Skinpress Rss

Congrats - Isang Kwento ng Pagharot


Gumuguhit pa sa aking sintido ang tama ng emperador lights na ininom namin kagabi.
Sa dami ng boteng nakataob sa labas ng bahay ay hindi nakapagtatakang abutin ako ng tanghalian sa higaan. Kung hindi pa inaagaw ng liwanag ang magdamag na kasiyahan ay hindi pa magkapagpapasyang mag-uwian.

Hindi pa malinaw sa akin paningin ang saktong oras. Tanging ang init sa sumusunog sa aking malaporselanang kutis ang nagdidikta na kailangan ng bumangon. Una kong hinagilap ang aking cellphone para makibalita kung nakauwi ba ng maayos ang aking mga kaopisina. Sana okay naman lahat.


Congrats!?. Hindi ko alam kung magtataka, magugulat o ngingiti ako sa natanggap kong text message. Hindi ko pa nabubuksan pero bumungad na preview ng aking inbox ang madaming congrats mula sa iba't ibang tao.

Congrats ang bati ni TL. Dahil siguro lumabas na daw resulta ng revalida at pinalad kaming nakapasa. Halo-halong emosyon. Napangiti ako. Na-excite. Nabunutan ng tinik. Natapos din ang kalbaryo namin sa pag-intindi ng pag-ikot ng photocopier. Kinabahan daw si TL ng sobra dahil halos walang techie sa grupo namin. Buti na lamang nadaan sa gandang lalaki.

Congrats na may demonyo pang ngiti ang buladas ni Oscar. Malamang masaya siya para sa aming grupo dahil hindi kami magtitiis sa kapirasong kwarto na tinutuluyan namin sa may gilid ng Makati City Hall. Hindi na namin mararamdaman ang mainit na hangin mula sa electric fan. Higit sa lahat magkaroon na ng kasamang pulutan ang mga susunod na inuman.

Congats din ang message galing kay Harvey. Binati niya siguro ako dahil tatahimik na ang buhay ko. Sa wakas hindi na matotorete ang tenga ko sa mga tanong ni Harvey. Natuldukan na pag-uusisa niya kung bakit kailangang bigyan ng barya ang tumulong magbuhat ng aming maleta at pati na din ang mga tambay na naglalagay ng batong tapakan sa gilid ng City Hall sa tuwing may baha samantalang hindi naman uso ang ganun sa Batangas. Pati logic ng mas maunlad na bayan ay mas kulang ang tao sa disiplina ay inusisa. Buti na lamang satisfied siya sa sagot kong "ewan".


Congrats mula kay ermat. Hindi ko alam kung anong drama ang trip niya at talagang nagtext pa. Hindi naman niya inugali ang itext ako kahit abutin pa ako ng umaga sa ibang lugar. Kung tutuusin pagbukas ko ng pintuan ng kwarto imposibleng hindi niya ako masasalubong. Siguro dahil sa wakas mababayaran ko na ang inutang kong budget sa pag-aapply at training. May katulong na siya pagbabayad ng bill sa kuryente at mararamdaman ko na din kung bakit palagi niyang binubulyawan ang bunso kong kapatid na mas madalas pang buksan ang ref kesa kanyang notebook.


Hindi ko agad binasa ang message nila. Una kong hinanap ang baka natabunang message galing kay Magie. Napangiti pa ako nang makita ang mesage niya kahit kapiraso lamang palang smiley. :)

Isang buwan ang itinagal namin sa training. Hindi dahil slow kami kundi required ng company. Tango lamang kami ng tango sa process ng photocopying pero bagsak palagi sa exam. Alam kong delikado ako sa training kaya naghanap ako ng paraan. Mahirap ang mauwi sa wala. Mababaon ako lalo sa utang. Buti na lamang nadiscover ko na may gold sa aming grupo. Si Magie. Kaya noong mga sunod na exam pasado na ako. Nagreview ako kasama siya pero kapag medyo mahirap napipipilitan akong mangopya. Konti lang naman. Slight lang. Nagsasagot naman ako base sa natutunan ko kaya nga lang palaging mali.

