Skinpress Rss

Pink Library - Maikling Kwento


Babalik ako sa aking kinalakihang lugar bitbit ang kapirasong papel na sana ay maghahatid ng saya sa aking mga magulang kung mas maaga kong nakuha. Nakatingala ako sa matarik na daan pauwi habang nagdadalawang-isip kung kaya bang dalawin ang aking ama.

Pitong taon kong hindi nasilayan ang upuang yari sa puno ng sampalok sa may terminal ng jeep. Nakangiti ako habang hinahaplos ang detalye ng hinating troso. Napabuntong hininga. Hindi ko akalaing hihilahin pa ako pabalik ng aking paa sa lugar na itinakwil ko na.


"Alas tres pa daw ang byahe paakyat," wika ng babaeng tumabi sa akin habang ang anak niya ay nahiga muna sa kabilang upuan. "Napaaga tayo masyado."

"Oo nga po. Nagbakasakali lamang akong baka umabot sa sinundang byahe."

"Buti naman at nagkalakas ka na ng loob bumalik dito."


Isang tipikal na araw ng Biyernes ang bigla na lamang nagpabago ng aking paniniwala. Isang pangyayaring nag-utos sa akin na ilagay ang mga damit sa maletang nakatago sa ilalim ng kama. Isang sitwasyon na bumura ng lahat ng galit sa aking dibdib. Nasa may pintuan na ako nang maisip kong balikan ang papel na naging dahilan ng aming alitan. Ang papel na sana ay kinuha ko lamang sa loob ng apat na taon na sa halip ay naging anim. Ang aking diploma. Hindi pa siguro huli upang humingi ng tawad.

"San Miguel Rural Bank, Loans Department magandang hapon." Mula pa kaninang umaga puro reklamo ang natanggap kong tawag. Uuwi na sana ako nang bigla na lamang muling tumunog ang teleponong gusto ko ng buhusan ng kape.

"Magandang hapon. May natanggap akong sulat tungkol sa redemption para sa aking pagkakautang. Maari mo ba akong bigyan ng kwenta ukol dito?"

"Bago po tayo magpatuloy, maari ko bang malaman ang inyong pangalan?"

"Mary Jane Bermudez."

"Ma'am Bermudez, maraming salamat. Ako naman po si Randy. Titingnan ko po sandali ang inyong balanse para mabigyan ko kayo ng angkop na sagot."

Napailing na lamang ako nang makita ang pagkakautang ng kausap ko sa telepono. Higit na sa dalawang taong hindi nahulugan, walang tugon sa mga naunang sulat na ipinadala tungkol sa atrasadong pagbabayad at umabot pa sa pagkaremata ng lupa nilang tinitirikan. At ngayon bigla na lamang susulpot para sa isang redemption o palugit bago tuluyang paalisin sa lugar.

"Tawagin mo akong Miss Jane. Miss Jane ang tawag sa akin ng mga dati kong estudyante. Gusto kong maalala ako sa pangalan na iyon."

"Miss Jane, makabubuti pong mag-usap po tayo ng personal bukas tungkol dito."

"Medyo malayo ang bangko kung pupunta ako diyan. Hindi ko pa kaya ang mahabang byahe."

"Ako na lamang po ang pupunta sa lugar ninyo bitbit ang mga papeles."

"Maari mo akong puntahan sa St. John College tutal mag-aayos ako ng retirement. Magkita na lamang tayo doon matapos ang tanghalian."


Hindi na ako nagdalawang-isip puntahan si Miss Jane kinabukasan. Bagamat may kalayuan nga ang byahe ay pinilit kong puntahan. Magandang pagkakataon para takasan sandali ang stress na sumasalubong sa akin sa opisina. Tinapos ko muna ang kailangang papeles bago ako nagtungo sa eskwelahan.


"Magandang araw, nandyan po ba si Miss Jane?" bati ko sa guwardya sa may lobby.

"Sino po sila? Itatawag ko lamang po sa opisina," tugon naman ng guwardya.

"Randy Villegas. Sa Rural Bank pakisabi."

"Pumunta na lamang daw po kayo sa kanyang opsina sa library." Itinuro ng guwardya ang daan papunta sa aking pakay. Nakakatawang ang buong paaralan ay dinodomina ng sagisag nitong kulay berde pero ang silid-aklatan ay nag-iisang kulay rosas. Hindi man lang umangkop ang kulay nito sa tingkad ng katabi nitong gusali.

Sinalubong ako ng ngiti ng aking kausap. Wala pa sa kanyang itsura ang pagreretiro. Iniabot ko sa kanya at ipinaliwanag ang kwenta ng kanyang pagkakautang pati na din ang mga posibilidad kung hindi mabayaran ang halaga sa takdang araw.

"Plano kong ibayad ng buo ang makukuha ko sa aking pareretiro. Mahirap mawalan ng tirahan. Ayokong pulutin kaming mag-ina sa lansangan."

"Bakit po ba bigla na lamang napatigil ang inyong paghuhulog?"

