Skinpress Rss

Sundalong Kanin


"Mabait ang batang 'yan, hindi naging sakit ng ulo ng magulang," wika ng babaeng sumalubong sa aking sa may pintuan. Tinapik pa ng kanyang asawa ang aking balikat bago inalok ng upuan.

"Ay tunay ka! Iba talaga kapag napalaki ng maayos. Ang bata kasi kapag maayos na napalaki sila mismo ang mahihiyang gumawa ng kasalanan," ayuda ng isa pa.

"Sinabi mo pa! Ang mga apo ko palibhasa bigay-luho ang mga magulang, ayon kahit simpleng pagwawalis ay ipagdadabog pa. Parang mababalian ng buto kung hahawak ng tambo!"

Simula pa kanina ay magagandang salita na ang nadidinig ko sa mga taong papasok ng eskinita. Mga papuri na talagang nakapagpapataba ng puso. Bilang sa daliri ang kakilala namin sa lugar kaya nakamamangha ang buhos ng sa bahay.

Naupo ako sa pangalawang upuan malapit sa kanila. Kaharap ko ang dambuhalang larawan. Inikot ko ang aking mata sa paligid, binati ang ilang kakilala at ngitian ang aking tiyahin at mga pinsan. Wala pa ding ipinagbago bahay mula noong huling uwi ko. Makintab pa din ang pulang semento na madalas naming gulungan noong mga bata pa kami. Nakasabit pa din sa dingding mga medalyang natanggap mula elementarya. Ang makinang panahi na itinuring naming barko noong mga bata kami ay hindi pa din natitinag sa dating pwesto. Nasa frame pa din ang picture namin na may kaserola sa ulo. Sundalong kanin pa nga ang tawag sa amin noon.


Lumabas ako ng bahay at binati ang mga dating kaklaseng nagtipon-tipon sa mahabang lamesa. Medyo mainit din kasi sa loob. Namula pa ako dahil nakangiti sa akin ang babaeng naging dahilan ng aking unang pag-iyak at pagkabigo.

"Kamusta?" paunang bati ni Irene. "Big time na ba? Tagal mong hindi umuwi ah."

"Nagmove-on lang kaya hindi umuuwi," pagbibiro ko. "Ilan na anak mo?"

"Dalawa na. Ikaw?"

"Wala pa. Wala kasi akong makitang tatapat o hihigit sa'yo."

"Kaya walang sumeseryoso sa'yo e! Hindi alam kung kailan ang biro o totoo."

"Aba lagi naman akong pangseryosohan! Sino ba naman tao ang gusto ng lokohan?"

"Pinsan dalaw tayo minsan sa kanila para makaliskisan ang asawa niya," singit ni Don.

"Sa sunod na uwi ko. Dalhin pa natin ng bulaklak. Mas malaki pa sa nasa loob."

"Loko!"


Mahaba ang kwentuhan ng grupo. Naputol lamang noong dumating ang aking tiyahing naghatid ng pagkain at maiinom sa bawat mesa.


"Matagal kaming walang balita sa'yo ah. Sino nagbalita sa'yo?" usisa ni Edgar.

"Si pinsan. Nagulat nga ako e."

"Buti pinayagan ka umuwi."

"Pinilit ko talaga. Sayang si Roel kung alam kong hanggang d'yan na lang tinuruan kong mambabae iyan..."

"Gagaya mo pa sa'yo! Ikaw talaga oh!"

"Parang may bitterness ka, Irene? May asawa ka na ah!"

"Wala no! Sobrang layo mo lang talaga sa kanya."

"Isang dugo lang ang meron kami. Magpinsan e. Nagkataon lamang na broadcast ang kabaitan niya ang aking pasekreto lamang."

"Hindi mo talaga masasabi kung hanggang saan ang life line."

"Kaya purihin mo na ako habang andito pa."

Patuloy pa din ang dagsa ng mga tao sa paglipas ng oras. Patuloy pa din ang bagsak ng papuri na sana ay nasabi nila noong nabubuhay pa si pinsan.




-wakas-

Fiction

Writing Challenge

Go to a room. Or a certain place. It can be outside a building or inside one. Now observe your surroundings. Then tell us what you see: the colors, the smell, the sounds, the emotions. . . Your perceptions of the place. What do you feel about your surroundings? How about the people?

Show us. Tell us. In 200 words or more.