kamunduhan ang kanya isip.

'Iiwan mo ba ako?' si Jo-Anne.

'Nakakagulat ka naman. Talaga bang basta ka na lang palaging sumusulpot?'

'Hindi ko sinadya, nagkataon lang siguro. Hindi pa kasi ako dalawin ng antok kaya lumabas ako. Tsaka may atraso ka pa sa akin. You owe me an apology, Mr.'

'Sakay! Doon na ako magpapaliwanag.' iritableng sagot ni Luis.


Tahimik ang paligid, tanging huni lamang ng mga kuliglig ang bahagyang bumabasag sa katahimikan. Matapos maipaliwanag ni Luis ang dahilan ng hindi niya pagsundo kay Jo-Anne ay nanahimik na ito. Nanitiling misteryoso at walang pakialam sa kasama.

'Luis?'

'Bakit?'

'May itanong lang ako sa'yo. Tanda mo ba noong kumain tayo magkasama noong may hang-over ako?'

'Oh, tanda ko, derecho tanong na agad!'

'Nagtataka lang kasi ako, paano mo nasambot agad yung baso? Alam ko masyado kang malayo noon.'

'Mukhang nagiging malimutan na yata si Aling Remy, hindi pala niya naikwento na nagtrabaho ako dati sa hotel. Sanay ako mga ganun kaya bumilis ang reflexes ko.' palusot ni Luis.

Tumango si Jo-Anne kahit hindi kumbinsido sa sagot ng kausap. 'Paano mo naman ipapaliwanag 'yung pagsambot mo sa akin? Reflexes din ba 'yon.'

'Lasing ka nun. Hindi mo siguro na napansin na lumapit na ako sa'yo nung tumayo ka.' pagtatakip muli ni Luis. Nagugulat siya sa masusing pagmamasid sa kanya ng dalaga. Kailangan maging maingat nawika niya sa sarili. 'Buti na lang tumayo ako kundi dapa ka talaga dun.'

Ngiti lang ang naging sagot ni Jo-Anne. 'Tara dun sa baba. Gusto ko magtampisaw.'

'Ikaw? Wala pa akong alam sa'yo. Nasaan ang pamilya mo? Bakit dito ka nagturo?' sunod sunod natanong ni Luis na parang nag-iimbestiga.

'Nasa Valenzuela sila. Gusto kong may mapatunayan kaya umalis ako sa amin. Nabalitaan ko na dito nagtuturo ang bestfriend ko kaya nagpatulong ako sa kanya since paalis na din naman siya.' seryosong sagot ni Jo-Anne. 'Kaya heto ako ang pumalit sa kanya.'

'At si Grace ang pinalitan mo? Iyong anak ni Aling Remy?'

'Oo.' nakangiting sagot ni Jo-Anne.

'Anak ng tipaklong! Kaya pala ang lakas lakas mo sa kanya.'

'Isa pa Luis, Bakit may mahaba kang pilat diyan sa balikat mo?'

Naging madilim ang anyo ni Luis. 'Nabundol kasi ako dati. Lasing kasi ako noon.' Muling pinagtakpan ni Luis ang totoong dahilan. Ang pilat sa kanyang braso ay dulot ng mga batong tumama sa kanyang balikat sa pagnanais na mailigtas si Cielo sa huli niyang misyon. 'So mayaman ka pala? May gusto kang patunayan at ano naman ang gusto mong patunayan?,' paglilihis ni Luis sa usapan.

Dimapot ni Jo-Anne ang kapiraso ng kabibi sa may ilog matapos ay tumango bilang sagot kay Luis. 'Noong bata ako madalas akong mamulot ng sea shell sa may dagat tuwing dadalaw kami sa resthouse.... dadalhin ko iyon sa school para ipagmalaki sa mga classmate ko kung gaano ako kagaling manguha ng shells. Itinuring ko iyong kayamanan dahil kakaiba iyon sa lahat. Pati teacher ko hindi makapaniwala na kaya kong makahanap ng ganun. Tumaktak sa isip ko na magaling ako. Sa katunayan isinama ko ang mga classmates ko para mamulot pero ako pa din ang nakakita ng kakaiba, kumbaga parang may palantadaan ako kung saan nagtatago ang mga shells.. Tapos noong malaki na ako nalaman ko na isa pala akong tanga.' Napaluha si Jo-Anne. Pumatak ang luha sa di pa malinaw na dahilan. Sumandal siya kay Luis, bagay na hindi inaasahan ng binata dahil sanay siyang nakangiti ang babae.

