Skinpress Rss

Kandila


Upos na ang huling kandilang itinirik ko sa vigil room bago ako tuluyang umalis sa simbahan ng Baclaran. Unang beses ko iyong sinubukan at hindi ko akalaing magagawa ko. Pagtapos kumain bigla na lamang pumasok sa isip kong dumaan at magtirik ng kandila. Hindi ako humiling, nagdasal, humingi ng tawad o nagpasalamat. Tila naglalaro lamang ako habang tinitiis ang init ng paligid.

Paglabas ko ng simbahan saka ko naunawaan kung bakit ako tumagal sa loob sa kabila ang init ng paligid. Hindi lamang higit sa isang daan ang naglalarong apoy kaya hindi nakapagtatakang pagpawisan ako. Ilang taon na din pala akong naglalaro sa apoy at niyakap ang init na dala nito. Batid kong unti-unting nasusunog ang binuo kong masayang pamilya dahil sa pagkalibang na hatid ng apoy.



Nag-aabang na ako ng bus nang biglang may nilipad na papel sa aking harap. Nakakaengganyo ang nakasulat kaya hindi ako nagdalawang isip damputin. Hindi ito nag-aalok ng pagyaman, pangingibang bansa, trabaho, produkto o pagpapautang. Nakaimprenta dito ang salitang "ALAM KONG MAY PROBLEMA KA." Pagdampot ko ng papel isang lalaki ang nakangiting umalis matapos makitang pinulot ko ang papel.

"7th Street, Sto Nino, Paranaque. Magtanong sa eksperto." pabulong kong pagbasa. Psychologist siguro. Wala man lang ibang detalye.

Para akong na-hipnotized na sumunod sa nakasulat sa papel. Wala man lang akong idea kung ano ba ang pupuntahan ko. Sumakay ako ng byaheng Sucat at bumaba sa may Duty Free matapos ay sumakay sa tricycle papunta sa 7th Street ng Sto Nino. Ang malaking talang pula ang naging palatandaan ng bahay na aking dapat pasukin.

"Pasok ka," anyaya ng babaeng nakapwesto sa may pintuan. "Hinihintay ka na niya."

Naguluhan ako sa sinabi ng babae. Nakapagtatakang may naghihintay na sa aking pagdating. Madilim ang paligid at ang nag-iisang kandila ang nabibigay ng liwanag sa kabahayan. Inaasahan kong isang manghuhula ang sasalubong sa akin. Taliwas sa inaasahan kong psychologist. Mahina na siguro ang kita kaya gumawa na din ng gimik at ako ang minalas na biktima.

"Humina na ba ang inyong pananampalataya kaya itinulak ka dito ng iyong kapalaran?" wika ng lalaking hindi nagpapakita ng mukha. Hindi man lang nito nakuhang humarap sa akin at magpakilala. Nanatili itong nakatalikod habang nagsasalita.

Walang sinuman ang pwedeng kumuwestyon ng aking pananamplataya. Wala ng karapat-dapat maging santo sa panahon ito. "Isang pagkakamali lamang ang pagpunta ko dito." sagot ko sa lalaki.

"Kung isa man itong pagkakamali, dinala ka dito ng iyong problema. Nasa simbahan ka na pero pinili mo pa ding pumunta dito." Hahanga na sana ako dahil nahulaan niyang galing ako ng simbahan pero naalala kong may isang lalaking nakangiti kanina. Marahil kasabwat ang lalaki at sa Baclaran lamang ipinamimigay ang papel. "Magkasalungat ang pwersa sa simbahan at dito pero kapwa nangangailangan ng pananampalataya."

"Aalis na po ako. Pasensya na po." Hindi ko nagustuhan ang ginagawa niyang pakikialam sa aking pagkatao na parang alam niyang lahat.

Naglakad na ako palabas nang biglang tumayo ang lalaki. "May problema ka sa pag-ibig. Nasisira na ang iyong pamilya at hindi maalis sa sistema mo ang iyong kalaguyo." Natigilan ako. "Lahat ng pumunta dito ay may problema. Lahat hindi nakangiti. Puno ng galit, inggit, lungkot at pagdurusa. Ang kwartong itong ang simbolo ng lahat ng iyon."

"Paano mo nalaman?"