Kasama sa budget ko ang merienda ni Magie. Minsan nga niyaya ko siya magkape matapos ang review. Syempre treat ko. Hindi ko alam kung bakit excited siya at nagbihis pa talaga.

"Tara!" nakangiti pa siya at hinila agad ang aking kamay.

"San?" nalilito kong tanong.

"Akala ko magkakape tayo?"

"Oo nga." Ewan ko ba kung bakit bigla na lamang sumimangot nang iabot ko ang tasa ng kape. Ayaw niya siguro ng with brown sugar. Kaya siguro nagtitimpla na ng kusa noong mga sumunod kong pagyaya.

"Alam mo ba kung ano ang masarap sa kape?" tanong ko.

"Caffeine kaya nga addictive e," sagot niya.

"Ang masarap sa kape ay iyong may kasama ka habang umiinom. Tipong kahit wala kang hilig sa kape you tend to drink kasi you want to value the time you spent together lalo na kung special ang taong iyon sa'yo."

Kung tatanungin ako kung anong natutunan ko sa aming training ang isasagot ko ay mahalin si Magie. Anong connect? Ewan ko din. Guilty nga agad ako kung may nagtatanong kung gusto ko si Magie. Ngiti pa lang obvious na. Natutunan kong magnakaw ng tingin, magtupi ng training materials para gawin flowers, magcompose ng sweet quotes, maging corny at higit sa lahat natutunan kong magmahal.

Habang ang lahat ay nagpapakalunod pa sa alak kagabi ay inihatid ko si Magie papunta sa sakayan. Hindi siya pwedeng magpaumaga bukod pa sa hindi pa kumakain ang alaga niyang poodle ay may curfew hours sa tinitirhan niyang apartment.

"Pwede mo ba akong samahan maglakad?" malambing pang request ni Magie kahit alam naman niyang handa ko siyang pagbigyan.

"Sure! Saan tayo pupunta?"

"Kahit saan. Maglalakad lang muna tayo."

Naglakad lamang kami hanggang makarating sa dulo ng subdvision. Naupo kami sa malaking bato sa tabing daan. Tumingala. Tumungo. Naglaro ng damo. Hindi ko alam ang trip niya kaya sinakyan ko na lang. Iniisip kong may problema siya at naghihintay lamang ng pagkakataong mailabas. Huwag sanang pera dahil wala din ako.

"May problema ba?" tanong ko habang kapwa namin pinapanood ang paggalaw ng buntot ng kalabaw na nakahiga sa tabi ng puno.


"Pwede mo ba akong halikan. Naguguluhan na kasi ako. Gusto kong makatiyak kung may feelings na talaga ako sa'yo. Gusto kong maramdaman kung may something na o ordinary lang. Akward 'to pero this is how I evaluate my feelings. Please keep this between us na lang."

"Sure ka?" Nadinig ko naman pero nagtanong pa din ako. Tumango siya.

Hindi ko alam kung paano hahalik na hindi naman ako lalabas na manyakis, excited, nagmamadali o maingit. Hahawakan ko ba siya? Ang mukha niya? May konti bang kagat o mild? I want it to be special. Iyong comfortable siya and maramdaman na mahal ko siya. Bahala na. Pumikit na lamang ako at nagdikit na nga aming mga labi. It went natural. Hindi mapalabok. Kakaiba sa pakiramdam. And I hope the feeling is mutual. When you kiss someone you love, it will always be special kahit may kalabaw pang kaharap.

Nagreply ako sa text ni Magie. Tapos ay binuksan ko na din ang message ng mga kasamahan ko sa opisina at ni Ermat. Napangiti naman ako. Alam na nila agad.

Lumabas ako ng kwarto at naghanap agad ng tubig na maiinom.

"Kuya congrats!" sigaw ni bunso. "Sa wakas may girlfriend ka na daw."

Tumunog ang cellphone ko. "How's your sleep, baby?" si Magie.

-wakas-