'Paano ka naging tanga? Wala ngang nakakita ng mga shells na iyon kundi ikaw,'
labis na pagtataka ni Luis.

'Tanga ako. Kasi naniwala akong magaling ako. Na ako lang ang may kakayahang humanap ng mga shells. Until noong tumanda ako sa sobrang kahiligan ko sa shells, nagresearch ako para malalan ang name ng bawat shells.'
Sunod-sunod ang hikbi ng dalaga. Hinagod ni Luis ang likod ni Jo-Anne. Hindi pala nag-eexist ang mga shells na nakikita ko sa Pilipinas. Inamin ni Mommy na ibinabaon lang iyong ng yaya ko sa utos ng parents ko. Lahat ng bagay ganoon lahat nakukuha ko dahil sa kanila. Kaya---'

Hindi na tuluyang natapos ni Jo-Anne ang sasabihin. Napayakap siya kay Luis, parang batang humanap ng kakampi matapos apihin ng kaaway. Bahagyang hinalikan ni Luis si Jo-Anne sa pisngi para ibsan ang kalungkutan ng dalaga. Kasunod ang isang halik sa labi. A kiss too long for comfort.

Ilang hakbang ang papalayo sa kinaroroonan ng dalawa. Nakamasid.

'Lady Armela nasa Knight Crawler na po ang replika...'

'Tulad na inaasahan ko. Wala talagang kupas si Luis.'

'Tatapusin na po namin siya ipag-utos n'yo po lamang.'

'Hindi.. Hayaan lang natin siya.'



itutuloy..


------------------

Next year na ang kasunod. Magiging busy muna para sa holiday.. salamat sa mga nagbabasa at nagcomment.

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 2)


Chapter 1


II. black child


Maingay ang mga bata, mga magulang na may hila-hilang anak, nagmumurang tsuper at mga tindera ng sisiw na may kulay ang karaniwang makikita sa harap ng Divine Academy tuwing uwian. Pamilyar din ang may umiiyak alinman sa batang naiwan ng service o dalagita na nasa edad dose hanggang kinse dahil sa unang pagbigo sa pag-ibig. Nandoon din ang mga tricycle driver na ginawa ng libangan ang pagtitig sa mga hita, puson, pusod, dibdib at puwet ng mga babaeng sumusundo sa mga bata.

Ngunit iba si Luis. Kung gaano ka-boring paanoorin ang ikot ng gulong ng kanyang tricycle ganoon din ang kanyang buhay. May nanghihinayang nga sa lakas ng kanyang sex appeal dahil hindi naman daw mapakinabangan. Kung pwede nga lang daw nakawin ang sex appeal ginawa na niya, biro ng isang kasamahang tricycle driver. Hindi pa rin kasi nakakamove-on si Luis mula ng mamatay sa isang aksidente ang girlfriend niyang si Cielo. Kadalasan, mapapansin si Luis na may hawak na pagkain habang nagbabasa ng broadsheet o di kaya naman ay nagbabasa ng mga nutritional facts sa mga nagkalat na balat ng junk foods.


'Pwedeng magpahatid pauwi?' bungad ni Jo-Anne kay Luis na kasalukuyan kumakain ng banana cue habang nilalaro ang pusang kumakaway sa tricycle ng kasamahan.

'Hindi pa ako ang pila e. Pangalawa pa.'

'Hihintayin ko na lang. Sorry nga pala kanina. Napagalitan ka ni Aling Remy dahil sa akin. Nagmamadali din kasi ako kanina.'

'Naku sanay na ako sa matandang iyon. Hindi kompleto ang araw nun kapag hindi ako nasermunan.' Nilunok ang natitirang saging sa bibig saka muling nagsalita. 'Bagong teacher ka ba dito?'

'Oo bago lang. Pero pansamantala lang ako dito habang on-leave pa si Ms. Regondo.'

'Tara, sakay ka na sa loob,' yaya ni Luis. Kumilos agad si Jo-Anne pero hindi sa loob ng sidecar siya sumakay kundi sa inuupan niya kaninang umaga.'Doon ka na sa loob para maayos ang upo mo.' gulat na wika ni Luis.

