Skinpress Rss

A McFloat and Fries Story



Mas gugustuhin ko pang panoorin ang mga langgam na nagpupumilit buhatin ang nahulog na fries sa sahig kesa makinig sa mga kwento ni Pam. Willing naman akong mag-aksaya ng oras sa kanya kahit sa pinakasablay na bagay pero nakakasawa naman kung paulit-ulit.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko!"

"Pam, 6 months na kayong hiwalay ni Pong hindi mo pa din alam?"

"Eh bigla kasing pumasok sa isip ko e."

Mas okay pa nga ang alaga kong pusa. Kapag nasaktan nang minsan nadadala na. Pero si Pam lahat kami sa barkada sumuko na sa kanya.

"Kailangan ko ng payo mo, please. Tsaka I need you kasi alam kong kaya mo akong pangitiin. Iiwan mo ba ako ng malungkot dito." Sa mga ganitong sitwasyon OA na ang mata niya.

Payo? Wala naman pwedeng ipayo dahil hindi ko pa naranasan ang pinagdadaanan niya. Busy ako sa panonood ng anime noong teenager ako kaya hindi ako dumaan sa stage ng pagharot. Ang pinakamasakit na sigurong pangyayari sa buhay ko ay noong tulian ako ng tiyuhin ko na dahon lang ng bayabas ang anesthesia.


"Nasa isip mo lang kaya nalulungkot ka. Naiisip mo ba siya kapag may exam? Nakikita mo ba ang itsura niya tuwing aatakihin ka ng constipation?"


"Hindi. Kaya nga gusto kitang kasama. Hindi ka nauubusan ng salita para palakasin ang loob ko. Tapos napapangiti mo pa ako kahit tutulo na ang luha ko." Kaya lang naman ako sumasama kasi alam niyang weakness ko ang Mcfloat at fries.

Hinayaan ko lang siya magsalita dahil alam kong si Pong na naman ang topic. Memorize na nga ng lahat ang dialog. Kesyo seven years sila kaya hindi basta malilimutan. Mas masakit pa din daw sa pagkakauntog niya sa ilaw ng jeep kanina.

"Kahit mukha na akong tanga, sinasabi mo na okay lang iyon kasi lahat naman ng tao dumadaan sa stage ng insanity paminsan." Oo nga sinabi ko iyon pampalubag ng loob niya para hindi naman mandiri ang mga kumakain sa kakasinghot niya ng sipon. Pero hindi ko naman sinabingg i-enjoy ang insanity. Hindi na ako magtataka kung naglalakad siya sa kalsada at nagsasalita mag-isa habang may bitbit na pusa.

"Salamat sa pagdamay mo ha?"

"Kumain nga lang ako e. Kaya okay lang na palagi ka ganyan."

"Palagay mo anong dapat kong gawin?"

"Ako na lang kasi ang mahalin mo." Kumagat ako ng fries saka hinigop ang mcfloat.

Tumitig siya sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko saka pinisil. "Ikaw talaga! Seryoso ang usapan bigla ka na naman magbibiro!"

"Oo nga nabibiro ako." Sana nagbibiro nga lang ako. "Comedian ako 'di ba?"

Bukas o sa makalawa mauulit na naman ang lahat. Mas gugustuhin ko pang panoorin ang mga langgam kesa umasa.

-wakas

#basag

photocredittotheoriguploader