Skinpress Rss

Rebulto


Igagawa ko ng rebulto si Rey. Siya ang huli kong kaibigan na naniniwala sa akin. Kailanman ay hindi ko pa nasuklian ang kanyang kabutihan. Panigurado lahat magugulat.

Matitiis ko pa siguro ang hapdi ng sugat na nilagyan ng sili at asin ngunit hindi ang pag-alis ng aking pamilya. Gumawa ako ng larawan sa aking isip kung gaano sana kami kasaya.


"Magiging palaboy na ba tayo?"

Hindi ang sagot ko kay Sally pero gusto kong sumagot ng oo. Ang malalim na hugot ng hininga ay inakala kong dala ng pagod. Pero hindi pala tila nalagutan na siya ng pisi dahil sa walang katapusang paglalakad. Tagaktak ang aming pawis habang nagtatawid ng gutom sa isang stick ng banana cue.

"Uuwi na muna kami amin, Tristan. Hindi aabot ang pera natin ng isang linggo kung lahat tayo nandito." Hinawakan ko ang kamay ng aking anak. Makabubuti nga siguro iyon sa kanya kahit labag sa aking loob.

"Ihahatid ko kayo sa terminal."

"Hindi na. Maghanap ka ng trabaho at wag na ulit gagawa ng kalokohan." Binuhat niya ang dalawang bag at lumayo ng hindi man lang lumilingon. Buti pa ang holdap may babala hindi tulad ng biglang pag-alis ni Sally.


Ang akala kong munting kasiyahan ay isa palang delubyong tatama sa aking pagkatao. Ang pagsilip pala ng araw ay hindi palaging pag-asa ang dala.

"Pare, sige na." suyo ko kay Luis.

"Pare alam kong inosente ka kaso ayaw kong pag-initan. Alam mo naman ang lagay ko."

"Ikaw Jovan? Alam mo naman na si foreman ang nagpabenta ng scrap. Ako lang ang pumirma."

"Tristan, gusto ko kaso si Engineer kinausap ako kanina. Pinaalala pa ang utang ko sa kanya. Ang foreman natin hindi nya kasundo di ba?"

"Langya naman oh! Pano naman ako? Nasan na ba si Arnel?!" tukoy ko kay foreman.

"Pasensya na talaga. Pare-pareho lang tayo kailangan ng trabaho."

Pinag-impake ko ang aking pamilya matapos kong matanggap ang hatol. Kailangang wala na kami sa barracks bukas ng umaga.

Tanaw ko sa silangan ang pagsikat ng araw. Iyon ang unang pagkakataon na minasdan ko ang ganun tanawin. Maganda sa paningin ngunit hindi noon kayang magtawid ng kalam ng sikmura. Naglakad kami kung saan kami kayang dalhin ng paa. Iyon din ang araw na umalis ng aking mag-ina.

Gumuhit ako ng larawan sa aking isip. Isang larawang tumalon ang aking anak sa sobrang tuwa sa aking pagdating. Sana mangyari na.

"Nay? Si Sally? Kumusta sila." Bago ko ibenta ang aking cellphone tumawag muna ako sa aking byenan upang kumustahin ang aking mag-ina. "Hindi ko kasi macontact si Sally. Ilang araw na."

"Hindi sya umuwi dito anak. Tumawag sya na hahanapin mo nga daw."

"Ano po? Hindi ko maintindihan."

"Ako man. Nadinig ko lang na may tinatawag siyang Arnel. Kilala mo ba? "

Si foreman. Kaya pala masaya siya noong huli kaming nagkita. Kaya pala hindi mahirap humiling sa kanya. Tama siya iisa nga ang hilig at gusto namin.

Gumuhit ako ng isang larawan sa aking isip. Isang masayang pamilya. Ngunit hindi ako kasama. Sila lang.

Sabi nila nakakatakot ang multo. Lalo na ang aswang. Ang kriminal. Ang adik na nag-aamok. Parang hindi naman. Mas nakakatakot pala ang mag-isa. Ang mawalan ng purpose. Ang di mabigyan ng pansin.

Isang tapik sa balikat ang hindi ko inaasahan. Kasunod ang madiin kiskis ng siko sa aking ulo. Isa lang ang gumagawa sa akin non.

Si Rey.

Sa kanto ng Majada kami muling nagkita. Tulad ng dati. Siya lamang ang aking malalapitan. Alam kong hindi niya ako huhusgahan. Kilala niya ako mula pagkabata.

"Balita?" Simula niya. Dalawang iling ang sagot ko bago ako nagkwento.

"Kailangan ko ulit ang tulong mo." Si Rey ang nagpasok sa akin sa trabaho. May gusto din sya kay Sally pero hindi siya nagdalawang isip magparaya.

Ngumiti siya. "Basta kaya ko."

"Makikitira lang naman."

Hindi siya nagdalawang-isip at dinala ako sa pabahay ng kanilang kompanya. Barracks din iyon pero mas mukhang bahay. "Alam mo naman na wala din ako. Kaya medyo magtitipid tayo. Mabubuhay lang tayo ng ilaw kapag kakain. Bukas papakilala kita kay arki baka mabibigyan ka ng trabaho."

"Salamat talaga pare. Buti hindi mo ako tinanggihan."

"Pero alam ko na ang kaso mo ha. Sa inyo scrap lang dito materyales at gamit ang ninanakaw. Inihahagis nila yan sa bakod maitakas lang. Hindi ko alam bakit pinagpapalit nila ang pangmatagalang trabaho sa biglaang pera. Huwag na huwag kang matutukso kasi lalapitan ka ng mga yan."

"Pangako. Natututo na ko. Mahirap mailaglag ulit. Buti ka pa timekeeper na."

"Kahapon itong tolda at ilang semento ang tinakas nila. Ayaw ko na nga magtimekeeper e dalawa kasi ang trabaho."

"Pagbubutihan ko para mahanap ko ang pamilya ko."

"Nagulat ako pare. Hindi ko akalain na magagawa nila yun sayo. Kapag may extra ako tutulungan kita maghanap."

"Salamat talaga pare."

Para akong adik na lutang sa dami ng iniisip. Binalot ako ng matinding kalungkutan. Paano kung magbago din si Rey? Paano kung paggising ko nagsisisi na sya.

Hindi naman siguro.

Gumuhit akong muli ng larawan sa aking isip. Ngunit hindi tulad ng larawan ng aking pamilya. Hindi sa imahinasyon na lamang mangyayari. Isang rebulto.


Igagawa ko ng rebulto si Rey. Siya ang huli kong kaibigan na naniniwala sa akin. Kailanman ay hindi ko pa nasuklian ang kanyang kabutihan. . Ayokong magbago siya tulad ng iba kong kaibigan. Paniguradong magugulat ang lahat.

Binuhusan ko siya ng semento matapos hampasin ng pala. Hinihintay ko na lamang tumigas. Tamang tama ang sinamsam niyang tolda. May maganda akong hulmahan.

Palagay ko hindi na nya magagawang magbago.

- wakas-