'Ok na ako dito. Gusto ko kasi maging pamilyar sa lugar.' Napakamot na lang si Luis sa asal ni Jo-Anne. Karaniwan sa lahat ng pasehero ay gusto ng komportableng upo pero itong si Jo-Anne ay tila nawiwili na magbackride.

'Ikaw ang bahala.'
wika ni Luis matapos itaas ang dalawang balikat. 'Kumapit ka ha.'

'Pinapatawa mo naman ako. Parang bibilis ang takbo ngayon ah.' Humawak ang teacher sa tagiliran ng lalaki. Parang nakuryente si Luis sa pagdampi ng kamay ng dalaga.


Ilang grupo ng lalaking nakaskate board ang lumampas sa minamanehong tricycle ni Luis. Walang pagbabago. Ubod pa din ng bagal ang takbo ng tricycle.

'Siguro anak mayaman ka kaya mas gusto mo magbackride. Kumbaga sa exploring stage ka.'

'Hindi ah!' mahigpit na pagtutol ni Jo-Anne. 'Siguro empleyado ka dati ng punerarya kaya mabagal ka sa magmaneho.' Ngumiti lang si Luis ikinatwiran muli na wala pa siyang insurance.

'Teka hindi tayo dito dumaan kanina ah!' si Jo-Anne.

'Naliligaw na yata tayo Ma'am.' biro ni Luis.

'Ano ka ba? Naliligaw ba talaga tayo?'

'Biro lang. One way po kasi yung dinaanan natin kanina.'

'Ah, teka museum ba 'yon?' tanong ni Jo-Anne sabay turo sa lumang establishment.

'Hindi Ma'am. Ancestral house ng mga Pastor.'

'Matagal na 'yan ganyan?'


'Natural! Ancestral house nga e. Teacher ka ba talaga?' kantiyaw ni Luis.

'What I mean is yung design. Wala bang binago sa original style?'


'Ah, may minor repairs. Kumabaga may inalis na lumang bahagi para palitan ng bagong pero dapat mukhang luma pa rin,'
si Luis.

'Wow, pinahanga mo ako doon ah. Pwede ka ng tour guide.'

'Para yun lang. Kahit sinong taga dito ay alam yun.'


Tila sinakluban ng telang itim ang kalawakan nang makauwi si Luis galing sa pamamasada. Parang langgaw na nagsulputan ang mga bata sa kalye. Nagsilbing palaruan ang tahimik na kalsada sa pagsapit ng gabi. May ilang pang naglalaro ng hide ang seek sa terrace ng bahay ng binata.

'Kuya Luis! Ibibili na ba kita ng beer?' tanong ni Biboy sa bagong dating pa lamang na si Luis. Palibhasa ay hindi pinagbebentahan ng alak ni Aling Remy si Luis ay binabayaran na lamang niya si Biboy para bumili ng alak para sa kanya.

'Alerto ka ah. Sige ibili mo ako ng kalahating case ng grande. Ilagay mo na lang sa likod ng tricycle magbibihis lang ako.'


'Eeeeng! Pip! Pip! Parang dirver ng isang jeep na tumakbo ang bata matapos matanggap ang pera. Tumitigil lang ng bahagya kapag may makakabangga o kaya kapag bumababa ang maluwag na shorts. Ilang minuto lang, kasama ang isang sipuning bata, ay dala na nila ang alak.

Kumikiliti sa ilong ang samyo ng dalang pulutan ni Luis. Pasekretong pinaandar ang tricycle para hindi mahalata ni Aling Remy na mag-iinom na naman siya. Patungo siya may pampang ng ilog Calumpang. Maraming alaala ang hatid ng ilog. Alaala ng pinakamamahal na si Cielo kaya kahit bumabagyo ay bumibisita siya dito. Hindi pa niya tanggap ang pagkamatay ni Cielo sa isang aksidente.

Humimpil ang tricycle sa may maliit na puno ng mangga. Hinayaan ni Luis na bukas ang ilaw ng tricyle para makita ang ganda ng ilog kapag tinatamaan ng liwanag. Ibinaba niya sa may damuhan ang alak at ang dalang pulutan. Bubuhayin na sana niya ang stereo ng may biglang sumulpot mula sa loob ng sidecar.

