Skinpress Rss

valentine's date


Ang katabi kong babae ay may sinusulat sa malaking pusong ginupit sa pulang kartolina. Hindi iyon para sa asawa o kasintahan. Hindi tungkol sa pag-ibig at lalong hindi tungkol sa nabigong relasyon.

Mabagal bago nasundan ang unang talata dahilan upang mabasa ko ang mga salita. Ang sunod-sunod na hikbi ang nagpapabigat sa kanyang panulat. Ang luhang dumadaloy sa kanyang pisngi ang lalong nagpasidhi ng aking pag-uusisa.

Ang hawak kong bulaklak ay tila naiinip, pilit itong kumakawala at nais sumama sa hangin. Hindi siguro komportable sa ginagawa kong pagbabasa ng palihim.


Ang sulat ay paghingi ng tawad sa mahal niyang ina. Kung nakapagsalita man siya ng laban sa kagustuhan ng magulang ay matagal na niyang naitama at pinagsisihan. Alam niyang hindi siya deserving maging anak sa isang ulirang ina. Mas pinili niyang tumakas at tumalikod sa pangarap ng mga magulang. Tanong niya sa ina, nasasaktan pa ba ang lumuha na ng dugo? Sumusuko pa ba ang lumakad ng paluhod? Dahil sa kabila ng kahihiyang dala niya sa pamilya, pang-unawa at mainit na yakap ang salubong ng ina. Dala ng kahihiyan kaya mas pinili umalis at magpakalayo.

Nangako siyang babawi. Itutuloy ang mga pangarap ng magulang at taas noong haharapin ang naunang tinalikuran.


Ibinaba ko ang hawak kong bulaklak sa kapirasong bato. Inabutan ko siya ng tissue at bumulong ng mahina sa hangin. "Kaya tayo nandito dahil tayo ay nagmamahal. Hindi pa man tayo pumupunta dito ay napatawad ka na niya. Alam ko dahil ilang beses niya iyong sinabi sa harap ko."

"Mahal na mahal ko si inay," mahinang tugon niya.
Sinindihan niya ang hawak na puso at sabay namin hiniling, "sumalangit nawa ang iyong kaluluwa, mahal naming ina."