Skinpress Rss

Yakap sa Puno - Maikling Kwentong Pambata



"
"Anak, baka mahuli ka na. Bumangon ka na d'yan." Hindi lamang higit sa tatlong ulit nakiusap si Mia para bumangon mula sa higaan ang anak. Ngayon ang itinakdang araw ng paaralan para dumalaw sa bahay-ampunan ang mga estudyante ng Padre Garcia Day Care Center. Karaniwang ginagawa ang pagdalaw sa ampunan bago magtapos ang mga bata.

"Ayoko naman po sumama. Wala naman po ako gagawin dun," sagot ni Jonathan habang kinukusot ang mata.


Hinaplos ni Mia ang buhok ni Jonathan kasunod ang buntong hininga. Alam niyang minsan ay matigas ang ulo ng anak kaya gusto niyang ipaunawa dito kalahagahan ng pagbisita sa ampunan. "May matutunan ka doon anak. Hindi ordinaryong pamamasyal lang ang gagawin sa bahay-ampunan. May mga bagay na dapat mong malaman at maintindihan gaya ng kawang-gawa. Mas mabuting malaman mo kung bakit may mga taong bukas sa kawang gawa."

"Kung tutuusin po swerte pa sila kasi may tirahan at kumukupkop sa kanila hindi tulad ng mga batang nasa lasangan," katwiran naman ni Jonathan.

Napabuntong hininga muli si Mia. Humigpit ang hawak ni Mia sa kopya ng mga larawan nila ng kanyang asawa nang minsan silang dumalaw sa ampunan. Ipakikita sana niya kay Jonathan kung gaano kasaya ang mga bata sa tuwing may dumadalaw. "Makinig ka anak, hindi ordinaryo ang tumira sa bahay-ampunan. Wala sigurong batang gaya mo ang pipiliing tumira doon lalo na't nahihirapan kang bumangon. Subukan mo lang. Masarap makisalamuha sa gaya nila. Madalas silang nakangiti."

"Sasama po ako kung papasyal tayo sa mall sa Sabado at bibili ng bagong sapatos para sa kaarawan ko!" Tatlong araw mula ngayon ay anim taong gulang na si Jonathan. Matagal na niyang hiling ang bagong sapatos kaya nais niyang magkaroon nito bilang regalo.

"Sige. Pero dapat may kwento ka pag-uwi mo dito." Mabilis na kumilos si Jonathan upang ayusin ang sarili habang naiwang nakangiti si Mia.


Habang nasa byahe hindi kinakitaan ng interes si Jonathan sa pupuntahan. Sa isip niya, mas masaya pa siguro kung mga hayop na lamang sa zoo ang kanilang dadalawin. Batid niyang mas maswerte siya kumpara sa mga bata sa ampunan at alam niyang hindi biro ang lumaking walang magulang. Maguguluhan lamang ang isip niya dahil pagkatapos niyang dumalaw ay wala naman siyang magagawang tulong sapagkat bata lamang din s'ya.

"Jonathan! Handa na ba ang ibibigay mong regalo sa mga bata?" usisa ng kaklase niyang si Sam. "Laruan sana ang dala ko pero sabi ni Mama damit na lang daw para matagal pakikinabangan."

"Mga lumang libro ang dala ko. Mga ginamit nating libro dati ang ipinadala sa akin ni Mama," sagot naman ni Jonathan.

"Malapit na tayo! May inihanda daw programa ang ampunan para sa atin! Sana magkaroon ako ng bagong kaibigan!"

Sinalubong ng isang kanta ang mga estudyante pagbaba nila ng sinaksakyang bus. Isang programa ang itinanghal ng mga bata sa ampunan at gayon din naman ang mga estudyante. Nagkaroon din ng salo-salo matapos ay ang bigayan ng mga donasyong gamit, laruan, damit at libro.

Habang lahat ay nagsasaya, napansin ni Jonathan mula sa bintana ang isang batang nakayakap sa puno ng mangga. Hindi niya alam kung pinarurusahan ito dahil may katagalan na ang pagkakayap nito sa puno at hindi nakikiisa sa programa. Kumuha ng pagkain si Jonathan at sinubukang lumapit sa bata. Malamang gutom na ito.


"Bakit yakap-yakap mo ang puno ng mangga?' tanong agad ni Jonathan. "Kumain ka na muna."

"Halika! Tulungan mo muna ako!" sigaw naman ng bata. Hindi man lang nilingon o pinansin ng bata ang dalang pagkain ni Jonathan.

"Ha? Anong gagawin ko?" pagtataka ni Jonathan.

"Tulungan mo akong yakapin ang puno!"

"Bakit?"

"Basta! Yakapin mo muna bago maubos ang dahon!"

"Titigil ba ang pagbagsak ng dahon kung yayakapin natin ang puno?" Naituro na sa klase ang life cycle ng puno at hindi man lamang nasabi ng guro na kasama sa cycle ang pagyakap sa puno.

"Oo! Sabi ni Mang Ruben parang tao din daw ang puno at halaman. Bagamat hindi sila marunong magsalita nararamdaman at naiintindihan nila tayo."

Naintindihan ni Jonathan kung bakit may pagkakataong kinakantahan at pinupuri ng Mama niya ang mga alaga nitong katleya. "Sino si Mang Ruben?"