'Anong ginagawa mo dito Ma'am?' Nagulantang si Luis.

'Ayaw mo bang may kasama sa pag-iinom?'
malambing na wika ni Jo-Anne.

'May magagawa pa ba ako. Nandito ka na e.'
Napapailing pa si Luis. Hindi niya napansin na nagtatago ang babae sa loob ng sidecar. 'Paano ka napunta diyan.'

'Nakita ko kasi ang bata na inabutan mo ng pera kanina. Tapos pagbalik nila may alak ng dala kaya nagtago ako sa loob. Naiinip kasi ako kaya gusto ko makijoin.'

'Baka malasing ka Ma'am.'

Umiling si Jo-Anne. 'Jo-Anne na lang, huwag Ma'am. Ano bang meron sa ilog na ito?'

'Tubig.'


'Alam ko na may tubig, ang ibig kong sabihin bakit dito ka pa nag-iinom? Siguro may something sa lugar na to.' pangungulit pa ni Jo-Anne.


'Masarap kasi pakinggan ang huni ng mga kuliglig pati ang paglagaslas ng tubig sa ilog. Kaso hindi ko madinig dahil medyo maingay.'pagtatakip niya sa totoong dahilan. Ayaw niyang ibahagi sa dalaga ang masasayang alaala na hatid ng ilog.

'Ok! Fine tatahimik na ako. Inom na lang tayo.'

Lumikha ng ingay ang batong inihagis ni Jo-Anne sa ilog. Gusto niyang magsimula ng usapan subalit wala siyang lakas ng loob. Masyadong mailap ang lalaki. Malalim ang pagkatao at tila ayaw makipag-usap noong mga sandaling yon.

Isang pulang kotse ang huminto malapit sa tricycle ni Luis. Gamit ang headlight, sumenyas ng dalawang beses ang driver ng kotse. Mabilis kumilos si Luis na hindi karaniwan sa katuhan ng lalaki.

'Dito ka muna.' pigil niya kay Jo-Anne na akmang tatayo. Naglakad si Luis patungo sa kotse. Natakot bigla si Jo-Anne sa biglang paging seryoso ng mukha ng binata.

'Bakit may kasama ka?' usisa ng lalaki sa loob ng kotse. 'Pasok ka sa loob.'

'Hindi ko kasi alam na darating ka. Matagal na din kasi akong walang balita sa inyo.' si Luis. 'May bago ba?'

Inabot ng lalaki ang isang sobre. May nakasulat na black child sa gitnang bahagi. 'Ito ang sunod mong misyon. Basahin mo muna. Kapag nagustahan mo bumalik ka dito bukas ng tanghali para sa briefing.'

'Black child mission. Pag-aaralan ko.'

'Highly classified and Confidential ang mission na ito. Hindi dapat pumalpak ang lakad na 'to.'


'Makakaasa ka! Bakit nga pala natagalan?'

'Alam mo naman na si Cielo ang pinakamagaling nating researcher. Walang papantay sa galing niyang magdecode. Sayang nga lang nasawi siya sa huli ninyong mission. Nahirapan kami humanap ng kapalit niya.'

Natahimik si Luis. 'Pupunta ako bukas asahan mo. Gusto ko din makilala ang makakasama ko sa misyon.'

'You will be working alone, Luis. Inuulit ko, Highly classified and Confidential ang black Child. Maraming underground organization ang naghahangap makuha ang black child.'


Tumalilis ang kotse matapos ang usapan. Naging mausisa si Jo-Anne sa muling pagbalik ni Luis.

'Ano yan?'

'Invitation sa binyag.'
pagtatakip ni Luis.

'Bakit kailangan sa loob pa ng kotse kayo mag-usap?'

'Sensitive e. Anak kasi sa ibang babae ng kaibigan ko ang bibinyagan. Mahirap ng may makakita kasi kasiraan sa political career niya.'

'Mga lalaki talaga hindi makontento sa isa.'


'Huwag mo ng pakialaman ang buhay nila. Inom na lang tayo Ma'am.' Parang batang kinutusan ni Luis si Jo-Anne.






itutuloy...

-----
comments? Sana maging maayos ang takbo ng tricycle. Absent ako kaya napaaga ang update.



Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 1)


I. the tricycle driver and the teacher


Gising na ang mga tambay, nakapwesto na agad sa may tindahan habang sinusundan ng tingin ang mga nagdaraan. Gising na ang mga bata, ang ilang ay naghahanda na para sa eskwela, ang iba naman ay naglalaro na sa kalye. Gising na din ang mga matatanda, nagwawalis ng ikinalat ng mga tambay at mga bata.

Tirik na ang araw ngunit nakahiga pa din si Luis. Matindi ang sakit ng kanyang ulo kaya tinatamad bumangon. Palibhasa ay lasing na naman kagabi tila naging parte na ng kanyang dugo ang alkohol.

Matalim ang sikat ng araw na pilit pumasok sa maliit na bintana ng kwarto ni Luis. Mahapdi na sa balat kaya napilitan na siyang umalis sa kama. Tinungo ang ref para kumuha ng yelo, binalot ng tuwalya saka idinikit sa masakit na bahagi ng ulo. Muling bumalik si Luis sa magulong kama na puno ng maduming damit, magazine, sapatos, gusot na dyaryo,ilang piraso ng baraha at larawan ng isang babae.

Pagkalipas ng ilang sandali ng pagkawala sa sarili ay bumangon siya para maligo. Nagsipilyo habang nakapikit pa rin ang mga mata saka nagbihis ng luma at punit na damit. Lumabas siya ng bahay para bumili ng gamot.

'Ha!ha! Tangna pare! Tanga noong crew kahapon hindi niya nahalatang ipinuslit ko yung pending number!' pagyayabang ni Jose sa harap ng tindahan ni Aling Remy.


'Oo nga! Noong isang araw nga platers naman nila ang kinuha ko! Magandang gawing photoframe 'yon!' dagdag pa ng ayaw magpatalong si Ariel.

'Masaya naman kayo sa ginawa n'yo? Eh kung nahuli kayo makatawa pa kaya kayo sa loob ng selda?'sabat ni Luis. 'Isang paracetamol nga Aling Remy.'

'Trip trip lang naman 'yun Luis.' Sobrang sineryoso mo naman.' si Jose.

'Kahit pa, magnanakaw pa ang turing sa inyo kung nahuli kayo. Kung nagkataon may picture pa kayo dun,' pangaral pa ni Luis na parang nakatatandang kapatid ng mga tambay.

'Eh ikaw naman Luisito kelan mo balak itigil ang paglalasing?' pag-alaala ni Aling Remy na nagsisilbing pangalang ina na rin kay Luis. 'Aba lagi ka na lang ganyan hijo.'

'Sigurado si Cielo pa rin ang dahilan. Madami naman babaeng nagkandarapa na pwede pag-ukulan ng bagong pagmamahal,' nakangiting kantiyaw ni Ariel.

'Luis, parang anak na din ang turing ko sa'yo kaya huwag mo sana mamasamain ang mga sinasabi ko pero pandalian lang ang maitutulong ng alak para makalimot.'

'Kaya nga po dinadalasan ko ang pag-iinom Aling Remy,' pilosopong sagot niya. Tumalikod si Luis sa matanda matapos isubo na parang kendi ang paracetamol.

Tinungo niya ang kinaroroonan ng kanyang tricyle. Simulang linisin, inalis ang bote ng alak at itaboy ang pagpipyestang mga langaw sa tira- tirang kornik sa sahig ng tricycle. Kinausap niya ang tricycle na parang nakababatang kapatid.

'Poy, pasensiya na kung napapabayaan na kita. Hayaan mo paliliguan kita mamaya kung gusto mo sabay pa tayo Poy,' nangiting wika niya sa tricycle na tinatawag niyang Poy. 'Ibinili nga pala kita ng bagong salamin. Sorpresa ko sa na sa'yo yun kaso sa sobrang kalasingan ko eh nalimutan ko nang ikabit.'

'Kuya, Divine Academy po.' putol ni Jo-Anne sa pagsisintemyento ni Luis. Bagong lipat lang si Jo-Anne matapos matanggap bilang isang teacher sa Divine Academy. Nakikituloy siya sa bahay paupahan ni Aling Remy.

'Miss nililinis pa. Hindi pa ako papasada.'