"Namatay ang asawa ko kaya hindi nahulugan ng maayos. Isa pa, ginamit talaga ang pera upang pangtustos sa pagpapagamot niya. Hindi naman kaya ng aking sweldo bilang librarian ang buwanang hulog sa bangko. Naisip kong ang pagreretiro ang pinakamabisang sagot. Malaki din kasi ang matatanggap ko."

Hindi ako makahugot ng tamang salita para sa aking kausap. Mahirap maipit sa sitwasyong ganito lalo kapag nangingibabaw ang awa sa policy ng bangko. "Babalik na lamang po ako kapag naihanda n'yo na po ang mga kailangang papeles para maasikaso ko ng mabilis ang inyong redemption."

"Maraming salamat, Randy. Buti hindi ako nag-alinlangang tawagan ka noong matanggap ko ang sulat. Samantalang ang mga naunang paalala ay hindi ko man lamang naisip buksan. Hulog ka ng langit sa akin."

Ngumiti na lamang ako. Kung tutuusin simpleng bagay lamang at bahagi ng trabaho ko ang aking ginawa. Bumalik ako ng bangko pagkatapos naming mag-usap. Pinag-aralan kong mabuti ang magandang payment option kung hindi kaya ng isang bayaran.

May mga pagkakataong tinatawagan ako ni Miss Jane sa opisina. Bukod sa pagkakautang ay pinag-usapan din namin ang pamilya. Ang pagmamahal niya sa kanyang anak at pag-alis niya sa St John. Naikwento ko din ang sama ng loob ng aking ama. Ang pagloloko sa pag-aaral dahil sa ipinilit ang kursong hindi ko naman gusto at ang pagtakas ko sa obligasyon bilang anak.

"Randy, ang buhay ay parang aklat kapag nasira pwede ulit ayusin. Kahit umabot sa puntong akala mo wala na itong silbi mauusisa mo sa bandang huli na may mga bagay kang natutunan mula dito. Huwag mong isara ang aklat ng buhay mo. Hayaan mong maging makabuluhan ang bawat pahina nito."

Sa bawat araw may sundot sa puso ang sinasabi ni Miss Jane. Hinanap ko bigla ang kalinga ng magulang na matagal ng nawala. "Paano po kung hindi ako tanggapin? Kung ang bawat bakas ko ay ikahiya nila?"

"Kailan mo huling sinubukan?" Umiling ako. Natatakot ako. "Huwag kang matakot sumubok. Kahit ang pinakamahinang bata ay hindi natakot tumayo."

“Pag-iisipan ko pong mabuti ang mga sinabi ninyo. Marami pong salamat.”

“Pasensya ka na kung medyo makulit ako. Naiinip kasi ako  dito sa bahay. Sa’yo napalagay ang loob kong makipagkwentuhan lalo pa’t gabi madalas ang pag-uwi ng aking anak.”

“Naku! Napakaswerte ko nga po at nakilala ko kayo.”


Tatlong araw pa ang lumipas nang bigla kong naramdamang parang may kulang. Wala na ang tawag sa teleponong madalas kong abangan bago mag-uwian. Ang mga salitang umaalis ng pagod ko sa buong araw na trabaho. Ang mga kwento, buhay at pagkakahalintulad nito sa mga aklat. Pinalipas ko pa ang ilang araw bago ako muling bumalik sa eskwelahan. Walang sumasagot sa numerong ibinigay sa akin ni Miss Jane kaya napagdesisyunan kong magbakasakali sa St John.


"Nandyan po si Miss Jane?" tanong kong muli sa guwardya.

"Ilang araw na po siyang hindi dumadaan dito. Baka po nasa ospital."

"Ospital?" nalilitong tanong ko. "Anong sakit niya? Wala siyang nabanggit sa akin."

"May breast cancer po si Miss Jane. Nakakaawa nga po. Parang dominong itinumba ng kanser ang kanyang pamilya. Buti na lamang may isa pa siyang anak na tumulong sa kanya. Scholar iyon at nagtatrabaho para ang pera niya mula sa scholarship ay maibigay kay Miss Jane."

Hindi agad ako nakagalaw sa sinabi ng guwardya. Nakakagulat. "Higit isang oras kaming magkausap ni Miss Jane sa bawat araw hindi man lng niya nabanggit na may sakit siya. Nakakaawa naman."

"Alam ng lahat ng estudyante at empleyado ang kalagayan niya. Kaya nga kulay pink ang library bilang suporta sa kanya. Para maramdaman niyang hindi siya nag-iisa."

Napailing na lamang ako. "Kailan pa?"

"Matagal na po. Higit isang taon na. Mahal siya ng mga tao dito. Sa katunayan ang ang mga nanay ng estudyante dito ay nag-aagawan ng oras makausap lamang siya. Kwento pa nga ni Miss Jane hindi niya naranasan mawalan ng pagkain sa ref kahit hindi naman siya namimili. Iba kasi siya. Hindi mo iisipin na may sakit! Ang pagkakamali para sa kanya ay isang positibong bagay dahil ito ang tutulong umangat ang isang tao."