"Siya ang hardinero dito. Mula noong nagkasakit siya nawalan ng tagapag-alaga ang puno ng mangga."

"Kailangan pa bang alagaan ang ganitong kalaking puno?"

"Para mas lumago. Dati may mas malaking puno pa dito. Tanda ko pa na umuulan noon, isang malakas na kidlat ang tumama sa puno! Nakakatakot! Iyak nga ako ng iyak. Sabi ni Mang Ruben kung wala daw ang malaking puno, ang ampunan ang tatamaan ng kidlat. Sinalo naman ng punong ito ang nabuwal na puno. Nanay nito ang tinamaan ng kidlat, nagawang isakripisyo ang buhay niya para sa anak."

"Nakakatakot nga! Hihigpitan ko pa ang yakap para tumigil ang pagpatak ng dahon."

"Umiiyak siguro ang puno kaya nanlalagas ang dahon. Ganitong panahon kasi nawala ang nanay n'ya. Nakakabilib. Kahit pala puno ay kayang gumawa ng ganoong bagay."

"Buti na lang nandito ka para alagaan siya! Mahirap pa naman ang mag-isa. Lalo kapag malakas ang kulog at kidlat."

"Kaya kailangan natin siyang yakapin para maramdaman niyang may nagmamahal sa kanya. Maramdamang hindi siya nag-iisa. Gustong kong ibigay ang pagmamahal na hindi na niya maradamanan mula sa magulang. Tulad ko, may mga dapat akong ipagpasalamat dahil inaruga ako ng ampunan kahit hindi nila ako kamag-anak. Ang ampunan na ang pamilya ko at ang punong ito naman ang kaibigan ko! Utang ko sa kanila ang aking buhay."

"Siguro nalulungkot siya dahil wala siyang kasamang puno dito."


"Tatlong araw ko ng niyayakap ang punong ito kaya hindi ako kasama sa programa. Ako nga pala si Andoy."

"Ako naman si Jonathan. Hindi ka napapagod sa ginagawa mo?"

"Pagod? Hindi nakakapagod ang magmahal. Pagmamahal ang nagpapaikot ng mundo sabi ng mga madreng dumadalaw dito. Kaya daw umiikot ang mundo dahil mahal tayo ng Diyos."

May naramdaman si Jonathan sa sinabi ng batang kausap. Naantig siya sa pagmamahal ng bata sa puno. Naalala niya ang kanyang mga magulang. Kahit may katigasan ang kanyang ulo ay hindi napapagod magmamahal ang mga magulang niya.


Lingid sa kaalaman ng dalawang bata ay nakatanaw ang pinuno ng ampunan at ang punong guro ng mga eskwelang dumalaw sa kanilang dalawa. Nakamasid sila sa kakatwang itsura ng dalawang batang nakayakap sa puno ng mangga.


"Pagpasensyahan ninyo na po si Andoy kung pinayakap niya sa puno ang isa sa inyong estudyante. May kakulitan ang batang iyon pero mabait naman," wika ng pinuno ng ampunan.

"Bakit nga po ba niya yakap-yakap ang puno?" usisa ng guro ni Jonathan.

"Dati may mas malaking puno pa diyan. Nagka-trauma ang bata sa kidlat na tumama sa mas malaking puno. Kung wala ang yakap ni Andoy na puno malamang nabagsakan ang kwarto niya ng malalaking sanga. Kaya malaki ang pasalamat niya sa punong iyan. Sa tuwing babagsak ang mga dahon sa puno ng mangga, natatakot siyang matuyot o mamatay ang puno kaya palagi niya itong niyayakap."

"Nakakabilib ang batang 'yan!"

Bago umalis ay ibinigay ni Jonathan ang dalang libro kay Andoy. Bukod sa pwedeng paglibangan ay maari niyang basahan ng mga kwento ang puno tulad ng ginagawa ng magulang ni Jonathan sa kanya.

Nakangiting dumating ng bahay si Jonathan. Halos hindi maitago ng labi niya ang kanyang ngipin sa saya.


"Kamusta naman? Mukhang nag-enjoy ka ah." Mahigpit na yakap ang salubong ng bata sa ina at hinalikan pa sa pisngi. "Nakausap ko na ang Papa mo. Sasamahan ka niya sa pagbili ng sapatos."

"Nagbago na po ang isip ko. Ayoko na po ng sapatos," sagot ni Jonathan.

"Ano? May iba ka ng gusto?" nalilitong wika ni Mia.

"Opo. Gusto ko pong mag-alaga ng mangga. At kapag medyo malaki na ay dadalhin natin sa ampunan."

Ikinuwento ni Jonathan ang batang nakita niyang nakayakap sa puno ng mangga. Marami siyang natutunan tulad ng pagpapahalaga at magmamahal sa mga nakapaligid sa kanya.

"Mahal ko kayo ni Papa," pagtatapos ni Jonathan.

Abot langit ang pasasalamat ni Mia sa sinabi ng anak. Matapos patuluyin sa kwarto ang bata ay masaya niyang binalikan ang mga lumang litrato ng lugar na kanyang pinanggalingan. Ang ampunan.



-wakas-





Lahok sa kategoryang Maikling Kwentong Pambata  sa Saranggola Blog Awards 4.


hatid  ng mga sumusunod