"Dati pulubi ka lang, ngayon magnanakaw ka na!" sigaw ng tiyahin ko habang nagbubukas ng tindahan.
"Hindi naman talaga ako ang kumuha ng pera. Sawa na akong magpaliwanag. Bakit hindi mo tanungin ang mga anak mo?! Hindi na mabilang kung ilang beses akong pinagbintangan sa mga bagay na alam naman niyang mga anak niya ang gumawa.
"Sinasabi ko na nga ba walang mangyayari sa pag-ampon ko sa'yo. Iyang tatay mo kasi mapilit. Wala kang kwenta tulad ng nanay mong puta!"
"Tama na! Tama na!"
Mahirap talagang kalaban ang katotohanan. Kahit wala kang ginagawang kasalanan ibabalik sa'yo ang mapait na nakaraan. Mahirap lumaki sa anino ng pagkakamali. Kung may pupuntahan lamang ako malabong magtiis ako dito.
Bukas siyam na taon na mula ng inilipat si tatay mula city jail papuntang Muntinlupa. Hindi ko na siya nadalaw mula noon. Swerte ngang magkalaman ang bulsa ko kaya kahit sulat ay hindi ko magawa. Kaya ang kasalanan ang aking mga magulang ay siyam na taon na ding bangungot sa akin. Daig ko pa ang ulila.
"Malandi naman talaga ang nanay mo. Baka nga sa ibang lalaki ka niya. Siguro sinambot lang ng kapatid ko ang pagbubuntis ng nanay mo! Magnanakaw ka e. Wala naman sa lahi namin 'yon."
"Huwag na sanang madamay ang magulang ko dito! Hindi ako nagnakaw ng kahit ano!"
"Kaya siya napatay ng kapatid ko 'di ba? Sa sariling bahay pa kumati."
Noong una kaya ko. Natitiis ko. Dadalaw lang ako sa city jail mauunawaan ko na lahat. Ipapaliwanag lamang sa akin ni tatay na kailangan kong magtiis at maghintay sa muli niyang pagbalik. Sumunod lamang ako kahit hindi ko naiintindihan.
"Wala akong ginagawang masama sa inyo. Nasusuklian ko ang pagkupkop ninyo sa akin."
"Bastos ka! Nangangatwiran ka talaga! Manang mana ka sa--"
Sa paglubog ng araw iba na ang takbo lahat. Hindi na ako binubulyawan ng aking tiyahin. Sana noon ko pa ginawa.
"Kaso mo?" wika ng isang bilanggo sa city jail.
"Murder," maikling sagot ko..
"Mabigat 'yan! Mabubulok ka sa Munti nyan kapag napatunayan!"
"Ayos lang.." Wala akong pinagsisihan sa ginawa ko. Mas tatahimik siguro dito ang buhay ko at may pag-asang magkita muli kami ng tatay ko. Hindi na muli akong matatawag na ulila.
-Wakas
image credit to orig uploader