"Sinabi ng mga kilos mo. Bibigyan kita ng limang minuto para mag-iisip. Maaring mong lisanin ang lugar na ito o manatili."

Hindi ko na tinapos ang limang minuto at agad akong nagdesisyon. Tila mapang-akit ang mga salita ng lalaki. Walang nakakaalam ng aking sitwasyon. "Pipiliin kong manatili. Anong kailangan kong gawin?"

"Ilagay mo sa kahong ito ang bagay o gamit na galing sa taong nais mong manatili sa buhay mo." Hinubad ko ang aking relo at inilagay sa kahon. "Tandaan mo ang desisyon mo ay pinal na at hindi na pwedeng bawiin."

"Nakapili na po ako."

"Pumikit ka at humiling sa kahon. Maging maingat sa iyong kahilingan."

"Anong sunod kong gagawin?"

"Maari ka ng umuwi. Paggising mo bukas ng umaga mawawala na ng iyong problema." Pumasok na ng kwarto ang lalaki at agad nitong isinara ang pinto. Naloko na. Ang relo ko ang naging kabayaran sa aming usapan. Naisahan nga yata ako.

Sinalubong ako ni Raisa ng mainit na halik pagpasok ko ng apartment. Naglaro ang kanyang kamay sa aking dibdib at mapanuksong inalis ang butones ng aking polo. Habang akong tila bampirang uhaw sa dugo at malayang naglaro sa kanyang leeg. Dama ko ang hubog ng kanyang katawan. Napapaliyad siya sa tuwing magpapakawala ako ng mainit na hininga. Tila kami ay mga ulol na hayop sa tuwing magdidikit ang aming katawan. Ang malakas na ulan sa labas ang naging musika sa isang tagpo ng kataksilan.

"Hello?" Isang tawag sa telepono ang gumising sa akin.

"Papa, bakit hindi ka na naman umuwi?" tanong ni Jacob.

"May tinapos lamang sa opisina. Mamaya uuwi na ako."

"Anak mo?" tanong ni Raisa. "Hanggang kailan mo ako itatago, Albert?"

"Kumukuha lamang ako ng tyempo. Hindi pwedeng biglain ang bata."

"Bata? O si Chana?"

"Raisa... Napag-usapan na natin ito, okay? In fact, alam na ni Chana na wala na akong nararamdaman sa kanya."

"Mabuti ng malinaw. Nasaan ang binigay ko sa iyong relo?"

Biglang pumasok sa isip ko ng lalaking nakaisa sa akin. "Nabasag. Pinapagawa ko."

"Nabasag? O naiwan mo sa bahay ng asawa mo?"


Biglang tumunog muli ang aking phone. "Teka.." Naglakada ako palayo kay Raisa para maiwasan ang pagtatalo. "Hello. Jacob, pauwi na ako.."

"Papa, si Mama." Garalgal ang boses niya ... Papa.. Umuwi ka na. Mamaaa.. Paapaaaaaaaaaaa..."

"Bang!" Isang putok ang nadinig ko sa loob.

"Calm down, Jacob. Calm down. Anong nangyari?! Anong nangyari!!"

"Pinauuwi ka na ng anak natin, Albert."

"Bang!"

"Chana! Anong ginawa mo?! Chana!"

Wala na akong dinatnang buhay pag-uwi ko ng bahay. Umiiyak ako pero wala ng luhang tumutulo. Walang boses na kumakawala. Ito ba kapalit ng hiniling kong kalayaan? Dahil pinili ko si Raisa mawawala na si Chana at Jacob? Ito ba ang sinabi ng matandang pinal na at hindi ko na maaring buguhin o bawiin? Kamatayan ba ang sagot sa problema?

Bumalik ako ng 7th Street matapos ang libing. Gusto kong magreklamo sa mga bagay na hind dapat nangyari. Hindi kamatayan ang gusto ko. Subalit nakakandado na ang gate pagbalik ko.

"Excuse me po, nasaan na po ang dating nakatira dito?" tanong ko sa babaeng dumaan.

"Ah, umalis na po. Wala na po kasi ang perya. Isa din po ba kayo sa naloko ng matanda?"

Pumunta ako ng Baclaran at nagtirik ng kandila. Nagdasal ako, humingi ng tawad at nagsisisi. Umalis ako na hindi man lang sinindihan ang kandila. Hindi na ako naakit sa apoy.

-wakas-