Napalitan ng paghanga ang awa ko kay Miss Jane. Sa bandang huli hindi pera ang susukat ng pagkatao kundi pakikisama. Tipong ibang tao na ang kikilos para sayo ng walang kapalit na hinihingi.

"May isa pa akong napansin. Nagkataon lang bang ganyan ang uniform nila kapag Biyernes?"

"Wash day po ang Friday. Maari po nilang suotin ang gusto nila basta hindi labag sa policy ng eskwelahan. Kagustuhan na lamang po ng mga estudyante na magsuot ng pink bilang suporta kay Miss Jane."

Tinapik ko ang guwardya bago umalis. Bahagya pa akong napangiti nang mapansing pati ang sumbrero niya ay kulay rosas. May mga taong kakatok sa buhay natin na kung hindi patutuluyin ay hindi malalaman ang kahalagahan nito.



"Magbabayad po," wika ng babaeng bigla na lamang sumulpot sa aking harap. Hindi ko man lang napansin ang kanyang pagdating.

"Pangalan po nila?" tanong ko. "Alam ninyo po ba ang inyong account number?"

"Kay Mama po. Mary Jane Bermudez."

"Miss Jane? Kumusta siya?!" Napatayo ako sa aking upuan at buong siglang hinarap ang babaeng hindi ko man lang tinapunan ng pansin kanina.

"Nagpapagaling na po siya.” Ngumiti ang babae. “Positibo naman po ang resulta ng huling gamutan. Hindi na niya kailangan pang manatili sa ospital o magpa-chemotherapy."

"Saglit lang ha. Ihahanda ko lamang ang papel. Kailangan niyang pumirma para sa Cancellation of Mortgage."

Nakangiti ako buong araw matapos ang dalang balita ng anak ni Miss Jane. Gusto ko siyang makita. Gusto ko siyang dalawin. Hindi ako mapakali. Tila pinaglalaruan ako ng kamay ng orasan at lalo nitong binabagalan ang kilos. Pagpatak ng alas singko ng hapon mabilis pa ang lakad ko sa naiihi. Hindi na ako nagdalawang isip pang dalawin si Miss Jane.


"Noong nalaman kong may cancer ako, akala ko tapos na. Wala na. Pero hindi pala. Para ngang blessing pa. Kung hindi ako nagkasakit hindi ko malalaman na marami palang nagmamahal sa akin. Hindi ko naramdamang nag-iisa ako. Ang anak ko? Natatawa nga ako kasi gaya mo siya. May katigasan din ang ulo at pinag-awayan namin ang kursong gusto ko para sa kanya. Tapos nitong nakaraan nabalitaan kong nagpatattoo siya sa dibdib."

"Ma, ibuking pa ba?" reklamo ni Abby.

"Siguro po ang pagpapatattoo ang hindi ko kayang gayahin. Takot po ako sa karayom," pagbibiro ko pa.

"Iyon nga din ang iniisip ko tapos kababaeng tao may tattoo sa dibdib. Pero noong nakita ko ang tattoo niya, naiyak na lamang ako. Pangalan ko at isang maliit na pink ribbon sa ibabaw. Tiniis niya daw ang sakit dahil alam niyang mas masakit pa ang pinagdadaanan ko."

Napatingin ako kay Abby. Naramdaman ko ang aking mga pagkukulang sa aking mga magulang at kapatid. Natakot ako sa obligasyon, sa kanilang mga inaasahang hindi ko kayang ibigay at pagtupad ng pangarap ng aking ama kapalit ang kaligayahan ko. Ang luhang kanina ko pang pinipigilan ay bigla na lamang gumawa ng sariling daan sa aking pisngi.

“Subukan mo. Ito na ang tamang panahon Randy.” Ikinulong ako ni Miss Jane sa kanyang na parang isang anak. Pinatahan. Inunawa.

Buwan pa ang lumipas bago naaprubahan ang aking bakasyon. Bitbit ang aking diplomang pupuno sa bakanteng pako sa dingding ng aming bahay ay napagpasyahan kong umuwi.

"Miss Jane, tara na po. Sakay na po tayo." Magkahalong kaba at pananabik ang nararamdaman ko sa aking pag-uwi.

Sinalubong akong ng mainit na yakap ng aking mga magulang. Kahit hindi na ako magsalita alam kong nakamit ko na ang pagpapatawad. Tama si Miss Jane hindi dapat ako natakot sumubok. Kung hindi ako nagkamali hindi ko mauunawaan ang tama. Hindi ako matututo. Sinimulan ko ng buksan ang panimulang bahagi ng aklat ng buhay ko kasama ang mga taong mahal ko. Ipinakilala ko si Miss Jane sa aking mga magulang at mabilis naman nilang nakagaanan ng loob.

Kumuha muna ako ng bwelo bago ko ipinakilala ang anak ni Miss Jane. "Itay, si Abby po, girlfriend ko." Tumango si itay kasunod ang matamis na ngiti.



-wakas-



Lahok sa kategoryang Maikling Kwento  na may temang Lakbay sa Saranggola Blog Awards 4.


hatid  ng mga sumusunod