'Sige na kuya malelate na ako. Kanina pa ako naghihintay dito e.' mangiyak-ngiyak na pagmamakaawa ni Jo-Anne.

'Madaming tricycle sa kalsada. May masasakyan ka pa.'

'Suplado naman.' padabog na umalis si Jo-Anne.

'Oh Jo-Anne bakit sambakol ang mukha mo eh kaaga-aga?' tanong ni Aling Remy.

'Hirap po kasing sumakay kanina pa akong naghihintay.'

'Naku hija, doon pa sa ikalawang kanto ang sakayan.' Teka nandyan pala si Luis ipapahatid kita.' ani ni Aling Remy ng makita ang tricycle ni Luis.

'Nakausap ko na siya Aling Remy, nililinis pa daw. Suplado pa.'

Lumabas si Aling Remy bitbit ang isang walis tambo saka sinugod si Luis dahil sa pagtanggi nitong isakay ang bago niyang boarder.

'Lintik na bata ka!' sigaw ng matanda habang iwinawasiwas ang hawak na walis. 'Ihatid mo nga si Mam, Keganda gandang bata eh nakasimangot agad dahil sa ugali mo. Hala kilos!'

Napakamot si Luis na parang naubsan ng salitang pwedeng katwiran.'Nililinis pa kasi Aling Remy. Madumi ang sidecar.'

'Pwede akong backride. Makapasok lang ng maaga.' mapang-asar na ngiti ni Jo-Anne matapos makuha ng kakampi.

'Yun naman pala eh. Pagpasensiyahan mo na hija. Mabait naman ang batang yan, may sumpong lang dahil bagong gising. Luis ingat sa pagmamaneho.'

Parang batang sumunod si Luis sa kagustuhan ng matanda. Pinaandar ni Luis ang tricycle na parang nang-aasar sa sobrang bagal ng kanyang pagpapatakbo. Ilang batang nagbibisekleta ang lumampas na sa kanila. Lumampas na rin ang isang nagjojogging na retired army. Natatawa lang siya sa ginagawa niyang trip sa dalaga.

'Kuya baka pwede bilisan ng konte.'

'Wala akong insurance mas maganda na ang mabagal para safe.' pasusot si Luis. 'Tsaka hindi tayo close kaya huwag mo akong tawagin kuya.'

'Suplado mo naman. Nakikiusap na nga e. Late na kasi ako.' nakasimangot na sagot nito. 'Hindi naman kagwapuhan sobrang suplado,' ngulngol pa.

'Gwapo lang ba ang may karapatang maging suplado?' sa sandaling yon ay nakangiti na si Luis. Nawala na siguro ang sakit ng ulo kaya nabago ang mood. 'Ngayon lang kita napansin dito bago ka lang ba?'

'Kahapon lang.' si Jo-Anne.

'Komportable ka lang ba diyan? Ililipat na lang kita ng ibang tricycle para hindi ka mahirapan.'

'Ok na ako dito, pakibilisan na lang.'

'Hindi ko pa kasi naayos to kaya mabagal lang ang takbo. Sabi ko naman sayo na hindi pa ako papasada e kasi marami pa sana akong aayusin. Pinagbigyan ko lang si Aling Remy.'

'Ah ganun ba, pasensiya na. Kung alam ko lang na wala palang dumadaan dun naglakad na agad sa may kanto.' Huminga ng malalim si Jo-Anne saka muling nagsalita. ' Luis ba o Luisito ang pangalan mo?'

'Luis lang, Luisito lang kapag galit si Aling Remy. Ikaw may pangalan ka ba?'

'Meron din naman. Kaso isinisekreto lang.' bawi ni Jo-Anne.

'Siguro mabaho ang pangalan mo kaya hindi pwedeng ipagkalat.'

'Yabang mo! Dito na lang ako.' wika ni Jo-Anne.

'Natural. Divine na to e.' Dudukot pa lang si Jo-Anne ng bayad ngunit bigla humarurot na agad palayo si Luis.

'Gago talaga yon. Napaniwala ako na hindi pwedeng bilisan.' bulong ni Jo-Anne sa sarili halip na magalit ay nakangiting pumasok ng school gate si Jo-Anne. Namangha siya tahimik ngunit malalim na katauhan ni Luis.


itutuloy...

---
comment muna habang wala pang chapter II. pasensya na sa title wala akong maisip.